Walang Sugat ni Severino Reyes
Unang Bahagi 1 Tagpo (Tanggapan ng bahay ni Julia. Si Julia at ang mga bordador Musika)
Koro: Ang karayom kung iduro Ang daliri'y natitibo, Kapag namali ng duro Burda nama'y lumiliko Julia: Anong dikit, anong inam Ng panyong binuburdahan, Tatlong letrang nag-agapay Na kay Tenyong na pangalan. Koro: Ang karayom kung itirik Tumitimo hanggang dibdib Julia: Piyesta niya'y kung sumipot Panyong ito'y iaabot, Kalakip ang puso't loob, Ng kaniyang tunay na lingkod. Si Tenyong ay mabibighani Sa rikit ng pagkagawa Mga kulay na sutla, Asul, puti at pula. Panyo't dito ka sa dibdib, Sabihin sa aking ibig Na ako'y nagpapahatid Isang matunog na halik. Koro: Ang karayom kung iduro Ang daliri'y natitibo. Hoy tingnan ninyo si Julia Pati panyo'y sinisinta. Kapag panyo ng ibig Tinatapos ng pilit Nang huwag daw mapulaan Ng binatang pagbibigyan
Ang panyo pa'y sasamahan Ng mainam na pagmamahal. At ang magandang pag-ibig Kapag namugad sa dibdib Nalilimutan ang sakit Tuwa ang gumigiit. Mga irog natin naman Sila'y pawang paghandugan Mga panyong mainam Iburda ang kanilang pangalan. Julia: Piyesta niya'y kung sumipot Panyong ito'y iaabot Kalakip ang puso't loob Ng kaniyang tunay na lingkod. Koro: Nang huwag daw mapulaan Ng binatang pagbibigyan Ang panyo pa'y sasamahan Ng mainam na pagmamahal. Salitain Julia: Ligpitin na ninyo ang mga bastidor at kayo'y mangagsayaw na. (Papasok ang magsisikanta). (Lalabas si Tenyong). II TAGPO (Tenyong at Julia…) Tenyong: Julia, tingnan ko ang binuburdahan mo… Julia: Huwag na Tenyong, huwag mo nang tingnan, masama ang pagkakayari, nakakahiya. Tenyong: Isang silip lamang, hindi ko na hihipuin, ganoon lang?… ay… Julia: Sa ibang araw, pagkatapos na, oo, ipakikita ko sa iyo. Tenyong: (Tangan si Julia sa kamay) Ang daliri bang ito na hubog kandila, na anaki'y nilalik na maputing garing. Ay may yayariin kayang hindi mainam? Hala na, tingnan ko lamang. Julia: Huwag mo na akong tuyain, pangit nga ang mga daliri ko. Tenyong: (Nagtatampo) Ay!… Julia: Bakit Tenyong, napagod ka ba? (Hindi sasagot). Masama ka palang mapagod. Tenyong: Masakit sa iyo! Julia: (Sarili) Nagalit tuloy! Tenyong, Tenyong… (sarili) Nalulunod pala ito sa isang tabong tubig! Tenyong: Ay! Julia: (Sarili) Anong lalim ng buntong hininga! (Biglang ihahagis ni Julia ang bastidor). (Sarili) Lalo ko pang pagagalitin. Tenyong: (Pupulutin ang bastidor at dala). Julia, Julia ko. (Luluhod) Patawarin mo ako; Hindi na ako nagagalit… Julia: Masakit sa aking magalit ka at hindi. Laking bagay! Tenyong: Lumalaganap sa dibdib ko ang masaganang tuwa, narito at nakikita ko na minarapat mong ilimbag sa panyong ito ang pangalan ko. Julia: Hindi ah, nagkakamali ka, hindi ukol sa iyo ang
