MENSAHE JERRY DIMLA CRUZ, Ph.D. OIC-Assistant Schools Division Superintendent Schools Division of Bulacan Isang maligayang pagbati sa lahat ng magsisipagtapos sa Baitang-12 sa Taong Pampaaralan 20182019! Ang bunga ng inyong pagsisikap at pagtitiyaga sa lahat ng hamon sa buhay bilang magaaral ay inyo nang aanihin. Ang pagpupunyagi ng inyong mga magulang sa kabila ng kahirapan sa buhay ay masusuklian na ng kaligayahan sa kanilang pagsilay sa inyong pagtatapos. Ang pagtatapos ay hindi nangangahulugan ng pagwawakas. Sa halip, ito’y simula ng panibagong pakikibaka sa susunod na yugto at hamon sa inyong buhay. Ang pagtatapos nawa na ito ay magsilbing gabay at liwanag ninyo upang patuloy na pagsumikapang maabot ang inyong mga pangarap sa buhay.
Ang tema ng pagtatapos: “Pagkakaisa sa Pagkakaiba-iba: Kalidad na Edukasyon para sa Lahat” (Unity in Diversity: Quality Education for All) ay isang patunay na sa kabila ng pagkakaiba-iba ay may pagkakaisa sapagkat ang edukasyon ay tulay sa kalidad ng pagkatuto na inyong natamo sa K to 12 kurikulum na inyong pinagsumikapang matapos upang mapatunayan na lahat ay may karapatan sa libreng edukasyon. Anuman ang kulay, antas sa buhay, edad, kakayahan o kakulangan ay hindi hadlang upang magkaroon ng pagkakataon sa edukasyon. Nagpapatunay lamang ito na sa Sangay ng Bulakan ay bukas-palad tayo sa lahat ng mga kabataang Bulakenyo para sa pantay-pantay na karapatan sa edukasyon anuman ang kultura, relihiyon at paniniwala.
Ang inyong mga kapamilya sampu ng inyong mga kaibigan at guro ay nakikibahagi sa inyong masayang pagtatapos. Ang inyong mga magulang ang unang dapat pag-alayan ng inyong tagumpay sapagkat anuman ang mayroon kayo ay inyong utang sa kanilang pagsusumikap upang kayo ay makapagtapos.
Ang mga tagapamahala, guro at kawani ay mga mahahalagang bahagi ng inyong katagumpayan sapagkat sila ang mga instrumento na nagbigay ng walang-sawang suporta at payo sa ikabubuti ninyo at ng inyong paaralang kinabibilangan. Sila ang mga taong nagpunla ng karunungan na inyong pinalago, nagpanday sa inyong mga kasanayan at kakayahan, at humubog sa inyong kagandahang-asal upang maging mabuting ehemplo sa kapwa niyo kabataan.
Anuman ang husay at galing na inyong tinataglay ay bunga ng mga taong tumulong sa inyo upang maging mahusay na tagapagpalaganap ng kabutihan, karunungan at kaalaman sa mabuting pakikipagkapwa-tao.
Sa mga magsisipagtapos, nawa’y patuloy ninyong taglayin ang lahat ng kabutihang naidulot sa inyo ng inyong pag-aaral, ito ay gawin ninyong sandata sa patuloy na pakikibaka sa buhay. Taglayin ninyo ang kabutihang-asal at karunungang taglay para sa kabutihan ng kapwa at huwag sa pansariling interes lamang. Laging isapuso at isaisip na ang anumang mayroon kayo ay utang ninyo sa Poong Maykapal na nagbigay ng lahat ng lakas, talino at kakayahan na dapat ay inyong ibalik muli sa pamamagitan ng paggamit nito sa tamang pamamaraan.
Nawa ang mahalagang okasyong ito ay magsilbing paalala na lahat ng pagsisikap at paghihirap ay may magandang katumbas na bunga at anuman ang pangako sa atin ng magandang kinabukasan ay ating baunin ang kabutihan ng puso upang taglayin natin ang lakas na magsisilbing apoy natin sa pag-abot sa ating mga pangarap at nawa’y makapaglingkod tayo ng tapat at may pagpupunyagi sa ating Inang Bayan. Nawa’y maisalin pa natin sa susunod na henerasyon ang kabutihang ito na ating tinataglay.
Muli isang mapagpala, maluwalhati at masayang pagtatapos sa inyong lahat! Mabuhay tayong lahat at patuloy na pagpalain ng Poong Maykapal!