Itaboy ang Kahirapan, Hindi ang Mahihirap ITABOY ANG KAHIRAPAN, HINDI ANG MAHIHIRAP Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr. Ayon sa gobyerno, kailangang labanan ang kahirapan. Pero ang solusyon nila para labanan ang kahirapan ay itaboy ang mga mahihirap. Ang pananaw na ito ng gobyerno, pati na rin ng mga kapitalista at naghaharing iilan sa lipunan, ay makikita sa sumusunod na kwentong bayan: “Bibisita ang isang hari sa probinsyang kanyang nasasakupan, at ipinabatid niya ito sa mga namumuno sa bayang yaon. Dahil dito, naghanda ang gobernador ng lalawigan at inatasan ang lahat ng kanyang mga kabig na kailangang matuwa ang hari sa pagdalaw nito sa kanilang bayan. Ngunit sa dadaanan ng hari ay may mga barung-barong na pawang mga mahihirap ang nangakatira. Hindi nila maitaboy agadagad ang mga tao dahil tiyak na lalaban ang mga ito. Kaya ang ginawa ng gobernador ay pinatayuan ang paligid nito ng mahabang pader upang sa pagdaan ng hari, ay hindi nito makita ang karumal-dumal na kalagayan ng mga mahihirap.” Hindi ko maalala kung saan ko nabasa ang kwentong ito, pero ang aral ng kwentong ito’y nahalukay ko pa sa aking memorya. Sa esensya, karima-rimarim sa mga mata ng naghaharing uri sa lipunan ang mga mahihirap dahil ang mga ito’y “nanlilimahid, mababaho, mga patay-gutom at mababang uri”. Kaya nararapat lamang na ang mga mahihirap na ito’y itago sa mata ng hari, at palayasin o itaboy na parang mga daga sa malalayong lugar. Kaya naman pala patuloy ang demolisyon sa panahong ito. Demolisyon ng barung-barong ng mga mahihirap dahil sila’y masakit sa mata ng gobyerno’t kapitalista. Demolisyong ang pinag-uusapan lamang ay maitaboy sa malalayong lugar ang mga mahihirap. Demolisyong hindi pinag-uusapan ang kahihinatnan ng mga mahihirap sa lugar ng relokasyon at pagkalayo nila sa lugar ng kanilang hanapbuhay. Kung ganoon, para sa gobyerno’t kapitalista, para labanan ang kahirapan, itaboy ang mahihirap. Ito ang esensya ng demolisyon. Pero para sa mahihirap, para labanan ang kahirapan, itaboy ang nagpapahirap. Ito ang esensya ng rebolusyon. Teka, hindi pa tapos ang kwento: “Nang dumating ang hari sa bayang nasabi, ipinagbunyi siya ng mga tao at nakita ang kaayusan at kaunlaran ng lugar. Kaya ang sabi ng hari ay gagantimpalaan niya ang gobernador dahil sa malaking nagawa niya sa lalawigan. Sa pag-uwi ng hari mula sa maghapong pagdalaw sa probinsya, napansin niya ang mahabang pader na agarang ipinatayo ng gobernador. Hiniling niyang makita ang nasa kabila nito. Walang nagawa ang gobernador. Dito’y agad nakita ng hari ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga nakatirang mahihirap sa kabila ng pader. Itinatago pala ng gobernador ang tunay na kalagayan ng lalawigan. Bumaba ang hari’t nakitang maraming namamayat at ang iba’y halos mamatay sa gutom, marami ang nagkakasakit at walang nag-aasikaso. Dahil dito, binawi ng hari ang gantimpalang sana’y ibibigay niya sa gobrnador.”
Sa pinakasimple, para itaboy ang kahirapan, dapat resolbahin ito ng pamahalaan pagkat sila ang namumuno at nasa poder ng kapangyarihan. Hindi nararapat na basta na lamang itaboy ang mahihirap pagkat sila’y biktima lamang ng kahirapan, biktima ng bulok na sistemang nag-anak sa kahirapang kanilang nararanasan. Walang silbi ang isang gobyernong hindi kayang lutasin ang problema ng kanyang mga nasasakupan. Dahil doon, nararapat lamang silang mawala sa poder.
Pagkamulat PAGKAMULAT Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hindi ako lumaki sa iskwater o sa slum area. Ngunit sa aking mga paglalakbay, dahil ako’y layas at hindi mapirmi sa bahay, marami akong napupuntahang mga lugar at nakikilalang mga bagong kaibigan. Samutsari ang istorya na minsan, kung aking pagninilayan, ay napapanood ko lamang sa sinehan, o kaya’y sa telebisyon. Bukod sa isa akong manunulat na naghahanap ng maisusulat, isa rin akong lagalag na naghahanap ng kabuluhan sa buhay. Sa paglalagalag ko’y nakarating ako sa Sitio Estero, isang pamayanang itinayo ng mga maralita ilang taon na ang nakararaan sa lugar na iyon ng Maynila. Maraming pamilya ang nakatira rito. Malapit iyon sa Ilog Pasig. Tahimik ang komunidad na ito, lalo na sa mga araw ng Lunes hanggang Biyernes. Karaniwang maririnig lamang ang halakhakan ng mga kalalakihang nag-iinuman kapag araw ng Sabado at Linggo, o kaya’y tuwing gabi. Maliban sa mangilan-ngilang walang trabaho, ang mga kalalakihan dito’y umaalis sa madaling-araw ng Lunes upang pumasok sa kani-kanilang trabaho, at kadalasang gabi na ang uwi, o kung minsan, doon na natutulog sa trabaho (stay-in) at umuuwi lamang tuwing Sabado sa Sitio Estero upang umalis muli kinalunesan. Naiiwan naman ang mga kababaihan sa pag-aasikaso ng tahanan at pag-aalaga ng mga bata. Tabi-tabing barung-barong ang mga kabahayan sa komunidad na iyon ng maralita. Kahit hirap sa buhay, masisilayan mo ang mga ngiti sa kanilang mukha at tila wala silang problema. Magaling silang magdala ng problema o kaya’y idinadaan na lang nila sa tawa ang hirap nilang dinaranas. Katwiran nga nila, hirap ka na nga, sisimangot ka pa. Eh, di, hindi ka na naging masaya. Ang kanilang mga ngiti, kahit medyo kapos sa pang-araw-araw na pangangailangan, ay di nila ipinagdaramot. Maaaring tingin ng marami, ang mga maralitang nakatira sa barung-barong ay karaniwan na lamang. At wala ka nang mapipiga pa sa kanila. Kaya bakit pa sila pagtutuunan ng pansin. Sila’y mga patay-gutom, hampaslupa. At kung anu-ano pang mga katawagang maririnig lamang natin kung ang isa o ilan sa kanila ay nahuling nang-umit ng pagkain o nagnakaw kaya. Dahil sa ganitong palasak na pagtingin, mismong ang mga maykapangyarihan ay wala nang pakialam kung masagasaan man nila o mademolis kaya ang mga maralitang iskwater. Katwiran nila, iskwater naman iyan, kaya dapat mawala dito sa kalunsuran. Kulang na lang na sabihin nilang mawala na ang mga iskwater sa ibabaw ng mundo. Ngunit sila’y mga tao ring tulad natin. Maliban doon sa problemang lagi silang walang pera, malalaman mo lamang ang kanilang mga pansariling problema kung makikihalubilo ka sa kanila. Maayos silang namumuhay nang makilala ko si Mang Pedro, ang pinuno ng samahang nakatayo roon, ang Samahang Maralita ng Sitio Estero (SMSE). Nabuo ang kanilang samahan nang minsang may nakapagsabi na idedemolis ang kanilang lugar. Naalarma sila pagkat wala naman silang paglilipatang lugar kung sakaling dumating ang mga teroristang demolition team at wasakin ang kanilang tirahan. Dagdag pa rito, kung sila’y ililipat sa malayong relokasyon, tiyak na mapapalayo sila sa kanilang
pinagkukunan ng ikabubuhay. At di rin sila nakatitiyak na may maayos na serbisyong panlipunan sa paglilipatang lugar. Katwiran pa nila, baka mapagaya lamang sila sa mga kakilala nila sa kabilang sityo na nademolis at nailipat sa isang malayong lugar. Pero dahil walang mapagkunan ng ikabubuhay sa lugar ay nagbalikan sa dati nilang tirahan upang maging iskwater muli. Hindi naman daw makakain ang bahay na pinaglipatan nila kung mamamatay naman daw sila sa gutom. Mas gugustuhin nilang maging iskwater na muli basta’t may pagkukunan ng makakain. Ang mga katwirang ito ang nagpatibay sa ilang mga nakatira roon upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa pamumuhay at paninirahan, bagamat ang marami ay nagkikibitbalikat na lamang dahil naging manhid na sa mga bantang demolisyon na hindi natutuloy. Hanggang sa dumating ang araw na di nila inaasahan. Isang umaga, Lunes, habang wala ang mga kalalakihang nagsipasok na sa trabaho, nabigla ang pamayanan ng Sitio Estero nang may dumating na mga unipormadong kalalakihang pawang naka-kulay asul na t-shirt, at may mga hawak ng maso. Nasa likuran nila ang mga unipormadong pulis. Ayon sa pinuno ng grupong iyon, idedemolis daw ang lugar bilang pagtalima sa utos ni Mayor, dahil gagamitin daw iyon para tayuan ng mega-pumping. Medyo makulimlim ang umagang iyon, at tila babagsak ang isang malakas na ulan. Ngunit hindi iyon alintana ng dalawang panig. Ang isa ay nais sumunod sa nag-utos at nagbayad sa kanila, samantalang ang isa naman ay nais ipagtanggol ang kanilang karapatang gustong agawin sa kanila. Hinanapan ng notice of demolition ng isang lider ng samahan ang mga dumating. Walang naipakitang notice, ngunit nag-umpisa na ang pagdemolis. Nagsigawan at nag-iyakan ang mga kababaihan. Nagbarikada ang ilang mga kalalakihang natira doon, pero wala silang nagawa sa dami ng mga unipormadong magdedemolis. Kahit ang tahimik na si Aling Petra na may apat na anak, kasama ang bunsong dalawang buwang gulang pa lamang, ay hindi pinatawad ng demolition team. Winasak ang kanyang tahanan. Unang natanggal ang dingding, sunod ay bubong at ang huli’y ang haligi ng barung-barong. Ang kanyang asawa’y wala roon at nasa trabaho. Tulad ng maraming pamilyang naroroon, litong-lito siya sa pagsagip sa kanilang kagamitan dahil medyo umaambon. Sa kanyang pagkalito kung aling gamit ang uunahin, hindi na niya napansin ang kanyang maysakit na anak. Kagabi’y inaapoy ng lagnat ang bata, ngunit hindi maitakbo sa ospital dahil walang pera. Kaya’t nagkasya na lamang si Aling Petra sa pagpapainom sa kanyang bunso ng isang tableta kagabi, kaya medyo bumaba ang lagnat. Mahina ang pag-ambon nang idemolis ang kanilang tahanan ng umagang iyon, gayong sinasabi sa batas na bawal magdemolis kapag masama ang panahon. Saka lamang napansin ni Aling Petra ang maysakit na anak nang ilibot niya ang kanyang mata kung ano pang gamit ang sasagipin. Dahil natanggal ang bubong ng kanilang bahay, naambunan ang bata.
Dali-dali niyang kinuha ang sanggol na nakatalukbong ng kumot. Hindi umiiyak ang kanyang bunso. Natutulog, pakiwari niya. Ngunit nang kanyang pagmasdan ang mukha ng bata, ito’y namumutla. Nataranta siya. Niyugyog ang sanggol. “Bunso? Anak? Gising, anak?” Ngunit sawimpalad, hindi na muling masisilayan ni Aling Petra ang halakhak, iyak at maging ang maamong ngiti ng kanyang munting anghel. Nagpalahaw ng iyak si Aling Petra, at sa galit ay nagsabing “Bakit ang anak ko pa? Walanghiyang mga demolition team kayo! Pinatay n’yo ang anak ko! Anak ko!” Narinig ng kanyang mga kapitbahay ang kanyang palahaw at agad ang mga itong sumaklolo. Nang makita ng mga myembro ng demolition team ang nangyari, tuloy pa rin ang karamihan sa trabaho na para bang walang nangyari. Natigil lamang ang pagdemolis nang dumarami na ang mga tao, dahil ang iba’y nagtawag ng saklolo sa kabilang sityo, at nagbarikada ang mga tao. Maraming mga kabahayan ang nawasak. Maraming mga kagamitan ang nangawala at ang iba’y nakitang kinuha ng ilang myembro ng demolition team. At isang walang malay na sanggol ang nawalan ng buhay. Ah, sadyang terorismo ang demolisyon. Marahas, walang paggalang sa batayang karapatan ng bawat tao. Halos madilim na nang dumating si Mang Ramon, ang kabiyak ni Aling Petra. Tulad ng iba pang tagaroon na kararating lamang mula sa trabaho, nanlumo ito nang malaman ang nangyaring demolisyon, lalo na nang makitang wala nang buhay ang kanyang bunso. Walang sabi-sabing sinuntok nito ang dingding na kahoy. “Hindi ko nailigtas ang anak natin. Patawad. Hindi ko naligtas si Bunso,” ang tanging lumabas sa bibig ni Aling Petra na halos natuyo na ang luha sa pisngi. Nakatitig sa kawalan si Mang Ramon. Halata sa kanyang mukha ang pagtitimpi. Nang gabi ring iyon, nagpulong ang mga lider at kasapi ng SMSE, kasama ang ilang lider sa kabilang pampang ng ilog na naniniwalang umpisa pa lamang ang pag-atake sa Sitio Estero at susunod na ang Sitio Ibabaw at Sitio Ilalim. “Mga kasama, kung hindi tayo magtutulungan, tiyak na isa-isang magigiba ang ating kabahayan. Tama lamang na kumilos tayo ngayon upang hindi na maulit pa ang karahasang nangyari kanina,” ani Mang Pedro, ang lider ng komunidad na yaon. “Dapat din tayong maging handa sa kanilang susunod na pag-atake. Alalahanin natin na walang maayos na paglilipatan sa atin kung saan mabubuhay tayo ng maayos at malapit sa pinagkukunan ng ikabubuhay,” dagdag naman ni Mang Danny, ang lider sa Sitio Ibabaw.
