PAPEL SA PAGSUSURI NG PELIKULANG “CAREGIVER”
Sinuri ni: Nia Coline M. Mendoza Antas 10 ng LS 302 (Taon: 2008-2009)
Para kay: Gng. Aira Buquir Guro sa Filipino 10
I.
BUOD
Tipikal na istorya ng isang Pilipinang may ambisyon para sa pamilya ang papel ni Sarah. Dahil sa hangarin niyang matulungan ang asawang si Teddy (John Estrada) ay nag-aral siya ng kursong caregiving at naging isa sa 150,000 OFWs na nagtatrabaho sa United Kingdom. Magkasama nilang iniwan sa Pilipinas ang anak na si Paulo (John Manalo) na binilhan niya ng winter coat kalakip ang pangakong pag-iipunan niya ang pamasahe nito upang makasama nila sa London. Hindi ang oportunidad na makapagtrabaho lamang sa ibang bansa ang naging katuparan ng mga pangarap ni Sarah. Bumigat ang pagtitimbang sa maraming bagay. Kaalinsunod nito ang mga pagbabago sa kanyang pagkatao, manapa'y ang pagkakatuklas tungkol sa kanyang sarili. Magmula sa isang pagiging masunurin at maamong maybahay kay Teddy, at bilang katuwang sa pagsisinop ng kanilang pamilya hanggang sa pagkakaroon ng kapangyarihan, dignidad at pagpapahalaga sa kanyang sarili bilang isang babae, at bilang isang taong may silbi sa kanyang mundong ginagalawan. Makalipas ang sigla at kasabikan na makatapak sa London, nagsimulang matikman ni Sarah ang lahat ng uri ng paghamon na siya ring pinagdaanan ng lahat ng OFWs sa kanilang araw-araw na pamumuhay sa ibang bansa: ang kakaibang lamig ng klima, ang hirap nang pakikitungo sa samut saring ugali ng mga nakakasalamuhang tao at ang kalbaryo ng sukdulang pagtitiis sa pagaalaga sa isang maysakit. Kinalaunan ay namuo ang mga tensyon - sa banyagang lugar na kanyang kinasadlakan, sa relasyon nila bilang mag-asawa ni Teddy, at sa kanyang ginagampananang tungkulin. Ngunit sa gitna nang unos ay pinanatili ni Sarah ang pagiging matatag at may nag-uumapaw na pang-unawa, higit sa lahat, ang dedikasyon at determinasyong mapagtagumpayan ang piniling larangan.
Iginupo si Teddy ng mga pagsubok hanggang sa dumating sa puntong napagpasiyahan na niya ang bumalik sa Pilipinas. Hinimok niya si Sarah na sumama sa kanya upang umuwi. Dito mahahati ang desisyon ni Sarah. Isang matalinong pagpapasiya kung ano ang nararapat niyang gawin: ang manatili sa London kakambal nang matiim na hangaring magtagumpay sa kanyang propesyon sa kabila nang pagkawala ng kanilang relasyon bilang mag-asawa, o ang paglaho ng kanyang mga pangarap kapalit nang pagiging buo ng kanilang pamilya.
II.
PAGSUSURI A. PAKSA Ang pelikulang ito ay nagbigay diin sa pakikipagsapalaran ng ating mga
kababayan upang mabigyan ng magandang buhay o kinabukasan ang mga minamahal sa bayang pansamantalang iniwan. Ito ay patungkol sa mga OFW’s o Overseas Filipino Workers na nagtitiis sa mga hirap na nararanasan nila at sa patuloy na pagkayod para sa ikabubuti o kapakanan ng kani-kanilang pamilya. Isa pa, napagtuunan din ang transpormasyon ng mga indibidwal tungo sa ikauunlad o ikababagsak ng kanilang pagkatao. Una, sa parte ni Sarah(Sharon Cuneta), mula sa nakasanayan niyang pagsunod sa bawat kagustuhan ng kanyang asawa ay nabago niya ang takbo ng kanyang buhay; malaya siyang nakapagpasiya para sa alam niyang mas makabubuti sa buhay niya. Sa kabilang banda, mula sa nasimulang determinasyong gumanda ang buhay, naipakita ni Teddy(John Estrada) ang isang nakakabiglang pagbabago, at ito ay ang desisyon niyang sumuko na sa trabahong sa tingin niya ay hindi naman karapatdapat sa kanya... Bukod pa rito, natalakay rin ang mga katangian ng isang tunay na Pilipino. Isa sa mga ito ay buong pusong pagbibigay serbisyo, pagtulong sa abot ng makakaya, paggalang sa kapwa, at higit sa lahat, ang pagkapit sa tamang paniniwala o ang pagsulong sa tamang prinsipyo.
