MABINI, Mikhaela B. BS Psychology 1-6 Ang Kasaysayan ng Pagsasalingwika sa Daigdig at sa Pilipinas I. Kasaysayan ng Pagsasalin sa Daigdig
Ang kinikilalang unang tagasalin ay si Andronicus na siyang nagsalin ng Odyssey ni Homer sa anyong patula (240 B.C.) Sinundan ito nina Naevius at Ennius, gayon din nina Cicero at Catulus. Sa pagdaraan ng maraming taon ay dumami nang dumami ang mga tagasaling-wika na siyang nagdulot ng malaking pag-unlad ng mga bansa sa Europa at Arabya. Nakilala ang lungsod ng Bagdad bilang isang paaralan ng pagsasalingwika sa pamamagitan ng isang pangkat ng mga iskolar na nakaabot sa Bagdad at isinalin sa Arabiko ang mga isinulat nina Aristotle, Plato, Galea, Hippocrates at iba pa. Pagkaraan ng tatlong siglo, Toledo naman ang sumibol sa larangan ng pagsasalingwika. . Ang mga tanyag na tagapagsalin ay sina Adelard at Retines. Ang sinasabing pinakataluktok na panahon ng pagsasalingwika ay ang panahon ng pagsasalin ng Bibliya.
Ang kinikilalang pinakamabuting salin ng Bibliya ay ang salin ni Martin Luther (14831646).
Ang kinikilalang “Prinsipe ng Pagsasalingwika” sa Europa ay si Jacques Amyot na siyang nagsalin ng “Lives of Famous Greeks and Romans”(1559) ni Plutarch sa wikang Aleman.
Si John Dryden ay ibinibilang din na isang mahusay na tagapagsalin dahil pinag-uukulan niya ng maingat na paglilimi ang gawang pagsasalin sapagkat naniniwala siyang ang pagsasalin ay isang sining.
Noong 1792, sa aklat na “Essay on the Principles of Translation” ni Alexander Tyler, binigyang diin ang tatlong panuntunan sa pagsasalin. Ang mga ito ay ang mga sumusunod: Ang isang salin ay kailangang katulad na katulad ng orihinal sa diwa; Ang istilo at paraan ng pagsulat ay kailangang katulad ng sa orihinal; Ang isang salin ay kailangang magtaglay ng “luwag at dulas” ng pananalitang tulad ng sa orihinal upang hangga’t maaari ay magparang orihinal. Ayon naman kay Matthew Arnold ang isang salin ay kailangang magtaglay ng bisang katulad ng sa orihinal. Ang paniniwalang ito ay sumasalungat sa paniniwala ni F.W. Newman na ang isang salin ay kailangang matapat sa orihinal, na kailangang madama ng bumabasa na ang kanyng binabasa ay isang salin at hindi orihinal. Sa pagsapit ng ikadalawampung siglo ay isa na lamang karaniwang gawain ang pagsasalingwika kaya naman ang uri ng mga nagsisunod na salin ay mababa sa uring nararapat.
A. Ang mga Pagsasalin sa Bibliya
Ang orihinal na manuskrito o teksto ng Bibliya ay sinasabing wala na. Ang kaunaunahang teksto nito ay nasusulat sa wikang Aramaic ng Ebreo at ito ang pinaniniwalang pinagmulan ng salin ni Origen sa wikang Griyego na kilala sa tawag na Septuagint gayon din ang salin ni Jerome sa wikang Latin. Ang tatlong itinuturing na pinakadakilang salin ng Bibliya ay ang kay Jerome (Latin), ang kay Luther (Aleman) at ang kay Haring James (Ingles-Inglatera). Samantalang ang kauna-unahang salin sa Ingles ng Bibliya ay isinagawa ni John Wyclif. Ang unang salin ng mga Katoliko Romano ay nakilala sa tawag na Douai Bible. Sa lupong binuo ni Haring James sa pagsasalin ng Bibliya, naging panuntunan na ang pagsasalin ay maging matapat sa orihinal na diwa at kahulugan ng Banal na Kasulatan, dito nga nakilala ang “Authorized Version”. Ang
maituturing naman na pinakahuling salin ng Bibliya ay ang “The New English Bible” (1970) na inilimbag ng Oxford University. Sa dinami-dami ng mga pagsasaling isinagawa sa Bibliya, kinailangan pa rin ang muling pagsasalin dahil sa mga sumusunod na dahilan: (1) Marami nang mga natuklasan ang mga arkeologo na naiiba sa diwang nasasaad sa maraming bahagi ng mga unang salin; (2) Naging marubdob ang pag-aaral sa larangan ng linggwistika na siyang naging daan ng pagpapalinaw ng maraming malabong bahagi ng Bibliya; (3) Ang sinaunang wikang ginamit sa klasikang English Bible ay hindi na halos maunawaan ng kasalukuyang mambabasa bukod sa kung minsan ay iba na ang inihahatid na diwa.