Napagkaisahan din sa pulong na bawat isa’y mag-ambag ng anumang makakaya para sa pagpapalibing sa anak ni Mang Ramon. Napagkaisahan ding bago ilibing ang bata ay dalhin ito sa munisipyo upang humingi ng katarungan. Napagkaisahan ding gumawa ng mga placard na nagpapahayag ng kanilang damdamin sa nangyaring karahasan. Ang ilan dito ay nakasulat: “Negosasyon, hindi demolisyon!” “Itigil ang demolisyon hangga’t walang relokasyon!” “Ang demolisyon ay terorismo sa maralita. Dapat labanan!” “Teroristang demolition teams, huwag papasukin!” “Labanan ang teroristang demolisyon!” “Katarungan kay Baby Angeline na namatay sa demolisyon!” Mula nang araw na iyon, maraming nagbago. Hindi lamang lumakas ang pagkakaisa ng mga taong nakatira doon para ipaglaban ang kanilang karapatan. Kundi nagbago rin ang aking pananaw na ang mga mahihirap pala’y tunay ang pagdadamayan, lalo na’t buhay at karapatan na nila ang nakasalang. Hindi sila hampaslupa na kadalasang ipinapakita sa mga sinehan at telebisyon. Sila pala’y mga tao ring tulad ng bawat isa sa atin. Nakita ko sa kanila na may pagkakamali rin ang pamahalaan, lalo na sa oryentasyon nito kung paano mabigyan ng solusyon ang kanilang problema sa iskwater. Para sa maralita, dapat na walang iskwater sa sariling bayan. Pero para sa pamahalaan, dapat umalis ang mga maralitang iskwater sa kalunsuran dahil nagmumura ang halaga ng lupa para sa negosyo kapag may mga iskwater. Ang problema pa sa pamahalaan, pabahay lang ang tangi nilang solusyon sa iskwater. Na kung kanilang uugatin lamang ang problema ng maralitang iskwater, hindi bahay ang dahilan nila kung bakit sila naging iskwater, kundi pagkukunan ng ikabubuhay. Sila’y nagluwasan sa kalunsuran dahil sa kakapusan ng hanapbuhay sa kanilang probinsya. Nag-alisan sa mga relokasyon at resettlement area dahil wala sila roong pagkakitaan. At nagbabaka-sakali sa kalunsuran para hanapin ang inaakala nilang maalwang pamumuhay. Ang sitwasyon sa Sitio Estero ay bumagabag sa akin. Iminulat ako ng isang insidenteng hindi ko akalaing magaganap, kung saan ang karapatan ng maralita sa paninirahan ay nilalabag. Iminulat ako mismo ng aking paglalagalag, at ng mismong mga maralitang siyang sarili kong kababayan, mga maralitang hindi dapat naging ‘iskwater sa sariling bayan’. Natagpuan ko ang aking sarili na nakikiisa na sa kanilang ipinaglalaban. O marahil, ang karanasang iyon ang nagbigay sa akin ng isang pagpapasiya. Ang mapagpasiyang pakikiisa sa laban ng mga maralita ng Sitio Estero. At sa laban ng mga tulad pa nila. Kahit hindi ako tagaroon.
Ang Ugat ng Kahirapan ANG UGAT NG KAHIRAPAN Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr. PAUNAWA: Bagamat ginamit na estilo sa pagsulat dito ay estilong alamat o kwentong bayan, ang mensaheng nakapaloob dito’y batay sa mga ideya ng maraming mga sosyalistang naghahangad ng pagbabago sa lipunan. Noong ika-19 dantaon, nag-usap-usap ang mga kilalang tao sa lipunan upang talakayin kung ano ang ugat ng kahirapan. Ito’y dahil na rin sa pagkairita nila sa mga nakikitang pagala-galang pulubi at mga tambay sa lansangan, at ito’y masakit sa kanilang mga mata. Pag nalaman nila ang ugat ng kahirapan ay baka mahanapan nila ito ng lunas. Ang sabi ng isang mayamang negosyante, ang kahirapan ay dahil sa katamaran. Ayon naman sa isang mataas na pinuno ng isang relihiyon, naghihirap ang mga tao dahil ito ang parusa sa kanila ng Maykapal. Ang sabi naman ng isang guro sa isang kilalang pamantasan, kaya naghihirap ang marami ay dahil sa kamangmangan. Ayon naman sa hari, iyan na kasi ang kanilang kapalaran. Ang sabi naman ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan, populasyon ang dahilan ng kahirapan. Ngunit lahat sila ay hindi magkasundo kung ano talaga ang ugat ng kahirapan. Kaya nagpasya silang magbuo ng komite para magsaliksik. Nagpunta sila sa iba’t ibang lupain upang hanapin at malaman ang kasagutan. Hanggang may nakapagsabi sa kanila na may isang mabuting taong nakaaalam ng ugat ng kahirapan at ano ang lunas dito. Kaya’t dagli nilang pinuntahan ang naturang tao. Paalis na ang taong iyon upang pumunta sa isang napaka-halagang pagpupulong nang kanilang maabutan at abalahin. Agad namang nagpaunlak ang taong nasabi. Ayon sa taong iyon, hindi katamaran ang ugat ng kahirapan, pagkat maraming manggagawa sa pabrika ang napakasisipag sa kanilang trabaho at daig pa ang kalabaw sa pagkakayod pero napakababa ang natatanggap na sahod at nananatiling mahirap. Kung ang kahirapan ay parusa ng Diyos dahil makasalanan ang tao, ibig sabihin, pinagpala pala ng Maykapal ang mga mayayaman. Ngunit may mga nagkakamal ng salapi sa masamang paraan. At may mga mayayamang nakagagawa ng kasalanan sa kanilang kapwa, pero sagana sa biyaya. Hindi kamangmangan ang dahilan ng kahirapan pagkat maraming tao ang may kaalaman at napakamalikhain sa kanilang mga trabaho kung saan nagkakamal ng limpak-limpak na tubo ang kanilang mga pinaglilingkuran pero sila’y nananatiling mahirap.
Kung kapalaran ng tao ang maging mahirap, hindi na pala siya uunlad kahit ano pang sipag ang kanyang gawin. Hindi populasyon ang dahilan ng kahirapan pagkat may mga bansang maliit ang populasyon pero naghihirap, samantalang may mga malalaking bansa naman na ang nananahan ay pawang nakaririwasa sa buhay. Simple lamang kung ano ang ugat ng kahirapan, ayon sa taong nasabi. At ito’y ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, gaya ng pabrika, lupain at makina, at para mapawi ang kahirapan, kailangang pawiin ang pribadong pagmamay-ari ng mga ito. Hangga’t hindi pantay ang hatian ng yaman sa lipunan at habang inaari lamang ng iilan ang mga pabrika, makina’t lupain, marami ang lalo pang maghihirap pagkat ang nagpapasasa lamang sa mga produktong galing sa mga pabrika at ani sa mga bukirin ay ang mga may-ari nito. Ang mga kagamitan sa produksyon ay dapat tanggalin sa kamay ng iilan upang maging pag-aari ng buong lipunan. Sa gayon, ang mga gumagawa ng yaman ng lipunan, tulad ng mga manggagawa na ang tanging pag-aari’y ang kanilang lakas-paggawa, ay hindi siyang naghihirap. Namangha ang mga mananaliksik sa kanyang mga tinuran at hindi nila matanggap ang gayong kasagutan. Pagkatapos nilang mag-usap ay tuluyan nang naglakbay ang taong iyon upang daluhan ang isang napakahalagang pagpupulong, habang ang mga mananaliksik naman ay nagsiuwing bigo, pagkat sila na pawang mga nagmamay-ari ng mga malalawak na lupain, mga pabrika’t makina, ay hindi makakayang tanggapin na tanggalin sa kanila ang mga ito. Samantala, ang taong kausap nila kanina ay nakikisalamuha ngayon sa mga kinatawan ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang bansa at kanyang tinalakay ang isang manipesto sa pulong na tinagurian nilang Unang Internasyunal.
Panawagan Nila'y Katarungan PANAWAGAN NILA’Y KATARUNGAN Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr. (PAUNAWA: Ang akdang ito'y iniaalay sa lahat ng naghahangad ng naghahangad ng progresong may hustisyang panlipunan. Binigyang halimbawa lamang dito ang nangyari sa North Triangle sa Lunsod Quezon, ngunit marami pang kasong ganito ang nangyayari sa iba pang lugar. Nawa’y makakita ang may mga mata, makarinig ang may mga tenga, makaramdam ang may mga puso, at makaunawa ang marunong umunawa.) Kailanman, ang katarungan ay hindi nahihingi. Ito’y ipinaglalaban. Kailanman, ang katarungan ay hindi nahihingi kaninuman, lalo na sa burgesya, lalo na sa naghaharing uri sa lipunan, lalo na sa isang gobyernong pinatatakbo ng kapital. Sagad na hanggang sa buto, hanggang sa laman, hanggang sa kaliitliitang himaymay ng kalamnan ang kaapihang kanilang dinanas. Ang kasalukuyang lipunan ay hindi parehas. Nobyembre 25, 1997. Nabigla ang mga taga-North Triangle sa Lunsod Quezon nang biglaang winasak ng tropa ng demolisyon, kasama ang mga unipormadong pulis, na ginamit pa ang gaya nilang mga mahihirap, ang kanilang mga tahanan. Pinalayas sila dahil nais ng pamahalaan na pagtayuan ito ng MRT III, isang makabagong transportasyong tatahak sa kahabaan ng EDSA. Ngunit ayaw lumisan ng mga nakatirang maralita sa kanilang lugar, dahil walang naganap na matinong negosasyon. Ngunit sila’y pwersahang pinaalis. Oo, pwersahan! Para silang mga hayop na itinaboy sa kanilang mga tirahan. Maraming nawalan ng tahanan. Maraming nasaktan! Ni hindi man lang nagbigay ng pagkakataon sa mga pamilyang naririto na magkaroon ng matinong pag-uusap. May alokasyon daw para sa makataong relokasyon, pero hindi pala ito totoo. Mahigit sa isanlibong pamilya ang nawalan ng tahanan. Magpapasko noon nang itinirik ng mga taga-North Triangle ang kanilang pansamantalang silungan sa mismong harapan ng gate ng Kongreso. Sa ilalim ng init ng araw at sa kalamigan ng gabi, bagamat nasa loob ng manipis na tabing, ipinagdiwang nila doon ang kapaskuhan at bagong taon. Tunay ngang kaawaawa ang kanilang kalagayan. Ang kailangan nila’y katarungan. Ang MRT III ay isang makabagong teknolohiya para sa transportasyon. Malaki ang maiaambag nito sa tuluy-tuloy na progreso ng ating bansa. Pero progreso para kanino? Sila sa North Triangle ay hindi laban sa progreso. Ngunit sila’y laban sa progresong walang hustisyang panlipunan! Oo, walang hustisya ang pagpapademolis sa kanila. Wala silang malilipatan. Walang maayos na pag-uusap. Kung may malilipatan man, itatapon sila sa malalayong lugar na hindi abot ng kanilang hanapbuhay, hindi abot ng kanilang nag-aaral na mga anak. Iyan ba, iyan ba ang klase ng progresong ipinagmamalaki ng pamahalaan? Sa nangyaring ito sa kanila, sino ang magsasabing umiiral ang hustisya? Hanggang ngayon, sumisigaw sila ng katarungan, dahil labing-apat na ang namatay sa kanila. Labing-apat na! oo, labing-apat! Labingdalawa sa mga namatay ay pawang mga bata. Mga batang wala pang muwang sa mundong ito! Mga batang sana’y magiging kaagapay ng kanilang mga magulang. Mga batang mayroong mumunting pangarap na gusto nilang abutin. Halos sila’y namatay sa sakit sa loob ng sira-sirang tent sa mismong
harapan ng Kongreso. Sila na namatay dahil tinanggal ng burgesyang ito ang kanilang dapat sana’y makataong karapatan sa paninirahan. Sila na namatay dahil hindi maipaospital at maipagamot ng kanilang mga magulang dahil nawalan din ng hanapbuhay. Mahal pa naman ang pagpapagamot. Dahil sa mismong ospital, kailangan mo munang magdeposito bago ka magamot. Ganyan kaganid ang sistema ng burgesya. Halos lahat ay may katapat na pera. Oo, ang burgesyang ito ang dahilan. Pinatay ng burgesyang ito ang pangarap ng kanilang mga magulang! Oo, ang burgesyang ito, ang marahas na kapitalistang sistemang ito ang dahilan ng kanilang pagkamatay! Hihintayin pa ba nating may mamatay pa? Hihintayin pa ba nating ito’y madagdagan pa dahil sa ginawang makahayop na pagpapalayas sa kanila? Hihintayin pa ba nating ito’y madagdagan pa dahil sa kapabayaan ng pamahalaan? Hihintayin pa ba nating ito’y maging labinlima, dalawampu, limampu, isandaan? Hihintayin pa ba nating mangyari rin ito sa iba dahil may kinikilingan ang batas? May halaga pa ba ang buhay sa lipunang ito? May halaga pa ba ang buhay sa mapang-aping sistemang ito? Nasaan na ang katarungan? Hindi mababayaran gaano mang halaga ng ginto o salapi ang nararamdamang sakit ng isang magulang. Hindi nito mapapantayan ang halaga ng buhay na nalagas dahil sa kainutilan ng gobyernong ito sa kapakanan ng mga mahihirap. Nasaan na ang katarungang sinasabi ng gobyernong ito, ng gobyernong “para sa mahirap” kung lagi itong nakalingon sa mga taong tumulong sa pagpipinansya ng kanyang kandidatura noong eleksyon? Buti pa ang mga ngising-asong kapitalista, nalilingon, napapasalamatan. Pero ang mga mahihirap na nagkandahirap magdikit ng kanyang mga mukha sa pader at magbigay ng kanyang polyetos dahil sa kanyang pangakong “para sa mahirap” ay hindi man lamang natinag para intindihin ang kanilang abang kalagayan. Aaahhh, laway lang pala ang islogang “para sa mahirap”. Kanino pa sila tatakbo kung ang mismong namumuno sa pamahalaan na siyang kanilang ibinoto nuong halalan, pinaghirapang maipanalo, dahil ang kandidatong ito raw ay “para sa mahirap”, ay hindi sila matulungan sa kanilang mga problema? Kanino pa sila susuling? Saan pa sila pupunta? Sa Presidential Action Center ba na pinagpapasa-pasahan lamang sila? Sa HUDCC? Sa mga ahensya ng gobyerno? O kakapit na lang sila sa patalim? Sa dulo ng baril? O lalahok sila sa isang madugong rebolusyong papawi sa pagsasamantala ng tao sa tao? Paano kaya kung sa burgesya ito mangyari? Tiyak na ito’y pakikinggan, kung paanong agarang imbestigasyon agad ang ginawa ng burgesya sa pagkamatay ng isang Ong, o isang Charlene Sy, mga batang anak-mayaman. Magkaibang taon at lugar, pero parehong kinidnap ngunit napatay ng kidnaper nang hindi kaagad makapagbigay ng ransom ang kanilang mga magulang. Sa bawat pagkamatay ng mga anak-mayamang ito, pinag-usapan sa mga pahayaga, radyo at telebisyon, at nagluksa ang bayan. Ano ang kaibahan ng pagkamatay ng isang Ong, ng isang Sy, sa labing-apat na batang mahihirap na namatay nang dinemolis ang kanilang mga tahanan? Ano ang kaibahan ng nabanggit na dalawang batang anakmayaman sa labing-apat na batang mahihirap? Pare-pareho silang biktima ng sistemang umiiral. Ang una’y biktima ng mga naghahangad ng ransom upang yumaman, samantalang ang huli’y biktima ng kahirapan.
