Edukasyon.. susi para sa tagumpay Edukasyon? Ano nga ba ang edukasyon? Bakit nga ba ito kailanagan? Ano nga bang maaaring maging impluwensya nito sa buhay ng isang tao? Anong klase ng layunin meron ito at higit sa lahat ano nga bang kagandahang maidudulot nito kaya’t nasabing susi para sa tagumpay? Saksi tayo sa pangaraw-araw nating gawain, mula sa maliit hanggang sa paglaki, saksi tayong ang edukasyon ay parte na ng ating buhay. Kasabay rin ng ating paglaki, lumalawak ang ating kaalaman at kaisipan sa tulong ng edukasyon. Marahil ay may malaki nga itong ginagampanan sa ating buhay, kasabay rin nito natututunan nating makihalubilo sa bawat kung sino mang makasama o makilala natin sa paaralan, kasama na riyan ang kapwa magaaral, kayo, aking mga kapwa mag-aaral, tila isang tunay ng kapatid o kapamilya ang turing ko sa inyo at ang guro naman bilang pangalwang magulang, marahil ay sa kadahilanang mas matagal ang inilalagi natin sa paaralan kaysa sa tahanan. Meron namang kasabihan sa ingles na “There is no Royal Road for education”. Wala raw natatanging daan tungo sa pagtuklas ng karunungan kundi pagsususnog ng kilay, kundi paghahasa ng utak at pagbubuklat ng mga libro, na syang tunay namang tama hindi ba? Wala rin daw gintong kutsarang magsusubo ng karunungan at tagumpay, tagumpay na magmumula sa karunungan at karunungan namang hatid ng edukasyon. Ngunit paano nga ba magkakaroon ng tagumpay na dapat kamtan kung wala namang karunungan? Kung wala namang edukasyon? Yan ang ilan lamang sa mga katanungan sa mga batang palaboy-laboy lamang sa lansangan, mga batang tila walang mga magulang, mga batang parang basta na lang pinatapon kung saan mang sulok ng lipunan. Ngayon ibase mo ang mga batang
ito sa sitwasyon, sinong makapagsasabi ngayong walang magulang na walang kagustuhan sa kanilang mga anak kundi kabutihan, kundi magandang kinabukasan at magandang buhay? Kalokohan, sadyang tunay ngang kalokohan, dahil kung totoo ito bakit may mga batang gaya nila? Bakit ba hindi magawa ng mga magulang nilang pagsumikapan silang maipasok sa paaralan ng sa gayon ay magkaroon naman sila wastong kaalaman at edukasyon, kaysa naman hayaan lamang nilang magpalaboy-laboy ang mga ito, magpalaboy-laboy hanggang sa mapariwara. Ano na lamang ang mangyayari sa kanila? Ano na lamang ang magiging buhay nila sa hinaharap, ang magiging kinabuksan nila? Ano na lamang ang tagumpay na makakamtan nila o ang mas masakit pang katanumgan ay may tagumpay pa kaya silang makakamtan? Masakit mang isipin, masakit mang tanggapin at lalong higit na mahirap man silang tawaging mang-mang pero ito ang katotohanan, katotohanang ito ang buhay na pinili ng kanilang mga magulang para sa kanila, katotohanang mga magulang mismo nila ang syang nag-aalis ng kani-kanilang dapat na makamtang tagumpay. Kaya’t tayo mga simpleng tao at mag-aaral, wala pa rin tayong kasiguraduhan sa pagahanap ng tunay na tagumpay, sa magandang kinabukasan at sa pag-abot ng ilang mga munting pangarap, ngunit hindi natin namamalayan merong nag-iisang munting sandatang maaari nating maging kaakibat sa paghanap ng tamang landas, landas namang magtutulay sa atin sa tagumpay at ang sandata ngang yaon ay ang edukasyon. Ano ka mang klase ng tao, minsan mang nadapa at nalugmok sa isang pagkakamali, nawalan man ng pag-asa sa buhay at naging alibugha, magagawa mo’t magagawang bumangon upang muling harapin ang tamang landas, maging bukas lamang ang isipan at magpatuloy lumaban sa pamamagitan ng edukasyon at muling hanapin ang liwanag ng nag-iintay na tagumpay.