B. Ang mga Pagsasalin sa mga Akdang Klasika Ang kalakhan ng kinikilalang mga akdang klasika ay ang mga orihinal na nasusulat sa Griyego at Latin, ngunit ayon kay Gng. Virginia Woolf, ang alin mang salin ay hindi makakapantay sa orihinal sapagkat ang wikang Griyego ay isang wikang maugnayin, mabisa, tiyak at waring may aliwiw na nakaiigayang pakinggan.
Dalawang pangkat ang mga tagapagsaling-wika sa Ingles ng wikang Griyego, ito ay ang makaluma o Hellenizers at ang makabago o Modernizers. Ang layunin ng mga makaluma ay maging matapat sa pagsasalin sa paghahangad na mapanatili ang orihinal na diwa at katangian ng kanilang isinasalin kaya naman pinapanatili nila ang paraan ng pagpapahayag, at balangkas ng mga pangungusap at idyoma ng wikang isinalin sa wikang pagsasalinan. Kasalungat naman ito ng paniniwala ng mga makabago na nagsasabing ang salin ay dapat nahubdan na ng mga katangian at idyoma at nabihisan na ng kakanyahan ng wikang pinagsalinan.
Ayon naman kay Robert Browning, ang tagasaling-wika ay kailangang maging literal hangga’t maaari maliban kung ang pagiging literal ay lalabag sa kalikasan ng wikang pinagsasalinan.
Naniniwala naman si Robert Bridges na higit na mahalaga ang istilo ng awtor kung ang isang mambabasa ay bumabasa ng isang salin. Sa kabila ng magkasalungat na opinyong nabanggit ay may ikatlong opinyong lumitaw, ito ay ang paniniwalang hindi makatwirang piliting ipasok sa wikang pinagsasalinan ang mga kakanyahan ng wikang isinasalin. Pareho naman ang paniniwala nina Edward FitzGerald at Samuel Butler na alin mang salin ng mga akdang klasika ay dapat maging natural ang daloy ng mga salita, madaling basahin at unawain. Sa mga pagsasalin ni F.W. Newman sa mga akda ni Homer, pinilit niyang mapanatili ang kakanyahan ng orihinal hangga’t maaari dahil naniniwala siya na kailangang hindi makaligtaan ng isang mambabasa na ang akdang binabasa ay isa lamang salin at hindi orihinal. Sumasalungat naman sa paniniwalang ito si Arnold na tagapagsalin din ni Homer. Ayon sa kanya, ang katapatan sa pagsasalin ay hindi nangangahulugan ng pagpapaalipin sa orihinal na wikang kinasusulatan ng isasalin. Samantala, unti-unting nahalinhan ng Roma ang Atenia bilang sentro ng karunungan nang mga panahong iyon. Ayon kay C. Day Lewis sa kanyang pagsasalin ng “Aeneid” ni Virgil (na siyang pinakapopular sa panulaang Latin) sa wikang Ingles, upang mahuli ng tagapagsalin ang tono at damdamin, kinakailangang magkaroon ng ispiritwal na pagkakaugnayan ang awtor at ang tagapagsalin.