Anong klaseng sistema ito na pinaiiral lang sa palad ng mga maysalapi? Hindi na nga pantay ang distribusyon ng yaman sa lipunan, pati ang batas ay mayroon na ring kinikilingan! Anong klaseng gobyerno mayroon tayo!? Ang gobyernong ito na sumisigaw ng progreso, pero isang progresong huwad, progresong makaisang panig, progresong walang hustisyang panlipunan! Magkano na ba ang buhay ngayon? Katarungan, nasaan ka na? katarungan, sadya bang wala ka nang nakikita kaya’t lagi nang nakapiring ang iyong mga mata? Katarungan, bulag ka na bang talaga? Katarungan, magkano ka na? Kapag nakidnap ay isang batang mayaman, mabilis pa sa alas-kwatro’y nandiyan kaagad ang lahat ng pwersa ng pulisya at pamahalaan upang magsagawa ng imbestigasyon at hulihin kaagad ang maysala. Kapag namatayan ng bata ang isang pamilyang mahirap, nasaan ang hustisya? Kapag namatay ay isang batang mahirap dahil sa kapabayaan ng gobyernong ito, nasaan ang hustisya? Nasaan ang hustisyang itinuturo ng burgesya sa kanilang mga eskwelahan? O sadyang bulok ang sistema ng edukasyon sa ating bansa, kaya hindi nila alam na ang hustisya’y para sa lahat? Nasaan ang hustisyang itinuturo ng iba’t ibang relihiyon? O baka naman ang itinuturo ng relihiyon ay “magtiis ka muna, anak, dahil hindi dito ang ating mundo.” O baka naman sila’y katulad ng mga pariseo at hentil na tinuligsa ni Hesus dahil ang kanilang kabanalan ay pagpapakitang-tao lamang? Anong klasng hustisya ang itinuturo sa mga Law Schools, o sa akademya ng militar at pulis? O baka naman ang itinuturo sa kanila’y hindi hustisya para sa lahat, kundi kung papaano dedepensahan ang pribadong pag-aari ng mga naghaharing-uri, hindi ang ipagtanggol at ipaglaban ang buhay at karapatan ng mamamayan? Anong klaseng hustisya ang pinaiiral ng burgesya? Sa kasalukuyang sistemang kapitalismong umiiral ngayon, maaasahan pa ba natin ang hustisyang ito? Tunay ngang malupit ang sistemang ito! Ang mga maralitang taga-North Triangle ay sa harapan na ng Kongreso nagtayo ng kanilang pansamantalang tahanan. Ngunit nasaan ang mga kongresistang halos linggu-linggo’y naririto sa Kongresong ito? Nasaan sila? Sila ba’y kasama na rin sa mga bulag at bingi, gaya ng karamihan sa ating pamahalaan? Ilang beses na ba nilang dinaanan ang mga bahay-bahayang ito kung papasok sila sa kanilang malalamig na opisina sa Kongreso? O baka naman lagi silang absent, kaya hindi nila napapansin ang mga paghihirap ng mga maralitang taga-North Triangle? O baka naman natulad na rin ang mga kongresistang ito sa mga kapitalistang balyena? Silang mga kongresistang nangakong tutulong sa mga mahihirap nuong panahon ng halalan, nasaan sila sa laban ng mga maralitang ito? Nasaan sila sa laban ng iba pang maralitang nawalan at mawawalan din ng tahanan? Nasaan na rin ang mga taga-media? Sila na may sinumpaang tungkuling ipagtatanggol ang katotohanan, nasaan sila? Ah, sana’y hindi lang nagpapasarap ang mga taga-media’t kongresistang ito. Ang nangyari sa North Triangle ay simbolo ng pagkamatay ng karapatang pantao. Tuwing ika-10 ng Disyembre ay “International Human Rights Day”, pero para saan? Kung sila ngang taga-North Triangle na nagtirik na ng kanilang pansamantalang tirahan sa harapan mismo ng gate ng Kongreso ay hindi mapansin at mabigyan ng kasagutan ang kanilang mga kahilingan, eh, paano na iyung iba pang madedemolis din? Sila na ang tanging hangad lamang ay simpleng pamumuhay at kabutihan ng kanilang mga anak. Sila na ang hangad ay ipaglaban ang kanilang karapatan. Sila na ang tanging hangad ay katarungan para sa kanilang mga namatay na anak! Kanino pa sila dudulog, kung mismong gobyerno ay bulag kahit nakakakita, at bingi kahit naririnig na ang hinaing ng mga mahihirap? Ang gobyernong ito na hindi nga pipi dahil sigaw ng sigaw ng progreso, pero progresong hindi para sa lahat! Progreso para
kanino? Hustisya para kanino? Para lang sa mga maypera. Para lang sa mga kauri nila. Para lang sa mga kapitalistang hindi na makontento sa laksa-laksa nilang kinikita. Laksa-laksa nilang tinutubo. Sa nangyaring ito, ang mismong karapatang pantao ng karaniwang mamamayan ay harap-harapang niyuyurakan. Paano na kaya kung ang nangyari sa kanila’y mangyari din sa iyo, sa pamilya mo, sa mga mahal mo sa buhay? Oo, tama ka. Hindi nga makatao ang sistemang ito, ang sistemang umiiral sa ating lipunan. Inutil na lang siguro ang maniniwalang makatwiran pa ang sistemang ito. Panahon na upang baguhin ang sistema, ang paghahari ng burgesya, ang marahas na paninibasib ng kapital. Kailangan nang baguhin ang lipunan. Kailangan nang tapusin ang mga pagsasamantala at mismong bulok na kultura ng mismong mga naghahari sa lipunan. Ngunit magagawa lang ito kung ang uring inaapi ay lalaban sa uring mapang-api, uring mapagsamantala, uring kapitalista. Panahon na upang magising ang uring anakpawis sa kinahihinatnan ng kanyang kapwa anakpawis. Panahon na upang lumaya ang mga anakpawis mula sa kuko ng mga mapang-api. Kaya para sa mga aktibistang gaya ko, hanggang sa huling sandali man ng aming buhay, ipaglalaban namin ang pagbabago, hindi lang ng pamahalaan, kundi pagpawi ng burgesyang naging dahilan ng maagang pagkamatay ng labing-apat na batang ito. Hindi ko kailanman pinangarap maging isang aktibista, ngunit dahil nakikita at nararamdaman ko ang kainutilan ng umiiral na sistema ng lipunan, mas ninais ko pa na makiisa sa mga mahihirap na ito, sa mga pakikibakang ito, kaysa manatiling nasa panig ng burgesya na wala namang saysay ang pagkatao dahil bulag at bingi sa mga nangyayari sa paligid. Isang burgesyang walang katiting na karangalan dahil binulag na ng pag-iisip kung paano laging magkakamal ng mas malaking tubo at hindi iniisip kung sino ang mapeperwisyo. Isang burgesyang ang nakikita lang ay ang kinang ng ginto at ang naririnig lang ay ang kalansing ng salapi. Ayaw kong maging bahagi ng sistemang yumuyurak sa dignidad ng aking kapwa. Para sa mga naghaharing uri sa lipunan, ang tingin nila sa mga mahihirap ay mga aliping sagigilid, walang dangal, patay-gutom, madaling mabili pati kaluluwa, at walang karapatan sa mundo. Para sa aming mga aktibista, pantay-pantay dapat ang pagtingin sa lahat, dahil ang bawat tao ay may dignidad, may karangalan, may damdamin. Kaya’t dapat lang umiral ang hustisya para sa lahat. Alam namin, malagutan man kami ngayon ng hininga, may magpapatuloy pa rin ng aming mga pangarap. Hangga’t nananatili ang ganitong uri ng sistema sa lipunan, patuloy na magsusulputan ang mga bagong aktibista. Na katulad namin ay naghahangad din ng pagbabago at pagkakapantay-pantay ng karapatan. Alam namin, nauunawaan kami ng aming sariling pamilya, lalo na ng sariling inang nagmamahal sa amin. Dahil alam nila, ito’y hindi lang para sa amin. Ito’y para rin sa mga susunod na henerasyon. Para sa aming magiging mga anak, mga apo. Hangga’t nananatili ang marahas na sistemang kapitalismo na yumuyurak sa ating dangal at unti-unting pumapatay sa ating pagkatao, mananatiling buhay ang aming mga pangarap. At patuloy namin itong ipaglalaban. Hanggang sa huling pugto ng aming hininga. Alam ko, kasama kita sa pakikibakang ito.
Sa Iyo ang Batas, Sa Akin ang Katarungan SA IYO ANG BATAS, SA AKIN ANG KATARUNGAN Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr. “Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ang buong lupain ng Santa Barbara ay akin!” Ito ang mariing pahayag ni Don Facundo sa kanyang mga tauhan. Kaaalis lamang ng kanyang mga tauhan sa mansyon nang maya-maya’y dumating ang hinihintay na panauhin ng Don. “Salamat naman, Daniel, at pinaunlakan mo ang aking paanyaya na mag-usap tayo hinggil sa pagkakautang ng namayapa mong ama.” “Sumainyo nawa ang katarungan, Don Facundo!” Ito ang agad na bati ni Daniel San Rafael. “Bata, tila may kahulugan ang iyong pagbati. Alalahanin mo, Bata, dapat mong pagbayaran ang malaking pagkakautang ng iyong ama sa akin.” “Ganoon ba, Tanda? Ngunit hanggang ngayon ay di ko pa rin nalalaman kung sino ang maykagagawan ng pagkamatay ng aking ama. Hanggang ngayo’y sumisigaw ng katarungan ang aking damdamin.” “Mag-ingat ka sa pananalita mo, Bata. Wala pang taong nangahas na magsalita nang pabalang sa harapan ko. Alalahanin mo, Bata, marami ka pang kakaining bigas bago mo marating ang kinalalagyan ko. Kaya kung ako sa ‘yo, magsisipag akong mabuti para mabayaran ko ang aking mga pagkakautang.” “Hindi ako kumakain ng bigas, Tanda. Isinasaing ko muna. Ikaw nga, palay pa lang, nilalantakan mo na.” “Hayop ka ring magsalita, ano? Baka hindi mo nakikilala kung sino’ng kaharap mo?” “Mas masahol pa siguro sa hayop kung makikilala ko nang lubusan kung sinong pumatay sa aking ama.” “Pinagbibintangan mo ba ako?” “Ikaw ang maysabi niyan, Tanda. At hindi ako.” “Alalahanin mo, Bata, ako ang batas sa bayang ito. Kung ano ang gusto ko, makukuha ko. Naiintindihan mo ba? Kaya mag-ingat-ingat ka sa pananalita mo. Mabuti pang manahimik ka na lang at makinig na lang sa akin.” “Ang pagiging tahimik ng isang tao ay nagbabadya ng unos. Pag inilabas niya ang nakatagong poot sa kanyang dibdib, para itong bulkang sasabog. Alalahanin mo, Tanda, pag sumabog ang isang bulkan, maraming buhay ang nalalagas. Mabuti bang manahimik na lang? Hindi ako tuod, Tanda.” “Alam kong hindi ka tuod, Bata. Alam kong malakas ang pakiramdam mo. Kaya pala hindi mo pa alam hanggang ngayon kung sino ang pumaslang sa iyong ama. Malay mo, ang pumatay sa iyong ama’y baka mga kakilala rin niyang naiinggit sa kanya. Alalahanin mo, Bata, saan mang gubat ay may ahas.”