Ang paksa ay masasabing tunay at matapat. Sa pelikula, ipinakita ang realidad ng buhay sa kabila ng mga paghihirap at problemang kinakaharap. Ang pamumuhay nina Sarah at Teddy sa United Kingdom sa kabila ng matinding pagtitiis sa hirap, ang pagsasakripisyo ni Sarah para sa pamilya, lalong lalo na sa kanyang anak na si Pau, ang pagpupursigi ng iba pang pangunahing tauhan sa trabaho sa UK, at ang pagharap ng bawat karakter sa mga problemang dumadagsa sa kanilang buhay ay ilan sa mga katibayan na ito ay naging tunay at matapat na paksa. B. BANGHAY Ang kuwento ay nagsimula noong napagpasyahan na nga ni Sarah na sumunod na patungong UK upang doon ay makasama sa trabaho ang kanyang asawa at upang matulungan na rin niya itong maitaguyod ang pamilya sa Pilipinas. Nang makarating si Sarah sa UK upang makapagtrabaho, noong una ay naging mahirap sa kanyang gampanan ang kanyang trabaho bilang isang caregiver sapagkat hindi niya masikmura ang maglinis ng puwet ng matandang hindi naman niya kaano-ano. Kinalaunan ay minahal na rin niya ang kanyang trabaho; na kahit alam niyang naghihintay na lamang ng kamatayan ang mga matatandang inaalagaan niya, hindi siya sumuko sa mga tungkulin at pananagutan niya. Dahil sa pagkakaroon ng dedikasyon sa trabaho, napamahal na din siya sa mga ito kaya naman sa tuwing may binabawian ng buhay sa sinuman sa kanyang alaga, hindi na niya mapigil ang sobrang pag-iyak at paghihinagpis. Sa gitnang parte ng kuwento, nasaksihan din ang pagbagsak ng loob ni Teddy dahil sa paniniwalang hindi katanggap-tanggap ang trabahong napapunta para sa kanya. Tunay na nahirapan si Sarah na maayos ang sitwasyon sapagkat dumating ang mga araw na lagi na lamang may inom o kaya naman ay hindi pumapasok sa trabaho si Teddy. Nawalan ng loob si Teddy sa kanyang trabaho, at ito rin marahil ang isa sa mga dahilan ng kalungkutan ni Sarah habang siya ay
nananatiling nagtatrabaho sa UK kasama ang kanyang asawang si Teddy. Nang hindi na matanggap ni Teddy ang mga kabiguan niya noong siya ay napadpad sa bansang UK, nagpasya siyang bumalik na lamang sa Pilipinas upang doon na lamang ituloy ang mga pangarap para sa kanyang pamilya. Sa kabila nito, naging matatag si Sarah habang malaya siyang nakabuo ng pasya para sa mga pinapaniwalaan niya. Hindi niya hinayaang basta-basta na lamang masira ang pangarap na nasimulan na niya para sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang anak. Nagtiyaga siyang ipagpatuloy ang trabaho bilang isang caregiver at kinalaunan ay natupad niya ang pangako sa anak na madala ito sa UK nang sa gayon ay magkasama na silang mag-ina. Napatunayan ni Sarah sa kanyang sarili na kaya niyang paunladin ang sarili niya lalo na’t para sa kanyang mga minamahal at sa mga taong patuloy na naniniwala sa kanya. Masasabing kawili-wili ang banghay ng pelikulang ito dahil bukod sa pagiging payak nito ay nag-iwan din ito ng kapani-paniwalang mga pangyayari. Mapapansin din ang natural na daloy ng mga pangyayari, kumbaga, hindi na ito nagpaligoy-ligoy upang maintindihan ng mga manonood ang pelikulang ito. C. SCRIPT Sa pamamagitan ng script, naging organisado ang daloy ng banghay. Isa pa, naging malinaw ang bawat mensaheng nais iparating ng pelikula sa mga manonood. Batid natin na mawawalang bahala ang banghay o ang mga pangyayari kung wala ang script na magbibigay buhay sa bawat detalye ng pelikula. Masasabing makatotohanan ang mga paguusap ng mga tauhan sapagkat ito ay naging makabuluhan at payak na siyang naging daan para mabilis na maintindihan ang mga pangyayaring nagaganap sa usapan ng mga karakter. Isa sa mga patunay dito ay ang pangyayari kung saan naging bukas si Sarah sa kanyang anak sa totoong dahilan sa pagsunod niya kay Teddy sa UK.