1. Kasaysayan ng Pagsasaling-wika sa Pilipinas Ang kasaysayan ng pagsasaling-wika sa Pilipinas ay mahahati sa limang yugto: Panahon ng Kastila; Panahon ng Amerikano; Panahon ng Patakarang Bilinggwal; Panahon ng Pagsasalin ng Panitikang Di-Tagalog at Panahon ng Afro-Asian Literature A. Unang Yugto – Panahon ng mga Kastila Ang pagsasaling-wika sa Pilipinas ay nagsimula sa pangangailangang mapalaganap ng mga mananakop na Kastila ang relihiyong Iglesia Catolica Romana. Kinailangan ang pagsasalin sa Tagalog at sa iba pang katutubong wika ng mga dasal at mga akdang panrelihiyon. Ngunit hindi naging konsistent ang mga Kastila sa pagtuturo ng wikang Kastila sa mga Pilipino, dahil ayon sa kanilang karanasan sa pananakop, higit na nagiging matagumpay ang pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa pamamagitan ng paggamit ng wika ng mga katutubo at naging mas katanggap-tanggap sa mga katutubo ang marinig na ginagamit ng mga prayle ang kanilang katutubong wika sa pagtuturo ng salita ng Diyos. Ang ikatlong dahilan na hindi lantarang inihayag ng mga Kastila ay ang pangamba na kung matuto ang mga Pilipino ng wikang Kastila ay maging kasangkapan pa nila ito sa pagkamulat sa totoong kalagayan ng bansa. Sa paglisan ng kapangyarihang Espanyol sa Pilipinas, nagpatuloy pa rin ang pagsasalin ng mga piyesang nasa wikang Kastila.
B. Ikalawang Yugto – Panahon ng mga Amerikano
Sa panahong ito, naging masigla ang pagsasalin sa wikang pambansa ng mga akdang klasikang nasa wikang Ingles. Edukasyon ang pangunahing patakarang pinairal ng Amerika kaya naman “bumaha” sa ating bansa ang iba’t ibang anyo at uri ng karunungan mula sa Kanluran lalo na sa larangan ng panitikan. Ang pagsasalin sa panahong ito ay isinagawa sa paraang di-tuwiran, ibig sabihin ang isinasalin ay hindi ang orihinal na teksto kundi ang isa na ring salin.
Isa sa mga tagasaling marami ang naisaling klasikong akda ay si Rolando Tinio. Ang mga dulang isinalin niya ay ipinalabas sa mga piling teatro sa Kamaynilaan lalo na CCP.
Isang magandang proyekto rin ang isinagawa ng National Bookstore (1971) kung saan ipinasalin ang mga popular na nobela at kwentong pandaigdig at isinaaklat upang magamit sa paaralan. Ang ilang halimbawa ay ang mga kwentong “Puss N’ Boots”, “Rapunzel”, “The Little Red Hen” at iba pa. Ang Goodwill Bookstore naman ay naglathala ng koleksyon ng mga klasikong sanaysay nina Aristotle, Aquinas, Kant at iba pa. Ang Children’s Communication Center naman ay nagsalin at naglathala ng mga akdang pambata tul ad ng “Mga Kuwentong Bayan Mula sa Asia, Rama at Sita”, Palaso ni Wujan”, “Mga Isdang Espada” at iba pa.
1. Ikatlong Yugto ng Kasiglahan – Patakarang Bilinggwal Ang ikatlong yugto ay ang pagsasalin sa Filipino ng mga materyales pampaaralan na nasusulat sa Ingles tulad ng mga aklat, patnubay, sanggunian, gramatika at iba pa. Kaugnay ito ng pagpapatupad sa patakarang bilinggwal sa ating sistema ng edukasyon. Ayon sa Department Order No. 25, s. 1974, higit na marami ang mga kursong ituturo sa Filipino kaysa Ingles. Nangangahulugan, samakatwid na lalong dapat pasiglahin ang mga pagsasalin sa Filipino ng mga kagamitang pampagtuturong nasusulat sa Ingles. Ang ilan sa mga halimbawang isinalin sa panahong ito ay ang mga gabay pampagtuturo sa Science, Home Economics, Good Manners and Right Conduct, Health Education, at Music. Isinalin din ang Tagalog Reference Grammar, Program of the Girl Scouts of the Philippines at iba pa.