“Hindi lang sa gubat may ahas. Mabuti pa nga ang ahas sa gubat, alam mo ang galaw. Pero ang ahas kayang naglulungga sa bahay na bato, natatahimik kaya ito? Mukhang hindi ito napapakali sa kanyang kinalalagyan.” “Aaaahhhh….Bata. Ang dami mo pang satsat! Mabuti pang sipagan mo ang pagtatrabaho sa aking asyenda hanggang sa mabayaran mo ang pagkakautang ng iyong ama sa akin.” “Pagkakautang? Ang buhay ba ng aking ama ay di pa sapat na kabayaran. Halos buong buhay niya’y ginugol niya sa lupaing ito. Ngayon nga’y hindi ko pa rin nalalaman kung ano ang utang ng aking ama. Basta ang alam ko, bago siya pinaslang, inihabilin niya sa akin ang lupaing minana pa namin sa aming mga ninuno. Baka ikaw ang may pagkakautang dahil inagaw mo ang lupang ito sa aking ama.” “Paano mo mapapatunayan iyan. May ebidensya ka ba? Ha? Gusto mo bang ipagdildilan ko sa mukha mo ang mga papeles na nagpapatunay na amin ang lupaing ito? “Tanda, baka nakalimutan mo na ang sinabi mo kanina na ikaw ang batas sa bayang ito. Kung ikaw ang batas dito, kahit ano pang klaseng papeles iyan ay kaya mong ipagawa. Ang nagagawa nga naman ng pera.” “Teka muna, Bata. Huwag mo akong pagtataasan ng boses. Nakalimutan mo na yata ang kagandahang asal na minana mo pa sa iyong mga ninuno. Ang paggalang sa nakatatanda.” “Hindi ko nakakalimutan iyon, Tanda. Ngunit ang hindi ko maatim ay ang igalang ang mga matatandang tumatanda ng paurong.” “Masyado ka nang namimilosopo, Bata. Baka ikaw ang tumatanda ng paurong dahil hanggang ngayon, hindi ka pa rin umuunlad.” “Nagsisikap ang mga tao para umunlad, at umalwan ang kanilang pamumuhay. Maraming mahihirap ang masisipag, at sadyang nagsisikap para makaahon sa kahirapan, kabilang na ang aking mga magulang. Ngunit dahil sa mga taong ganid, ang aming pamilya’y tuluyang nasadlak sa kahirapan.” “Tila may ibig kang ipahiwatig, Bata. Baka ayaw mo nang makalabas ng buhay sa asyendang ito. Alalahanin mong nasa pamamahay kita at kaya kitang ipalapa sa mga alaga kong aso.” “Ang himig ng pananalita mo’y nagbabadya ng kalupitan. Tunay nga kaya na dito sa bahay na bato naglulungga ang isang ahas?” “Sobra ka na, Bata. Hindi ko na mapapalampas ang mga ito.” Sabay bunot ni Don Facundo sa kalibre .45 na nakasukbit sa kanyang baywang. Bang! Bang! Bang! Lumatag sa sahig ang katawan ni Daniel habang malakas na tumatawa si Don Facundo.
“Ha! Ha! Ha! O, ano ngayon, pilosopong bata. Naisahan din kita! Uuurin na rin ang iyong katawan tulad ng ginawa ko sa iyong ama. Tanga ka, Bata! Napakalaki mong tanga! Pumarito ka sa aking tahanan nang hindi mo dala ang iyong bayag! Ngayon, akin na ang buong lupain ng Santa Barbara. Ha! Ha! Ha!” Bang! “Sinong maysabing hindi ko dala ang aking bayag? Ang balang iyan ay para sa hustisya kay ama at sa lahat ng iyong inapi!” Humakbang paalis si Daniel na may kasiyahan sa dibdib dahil naipaghiganti na rin niya ang kamatayan ng kanyang ama, habang inaalis niya ang bullet-proof vest niya sa dibdib. Habang papalayo’y tinapunan niya ng huling sulyap ang bangkay ni Don Facundo habang umaagos ang masaganang dugo mula sa bibig nito na tila si Drakula matapos makapambiktima. “Ngayon, Tanda, sino ang tanga?”
Minsan, sa isang lugar ng demolisyon MINSAN, SA ISANG LUGAR NG DEMOLISYON ni Gregorio V. Bituin Jr. Dumating na ang sheriff dala ang demolition order habang ang mga maralita naman sa lugar na iyon sa Lungsod Quezon ay nagbarikada na upang depensahan ang kanilang paninirahan sa lugar. Lugar na tinirhan na ng kanilang mga ninuno animnapung taon na ang nakararaan. Naisip ng mga karaniwang mamamayang nakatira sa lugar na iyon, "Bakit kami tatanggalin sa aming tirahan? Dito na kami ipinanganak, dito na kami mamamatay! Mga kasama, ipaglaban natin ang ating karapatan dito!" Naghihiyawan ang mga nangaroon, habang kami'y nasa harapan ng barikada kasama ang mga lider ng komunidad. Nakipag-usap ang mga lider ng komunidad, "Bakit kami paaalisin? Wala na ba kaming mga karapatan? Mamamayan din kami ng bansang ito, at dito sa lugar na ito namin binuo ang aming mga pangarap. Dito na lumaki ang aming mga anak. Bakit kami pipiliting alisin? Sino ba iyang hinayupak na iyang bumili kuno ng lupang aming tahanan?" Nakakapitbisig ang mga maralita sa pook na iyon. Sumisigaw ang mga nanay, "Di kami iskwater sa sariling bayan!" Nasa likuran ang mga demolition team, habang nakaantabay naman ang mga kapulisan sa anumang mangyayari. Naroon din ang ilang myembro ng media. Di madaan sa pakiusap ang sheriff, ayaw pa niyang amining malaki ang lagay sa kanya kaya walang puwang ang karapatang pantao ng maralita. Bingi sa karaingan ng maralita. Sumisigaw siya sa mga residente, "Umalis na kayo sa lugar!" Nanggigigil ang mga lider, lalo na ang mga nanay. Nakahanda ang aming pandepensa sa lugar, lalo na ang mga ginawa naming barikada, at meron ding pillbox bilang pandepensa, habang may mga baril naman ang mga pulis at mga maso naman ang demolition team. Nagkagulo sa lugar nang inutos na ng sheriff na lusubin ang lugar. Parang gyera. Nagkaputukan. Pumasok ang mga demolition team, ngunit di lahat. Nagkabatuhan. Nagkagantihan. Nagpaputok ng baril ang mga pulis sa ere, habang nagsabugan naman ang mga pillbox. Parang kriminal ang turing sa maralita, krimen na pala ang maging mahirap at tumira sa isang tahanang nasimulan nila animnapung taon na ang nakararaan. Maraming sugatan sa mga demolition team at sa mga residente ng lugar. Kami man ay mga sugat dahil natamaan ng bato nang iilag namin ang isang buntis sa batuhan.
Ngunit di natinag ang mga residente. Di sila papayag na wasakin na lamang ng kung sinong hinayupak ang kanilang tahanan, ang kanilang kinabukasan. Natapos ang araw nang di tuluyang nagigiba ang tahanan ng maralita. Iyon ay dahil sa pagkakaisa ng mga residente sa lugar. Umalis ang mga demolition team na luhaan, ang sheriff ay nanggigigil, malinis pa ang mukha dahil di siya nasapak nang kahit sino sa maralita, tulad ng ginawa ni Inday Sara sa demolisyon sa Davao, kung saan sinuntok niya ang sheriff na nag-utos ng demolisyon. Natagpuan ng mga residente ang salitang "pagkakaisa at pagtutulungan." Alam nila, alam namin, bumalik man ang mga hayop na demolition team, kasama ang kanilang among sheriff, naroroon ang lakas ng pagkakaisa ng mga residente sa lugar upang depensahang muli ang kanilang tahanan at ang kanilang kinabukasan. Sa katahimikan ng gabi, nakipagtalakayan tayo sa mga residente. Pinag-usapan kung bakit sila dinarahas. Ano raw klase ng lipunan at gobyerno mayroon tayo, na pati silang mga maralita ay tatanggalan ng tahanan. Di na raw ba uso ang pagkilala sa karapatan ng bawat isa? Bakit mas kinakampihan ng mga sheriff ang mga mayayamang nag-aangkin ng lupa, gayong higit kalahating siglo na silang nakatira sa lugar? Hanggang sa talakayin natin sa kanila ang ugat ng kahirapan, bakit laksa-laksa ang naghihirap at pinagsasamantalahan habang may kakarampot na mayayamang naghahari sa lipunan. Lumipas pa ang ilang araw, dumating muli ang mga demolition team, muling nagkaisa ang mga maralita. Di nila hinayaang mabuwag ang kanilang pagkakaisa. Kung noon ay wala silang pakialaman, ngayon ay itinataguyod na nila ang kapakanan ng bawat isa. Di sila papayag na yurakan ng kung sinuman ang kanilang karapatan. Napalayas nilang muli ang mga demolition team. Nagpatuloy sila sa paglaban at pagkakaisa, dahil alam nilang tama ang kanilang adhikain. Nagpatuloy sila at magpapatuloy pa hangga't matamo nila ang katarungan at katiwasayaan at manatili sila sa kanilang lugar. Nasa pagkakaisa ang tagumpay.
Ang Dalaga sa Bilibid Viejo ANG DALAGA SA BILIBID VIEJO Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr. Halos mabasag ang panga ni Brando nang masuntok ng isang magandang babaeng hinoldap niya. Sa kapapanood niya ng pelikula nina Jet Lee, tila maalam sa kung fu ang babae. Umaringking siya sa sakit, ngunit di nagpahalata. Tumalikod siya’t mabilis na tumalilis upang di mamukhaan ng babae. Siya, si Brando, ang siga sa lugar na iyon sa Quiapo, sa lugar na pinangalanang Bilibid Viejo St. Ayon sa kasaysayan, sa kinatatayuan ng lugar nila mismo binitay ng mga Amerikano ang rebolusyonaryong bayaning si Macario Sakay, pati na ang kanyang kasamang si Lucio De Vega. Naroon ang lumang kulungan o bilibid, na sa wikang Kastila ay Bilibid Viejo. Malapit lang ang Bilibid Viejo sa iba’t ibang unibersidad na sakop ng University Belt area. Dito nakatira at laging nakatambay si Brando. Patulong-tulong siya sa kanyang ina sa maliit nitong karinderya. Ngunit nababagot siya sa gawaing iyon, kaya naghahanap siya ng ibang mapapagkakitaan. At dahil wala namang natapos at pulos pakikipagbarkada lang ang alam, pinasok niya pati pagdudroga at panghoholdap. At iyon nga, nakatapat niya ang matapang na babaeng nanapak sa kanya. Dalawang araw ang nagdaan, napansin ni Brando na parang ang babaeng hinoldap niya ay naroon sa Bilibid Viejo at isa sa bagong border ng kanilang kapitbahay. Kanina lang ay bumili ito sa kanyang inang maysakit na nagtitinda-tinda ng kung anu-ano sa may kanto. Nais niyang makilala ang babae, ang magandang babaeng kayganda ng mga ngiti, ang babaeng di niya naisahan at unang nakaalpas sa kanya, ang tanging babaeng nakagulpi sa kanya. Ngunit nag-aalangan siya dahil nga sa nangyari. Kinaumagahan, papungas-pungas pa siyang ginising ng kanyang ina. “Hoy, Brando, gumising ka nga diyan at pagbilhan mo muna yung babae at masakit ang balakang ko.” Laking gulat niya nang makitang ang babaeng nanapak sa kanya ang bumibili. Nagulat din ang babae nang makita siya. “Ikaw ang nangholdap sa akin nung isang araw, ah! Buti na lang nakawala ako sa iyong hayup ka!” Ito ang pabulyaw na sabi ng babae, sa harap pa naman ng maraming kumakain doon. “Brando! Nakilala ka ng biktima mo, ah!” sabi ni Berto, isang barangay tanod. Nagpanting sa galit si Aling Emma, ang nanay ni Brando. Nasapok niya si Brando sa harap ng marami. Nanliit sa hiya ni Brando. Di niya maitanggi ang kanyang ginawa, at bigla niyang nahawakan ang panga niyang inabutan ng sapak ng babae. Kinahapunan, umalis siya ng kanilang bahay. Di na siya nakapagpaalam sa kanyang ina, nais niyang mabura sa isipan ang kahihiyang sinapit. Gusto niyang maglayas. Ngunit laking gulat niya ng makita niya muli ang babae. Tila, inaabangan siya. Si Ara. At may kasama ito. “Brando, maari ba kitang makausap?” ani Ara. “Magmeryenda muna tayo. Siyanga pala, si Mina, kasama ko.” Nakipagkamay naman si Mina kay Brando.