Mapapansing sa natural na paraan ng pag-uusap, ay naiparating ang totoong nais niya iparating. Nagtaglay ito ng maayos na yugto ng mga pangyayari. Sa pamamagitan nito, hindi naging mahirap sa mga manonood ang pag-unawa sa bawat pangyayaring nagaganap sa kuwento. Isa pa, dahil din sa kaisahan ng mga pangyayari, madaling napagtanto ng mga manonood ang mensaheng nais iparating ng pelikulang ito. Sa pamamagitan ng mga salitang binitawan ng pangunahing tauhan na si Sarah, mabisang naipakita ang paksa ng pelikula sa script. Litaw na litaw ang matinding mga linyang binitawan ni Sarah lalo na sa parte kung saan hindi niya napigilan ang sarili niya upang sabihin ang naging saloobin kay Mr. Morgan, ang matandang noong una’y naging masama ang pagtrato sa kanya bilang kanyang tagapag-alaga. Hindi maikakailang naipakita sa script ang paksa ng pelikula, at ito ay ang pagpapakahirap ni Sarah bilang isang caregiver sa kabila ng kalungkutang kanyang nadarama. Ang kuwentong nabuo sa script ay ang pakikipagsapalaran ng ilan sa ating mga kapwa Pilipino sa ibang bansa na pinatunayan ng mga paghihirap na kinaharap nila para mapadama sa sarili nila pati na rin sa naiwang pamilya ang magandang buhay na naging mailap sa kanilang sariling bayan. Sa kabila nga mga suliraning kinaharap ng mga tauhan, lalo na ni Sarah, nanatiling buo ang loob niyang ituloy kung anu man ang nasimulan na niya sa UK kahit noong bandang huli ay sumuko o nawalan na ng pag-asa ang kanyang asawa. Sa pamamagitan ng mabisang script ay madaling tumatak sa isipan ko ang istoryang nabuo sa pelikulang ito. D. PAG-ARTE Si Sharon Cuneta ang gumanap at nagbigay buhay sa kanyang role bilang si Sarah. Alam nating lahat na ang “Mega Star” ay kakikitaan ng mga magagandang katangiang hinahangaan ng balana, at bukod pa rito, kapansin-
pansin din ang pagiging masayahin ng aktres na kinatuwaan ng madami. Siya ay isang mayamang aktres ngunit sa pagganap niya sa pelikulang ito, taliwas ang mga nabanggit na katangian sa pagganap niya bilang Sarah. Gumanap siya bilang isang ordinaryong manggagawa. Bukod pa dito, hindi pansin ang totoong estado niya sa buhay; naipakita niyang kaya niyang gampanan ang mga tungkulin ng kanyang role sa pelikula. Madamdamin ang pagganap niya at kitang-kita ang pakikisimpatya niya sa kanyang karakter. Natural ang mga kilos niya, at bukod pa rito ay napamalas niya ang tunay na karakter na dapat niyang gampanan. Ang ganap ni Sarah ang nagpatunay sa totoong saloobin ng isang inang naiipit sa bawat kagustuhan ng asawa. Isa pa, siya rin ang nagpamulat ng mga sakripisyong kaya niyang gawin para sa mga taong minamahal at naniniwala sa kanyang kakayahan. Bilang karagdagan, masasabi rin na waring si Sarah ang tunay na tao sa papel na ginampanan niya sapagkat tunay na kapansin-pasin ang dedikasyon niya sa kanyang role at ang pag-iinternalisa ng bawat sitwasyong kakaharapin niya. Hindi lamang malalaking role ang nabigyang-buhay ng mga artista sa pelikula kundi pati ang maliliit na role. Masasabing malaki rin ang kahalagahan ng mga tauhang may maliliit na role sapagkat kahit papaano ay nasusuportahan nila ang takbo ng kwento ng pelikula. Maliit man ang gampanin ng ilang artista, nakatutulong pa rin ito upang maiparating ang maayos na mensahe o koneksyon ng bawat tauhan sa mga pangyayari. Ilan sa mga patunay dito ay ang tauhang si David, anak ni Mr. Morgan, na nagbigay kulay sa daloy ng kuwento. Isa siya sa nagpabatid kay Sarah na habang may buhay ay may pagasa. Kahit hindi ganoon kahalaga ang ganap ni David, nakatulong ang gampanin niya sa pagbuo ng mas matibay na karakter ni Sarah. Isa pang makakapagpatunay dito ay ang ganap ni Sean na noong simula ay nagbigay problema kay Sarah dahil sa nagawa nitong pagnanakaw sa isang grocery store. Dahil dito, nagsimulang malapit ang loob ni Sarah sa bata sapagkat gusto niya itong