panyong iyan… Tenyong: Sinungaling! At kaninong pangalan ito? A. Antonio N. Narciso, at F. ay Flores. Julia: Namamali ka, hindi mo pangalan iyan. Tenyong: Hindi pala akin at kanino nga? Julia: Sa Among! Iya'y iaalay ko sa kanya ngayong kaarawan ng pasko. Tenyong: Kung sa among man o sa demonyo, bakit ang letra'y A, N, at F? Julia: Oo nga sapagkat ang A, ay Among, ang N, Natin at ang F ay Frayle. Tenyong: Among Nating Frayle, laking kaalipustaan! Huwag mo akong aglahiin ng tungkol sa mga taong iyan at madaling magpanting ang tainga ko. Julia: Nakaganti na ako! (Dudukutin ni Tenyong sa kanyang bulsa ang posporo at magkikiskis ng maraming butil at nag-aalab na magsasalita). Tenyong: Julia, magsabi ka ng katotohanan, para sa kura nga ba? Kapag hindi ko sinilaban, ay… sinungaling ako… mangusap ka. Susulsulan ko na? (Anyo nang sisilaban). Musika No. 2 Julia: Huwag mong silaban ang tunay mong pangalan. Tenyong: Sa pagkakasabi mong sa kurang sukaban nagising ang galit at di mapigilan. Julia: Hindi maghahandog sa lahi ni Satan, ang panyong iyan ay talagang iyo, sampu ng nagburdang si Juliang iniirog mo. Tenyong: Salamat, salamat, Juliang poon ko. Julia: Oh, Tenyong ng puso, Oh, Tenyong ng buhay ko. Tenyong: Pag-iibigan ta'y kahimanawari lumawig na tunay at di mapawi paglingap mo sa akin kusang mamalagi huwag malimutan sa tuwi-tuwi… Tenyong: Julia ko'y tuparin adhikain natin. Julia: Tayo'y dumulog sa paa ng altar. Tenyong: Asahan mo. Sabay: Di mumunting tuwa dito'y dumadalaw, ano pa't wari di na mamamatay sa piling mo oh! (Tenyong) niyaring buhay (Julia) maalaalang may kabilang buhay… (Lalabas si Juana). III TAGPO (Tenyong, Julia, at Juana mamaya'y Lukas) Salitain Juana: Julia, Julia, saan mo inilagay ang baro kong makato? (Nagulat si Julia at si Tenyong) (Lalabas si Lukas) Lukas: Mamang Tenyong, Mamang Tenyong…! Tenyong: Napaano ka, Lukas? Lukas: Dinakip po ang Tatang mo ng Boluntaryo ng Santa Maria. Tenyong: Diyata dinakip si Tatang? Lukas: Opo Tenyong: Saan kaya dinala? Lukas: Sa Bulakan daw po dadalhin. Tenyong: Tiya, ako po'y paparoon muna't susundan si
Tatang. Juana: Hintay ka sandali at kami'y sasama. Julia, magtapis ka… (Magsisipasok sina Juana, Julia, at Lukas). Tenyong: Oh, mundong sinungaling! Sa bawat sandaling ligayang tinatamo ng dibdib, ay tinutunungan kapagdaka ng matinding dusa! Magdaraya ka! Ang tuwang idinudulot mo sa amin ay maitutulad sa bango ng bulaklak, na sa sandaling oras ay kusang lumilipas. (Telong Maikli) Kalye IV TAGPO (Musika) Koro at Lukas Lukas: Tayo na't ating dalawin mga tagarito sa atin. Koro: Dalhan sila ng makakain at bihisan ay gayundin. Isang Babae: Naubos na ang lalaki. Lahat ng Babae: Lahat na'y hinuhuli mga babae kami. Lukas: Marami pang lalaki. Lahat ng lalaki:Huwag malumbay… kami nasasa bahay at nakahandang tunay, laan sa lahat ng bagay… Lahat ng Babae: (Sasalitain) Mga lalaking walang damdam, kaming mga babae'y pabayaan, di namin kayo kailangan. Isang Lalaki: Makikita ko si Tatang. Isang