Ang Demonyong Anghel at Ang Huling Habilin ni Browny May sabayang pagbigkas na naman ang mga askal ng Kalye Martinez. Sa piyesang isinulat ng misteryo ng gabi… pangamba… at takot. Sa tuwing pipitik na lamang ang kamay ng orasan sa ika–12 numero ay nabubuhay na ang “speech choir conductor” ng mga aso—ang lagim na siyang bumabalot sa mga natutulog na mga mamamayan ng Kalye Martinez.
Sa mga oras na iyon na kung saan ang may karapatan lamang sanang kumanta ay ang mga kuliglig, ay may kung anong nilalang na nagsasabi sa mga aso na tumahol sila’t bumulalas ng galit at pagiging alerto!
“Bowowowow…!” ang sabi ng asong si Browny.
Mula sa pagkakadantay ng kanyang mga paa sa ibabaw ng lamesa, habang tumutungga ng bote ng alak ay biglang napabalikwas itong amo ni Browny at itinuon ang paningin sa direksyon ng tinatahulan ni Browny at ng mga iba pang aso. Kumakabog ang dibdib niyang inilapag ng dahan-dahan ang bote ng amats sa kaniyang lamesa at naghanap ng pamalo sa kanilang tahanan. Matapang o nagtatapang-tapangan lang ang amo ni Browny. Pero isa lang ang sigurado, si Browny ay talagang matapang na aso, sapagkat patuloy niyang niririndi ang tainga ng kaniyang amo sa katatahol sa nilalang na hindi naman nakikita ng tao.
Hinarap ng matapang o nagtatapang-tapangan lang na amo ni Browny ang “nilikha” na tinatahulan ng aso. Ngunit sa kasawiang-palad, walang nakita ang kaniyang mga mata, kaya naisipan niyang tanggalin ang suot niyang shades. Sa kaniyang pagkabigla ay wala pa rin siyang nakikitang anuman, kundi isang tanawin ng gabing binabalot ng pusikit na kapaligiran na ang tanging nagbibigay ng liwanag ay ang ilaw ng bilog na buwan at poste ng ilaw.
Ngayon ay humina na ang tahol ni Browny at ng mga askal sa kapit-bahay. Muling naghari ang mga kuliglig sa ere at ang tunog ng nakakabasag na eardrum ng katahimikan. “Lasheng” na ang amo ni Browny, kaya paeki-ekis nitong tinungo ang iniwang toma sa lamesa. Nagtaka siya sapagkat hindi niya nakita ang alak na iniwan niya roon kani-kanina lamang.
“Tsk… tsk… tsk…. Ikaw talaga ‘brawniyeh’, mana ka talaga sa amo mo noh? Lashenggero! Hik… hik… hik… inunahan mo pa ako sa pagtungga… hik…hik…hik…”
Paniguradong naririnig ni Browny ang sinasabi ng kaniyang amo, ngunit hindi siya pwedeng magsalita at sabihing—“Ang bobo naman ng amo ko, lumalaklak ba ako ng ihi ng kabayo? Hindi naman kaya ako umiinom! At lalong hindi naman ako ang kumuha niyan! Baka siya! Oo, siya nga, nasa likod mo siya amo! Iyan oh!!! Siya ang kumuha! At teka, lumayo ka amo!!! Ilag ka!!! May hawak-hawak siyang patalim! Sasaksakin ka niya! Iyan na! Umilag ka!
Ngunit huli na ang lahat! Ang lasenggerong amo ni Browny ay bumagsak na mula sa kaniyang kinatatayuan. Gaano man katatag ang pagkapit ng kaniyang mga paa sa dignidad na kaniyang pinanghahawakan ay hindi nito nasapatan ang
pananatiling makapagbata hanggang huli. Sa katapusan, siya at siya pa rin ang nagbayad ng sarili niyang kasalanan. Buhay ang buwis na siyang ibinayad, kapalit ng pagkamal sa kabangbayang ibinuwis ng mga mamamayan, sa huli’y dudupangin din pala!
Kawawang buwaya! Duguang nakasubsob sa lupa. Humahalik sa lupang tinutungtungan ng mga ordinaryong taong nagtatrabaho ng marangal may maipanglaman lamang sa kumakalam nilang bituka.
Ngayon sino itong humahalik sa lupang dati’y hindi niya maluhuran man lang? Sino itong humahalik ngayon sa lupang pagdurusa at kamatayn na malimit niyang tuntungan sapagkat sa langit-langitang salapi siya kumakampay… lumilipad… at nagpapakasasa sa kasiyahan, samantalang sa kaniyang ibaba sa may mgataong halos gumagawa na ng kanilang mga sariling hukay nang dahil sa hirap na kanilang pinapasan!
Namatay nga ang amo ni Browny, na ang tanging huling mga tunog na narinig ay ang tahol ng kaniyang aso. Saying naman, kung nauunawaan lamang sana niya ang mga tahol ng kaniyang aso, buhay pa sana siya hanggang ngayon. Sa lugar na kaniyang kinamatayan ay may balahibo na mistulang nanggaling mula sa isang malaking ibon. Ang kulay nito’y makintab na kulay itim. Wari’y nagsisilbing ala-ala ng nilalang na kumitil sa kaniyang buhay.
Bukas ng gabi ay wala pagbigkas ng mga aso…
nang
mangyayaring
Wala na ring “choral competition” ng mga kuliglig…
sabayang
Wala na ring mga taong GISING pa…
Ang tanging malalabi ay ang himig ng nakababasag na ingay ng katahimikan…
Sapagkat ang nilalang na nakikita ni Browny ay may kakayahang mag-alis ng humigit kumulang na 100,000 hininga sa loob ng 61.5 na segundo…