Ang mga Elepante ng Lipunan Isang mapagpalang araw sa lahat. Mapalad ako at nakatuntong sa entabladong ito, mahawakan ang mikropono at mabigyan ng pagkakataong makapagsalita ng mga nais kung ibahagi sa aking kapwa mag aaral at mga butihing guro. Tayong mga Pilipino ay nahaharap sa napakaraming krisis. Namumuhay tayong salat sa mga pangunahing pangangailangan upang tayo ay mamuhay ng matiwasay. Taon-taon ay lumalala ang problema ng ating bansa na hindi masolusyunan dala ng kahirapan. Ang pangunahing dahilan nito ay ang mga korap na opisyal ng gobyerno. Ang pagnanakaw sa kaban ng ating bayan ay ginawa na nilang hanapbuhay para tustusan ang kanilang maluhong pamumuhay. Ang perang para sana sa ikauunlad ng mamamayang Pilipino, ay napupunta lamang sa sariling bulsa ng mga opisyales na gahaman, kung kaya naman mas ramdam natin ang bigat ng buhay. Sana natutugunan nila ang mga mamamayang halos wala nang makain dahil sa kawalan ng mapapasukang trabaho. At hindi ang walang kwentang pagpapalit ng liriko ng Lupang Hinirang. Sana naaaksyunan nila ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng bilihin at hindi puro sisihan kung kaninong kasalanan at bangayan ng englisan masabi lang na sila’y matalinong nilalang, kaiba sa karamihan. Sana’y nakita nila ang mga guro ng Aklan at ng iba pang lalawigan na tumatawid ng labin apat na ilog, naglalakad ng dalawang araw makapagturo lang sa liblib na bayan, pilit inaabot ang mga kamay ng kabataang gustong matuto at magkaroon ng pagbabago. Ito ang tunay na serbisyo-publiko at hindi puro pagpapasarap sa malalamig nilang mga sasakyan at magbakasyon kung saan saan. Maraming mga pagkakataong nasasayang dahil nakukuntento tayo sa buhay na ating kinagisnan. Bakit ba hindi tayo makaahon-ahon sa lugmok na ating kinalalagyan?
Bakit ayaw tayong tantanan ng problema ng lipunang atin nang kinamulatan? Bakit tayo nagpapatalo sa mga gahamang opisyal ng bayang sarili lamang ang gustung umangat at umunlad at hindi ang bayan?... Naalala ko ang kwento ng Elepante… Ang sinaunang elepanteng lumalabas sa mga sirkus ay sinasanay ng sanggol pa lang. Tinatalian ang kanilang leeg, na sa tuwing maglalakad sila alam nilang may pumipigil sa kanilang murang katawan. Magpupumiglas sila ng buong lakas at maiisip nilang hindi nila kaya ang lubid na nakatali sa kanilang leeg… At sa huli hindi na nila susubakang magpumiglas pa. Mauulit ang ganitong eksena, magpupumiglas sila…at muli maiisip nilang walang mangyayari. Hahayaan na lang nila ang lubid sa kanilang leeg hanggang sila’y lumaki. Sa paglaki nila, hindi nila maiisip na ang lubid ay nakapatong na lamang sa kanilang leeg at hindi nakatali dahil na rin sa kanilang laki. Hindi nila maiisip na pwede silang kumilos ng malaya. Kung alam lang nila na walang lubid na nakatali sa kanilang leeg. Kung alam lang nila kung gaano sila kalakas kaysa sa lubid na nakapatong lamang sa kanilang leeg. Kung alam lang nila kung gaano sila kalaki kaysa sa taong kumokontrol sa kanila. Malalaman nilang lamang na lamang sila kaysa sa kanilang inakala. Nakakalungkot isiping hindi nila alam ang kanilang kakayahan. Mga kaibigan, Kapwa ko estudyante at mga butihing guro. Ang mga elepante ng ating lipunan ay hindi pa rin mulat sa katotohanang mas malakas sila kaysa sa mga lubid ng kahirapan. Lubid na akala nila gumagapos sa kanilang mga leeg na walang katapusan. Nakakapanghinayang isipin na ang mga elepanteng ito ay sumubok kumawala, ngunit kaydaling ring sinukuan. Gising Juan! Isa kang elepanteng malaki at malakas, may kakayahang baguhin ang iyong sitwasyon. Ang marami mong akala ay kasinungalingan lang at walang katotohanan. Ang lubid aay isa lamang imahinasyon na pumipigil sa iyong pag angat at pagkilos ng may kalayaan. Hindi mo lang alam. Hindi mo lang alam.