Lalaki: Kaka ko'y gayundin naman. Isang Babae: Asawa'y paroroonan. Isang Babae: Anak ko'y nang matingnan. Lahat. Tayo na't sumakay sa tren bumili pa ng bibilhin at sa kanila'y dalhin masarap na pagkain. Mga Babae: Tayo na, tayo na. Lahat: Sumakay na sa tren. Mga Lalaki: Doon sa estasyon. Lahat: Ating hihintuin. (Papasok lahat) (Itataas ang telong maikli) V TAGPO (Bilangguan sa Bulakan, patyo ng Gobyerno, maraming mga bilanggong nakatali sa mga rehas). SALITAIN Relihiyoso 1.0: Ah, si Kapitan Luis! Ito tagaroon sa amin; maraming tao ito… Marcelo: Mason po yata, among
Relihiyoso 1.0:Kung hindi man mason, marahil filibustero, sapagka't kung siya sumulat maraming K, cabayo K. Marcelo: Hindi po ako kabayo, among! Relihiyoso 1.0:Hindi ko sinasabing kabayo ikaw, kundi, kung isulat niya ang kabayo may K, na lahat ng C pinapalitan ng K. Masamang tao iyan, mabuti mamatay siya. Relihiyoso 2.0:Marcelo, si Kapitan Piton, si Kapitan
Miguel, at ang Juez de Paz, ay daragdagan ng rasyon. Marcelo: Hindi sila makakain eh! Relihiyoso 1.0:Hindi man, ang rasyon na sinasabi ko sa iyo na dagdagan, ay ang pagkain, hindi, ano sa akin kundi sila kumain? Mabuti nga mamatay silang lahat. Ang rasyon na sinasabi ko sa iyo ay ang palo, maraming palo ang kailangan. Marcelo: Opo, among, hirap na po ang mga katawan nila at nakaaawa po namang magsidaing; isang linggo na pong paluan ito, at isang linggo po namang walang tulog sila! Relihiyoso 2.0:Loko ito! Anong awa-awa? Nayon wala awa-awa, duro que duro awa-awa? Ilan kaban an rasyon? Ang rasyon nan palo, ha! Marcelo: Dati po'y tatlong kaban at maikatlo sa isang araw na tinutuluyan, ngayon po'y lima ng kaban, at makalima po isang araw. Relihiyoso 2.0:Samakatuwid ay limang beses 25, at makalimang 125, ay huston 526 (binibilang sa daliri). Kakaunti pa! (bibigyan si Marcelo ng kuwalta at tabako). Marcelo: Salamat po, among! Relihiyoso 1.0:Kahapon ilan ang namatay? Marcelo: Wala po sana, datapwa't nang mag-uumaga po ay pito lamang. Relihiyoso 1.0:Bakit ganoon? (gulat) Marcelo: Dahil po, si Kapitan Inggo ay pinagsaulan ng hininga. Relihiyoso 1.0:Si Kapitan Inggo pinagsaulan ng hininga! Narito si Kapitana Putin, at ibig daw makita si Kapitan Inggo na asawa niya. Kung ganoon ay hindi mamamatay si Kapitan Inggo. Marcelo: Mamamatay pong walang pagsala: wala na pong laman ang dalawang pigi sa kapapalo, at ang dalawang braso po'y litaw na ang mga buto, nagitgit sa pagkakagapos. Relihiyoso 1.0:May buhay-pusa si Kapitan Inggo! Saan naroroon ngayon? Marcelo: Nariyan po sa kabilang silid, at tinutuluyan uli ng limang kaban. Relihiyoso 1.0:Mabuti, mabuti, Marcelo huwag mong kalilimutan, na si Kapitan Inggo ay araw-araw papaluin at ibibilad at buhusan ng tubig ang ilong, at huwag bibigyan ng mabuting tulugan, ha? Marcelo: Opo, among. (Sa mga kasama niya) Companeros, habeis traido el dinero para el Gobernador? Relihiyoso 2,3,4:Si, si, hemos traido. Relihiyoso 1.0:Marcelo, dalhin dito si Kapitan Inggo. Marcelo: Hindi po makalakad, eh! Relihiyoso 1.0: Dalhin dito pati ang papag. Relihiyoso 2.0: Tonto. Tadeo: Bakit ka mumurahin? Juana: Kumusta po naman kayo, among? P. Teban: Masama, Juana, talaga yatang itong pagkabuhay namin ay lagi na lamang sa hirap, noong araw kami ay walang inaasahan kundi kaunting