Nahalina si Brando sa magandang ngiti ni Ara at magiliw na pakikitungo nito sa kanya na parang di niya ito hinoldap nung isang araw. Kaya sumama siyang kumain ng hamburger sa kanto ng Bilibid Viejo at Matapang St. “Nakausap namin ang nanay mo. Nagtataka raw siya kung bakit mo ginawa iyon, gayong kahit maysakit siya'y nakakaraos naman daw kayo. At naabutan ka naman daw niya ng kahit kaunting barya. Alam mo, sayang ka, guwapo ka pa naman! Kung ginagamit mo sa kabutihan ang tapang mo, mapapakinabangan ka pa ng bayan. Ilang beses mo na bang ginagawa iyon?” Tanong ni Ara. “Pangatlo ko lang iyon, Bos. Nagbabaka-sakali lang, para pandagdag sa pambili ng gamot ni ermat. Lagi kasing inuubo, eh. Sa hirap kasi ng buhay, di ako makadiskarte ng matino, Bos." “Ara na lang itawag mo sa akin. Sabi ng nanay mo, pinapag-aral ka raw, ayaw mo namang mag-aral.” “Paano pa ako mag-aaral, mga kaklase ko, mga bata. Grade 5 nga lang naabot ko.” “Wala ka bang pangarap? Ano plano mo sa buhay? Halimbawang trenta anyos ka na, o kaya singkwenta anyos ka na, anong gusto mong maging?” Tanong muli ni Ara. Napatungo na lang si Brando. “Di ko alam kung paano na mangarap. Mahirap naman kung pangarapin kong maging presidente ng Pilipinas, o kaya piloto ng eroplano, di nga ako nakapag-aral. Tiyak, labas ko nito, tagawalis ng kalsada.” “Pwede ka pang mangarap, Brando,” sabi ni Ara. “Tulad namin, kailangan mong pag-aralan ang lipunang ito. Alam mo ba kung bakit may dukha, kung bakit laksa-laksa ang naghihirap at may iilang yumayaman, kung bakit naghihirap ang mga masisipag na manggagawa, habang lumulobo sa yaman ang iilang mayari ng kumpanya? Bakit pag nang-umit ng isang plastik na tinapay ang maralitang nagugutom, kulong agad, pero ang malakihang pagnanakaw ng mga pulitiko sa pondo ng bayan, hanggang sa ospital lang, tulad ni Gloria.” “Di ko alam iyan, at wala akong panahon diyan. Ang kailangan ko’y pera para mabili ko dapat bilhin,” tumayo na siya’t akmang aalis. “Hintay muna, Brando. Eto nga pala ang sandaang piso, makakatulong ito sa iyo kahit konti. Nagambagan kami ng kaibigan ko para ibigay iyan sa iyo. Huwag ka sana muling manghoholdap, baka makulong ka na sa susunod. At saka bago ka umalis, samahan mo muna kami. Diyan lang sa Mendiola, mga dalawang oras lang, tapos pamimiryendahin ka muli namin.” Sabi naman ng kasama ni Ara, si Mina. Naisip ni Brando na umalis na dahil nahihiya siyang makaharap ang dalawang ito. Hinoldap na nga niya si Ara, pero nakawala ito nang masapak siya nito. Tapos sasama pa siya sa mga ito. Ngunit di siya nakawala sa dalawa. Para itong mga amasona na inakbayan siya. Buti na lang magaganda ang dalawang ito at kaysarap amuyin ng kanilang pabango. Naglakad sila hanggang Mendiola. Marami nang tao doon. Ibinigay ni Mina kay Brando ang isang plakard. “Nababasa mo ba ito?”
“Marunong naman akong magbasa, Grade 5 nga inabot ko, eh.” Binasa niya ang nakasulat: “Presyo ng Langis at LPG, Ibaba! - Sanlakas - BMP - KPML - PLM”. Sa isip ni Brando, alam na nina Ara at Mina kung saan siya pupuntahan. Kaya makakapangholdap pa kaya siya? Pero naisip niya, buti na lang di siya ipinapulis ng mga ito’t baka ngayon, nasa bilibid na siya. Hawak ang plakard ay nakinig na lang siya sa mga nagsasalita sa trak. Maya-maya, tinawag si Ara para magsalita. Hawak ni Ara ang megaphone at sinabi nito: “Naririto tayo ngayon upang ipaglaban ang ating mga karapatan! Tinanggalan ng bahay ang ating mga kasamang maralita sa Mariana, Tatalon, at R10. Biktima ng kontraktwalisasyon ang marami nating manggagawa. At ngayon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at LPG! Apektado ang iba pang bilihin! Walang magawa ang gubyerno kundi sundin ang atas ng mga kauri nilang kapitalista! Walang mapala ang mamamayan sa kanila, kundi pawang kahirapan! Nasaan na tayo, kabataan? Kailangan ba nating mangholdap na lang para maibsan ang ating kahirapan, para may pandagdag gastos para makabili ng gamot ng ating ina, gayong pinahihirapan natin ang ating kapwa? O ang tama ay makibaka tayo para baguhin ang ating kalagayan sa ilalim ng kapitalistang sistemang ito na yumurak sa dangal ng ating pagkatao at dahilan ng pagkawasak ng buhay ng marami? Halina, mga kapwa ko kabataan! Pag-aralan natin ang lipunan at makibaka tayo para sa isang makatarungang lipunan para sa lahat. Rebolusyon! Halina’t ipaglaban natin ang sosyalismo hanggang sa tagumpay!” Nakatitig si Brando kay Ara. Ang ganda-ganda ni Ara. At pagkaganda-ganda ng kanyang sinabi, nanunuot sa kaibuturan ng kanyang diwa. Tama si Ara, sa isip-isip niya. Bakit nga ba siya manghoholdap kung kapwa niya mahihirap ang binibiktima niya? Mayaman na lang kaya ang kanyang biktimahin? O ang mas mabuti, makiisa siya kina Ara para ipaglaban ang isang magandang bukas? Natapos nang magsalita ni Ara, at iniabot na sa iba ang megaphone. Ngunit si Brando, nakatulala kay Ara. Parang umaalingawngaw pa rin sa kanyang pandinig ang mga salitang pinagdiinan ni Ara kanina sa megaphone: Rebolusyon. Sosyalismo. Ano ang mga ito? “Maraming salamat, Ara. Nabuksan ang isip ko ng sinabi mo. Ayaw ko nang mangholdap, pero di ko alam ang gagawin ko.” "Totoo ba iyan, wala nang holdap-holdap, ha? Pangako?" "Pangako," nagugulumihanang sagot ni Brando. “Mabuti pa, sumama ka na lang sa sunod na rali namin. Pero bago iyon, may pag-aaral mamaya sa tinutuluyan ko. Ang paksa “Aralin sa Kahirapan”, dalo ka doon, ha? At saka usap pa tayo. Marami pa tayong pag-uusapan. Papunta na nga pala kami roon.” Tumango siya. Mula Mendiola, sabay silang bumalik ng Bilibid Viejo. Bagong buhay, bagong pangarap, bagong pag-asa. Ito ang naramdaman ni Brando sa mga bago niyang kaibigan. Ang nais niyang takasang Bilibid Viejo noon ay binago ng dalagang nakilala niya't nanirahan na sa kanilang lugar sa Bilibid Viejo.
Ang Apat na Sikreto ng Sahod ANG APAT NA SIKRETO NG SAHOD Maikling Kwento ni Gregorio V. Bituin Jr. Maaliwalas ang umaga. Walang nakalambong na ulap sa bughaw na langit. Tila kaysarap ng simoy ng hangin bagamat nasa lungsod ang lugar na puno ng polusyon. Imbes na huni ng mga ibon ay pawang harurot ng traysikel ang bumubulabog sa katahimikan ng lugar. Gising na ang mga manggagawa sa piketlayn, habang may ilang di pa makatayo sa pagkagupiling dahil na rin sa pagod sa nagdaang araw. Nagdagsaan kasi kahapon ang mga manggagawang kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Metro East Labor Federation, at ang pederasyon ng mga nakapiket, ang Super Federation, na siyang mayhawak ng kaso ng nakawelgang unyon. Nagsibangon na ang ilang lider dahil sa maagang pagdating ng mga kabataang estudyante mula sa grupong Piglas-Kabataan o PK. Ang mga ito'y mga anak ng mga lider-maralita ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) at ng pederasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). Bakasyon noon at isa sa gawain ng mga kabataan ang integrasyon sa hanay ng mga manggagawa, na taun-taon nilang ginagawa, at nais din nilang kapanayamin ang mga lider ng unyon para sa kanilang munting dyaryong Piglas. Bakit nga ba nakawelga ang mga manggagawa? Gaano nga ba kahirap ang buhay sa piketlayn? "Magandang araw po!" ang bati ni Magda, ang lider ng may pitong kabataang dumalaw sa piketlayn. "Kami po ang mga lider-kabataan mula sa Piglas-Kabataan. Narito po kami upang makapanayam kayo, at kahit po sa munting panahon ay makipamuhay sa inyo." "Ako nga pala si Lena, ang pangulo ng unyon dito sa pabrika. Mabuti naman at napadalaw kayo. Kumain na ba kayo? Pagpasensyahan nyo muna ang aming agahan, sinangag, tuyo at kamatis." "Salamat po. Katatapos lang po namin. Bakit po kayo nakapiket ngayon?" "Nagpiket kami dahil tinanggal kami sa trabaho bilang regular. Ang sabi ng manedsment, pwede naman daw kaming muling i-rehire pero gagawin na kaming mga kontraktwal. Ang gumagawa ngayon ng aming trabaho ay yaong mga totoong kontraktwal, kaya kaming mga regular na siyang dapat mayhawak ng mga makina ay narito't nakapiket." Siya namang pagdating nina Vilma at Nora, pawang mga instruktor hinggil sa kalagayan ng paggawa. "Sandali, Magda, ha? Kumustahin ko muna sila." ani Lena. "Kumusta na, Vi at Nors? Sila nga pala yung mga kabataang estudyante sa pangunguna ni Magda. Baka pwedeng makasama rin sila sa idaraos nating pag-aaral ngayon."
"Kumusta?" sabay abot ng kamay. "May idaraos nga pala kaming pag-aaral ngayon, tungkol ito sa paksang Puhunan at Paggawa. Dalo sana kayo." "Mabuti naman po kami. Mabuti po at may pag-aaral na idaraos, makikinig kami. Alam naming anumang butil ng kaalamang aming matamo mula sa mga manggagawa ay malaking punong mabunga na ang aming makakamit." "O, paano po? Maliit lang naman itong lugar natin kaya tiyak namang magkakarinigan tayo." ani Vi. Katatapos lamang mag-almusal ng mga manggagawa, kaya naghanap na sila ng maayos na pwesto para sa pag-aaral. Inilatag ni Nora ang manila paper at tumambad sa mga manggagawa ang pamagat na malaking nakasulat: Puhunan at Paggawa. Ang mga estudyante naman ay naupo na rin upang matamang makinig. "Mga kasama, isang magandang umaga sa ating lahat,” ang bungad ni Vilma. “Tayo ay nabubuhay sa ilalim ng kapitalistang lipunan. Ibig sabihin, ang sistema ng lipunan ay katulad din ng sistema sa pabrika. Pagkat sa pabrika, sistemang kapitalismo ang pinaiiral. Suriin natin ang buhay sa pabrika. Tumatakbo ang buhay sa pabrika sa pamamagitan ng dalawang mayor na aspeto: ang puhunan at ang paggawa. Ibig sabihin, hindi pwedeng isa lang sa kanila. Ang kapitalista ang siyang may-ari ng pabrika at siyang namuhunan sa makina, hilaw na materyales, at nagbabayad sa sahod ng manggagawa, at ang manggagawa naman ang nagbebenta ng lakas-paggawa upang tumakbo ang pabrika." "Sila po pala ang may-ari, e, di sila po ang mapagpasya sa kumpanya", ang sabad ni Ato, isa sa mga estudyante. "Alam nyo ba na di tatakbo ang pabrika kung wala ang manggagawa? Anumang gawin ng kapitalista sa kanyang pera, makina at hilaw na materyales, hindi sila kikita. Di tutubo ang pera, kakalawangin lang ang makina, at baka masira lang ang mga hilaw na materyales. Tatakbo lang iyan at tutubo lang ang kapitalista kapag pinagalaw na ng manggagawa ang mga makina," paliwanag ni Vilma. "Ibig sabihin po pala, tatakbo lang ang pabrika kasi nariyan ang manggagawa," sabad muli ni Ato. "Tama ka. Kung walang manggagawa, di tatakbo ang pabrika, ngunit pwedeng tumakbo ang pabrika kahit walang kapitalista. Makagagawa ng produkto ang mga manggagawa dahil sa kanilang lakaspaggawa na siyang binibili naman ng kapitalista, at ang pambayad sa presyo ng lakas-paggawa ng manggagawa ang tinatawag na sahod." Tatangu-tango sina Magda, pati na si Lena at ang iba pang manggagawa. "Alam nyo ba na may apat na sikreto ang kapitalista hinggil sa usaping sahod. Una, tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ang turing sa manggagawa ay ordinaryong kalakal. Ibig sabihin, ang halaga ng lakas-paggawa ang siyang presyong binabayaran ng kapitalista, at ang tawag sa presyong ito ay sahod. Ikalawa, tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ay kapital. Ang sahod ay hindi lang panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar
ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, ito ang pinakaimportanteng bahagi ng kanyang kapital," paliwanag pa ni Vilma. "Di po ba, kaltas sa puhunan ng kapitalista ang sahod? Bakit ito ang pinakaimportante sa kapitalista, gayong kabawasan nga ito?" Malalim ang pagsusuri ni Magda. "Magandang tanong," ani Vilma. "Ganito iyan. Ang sahod bilang pera, kapag ginastos na ng manggagawa, ay nauubos. Pero sa kapitalista, ang sahod ding ito, habang ginagastos ng kapitalista, ay lumalago. Bakit ka'nyo? Maliit lang kasi ang gastos sa sahod ng manggagawa kumpara sa tubo ng kapitalista. Magbigay tayo ng halimbawa." Inilatag na agad ni Nora ang isa pang manila paper, at natambad sa mga manggagawa't kabataan ang isang kompyutasyon. Pulos numero sa kanang bahagi, habang sa kaliwang bahagi naman ang kumakatawan sa mga numero. "Suriin natin ang mga datos batay sa kompyutasyon sa kita ng kumpanyang Goldi. Sa isang departamento nila, nakakagawa ang mga manggagawa ng 12,000 rolyo ng cake bawat araw, sa loob ng 3 shift. Ibig sabihin, may 4,000 cake ang nagagawa sa bawat shift. Ang halaga ng bawat cake sa merkado ay P200. May kabuuang 106 na manggagawa na sumasahod ng P450 sa loob ng walong oras na paggawa, mas mataas ng kaunti sa minimum wage ngayon na P426 dito sa National Capital Region," paliwanag ni Vilma, habang matamang nakikinig at nakatitig ang mga manggagawa sa mga numero, nagsusuri. "I-multiply natin. Ang halaga ng kabuuang rolyo ng cake ay P2,400,000.00; mula 12,000 rolyo ng cake times P200.00 halaga ng bawat cake. Gumastos ngayon ang kumpanya ng sahod na P47,000.00 lamang, mula sa komputasyong P106 manggagawa times P450.00 na sahod kada araw. Ibawas natin ang kabuuang benta ng cake: 2,400,000.00 minus sahod na P47,700.00, ang kita ng kumpanya o gross profit ay P2,352,300.00. Ibawas na rin natin dito ang gastos sa buwis, bayad sa kuryente at tubig, gastos sa depresasyon ng makina, at hilaw na materyales, na nasa kalahati o 50% ng kita. Mula sa gross profit P2,352,300.00 (kita minus sahod) ibabawas ang kalahati nito o 50%, ang kita ng kumpanya ay P1,176,150.00 sa isang buong araw. O, di ba, malaki ang tubo ng kumpanya. Paano kung i-multiply mo pa ito sa isang buwan? E, di limpak-limpak na tubo ito, kumpara sa gastos nila sa sahod," mahabang paliwanag ni Vilma. Nakakunot naman ang noo ng mga nakikinig. Halatang nagsusuri. "Mula sa kompyutasyon sa itaas ay dadako naman tayo sa ikatlong katotohanan ng sahod. Tinatakpan ng terminong sahod ang katotohanang ito ang pinanggagalingan ng tubo ng kapitalista. Ang gastos sa sahod ang siyang porsyon ng kapital na pinanggagalingan ng tubo. Sa madaling salita, ang porsyong ito ng kapital ay walang ambag sa produksyon na ginastos para sa materyales at makina. Ito ang misteryo at mahika ng kapitalismo. At panghuli sa apat na katotohanan hinggil sa sahod, ang nagpapasahod talaga sa manggagawa ay ang mismong manggagawa," dagdag pa ni Vilma. "Halina't muli tayong magkompyut." Inilatag ang isa pang manila paper. "Sa P2,400,000.00 kita ng kumpanya sa isang araw, hatiin natin ito sa 106 manggagawa. Lumalabas na bawat manggagawa ay kumikita ng P22,641.51 sa bawat araw o walong oras niyang pagtatrabaho.