1. Ikaapat na Yugto ng Kasiglahan – Pagsasalin ng mga Katutubong Panitikang DiTagalog Kinailangan ang pagsasalin ng mga katutubong panitikang di-Tagalog upang makabuo ng panitikang pambansa. Ang tinatawag nating “pambansang panitikan” ay panitikan lamang ng mga Tagalog sapagkat bahagyang-bahagya na itong kakitaan ng panitikan ng ibang pangkat-etniko ng bansa. Upang maisakatuparan ito nagkaroon ng Proyekto sa Pagsasalin ang LEDCO (Language Education Council of the Philippines) at SLATE
(Secondary Language Teacher Education) ng DECS at PNU noong 1987 sa tulong ng Ford Foundation. Inanyayahan sa isang kumperensya ang kinikilalang mga pangunahing manunulat at iskolar sa pitong pangunahing wika ng bansa (Cebuano, Ilocano, Hiligaynon, Bicol, Samar-Leyte, Pampango at Pangasinan. Pinagdala sila ng piling materyales na nasusulat sa kani-kanilang bernakular upang magamit sa pagsasalin. Sa proyektong ito, nagkaroon din ng pagsasalin sa ilang Chinese-Filipino Literature, Muslim at iba pang panitikan ng mga minor na wika ng bansa. Nagkaroon din ng Pagsasalin ang GUMIL (Gunglo Dagiti Mannurat nga Ilocano. Pumili ang mga manunulat na Ilocano ng mahuhusay na kwento sa wikang Iloco at isinalin sa Filipino, pagkatapos ay ipinalimbag ang salin at tinawag na KURDITAN. Sa pamamagitan ng pagsasalin, ang mga kwentong orihinal na sinulat sa Iloco ay nalagay na sa katayuan upang mapasama sa pambansang panitikan sapagkat meron nang bersyon sa wikang pambansa.
1. Ikalimang Yugto ng Pagsasalin – Pagsasalin ng Panitikang Afro-Asian Ang panahong ito ay nakatuon sa pagsasalin ng mga panitikang Afro-Asian. Kinailangan ang pagsasaling ito dahil kasama na sa kurikulum ng ikalawang taon sa hayskul ang pagtuturo ng Afro-Asian. Ayon kay Isagani Cruz, “Para tayong mahihina ang mga matang mas madali pang makita ang malayo kaysa mga likha ng mga kalapit bansa natin.” Ang pagsasama sa kurikulum ng panitikang Afro-Asian ay masasabing pagwawasto sa pagkakamali sapagkat noong mga nakaraang panahon mas binigyang halaga ang pagsasalin ng panitikang Kanluranin at hindi ng panitikan ng mga kalapit na bansa.
Kaugnay nito nagkaroon ng pagsasalin ng isang pangkat ng mga manunulat ng mga piling panitikan
ng mga kalapit na bansa (pinondohan ng Toyota Foundation at Solidarity Foundation) na tinawag na Transalation Project. Pinangunahan naman nina Rolando Tino at Behn Cervantes ang pagsasalin ng banyagang akdang nasa larangan ng drama.
Samantala, may ilan ring pangkat o institusyong nagsasagawa ng mga proyektong pagpapaunlad ng wikang pambansa, ito ay ang NCCA (National Commission on Culture and Arts) at PETA (Philippine Educational Theatre Association). Isinalin naman ng Komisyon sa Wikang Filipino ang mga karatula ng iba’t ibang departamento at gusali ng pamahalaan, dokumento, papeles para sa kasunduang panlabas, Saligang Batas at iba pa. Sa kabila ng mga kasiglahang nabanggit, ang pagsasaling-wika bilang isang sining ay hindi pa gaanong nakakalayo sa kanyang kuna o duyan, lalo na kung ihahambing sa antas ng kaunlaran sa larangang ito sa ibang kalapit-bansa natin sa Silangang Asia. Ang isa pang hindi naisasagawa hanggang sa ngayon ay ang paghahanda ng isang talaan ng mga tagapagsaling-wika o registered translators. Maaaring isagawa ng Komisyon sa Wikang Filipino ang paghahanda ng kinakailangang mga instrumento sa pagsusulit at sistema o prosedyur sa pagwawasto at iba pang bahagi ng proseso. Ang pagtatatag ng samahan sa pagsasaling-wika ay maaaring makatulong nang malaki sa pagpapasigla ng mga gawain sa larangang ito.
Mga Teksto na Nasalin
Iliad and Oddessy, Pangunahing Wika Griyego. Libro tungkol sa mga Dyos at dyosa ng mga Griyego. Bibliya, Pangunahing Wika, Griyego. Teksto na naglalaman ng Christian Scriptures. Noli Me Tangere, Panguhaning Wika, Kastil. Aklat na naglalahad ng kwento ng isang indyong si Crisostomo Ibarra. Divine Comedy, Pangunahing Wika, Italian. Aklat na naglalathala ng kwento ng isang manunulat sa paglalakbay niya patungo sa langit. Rigveda, Pangunahing Wika, Sanskrit. Aklat na collection ng hymno, commentary at mga tradisyon. Shakesperian Plays, Pangunahing Wika, Old English. Mga manuskrito na mga akdang pang teatro. Encyclopedia, Pnagunahing Wika, English. Ngalalman ng mga kaalaman tungkol sa mundo.