mapagbago. Dahil din sa nangyaring aksidente sa batang ito na kung saan si Sarah ang nagdala sa kanya sa ospital, napagtanto ni Sarah ang tunay na estado ng buhay ni Teddy sa trabaho niya. Nalaman ni Sarah ang totoong trabaho ni Teddy. Makikita natin ang malinaw na koneksyon ng bawat karakter sa pelikula. E. DISENYO NG PRODUKSYON Masasabing naipakita sa pelikula ang tunay na kaligirang atmospera sa pamamagitan ng pagbibigay halaga sa kabuuang disenyo, kasama ang tagpuan, kasuotan
at kulay na
nagbibigay daan
upang
maging
makatotohanan ang pelikula. Sa pamamagitan ng kabuuang disenyo, mas madaling naiparating sa mga manonood ang mensaheng nakapaloob sa pelikula. Masasabing ang pagkaka-pili ng direktor ng bansang paggaganapan ng pelikula ay nakatulong upang mas makita ang totoong kaganapan sa bansang ito. Isang halimbawa na lamang ay ang pag-snow sa London na nagsilbing instrumento upang mas mapadama ang kalungkutan ni Sarah sa pagkakawalay sa anak. Kung kasuotan ang pag-uusapan, nabigyang diin ang ganap ni Sarah bilang caregiver sa pamamagitan ng uniporme ng tunay na caregiver sa ibang bansa. Kapansin-pansin din ang mga gayak ng pamilya ni Sarah sa Pilipinas; sa unang tingin pa lamang sa kanila, mababatid agad na sila ay kabilang sa gitnang antas ng lipunan. Napatunayan ng mga kasuotan ang kaangkupan nito sa pagkatao ng mga artista. F. TUNOG Naging epektibo naman ang pagdaragdag ng tunog at musika sa pagbuo ng pelikula. Sa pamamagitan ng mga ito, mas nadarama ang emosyong taglay ng mga artistang gumanap sa pelikulang ito. Nakatulong ang musika at tunog sa pagpapadama ng tunay na kalungkutang kalakip ng pelikulang ito. Halimbawa na lamang nito ay ang pangyayari kung saan namatay si Mr. Morgan.
Sa pamamagitan ng mabagal at nakaka-iyak na musika, nakatulong ito upang maging makatotohanan ang pangyayari. Mas maipaparating ang totoong damdamin ni Sarah sa bahaging ito. Sa pagdaragdag ng mga angkop na tunog, mas maaantig ang damdamin ng mga manonood o kaya nama’y mas makikita nila ang katotohanang bawat emosyong nakikita sa mga tauhan ay nangyayari sa totoong buhay. G. POTOGRAPIYA Mapapansing ang kamera ay pinagalaw nang maayos mula sa umpisa hanggang katapusan ng pelikula. Upang mabigyang diin ang mga pangyayari, damdamin, at tagpo sa pelikula, ang kamera ay ipinosisyon sa iba’t ibang anggulo. Tunay na may malaking epekto sa pagbuo ng damdamin ang posisyon o paggalaw ng kamera sa larawang ating nakikita sa pinapanood. Kapansin-pansin ang malimit na pagpopokus sa mukha ng bawat tauhan sa tuwing may matinding linyang binibitawan. Sa pamamagitan nito, nabibigyang pansin ang emosyong namayani sa mga tauhan sa pelikula. H. DIREKSYON Simula pa lamang ng pelikula ay kinakitaan na ito ng maayos na daloy ng mga pangyayari. Dahil dito, masasabing naging matagumpay ang direksyon ng pelikulang ito. Litaw na litaw ang kontrol ng direktor sa tagpuan, pagganap ng mga artista, posisyon o galaw ng kamera, pagsasaayos ng banghay, at ang pagbabawas o pagdargdag ng script dito. Sa kabila nito, may mga bahaging nagpakita ng kalakasan at kahinaan ng direktor. Para sa akin, ang nagpamalas ng kahinaan ng direktor ay ang parte kung saan binawian ng buhay ang isa sa mga pasyente ni Sarah na naging sobrang malapit sa kanya. Naglaan si Sarah ng oras para muling makapiling si Mr. Morgan. Bago pa man binawian ng buhay ang butihing si Mr. Morgan ay nakasama pa siya ni Sarah at ginugol ang mga natitirang oras sa pagpapalipad ng saranggolang gawa ng isa sa mga