Hatiin natin bawat oras ang halagang ito: P22,641.51 divided by 8 oras, pumapatak itong P2,830.19 bawat oras. Ibig sabihin, mahigit dalawang libong piso na ang kita ng bawat manggagawa sa isang oras niyang pagtatrabaho. Hatiin natin ito sa bawat minuto: P2,830.19 divided by 60 minuto. Lumalabas na sa bawat minuto sumasahod ang manggagawa ng halagang P47.17. At kung hahatiin naman ito sa bawat segundo: P47.17 divided by 60 segundo, lumalabas na sa bawat segundo ay may 79 sentimo ang manggagawa," mahabang talakay muli ni Vilma. Sumabad si Magda na noon din ay nagkokompyut sa papel, "Ibig sabihin po pala, sa P450 sahod ng manggagawa, kung hahatiin sa P47.17 kita niya bawat minuto, lumalabas pong sa loob lamang ng 9.5 minuto ay nakuha na ng manggagawa ang kanyang sahod. At ang natitirang pitong oras at 50.5 minuto ay sa kapitalista na napunta. Nakagagalit naman ang ganyang katusuhan ng kapitalista. Dapat nga po talagang lumaban ang mga manggagawa" "Tama ka, Magda. Iyan ang halaga ng di bayad na oras ng paggawa. Ibig sabihin, malaki talaga ang tinutubo ng kapitalista sa bawat araw, at mumo lang ang natatanggap ng manggagawa," ani Vilma. "Okey, mga kasama, uulitin ko, ha. Ang apat na lihim ng kapitalismo hinggil sa sahod ay ang apat na katotohanang pilit itinatago nila sa manggagawa. Ang sahod ay presyo. Ang sahod ay kapital. Ang sahod ang pinanggagalingan ng tubo. At ang huli, ang sahod ay galing mismo sa manggagawa. Napakaliit na nga ng naibibigay sa manggagawa, nais pang baratin ng kapitalista upang humamig pa ng humamig ng tubo." Nagtanong si Jose, isa pa sa mga kasamang estudyante ni Magda. "Bakit po nakapako kasi ang sweldo ng manggagawa sa P450, di po ba pwede namang taasan ito? Mga P1,000 sa isang araw, para kahit papaano naman ay mabuhay naman ng maayos ang pamilya ng manggagawa. Sa pagkakaalam ko, P1,000 ang sinasabi ng NEDA na halagang makabubuhay sa isang pamilya." Si Nora naman ang sumagot, "Alam nyo, ang minimum wage ay tinatakda mismo ng gobyerno sa pamamagitan ng Minimum Wage Law, at pinapatupad ito ng Regional Wage Board. Mga kapitalista ang mayorya sa Kongreso na siyang nagpasa ng batas na ito, kaya anong aasahan natin, kundi pawang mga batas na pabor sa kanilang uri, pabor sa kapwa nila kapitalista. Bihira nga ang mga batas ngayong talagang kampi sa manggagawa." Pinutol ni Vilma ang talakayan, "Sa ngayon ay iyan muna ang ating tatalakayin. May kasunod pa tayong paksa hinggil naman sa kapitalistang lipunan." "Pinagnilayan ko pong mabuti ang mga paliwanag ninyo. Tama at lohikal. Nuong bata pa po ako ay nagtataka na kung bakit kung sinong masisipag ang siyang naghihirap, tulad ng aking amang magsasaka sa probinsya na madaling araw pa lang ay gising na para bisitahin ang bukid at mag-araro. Napakasipag pero mahirap pa rin kami. Sa ngayon po, nagpapasalamat po kaming muli sa aming mga natutunan,” ani Magda, “Handa po kaming kumuha ng iba pang pag-aaral. Naniniwala po kaming ang mga manggagawa na siyang gumagawa ng yaman ng lipunan ay di dapat naghihirap.”
Katanghaliang-tapat na kaya nagyaya na si Lena kina Magda, "O, siya. Naghanda na kami ng ating pananghalian. Kumain muna tayo at saka natin ipagpatuloy ang ating naudlot na kwentuhan kanina." "Sige po." At masaya nang nagsikuha ng kani-kanilang mga pagkain ang mga kabataang estudyante, kasama ang mga unyonistang ilang araw na ring nakapiket.
MAIKLING KWENTO: HUSTISYA PARA KAY INA DISYEMBRE 29, 2012 JEANNY BURCE
MGA PUNA
25 VOTES “Anak!, magtago ka muna.” sabi ng aking ina. Ako’y nagugulumihanan ngunit, sinunod ko ang kanyang Sinabi, lumilingon-lingon sya sa akin, sabay humarap sa isang malaking lalaking naka-uniporme. Nagtago ako sa ilalim ng puno, maliit pa ako noon, alam kong hindi ako makikita roon. Nakipagusap ng maayos ang aking ina, mahina’t nangungumbinsi ang kanyang boses, tila nakikiusap. Hindi ko marinig ang kanilang mga sinasabi. Umiling ang lalaki at nagalit, sinigawan ang aking kawawang ina, dinuro sya, at minura. Ang naintindihan ko lamang ay “Dapat na kayong umalis sa lupaing ito!.” marahas ang pagkakasabi. Ngunit nang nagtagal ay kumontra ang aking ina, sumigaw at galit na galit. Alam kong tungkol ito sa pagpapalayas sa amin ng mga buwitreng may-ari ng sakahan. Nagulat ako sa susunod na pangyayari, naglabas ng baril ang lalaking naka-uniporme, nagulat si ina, kitang-kita ang pagkatakot sa kanyang mga mata. Hindi ko na binaling ang aking mga mata sa nakababahalang mukha ng aking ina. Natatakot ako sa mga susunod na mangyayari, gusto kong tumakbo, sumigaw, magwala para maligtas ang aking ina, ngunit, huli na ang lahat. “Boom.” putok ng baril kasabay ng tili at pagbagsak ng aking ina sa lupa. Nagulat ako, unti-unting tumulo ang aking luha at tinitigan ang basag na ulo ng aking ina mula sa kinaroroonan. Umalis ang lalaki,na tila walang nangyari, tumatawa, maraming sinasabi, hindi ko matanto kung ano ang mga iyon. Tinuon ko ang pansin sa aking inang naghihingalo, hinawakan ko ang kanyang buhok na puno na ng dugo. May sinasabi, Malabo, ngunit isang salita lamang ang naintindihan ko – LUMABAN. Maraming maling balita ang kumalat sa bayan, pinatay raw ng isang NPA, isinakibit-balikat ko na lamang, wala akong magawa, hindi ako makapagsalita, sabi nila’y na-trauma raw ako. Hindi ko alam ang aking gagawin, ang alam ko lang na gawin ay lumaban. “Lumaban saan?” Sabi ko sa sarili, sa lalaking iyon?– siguro. Pero alam kong may mas mahigit pa akong layunin, “lumaban” — para sa ina, para sa lupa, at higit sa lahat para sa bayan.” Nang Lumaki ako sinimulan kong maghiganti para sa aking ina, ngunit wala akong napala, tumigil ako ng ilang taon sa pagaaral, ngunit sa kagustuhang makapagaral, sinoportahan ko ang aking sarili. Walang gumustong magpaaral sa’kin. Dahilan nila, aktibista ‘raw ako, walang mararating, puro imposibleng bagay ang hinihingi, marami akong naging kaibigan, mula sa eskwelahan hanggang sa mga grupong aking kinabibilangan. Nang dumating na sa puntong, wala na akong malalapitan sa paggastos ng aking matrikula, napagdesisyunan kong magtrabaho o mag-working student. Dahil may kakayahan naman akong sumulat, nag apply ako sa isang dyaryo. Maliit lang ito’t di kilala, ngunit balita ko’y mataas naman ‘daw magpasahod, kaya sumige na ako.
“Ako po si Clove- Clove dela Cruz, nag-aapply po para sa posisyong proof-reader.” sinabi ko sa isang interviewer. Napangiti sya, bakit kaya? “Maupo ka Ms. Dela Cruz” sabi nya. Umupo naman ako. “Mukhang may lahi ka ah?” nakangisi nyang sabi,nainis ako, ayo’ko ng ganitong usapan. “Ah-Eh, opo, Pinay po ang aking ina at Amerikano naman aking ama.” inis na sabi ko. “Oh, naka-kuha ang nanay mo ng magandang lahi ah.” tuluyan na akong nabwisit, “Ginahasa po ang nanay ko noong nasa olonggapo sya.” sabi ko. Nawala ang ngiti sa kanyang mukha nang nasabi ko iyon. Dumating ang isang matangkad na lalaki. “Rolando!” sabi nya’ng galit na galit. Umalis si Rolando sa upuang inuupuan, Hindi pala s’ya ang magiinterview sa’kin, nakahinga ako ng maluwag. “And you are……?” sabi nya’ng nagsusulat sa isang piraso ng papel. “ummm, I am Clove dela Cruz” sinabi ko. Wala syang reaksyon tila wala ako sa kanyang harapan, tumunog ang telepono, “Hello……. Yes?, …. We have a meeting?…. For what?… okay then, I’ll be there soon.” “ano? Aalis sya? Hindi pwede! Kailangan ko na ng pera at trabaho para sa susunod na semester.” Nasabi ko sa sarili ko, dahil sa kadesperaduhan na maka-enroll sa pasukan. Tumayo sya. Inayos ang gamit at at lumakad papunta ng pinto. “Sir.” sabi ko. “What?.” iritableng sabi nya. “I’m applying as a proof reader!” Tumango sya, sinuot ang Americana at tumugon “Okay.” Nagpanting ang aking tenga sa narinig. “You should be accommodating me, you’re the interviewer right? Please do your job!” sabi ko. Nagalit sya, alam ko. Inabot nya ang telepono at nag-dial ng numero. “HR department please.” hindi nagtagal ang usapan at ibinaba nya na ito.
“Is it your first time to apply for a job?” sabi nya. “No, sir” tugon ko. “Okay then, sa HR ka dapat pumunta, not directly to the Boss, is it okay, dear?” sarkastikong sabi nya, Nainis ako. Napahiya at namula, tama nga s’ya. Ngumiti s’ya sa akin at umalis. Makalipas ang ilang araw, sa wakas, natanggap ‘rin ako. Maganda naman ang sahod buwan-buwan kasya sa matrikula ng isang Fine Arts students na katulad ko. Ang masama lang ay ang napakaaroganteng si Mr. Cruz, Madalas n’ya akong pinapahiya sa harapan ng mga ka-opisina ko at ang malala, ay napagtanto ko na nagaaral din pala s’ya sa eskwelahang pinapasukan ko. Madalas n’ya akong minamaliit at pati ang mga babae sa eskwelahan ay kinukutya na rin ako, tinitingnan mula ulo hanggang paa, kinekwestyon ang mga paninindigan ko at higit sa lahat ay kinukutya ako na anak raw ako ng digrasyada, hindi naman talaga. Ang tatay ko ang may kasalanan kung bakit ako nabuhay sa ganitong klaseng pamumuhay, nagiisa at nalulungkot. Pero sa kabila ng lahat, kinakaya ko pa ‘rin…. Para sa aking ina. Gabi-gabi’y naiisip ko ang trahedyang sinapit ko at ng aking ina. Sumasariwa pa ang mga oras, panahon, at pakiramdam na nadarama ko nang nangyari ang trahedyang iyon, na naging daan sa pagkasira ng buhay ko. “….Ang pagtago ko sa puno, pagtataas ng boses ni ina sa lalaki, pagsigaw at pagmumura ng lalaki kay ina…. At ang nakakabinging putok ng baril!….. Pero…. Bakit ganito? Hindi lang isa ang naririnig kong putok ng baril, binilang ko… isa… dalawa… tatlo.. Apat.. Hindi ko mabilang, sunod sunod, umalis ang lalaki, lumapit ako sa aking ina, WALA NA SI INA?! Bakit?…. May narinig akong yabag ng paa, malakas… patakbo. paglingon ko ay nakatutok na sa aking noo ang baril….. Sino ito? Babae… SI INA! Paulit-ulit na nagsasabing “lumaban” “lumaban” “lumaban” “lumaban”…..” Napatili ako. Panaginip lang pala. “Clove!” sabi ng isa kong dorm-mate “Johanna?, pasensya ka na, Panaginip lang pala.” “Ano’ng napanaginipan mo?” tanong nya. “Matulog ka na, maaga pa tayo bukas.” palusot ko. Hindi ko alam kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng aking panaginip, Hindi ko alam, hindi ko alam. Pagkalipas ng ilang buwan, naging marahas ang sitwasyon sa pagitan ng mga magsasaka at mga may-ari ng lupa, nakiisa ako sa kanila, na alam kong iyon ang tama at nakabubuti para sa mga karapatan ng magsasaka sa lupa at lalung-lalo na sa karapatan ng pagkuha ng hustisya ng aking mahal na ina.
