Ang Araw at ang Hangin Sino kaya ang mas malakas, ang araw o ang hangin? Madalas daw ay nag-aaway itong dalawang ito noong araw dahil sa nagpapalakasan nga. Isang araw, sinabi ng hangin, “O, gusto mo ba talagang patunayan ko na mas malakas ako kaysa iyo?” Ngumiti ang araw. “Sige, para hindi ka laging nagyayabang, tingnan natin. Hayun, may lalaking dumarating. Kung sino sa ating dalawa ang makakapagpaalis ng suot niyang polo, siya ang kikilalaning mas malakas.” “Payag ako. Ngayon din, magkakasubukan tayo,” malakas na sagot ng hangin. “Ako ang uuna,” dugtong pa niya dahil ayaw niyang maging pangalawa sa anumang labanan. Sinimulan niyang hipan ang naglalakad na lalake. Sa umpisa ay tila nagustuhan ng tao ang hihip ng hangin kaya naging masigla at bumilis ang lakad nito. Nilakasan ng hangin ang pag-ihip. Isinara ng tao ang lahat ng butones hanggang sa may leeg ng kanyang polo. Inubos ng hangin ang buong lakas sa pag-ihip. Lalo namang pinakaipit-ipit ng mga braso ng lalake ang damit dahil tila giniginaw na siya. Nanghina na nang katakut-takot ang hangin sa pag-ihip niya ay talagang hindi niya makuhang mapaalis ang damit ng lalaki. “Sige,” sigaw niya sa araw, “tingnan naman natin ang galing mo. Marahil, hindi mo rin naman mapapahubad ang taong iyon.” Pinalitaw ng araw ang sinag niya, at unti-unti niyang pinainit ito. Tumulo ang pawis ng lalaki. Dinagdagan pa ng araw ang init na inilalabas niya at ang lalake ay nagkalas ng mga ilang butones sa baro. Maya-maya, nang uminit pang lalo ang araw, hindi na nakatiis ang tao at tinanggal nang lahat ang mga butones ng polo at hinubad ito. Panalo ang araw! Mula noon, di na nagyabang uli ang hangin. Aral: Iwasan ang pagiging mayabang. Kadalasan ay wala itong mabuting naidudulot kanino man. Mas mainam sa tao ang may kababaang loob at hindi nagmamalaki. Higit siyang kapuri-puri kaysa taong maraming sinasabi ngunit kulang sa gawa at wala namang silbi. Maging matalino sa bawat desisyong gagawin. Pag-isipan muna ng mabuti at makailang beses bago gumawa ng desisyon upang hindi ka magsisi. Citation: (2019, Pinoy Collection) Reference: https://pinoycollection.com/maikling-kwento-tungkol-sa-kalikasan/
MAIKLING KUWENTO (BAHA DULOT SA BASURA) Isinulat ni: Blaine Mia Igcasama
Si Henry ay mahilig magrumi sa kapaligiran. Hindi niya iniisip na masama ang kaniyang ginagawa. Tapon doon, Tapon ditto iyan ang lagi niyang ginagawa araw-araw. Kahit na pinapagalitan nang kaniyang ina ay hindi parin siya sumusunod nito na huwag magkalat. Palibhasa’y may katulong silang laging inuutusang maglinis ng kalat sa loob at sa labas nang kanilang pamamahay. Dumating ang panahong kailangang umuwi ang kanilang kasambahay sa probinsiya at walang ibang katulong ang pumalit dito. Kaya obligado si Henry na gawin ang mg autos sa kanilang pamamahay sa loob o sa labas man. Isang umaga ipinatapon nang kaniyang ina ang sako-sakong basura sa may eskinita kung saan doon kinukuha ng mga basurero ang mga basura. Ngunit dahil sa pagiging tamad ni Henry itinapon niya ito sa likod nang kanilang bahay kung saan may ilog doon. hindi alam nang ina ni Henry ang kaniyang ginawa kaya hindi siya napagalitan nito. Isang gabi habang si Henry ay mahimbing na natutulog, napakalakas na ulan ang humagupit sa kanilang bayan hanggang sa bumaha. Pumasok sa loob nang kanilang bahay ang tubig at iba’t-ibang klase nang mga basura. Nagulantang ang ina ni Henry sa nangyari siya ay nalito kung bakit may mga basurang nagkalat sa loob nang kanilang bahay kung ipinatapon niya ito. kaya pinuntahan niya ang kaniyang anak at tinanong kung saan nito itinapon ang sako-sakong basura. Sinabi ni Henry ang katotohanan na sa ilog niya itinapon ang mga basura. kaya nagalit ang kaniyang ina at sinabihan itong linisin ang basura mag isa. Napag tanto ni Henry na mali ang kaniyang ginawa kaya sinabi niya sa sarili na hinding-hindi na niya iyon gagawin at magiging responsable na siya. Citation: (October 12, 2016, Blaine Mia Igcasama) http://johnblainebalong.blogspot.com/2016/10/maikling-kuwento-baha-dulot-sabasura_4.html