kaibigan niya. Hindi nagtagal ay tuluyan na ngang binawian ng buhay si Mr. Morgan. Pagkatapos nito, hindi man lamang naipakita sa pelikula ang mga detalye ng pagkamatay ni Mr. Morgan. Ipinakita lamang kapagdaka ang pagdadalamhati ni Sarah sa pagkawala ng mahal na kaibigan. Sa kabilang banda, naipakita naman ang kalakasan ng direktor sa bahagi kung saan natupad ni Sarah ang pangako niyang pagkuha sa anak mula sa Pilipinas. Naipakita ang pagtatagumpay ng karakter sa desisyong binitawan at pinanindigan niya. Sa lahat ng ito, masasabing nagtagumpay ang direktor na maabot ang orihinal nitong layunin. Hindi lamang ito nakapag-abot ng mahahalagang impormasyon, nag-iwan din ito ng aral sa buhay ng tao. I.
PAG-EDIT Naipakita sa pelikula ang natural o makinis na daloy ng mga
pangyayari. Sa mga nasaksihang pangyayari, mapapansin ang mahusay na pagkaka-edit sapagkat hindi halata ang pagputol ng mga bahagi mula sa simula hanggang sa wakas ng pelikula na nagbigay daan upang makita ng mga manonood ang tunay na nilalaman nito. Ang pag-edit ay tunay na nakatulong upang matuklasan at ganap na maunawaan ang paksa, banghay, at iba pang kaangkop nito. Sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga bahaging hindi ganoong kahalaga sa daloy ng istorya, mas madali itong maunawaan. Isa pa, mas gumaganda ang nilalaman ng pelikula kung ang kabuuang pagpapalabas sa mga bahagi nito ay detalyado at walang nakasasagabal sa daloy ng bawat pangyayari.
II.
KONKLUSYON Ang pelikula ay kakikitaan ng tatlong kahalagahan: Pangkawilihan,
Pangkaalaman, at Pansining. Kahalagahang Pangkawilihan ito kung nabihag nito
ang interes o kawilihan ng mga manonood. Maaaring ito ay nagpatawa o nagpalungkot, nakapagpanabik sa mga susunod na tagpo, nakapagbigay ng takot, at madami pang iba. Sa unang bahagi pa lamang ng pelikula, nabihag na ako na waring walang oras para ito’y mawala sa aking paningin. Habang pinapanood ko ang pelikulang ito, hindi ko mapalampas ang bawat pangyayari sapagkat nawili na agad ako sa kuwento nito. Kapansin-pansin sa pelikulang ito ang mga makabagbag damdamin ng mga tauhan lalo na ni Sarah. Naantig ang aking puso sa ginawa niyang buongpusong pag-aaruga kay Mr. Morgan na kinalaunan ay naging napakalapit sa kanya. Natuwa ako sa pagtratong inilaan niya sa matandang inaruga niya. Hindi lamang niya nabigyang ligaya si Mr. Morgan, nabago rin niya ang takbo ng buhay nito na mula sa pagiging masungit, nahalinhan ito ng magaang loob sa lahat ng taong makakasalamuha niya. Sa isang bahagi ng pelikula kung saan nawalan na ng pag-asa si Teddy, nangamba ako para kay Sarah sapagkat maaari siyang maapektuhan sa nangyayari sa kanyang asawa. Dahil dito, lalo pa akong nanabik sa mga susunod pang mga pangyayari. Sa kabila ng sitwasyon ni Teddy, hindi napanghinaan ng loob si Sarah para harapin ang bukas. Nagpursigi si Sarah sa trabaho niya nang sa gayon ay makuha na niya ang kanyang anak sa Pilipinas. Hinangaan ko ang desisiyon niyang ipagpatuloy ang nasimulang trabaho kahit alam niyang magkakahiwalay sila ni Teddy. Naging buo ang loob niya sa kung ano ang pinaniniwalaan niyang mas makabubuti sa kanya at sa mga taong minamahal niya. Sa kabilang banda, litaw ang Kahalagahang Pangkaalaman ng pelikulang ito sapagkat napakaraming kaalaman o karagdagang impormasyon ang handog nito. Sa pelikulang ito natin mapapagtanto ang tunay na pagpupunyagi ng ating mga OFW’s o ang mga tinatawag nating mga “bagong bayani” sa ibang bansa upang mapaganda ang buhay ng mga minamahal na pansamantalang iniwan sa paghahangad ng ikabubuti at mas ikauunlad ng kanilang buhay.
