Kung titingnan natin mula sa pananaw ng linggwistiks, ang kasalukuyang Tagalog at Filipino ay iisang wika lamang sapagkat ang isang nagsasalita ng Tagalog at isang nagsasalita ng tinatawag nating 'Filipino' ay magkakaintindihan pa rin. Maaari lamang masabing magkaiba ang dalawang wika ay kapag sila ay hindi na nagkakaintindihan o kung sa Inggles ay 'mutually unintelligible.' Kung tutuusin, marami ang naniniwala na ang Filipino ay diyalekto lamang ng Tagalog na sinasalita sa Metro Manila. Ang Filipino na pambansang wika ay base sa Tagalog at hindi pa nito naaabot ang layunin nito na humiram ng mga elemento mula sa iba't ibang wika ng Pilipinas, kung kaya kamukhang kamukha pa rin ito ng Tagalog. Hindi dahil maraming mga hiniram na salita galing sa Inggles ang Tagalog ay bigla na lang ito magiging ibang wika. Siguro kapag tumagal pa ang panahon ay maaaring lumayo ang Filipino sa porma Tagalog; tsaka pa lang natin masasabing ibang wika ito. Sadyang masalimuot at mahirap na isyu ito para sa ating mga tagasalin at sa lahat ng mga Pilipino. Kung sasabihin nating Filipino ang ginagamit nating wika, ay dapat maipakita natin na karapat-dapat ito maging pambansang wika sa pamamagitan ng paghiram ng mga istruktura at bokabularyo mula sa iba't ibang wika ng Pilipinas upang mapalago ito. Kung Tagalog naman ang gagamitin nating termino, wala tayong problema. Okey lang naman manghiram ng mga salita galing sa Inggles, ngunit dapat lapatan ito ng ortografiya ng Tagalog. Tagalog pa rin ito. Natural lang naman sa kahit anong wika ang panghihiram--paraan ito para lumago ang wika. Kahit nga ang Niponggo (Hapon) ay nanghihiram galing sa Inggles; subalit nilalagay nila ito sa sarili nilang ortografiya o ispeling.