Dahil sa kagustuhang makapagaral, sinubukan kong pagsabaysabayin ang pagaaral, pakikibahagi, at ang pagtatrabaho. nahirapan ako nang lubusan, lalo na sa trabaho, patuloy pa rin akong pinapahiya ni Mr. Cruz sa opisina pati na rin sa eskwelahan. Isang araw, pinuna n’ya ang pagiging aktibista ko, pinahiya nya ako sa lahat ng tao pati na sa kanyang mga kabigan. Wala akong magawa kun’di tumakbo magmukmok at umiyak. Ngunit nagulat ako kinabukasan sa taas ng aming paaralan, nang may kumalabit sa akin. Si Mr. Cruz, “Can I sit with you?.“ ngumiti sya sa’kin, Hindi ko na lamang s’ya inintindi. Nang magtagal, nagsalita na rin s’ya, nanghihingi ng tawad, sa mga nagawa nya, at gustong maging magkibigan kami, ipinagkibit-balikat ko ang lahat ng ‘yon dahil, alam kong wala sya senseridad sa mga sinasabi n’ya, isa pa, di ko matatanggap na pinahiya n’ya ako at ang prinsipyo ko sa lahat ng tao. “uhmm.. Clove, pasensya na sa mga sinabi ko aah.” wala pa rin akong tinugon sa kanya. “Alam mo, ang tapang mo….” sabi nya pa. Gusto ko sanang sabihin, kung ano ang ibig sabihin nya doon, ngunit, hindi ko pa sya mapapatawad. “humanga na ako sayo simula pa lang nung una na sinagot-sagot mo ‘ko, kasi…..” Tumingin sya ng diretso sa’kin ngunit, nakatingin lamang ako sa malayo, kunwaring di ako nakikinig. “ikaw yung tipo ng babae na….” sabi nya pa. Nainis ako, gusto ko ng sagutin pero… “mamahalin ko habang buhay.” Nagalit ako sa sinabi n’yang ‘yon gusto ko nang umalis pero…. “Clove! Please react.” nakikiusap na sabi n’ya. “Okay.” at umalis na ako Alam kong nasaktan ko s’ya pero wala akong pakialam. Hindi s’ya ang prayoridad ko ngayon. Hindi sya…… at hindi magiging sya. Hinanap ko ang salarin sa pagpatay sa aking Ina, mga basikong impormasyon, litrato, at trabaho. Tama nga ako, isa syang sundalo, isa rin sya sa mga may-ari ng lupaing sinasaka namin sa probinsya, ngunit, isa lamang ang hindi namin maalam, kung na’san na ang kanilang mga angkan, iyon ang dapat kong malaman, kailangan kong makamit ang hustisya ng aking ina, hindi ako titigil, kahit ano’ng paraan ng pagkamit nito ay gagawin ko, sa legal man o sa illegal na paraan. Mata sa Mata, Ngipin sa Ngipin. Para sa aking ina.
Pumunta ako sa aming probinsya kasama ang aking mga kasamahan, tinanong namin kung sinu-sino ang mga kaanak ng hayop na sundalong pumatay sa aking ina, ngunit wala. Wala silang alam. Pumunta kami sa aming baryo, lahat ng bahay, mga tao, ay tinanong namin ngunit. Wala, wala pa rin. Isang matanda ang nakita namin, mukhang pamilyar sa’kin. Isang ala-ala ang dumapo sa isipan ko, sa gitna ng palayan, sa gabing binaril ang aking ina, Naglalakad kami noon papunta sa punong pinagtaguan ko, dun, dun ko sya nakita! Alam kong isa itong magandang sinyales sa pagkamit ng hustisya ng aking ina. Kaya pinuntahan ko sya, ikinwento nya ang mga pangyayari sa aking mga kaibigan hanggang nagtanong na kami ng mga impormasyon. Kung anong itsura ng lalaki at ano ang pangalan nito. Pumasok sya’t kinuha ang isang litrato, siguro’y lirato ito ng sundalo. Paglabas nito’y inabot sa’kin ngunit di ko tinanggap at binigay nya na lamang sa isa sa aking mga kaibigan. “Clove!, kamukha ng manliligaw mo, oh” sabi ni Johanna. Nagulat ako, kakaiba ang Naramdaman ko, hindi ko alam kung aatras ba ’ko o hindi, iba ang nararamdaman ko ngayon….. Parang…. “Ano ho’ng pangalan n’ya?” nasabi ko sa matanda. “Sandali lang….” pagiiisip ng matanda. Habang iniisip ng matanda ang ngalan, humihiling ako na…… sana, hindi ‘sya “Alam ko na!!, ‘yan si Rolando Cruz” sabi ng matanda. Naisip ko na marami namang Cruz sa buong mundo, baka hindi sya ‘yun. Ano ba talaga itong nararamdaman ko? Hindi ko maintindihan. Akala ko ba wala syang puwang sa’kin? Bakit? Bakit? “Sya nga ata, Clove” sabi ni Alexander. Wala akong naging reaksyon sa sinabi nya’ng iyon ngunit….. Hindi ko alam! Kinabukasan, “Clove!” sabi ni Mr. Robert Cruz “Kumusta na?” bati nya. Iniiwaasan ko sya, lumakad ako paalis sa kanya. “Kilala mo ba itong nasa Larawan?” sabi ni Alexander. Napatigil ako, hinintay ko ang sagot ni Robert, ngunit….
“Uy! Tatay ko yan ah!.” nagulat ako’t napatakbo sa kanyang sinabi. “Clove!” tawag ni Robert Ngunit, tumakbo ako. Hinanda ko na ang aking sarili, tumakbo ako ng tumakbo, papunta sa isang eskinita, hinanda ko na ang sarili ko sa pagkamit ng hustisya para sa pagkamatay ng aking ina, ngunit bakit gano’n? parang ayaw ko nang ituloy? Pero hindi! Para sa Hustisya ng aking Ina! Wala akong pakialam! “Clove!” sigaw ni Robert. Hinanda ko na ang gunting na gagamitin ko sa pagsasagawa ng pagpapalaya sa aking ina. Humarap ako sa kanya, nakita ko ang maamong mukha ni Robert. “Hindi ko kaya!” sigaw ko. “Bakit hindi ko kaya? Dapat kaya ko, matagal ko na itong hinihintay!! Dapat kanina pa kita napatay! BAKIT HINDI KO KAYA???” sabi ko’ng nagwawala at umiiyak. “Clove, Clove, makinig ka muna! Mahal kita, alam kong mahal mo ‘rin ako!” Pumiglas ako mula sa pagkakayakap n’ya sa’kin. “Clove!, tumingin ka muna sa sarili mo? Sinira ng galit mo ang pagkatao mo!, tandaan mo! Hindi Matatakpan ang galit at poot sa sarili mo kung gagawa ka nang malaking kasalanan! Makinig ka! Bakit di ka magmove-on! Iba ang kahapon, iba ang ngayon! Kahapon, naroroon ang nanay mo, pero ngayon……..” “Ano?” sabi ko na di pa rin kumbensido. “Nandito na ako!” Nasiyahan ako sa kanyang mga sinabi, nararamdaman kong mahal ko na s’ya pero.. ……Ang ibig sabihin lang noon ay pinapabayaan ko na ang Aking ina. “Paano ang hustisya ni ina?” “Iapila natin? Hindi ba maaari?, hindi rin naman ako sang-ayon sa aking ama, kailangan n’ya ring panagutan ang kanyang kasalanan. Kakampi mo ‘ko” “Ipapakilala mo ba ako sa tatay mo?” “Kung gusto mo ngayon na, eh.” Naisip kong magandang ideya iyon upang makapaghiganti laban sa kanyang tatay. Pumayag ako sa kanyang sinabi, ipapakilala nya ako sa kanyang mga magulang….. Ito na sana ang maging daan ng Hustisya Para Kay Ina!………MATA SA MATA, NGIPIN SA NGIPIN………
Tigas-ulo Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz Suhi nang ipanganak si Sebastian. Una ang paa, sa halip na una ang ulo. Sinubukan ng doktor na paikutin siya habang nasasa loob pa ng tiyan ng ina, nguni’t hindi ito umobra. Tigas-ulo si Sebastian. Pinalalabas siya sa “caesarian section” ng ospital na una ang ulo. Gusto niya, una ang paa. Nang dalawang taong gulang na, si Sebastian ay nakaaakyat na sa mga silya, mesa at kahon. Ang bata ay uupo muna, gagapang, tatayo, lalakad, at saka aakyat. Ganyan ang unti-unting pag-unlad ng kanyang kakayahan. Hindi pa man marunong magsalita, pa-ungol-ungol man siya bagama’t nakauunawa na, ay tigas-ulo na si Sebastian. “Baba!” sabi ng ina. Aakyat pa rin sa mataas na lugar si Sebastian at kung minsan ay mahuhulog at iiyak. “Iyan na nga ang sinasabi ko, e,” pasubali ng ina, “ang tigas kasi ng ulo mo.” Nang siya ay tumuntong na sa ika-pitong taong gulang ay pumasok si Sebastian sa isang elementarya. Naibigan siya ng mga guro sa dahilang matalino siya. Laging tama ang mga sagot niya sa “recitation” at pati na sa mga “written tests”. Mahusay ding tumula si Sebastian kung kaya’t sa tuwing may seremonya sa eskwela ay siya ang pinatutula ng prinsipal. “Palaging magsusuot ka ng sapatos kapag papasok sa eskwela,” payo sa kanya ng ina. May mga araw na maulan at bumabaha nang bahagya sa kalye at pati sa loob ng paaralan. Sa gayong kalagayan ay hindi isinusuot ni Sebastian ang kanyang sapatos upang ang mga ito ay hindi masira sa tubig. Minsan ay nakatapak ng basag na bote si Sebastian at kinailangang dalhin siya ng ina sa “emergency” upang mapatigil ang pagdudugo at mabigyan siya ng “antibiotic”upang hindi magka-impeksyon. Suot niya ay tsinelas at hindi sapatos. “Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa iyo, Sebastian, kung nakasapatos ka ay hindi ka matitibo. Tigas-ulo ka kasi!” Sa “high school” ay naging “star student” si Sebastian. Kapag may paligsahan ang iba’t-ibang “high school” ay siya ang ipinadadalang kinatawan ng prinsipal na pambato ng eskwela sa mga paligsahan sa pagtatalumpati o pagtula. Minsan ay dumalaw sa eskwela ang isang pangkat ng “gang members” – mga maligalig na “teenagers” sila na sa halip na pumasok sa klase ay nagbibigay ng problema sa mga kapuwa estudyante. Naninigarilyo sila, umiinom ng alak, at nangingikil ng salapi sa mga kapuwa nila estudyante upang magugulan ang kanilang masasamang bisyo. Nakita nila na may suot na magandang relo si Sebastian. Nilapitan nila si Sebastian at pinilit na ibigay sa kanila ang relo at kung hindi ay bubugbugin siya. Pag-uwi ni Sebastian ay ipinagtapat sa ina ang nangyari. “Sabi ko ay huwag mong isusuot sa eskwela ang relo,” paalaala ng ina. “E, kung hindi ko po isusuot sa eskwela ang relo ay saan-saang lugar ko pa iyon maisusuot? Bakit pa binigyan ninyo ako ng relo?” sagot ni Sebastian na papilosopo. “Ang problema sa iyo, anak, ay tigas-ulo ka. Matalino ka nga, pero hindi ka nakikinig.”
