Ang apat na sulok ng parisukat
Maraming naghahangad ng magagarang damit,usong sapatos,at brand new na telepono. Pero mayroon ding naghahangad ng simple lang gaya ng maliliit na laruan,pinaglumaang bisikleta ng kapitbahay,at pinaglumaang mga gamit ng kuya mong madamot.Isa lamang ako sa mga batang iyon na nag-aasam na mabiyayaan ng kahit simpleng regalo lalo’t papalapit na ang araw na pinakahihintay ng bawat bata sa buong mundo,ang araw ng Pasko. Sa tuwing malalanghap ko ang malamig na simoy ng hangin sa madaling araw,napapangiti na lamang ako dahil batid ng mga makukulay na dekorasyon at kumikislap na makukulay na bumbilya na ang araw ng Pasko ay sasapit na. Noong ako’y bata pa lagi kong inaasam na magkaroon ng sarili kong lugar sa aming bahay.Nais kong mapagisa at maibahagi ang aking nadarama sa apat na sulok ng kwarto na may nag-iisang malambot na kama.Nais kong magkaroon nitong hugis kahon na lugar sa aming bahay na kung saan dito, ako lang magisa nakaharap sa makinis na pader habang iniisip at binubuo sa aking imahinasyon ang magiging kulay at disenyo ng aking kwarto.Ako ay ang magiging hari at mamumuno ng sarili kong mundo at ako ang bubuo ng makulay na buhay sa loob ng aking kwarto. Kapag pinapailawan na ng aking ina ang hindi kataasang puno ng Pasko palagi akong umuupo sa harap nito at pipikit habang ang dalawang palad ay magkadikit.Hihilingin sa talang nakasabit sa tuktok ng puno na sana ay makatan na ang matagal nang ninanais ng dalisay kong puso.Sana’y makamtan na ang pinakamimithing panaginip upang masimulan nang disenyuhan itong ninanais na kwarto,pipinturahan ng paborito kong kulay at didikitan ng magagandang larawan na mismong iginuhit ng aking kamay.Pupunuin ito ng iba’t-ibang mga gamit at sasabitan ng mga makikinang na palawit.Kakabitan ng magandang kurtina ang bintana at pupunuin ang palibot ng malalambot na manika.Ang kama na nagiisa ay susuotan ng ternong punda ng unan,kumot at saping pang-kama.Upang sa aking pagtulog ay aking malalanghap ang mabangong amoy ng kumot upang mapahimbing ang aking pagtulog. Ito ay ang tangi kong hinihiling na sa pagsapit ng Pasko’y tuparin ang nais ng puso nawa’y ibigay sa akin.Ang sariling kwarto na pinakaaasam sa akin ay iparanas man lang upang kahit duon man lamang ang sumaya ay maranasan.