Dito rin matututunan ang totoong ibig sabihin ng sakripisyo. Sa pagsasakripisyo natin malalaman kung tayo ay nagmamahal ng totoo. Sa ginawang sakripisyo ni Sarah, hindi maikakailang nagsilbi siyang isang tunay na mapagmahal na asawa, anak at higit sa lahat, sa pagiging mabuting ina. Maipaparating din nito ang maayos na pagtrato ng kapwa. Katulad ni David, ipinaglaban niya si Sarah mula sa maling iniisip ng kanyang kapatid. Bukod pa rito, mas nabigyang diin ang pagiging relihiyoso ng mga Pinoy saan mang sulok ng mundo. Kahit na saan magpunta, hindi pa rin mawawala sa mga Pinoy ang mga santo na pinaniniwalaang gagabay sa pang-araw-araw na pamumuhay sa ibang bansa. Isa pa sa mga matututunan at mas maiintindihan dito sa pelikulang ito ay ang kalayaan sa pagbuo ng sariling desisiyon. Kagaya ni Sarah, kahit alam niyang mawawalay siya kay Teddy, pinilit niyang maging matatag para sa pagpapatuloy sa mga pangarap niya kasama ang kanyang anak. Higit sa lahat, ang pelikulang ito ang nagbigay diin sa mga pagtitiis at paghihirap ng mga OFW’s sa ibang bansa. Kaugnay nito, nais nito iparating sa mga manonood na bigyan ng sapat na puri at paggalang ang ating mga kababayang nagpupursigi para sa pag-ahon ng kanilang pamilya, pati na rin ng ating bayan. Bilang huli, masasabing kakikitaan din ito ng Kahalagahang Pansining sapagkat naisagawa naman at napaloob nito ang lahat ng bahaging nararapat upang makatawag pansin at makaantig ng damdamin. Sa pelikulang ito ay mabisang naipakita ang realidad ng buhay. Si Sarah, bilang isang caregiver, ay nagpamalas ng buong pusong laging handang sumuporta anu mang oras. Hindi niya pinabayaan ang trabaho niya. Sa kabila ng mahirap na trabaho, nagsumikap siyang
magampanan
ang
lahat;
lagi
niyang
isinasapuso
ang
bawat
responsibilidad niya bilang isang asawa at ina. Isa sa mga pangyayaring nakaantig ng aking damdamin ay ang parte kung saan nabago ni Sarah ang matandang sa una’y nagkaroon ng malamig na pagtrato sa serbisyong ibinibigay niya. Si Mr. Morgan, mula sa pagiging mainitin ang ulo marahil na rin siguro sa
problema at mga isipin, ay nakakita ng apeksyon kay Sarah. Naramdaman ni Mr. Morgan na bilang isang tagapag-alaga niya, hindi ni Sarah basta-bastang mapapabayaan ang kalagayan niya lalo na’t siya ay may delikadong karamdaman. Ipinaramdam ni Sarah kay Mr. Morgan kung gaano kahalaga sa kanya ang trabahong ginagampanan niya sa kabila ng matinding kalungkutan sa pagkakaiwan niya sa pamilya para lamang sa pagganap ng sinabi niyang thankless job. Dahil dito, napagtanto ni Mr. Morgan na mali ang ginawa niyang pagpapabigat ng nararamdaman ni Sarah sa simula. Mapapansin din dito ang dakilang pagmamahal ng ina sa kanyang anak. Hindi ni Sarah kinalimutan ang pangako sa kanyang anak, na ito’y kukunin niya mula sa Pilipinas upang sila’y magkasama na muli.