Nang makatapos sa “high school” si Sebastian, siya ay nagbalak na pumasok sa kolehiyo upang maging isang abogado. Sabi ng ina, “bakit ka mag-aabogado, anak. Tingnan mo ang tatay mo, abogado, pero walang kaso. Magkomersyante ka, anak. Maraming pera ang kikitahin mo!” Nag-abogado si Sebastian sapagka’t iyon ang karerang itinuturo sa kanya ng kanyang puso. Nang makatapos na ay kumuha siya ng “bar exam” at naging isa sa mga “topnotchers”. Natuwa ang ina at ipinagmalaki siya sa mga kamag-anak at kaibigan. Lipos ng trabaho at pananagutan ang pagiging isang abogado. Walang tigil ang pag-aaral sa mga batas at ang pagsulat ng mga demanda, apela, “memoranda”, at kung anu-ano pang papeles na isinusumite sa korte. Higit na marami ang trabaho kaysa sa kita; katulad halimbawa ng pagtatanggol sa isang nakasagasa na tsuper ng jeepney. Katungkulan niya bilang abogado ang ipagtanggol ang sino man na mangangailangan ng kanyang serbisyo. Nguni’t gaano na ang makakayanang ibayad sa serbisyo niya ng isang “driver” ng jeepney? Naikukuwento niya sa ina ang nararanasang hirap sa piniling karera. Sumagi sa alaala ng ina, “hindi ba ang sabi ko ay magkomersyante ka, anak? Inibig mong maging abogado. Tigas-ulo ka kasi. Pangatawanan mo ang iyong ipinasiya.” Makaraan ang maikling panahon, “Ingat ka, anak, sa pagpili ng mapapangasawa mo,” pakli ng ina nang makitang si Sebastian ay naniningalang-pugad na, “kung ako ang tatanungin mo, makabubuti na ang mapapangasawa mo ay kalahi natin.” Nakilala ni Sebastian si Natividad sa “high school”. Intsik ang tatay niya. Nang sila ay nasa “high school” pa ay naalaala niya na malimit siyang dalhan ng regalo ni Natividad. Regalong pagkain. Nagdadala ang dalagita sa eskwela ng pansit gisado na may bola-bola at ito’y pinagsasaluhan nila tuwing “recess”. May pansiterya noon ang tatay ni Natividad na naroroon sa hanay ng mga pansiterya sa Benavidez, malapit sa kanilang “high school”. Kung araw ng Linggo, makailang ulit din na may dumarating na tao sa bahay nina Sebastian, at naghahatid sila ng sari-saring pagkaing-Intsik. Padala ni Natividad. May “crush” o naiibang pagtingin si Natividad sa kaeskwelang Sebastian. Sa dinami-dami ng kaeskwela ay bakit si Sebastian lamang ang nabibigyan niya ng pansit? Noong mga panahong iyon ay wala pang malay sa pag-ibig si Sebastian. Si Natividad ay may higit na maunlad na kamalayan sa pag-ibig, nguni’t bilang babae ay hindi naman niya maipahayag sa lalaki ang nilalaman ng kanyang dibdib. Natapos ang “high school”, tinahak ni Sebastian at ni Natividad ang kani-kanilang naiibang landas at tumakbo ang panahon. Minsan ay napadpad sa dako ng Benavidez ang batang-batang abogado na si Sebastian. Pumasok siya sa isang malaking “restaurant” at doon ay nananghali. May magandang dilag na lumapit sa mesa niya.
“Kung hindi ako nagkakamali ay ikaw si Sebastian Echavez!” bati ng dilag.
“Napatingin si Sebastian sa nangusap, inalis ang suot na salamin, at sinipat ang kaharap na magandang dilag. Nag-isip sumandali, bago nasambit ang, “Natividad! Natividad Sy! Laking sorpresa nito! Kumusta ka na?” At nanumbalik ang dating pagkakaibigan na sa di malaon ay nauwi sa pag-iibigan. Ang tatay ni Natividad ay malaking negosyante na. Hindi lamang sa mas malaki na ang “restaurant” niya, ang gusali na kinalalagyan ng “restaurant” ay pag-aari na niya; samantalang noong araw ay inuupahan lamang niya iyon. Bukod dito ay may sosyo siya sa mga itinatayong iba pang mga gusali na magiging mga “commercial centers” sa iba’t ibang panig ng Maynila. Sa madaling sabi ay naging kabiyak ng puso ni Sebastian si Natividad. Naging engrande ang kanilang kasal na ang nagbayad sa lahat ng gastos ay ang ama ng babae. “Nakahihiya!” pagtanggi ng ina. “Sa ating kaugalian, ang magulang ng lalaki ang gumagastos sa kasal!” “Bayaan na ninyo, Inay. Ibig nilang masunod ang kanilang kaugalian.” Pakiusap ni Sebastian sa ina. “Parang binibili ka nila, anak. Sabi ko ay huwag kang mag-aasawa ng Instik. Tigas-ulo ka. Ngayon ay makikibagay ka sa kanilang kaugalian na taliwas sa ating kaugalian.” Hindi na kinailangan ni Sebastian na magtrabaho pa bilang abogado. Pinakiusapan ng kanyang biyenan na tumulong na lamang sa pagpapatakbo ng lumalaking negosyo. Hinirang siyang “vicepresident” at “general manager” ng kanilang “family corporation”. Kumita nang malaki si Sebastian at sila ni Natividad at ang mga naging supling nila ay nagkaroon ng masagana at masayang pamumuhay. “Naliligayahan ako, Sebastian, sa nangyayari sa iyong buhay. Isang matagumpay na komersyante ka na! Ang tigas ng ulo mo kasi. Sabi ko ay mag-aral ka ng “commerce”; ipinilit mo na mag-abogado.” Paalaala ng ina. “Ngayon, anak, ay ituon mo sa negosyo ang lahat ng iyong nalalaman at lahat ng iyong panahon at lakas. Huwag mong bibiguin ang iyong asawa at biyenan. Tulungan mo silang mapalago ang kanilang kayaman,” dagdag pa ng ina. Noong araw pa ay may pusong-makabayan na si Sebastian. Kaya siya nag-aral ng abogasya ay upang mairaos ang pagnanasa na matutuhan ang batas at ang “political science” – ang kaalaman tungkol sa pagpapatakbo ng gobyerno at sa pagsisilbi sa masa. May hangarin siya na magkaroon ng katungkulan sa pamahalaan at nang siya ay maging instrumento sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng bayan. Naging masipag na kasapi siya ng Rotary – ang samahan ng mga babae at lalaking propesyonal at ng mga matatagumpay na negosyante na ang pakay ay ang makatulong sa pagpapabuti ng lipunan. Hindi naglaon at hinimok siya ng mga kasamahan sa Rotary na tumakbo bilang “congressman” sa kanilang distrito.
Sumama ang loob ng kanyang biyenan sa pasiya ni Sebastian na kumandidato bilang “congressman”. “Paano ang hanap-buhay natin? Iiwan mo ang iyong katungkulan sa iyong pamilya upang kaharapin ang katungkulan sa mga taong hindi mo naman kakilala at hindi mo naman kadugo,” paghihinanakit ni Mr. Sy. “Itay, lalo kong mapangangalagaan at mapauunlad ang ating hanapbuhay kung may magagawa ako sa pagpapaunlad ng trabaho, sa pagkakaroon ng higit na maayos at mapayapang lipunan, sa pagtatatag ng higit na malusog na ekonomiya . . . Pangmalawakan ang aking pananaw, Itay,” paliwanag ni Sebastian sa biyenan. Sabi naman ng kanyang ina, “Sebastian, matanda na ako. Matigas pa rin ang iyong ulo. Ano man ang sabihin ko sa iyo ay ang kabaligtaran ang iyong ginagawa, sinusunod mo ang ano mang ibigin mo. Wala akong sama ng loob sa iyo, anak. May mga pagpapasiya ka na maganda ang kinalalabasan. Ang mga payo ko ay alang-alang sa iyong kabutihan. Nguni’t ako ay tao lamang at kung minsan ay nagkakamali sa mga payong ibinibigay sa iyo. Kaya mo na ang magpatuloy na walang nagbibigay sa iyo ng payo. Matalino ka at busilak ang iyong puso. Sundin mo ang ibinubulong sa iyo ng iyong puso at ikaw’y magtatagumpay. Tigas-ulo ka, anak, nguni’t iya’y katangian mo, aaminin ko sa iyo, na isang mabuti at kanais-nais na katangian. Pagpalain ka nawa ng Diyos, anak.”
Napapaluha si Sebastian sa tuwing maaalaala ang sinabi ng ina. Iyon na ang huling pag-uusap nila.
PANGAKO NG MGA KANDIDATO, PANLILINLANG SA MGA TAO Submitted by Internasyonalismo on Tue, 2010-02-09 11:18 Bersyon na maaaring i-print Lahat ng mga kandidato ay inaaming dumarami ang naghihirap na mga Pilipino. Ito ang katotohanang hindi nila kayang itago. Isang katotohanan na lagi na lang may "solusyon" sa panahon ng kampanya ng eleksyon. Katotohanan na ang "solusyon" diumano ay kung si ganito o si ganoon ang mananalo at makaupo sa pwesto. Laging ganito ang naririnig at nababasa ng taumbayan, laluna ng manggagawa at maralita tuwing sasapit ang halalan. "Malinis na pamahalaan", "matino at tapat na taong nasa pwesto", walang kurakot na gobyerno", "libreng edukasyon", "trabaho", "tamang sahod", "lupa", "pabahay"..... Ito na ang laging sinasabi ng mga kandidatong nangangailangan ng boto ng manggagawa at maralita para masungkit nila ang kapangyarihan sa bulok na pamahalaan. Bawat isa sa mga kandidato ay nagsasabing "ako at ang aking partido ang may tunay na plataporma at programa para maiahon ang sambayanan mula sa kahirapan". Ilang dekada na ba nating narinig ang mga katagang ito? Ilang dekada na ba nating narinig na naghirap diumano ang bansa dahil sa "maling pamamahala", dahil "hindi mga tamang tao ang naluklok sa gobyerno". Hindi ba't ito lagi ang sinasabi ng nasa oposisyon na nais palitan ang administrasyon? Ang administrasyon naman ay laging nagsasabing wala sa kanila ang problema kundi "hindi sapat na panahon ng panunungkulan" ang siyang dahilan kung bakit ang mga pangako ay hindi natupad. Ang nasa administrasyon ay sinisisi ang lahat maliban sa kanilang sarili sa mga kapalpakan ng kanilang "plataporma" at "programa". Ganito lagi ang eksenang nakikita natin sa kada tatlo at anim na taong palabas ng eleksyon. Katotohanang matagal na nating alam Matagal na nating alam na lahat ng mga kandidato ay walang kaibahan sa isa't-isa. Matagal na nating alam na ang nais lamang nila ay uupo sa pwesto para lalupang magpayaman gamit ang kapangyarihan. Kaya nga ang iba sa ating mga kapatid ay ginawa na lamang "pantawid-gutom" ang eleksyon dahil alam nila na walang pagbabagong mangyari sa kanilang hirap na kalagayan matapos ang eleksyon. Ang puno't dulo ng kahirapan ay ang bulok na sistema ng ekonomiya ng bansa na nagbunga ng bulok na gobyerno. Walang sinumang "santo" at "santa" ang may kapangyarihang gawing maayos ang pamahalaan na nakatungtong at nabubuhay mula sa mabangong singaw ng bulok na panlipunang kaayusan.
Higit sa lahat, wala sa mga "super-hero" na politiko at kapitalistang partido ang kapangyarihan upang wakasan ang kabulukan ng sistema at estado dahil ito mismo ang pinagtatanggol nila. Ang may kapasidad lamang nito ay ang uring may istorikal na kapasidad at kapangyarihan upang durugin ang mapagsamantalang kaayusan: ang uring manggagawa. Ang panlipunang sistema na nakabatay sa ganansya, sa ganansyang ang tanging pinaggalingan ay ang libreng paggawa ng masang anakpawis, sa pag-aari ng minorya sa mga kagamitan ng produksyon, na siyang dahilan ng permanenteng krisis ng sobrang produksyon at patuloy na kawalang kapasidad ng nakararami na bilhin ang mga batayang pangangailangan, ang tunay na puno't dulo ng korupsyon at kabulukan ng gobyerno. Tiwala sa sariling lakas, ibagsak ang sistema ng kapital Wala sa loob ng gobyerno ang solusyon sa mga problema ng kahirapan. Ang solusyon ay durugin ang kapitalistang gobyerno at itayo ang kolektibo at rebolusyonaryong kapangyarihan ng manggagawa. Hindi ito makakamit sa pamamagitan ng eleksyon kahit pa pagandahin ang mga dekorasyon ng mga "radikal" at "rebolusyonaryo" sa loob ng gobyerno at parliyamento, na siyang ginagawa ngayon ng mga oportunista at traydor na mga organisasyon ng Kaliwa. Ang tanging solusyon ay rebolusyon ng manggagawa para wasakin ang kapitalistang mga relasyon. Subalit, ang malaking hadlang ay ang kawalan ng tiwala ng masang manggagawa at maralita sa kanilang sariling lakas at pagkakaisa, ang kawalan ng tiwala na kayang-kaya nilang organisahin ang kanilang sarili at kayang-kaya nilang labanan ang naghahari at mapagsamantalang mga uri sa lipunan. Ang papel ng Kaliwa at burges na oposisyon ay lalupang itulak ang masa na lubusang mawalan ng tiwala sa sarili dahil sa ganitong sitwasyon lamang kakapit at maniwala ang masa sa mga panlilinlang at pagsisinungaling ng mga umaangking "lider", "abanteng destakamento" at "tagapagligtas". Ang mga "lider" at "kinatawan" ng masa ang "tanging may kapangyarihan" upang iahon ang huli sa kahirapan. At dahil hindi naman talaga matutupad ang mga pangako, sisihin ng mga "lider" at "kinatawan" ang masa mismo dahil "hindi aktibong sumusuporta" at "nanatiling pasibo", mas masahol pa, "mababa ang kamulatan", hindi katulad sa mga "lider" at "kinatawan" na "mataas na ang kamulatan". Sindak na sindak ang lahat ng mga politiko (Kanan at Kaliwa, administrasyon at oposisyon) na darating ang panahon na hawakan na mismo ng masa sa kanilang mga kamay ang pagpanday ng kanilang kinabukasan. Dahil ang ibig sabihin nito ay itinatakwil nan g nakararami ang eleksyon at hinahawakan na nila ang rebolusyon. Kaya naman nagtulong-tulong ang lahat ng paksyon ng naghaharing uri, sa kabila ng kanilang matinding kompetisyon at siraan na manatiling nakakulong ang malawak na masa sa mga mistipikasyon ng eleksyon dahil ayaw ng naghaharing uri na tahakin ng masang anakpawis ang kanilang sariling landas, ang landas ng proletaryong rebolusyon.