sweldo dahil sa kami'y alipin ng mga prayle, ngayon nga, kung sa bagay ay kami na ang namamahala, wala naman kaming kinikita; wala nang pamisa, mga patay at hindi na dinadapit; ngayon napaglirip na ang mga kabanalang ginawa ng mga tao noong araw ay pawang pakunwari at pakitang-tao lamang alinsunod sa malaking takot sa mga prayle. Juana: Totoo po ba ang sabi mo. P. Teban: Kaya, Juana, di-malayong kaming mga klerigo ay mauwi sa pagsasaka, tantuin niyong kaming mga pari ay hindi mabubuhay sa panay na hangin. Juana: Bakit dami mo pong mga pinakaing mga pamangking dalaga? P. Teban: Siya nga, ulilang inaampon ko. Miguel: Ay! Aling Julia… ay…ma…ma… malapit na po… Julia: Alin po ang malapit na? Miguel: Ang…ang…ang… Julia: (Sarili) Ano kaya ang ibig sabihin nito? Tadeo: Miguel, tayo na't nagkayari na kami ng kaniyang ina. Miguel: Ay…salamat (tuwang-tuwa.) Julia: (Sarili) Ipinagkayari na pala ako ni Inang? Tadeo: Ano ba ang sinabi mo? Miguel: Sinabi ko pong… ay Julia! Ay! Aling Julia! Ay, Julia ko! Tadeo: Wala ka nang nasabi kundi pulos na "ay"? Hindi ka nagpahayag ng pagsinta mo? Miguel: Sinabi ko pong malapit na… Tadeo: Malapit na ang alin? Miguel: Itinatanong nga po sa akin kung alin ang malapit na eh, hindi ko po nasagutan… Tadeo: Napakadungo ka! Ay Ige, tayo na't baka ka pa mahalata… Relihiyoso 1.0: Kapitan Putin, mana dalaw, parito kayo. (Magsisilabas ang mga dalaw). VI TAGPO (Mga Relihiyoso, Putin, Juana, Julia, Tenyong, at mga dalaw, babae at lalaki). Salitain Relihiyoso 1.0: Kapitana Putin, ngayon makikita ma na ang tao mo, dadalhin dito, at sinabi ko sa Alkalde na huwag nang paluin, huwag nang ibibilad at ipagbilin ko na bibigyan na ng mabuting tulugan… Putin: Salamat po, among. Relihiyoso 1.0: Kami ay aakyat muna sandali sa Gobernador at sasabihin naming pawalan, lahat ang mga bilanggo,kaawa-awa naman sila. Putin: Opo, among, mano na nga po… Salamat po, among. (Magsisihalik ng kamay, si Tenyong ay hindi at ang mga ibang lalaki). Relihiyoso 1.0: (Sa mga kasama) Despues de ver el Gobernador… a Manila, cogemeros el tren la Estacion de Guiguinto, es necesario deciral General que empiece ya a fusilar a los ricos e ilustrados de la provincia, porque esto va mal. Relihiyoso 2.0: Ya lo creo que va mal.
Los 3: Si, si a fusilar, a fusilar. (Papasok ang mga pare). VII TAGPO (Sila rin, wala na lamang ang mga relihiyoso) Salitain Putin: Tenyong, kaysama mong bata, bakit ka hindi humalik ng kamay sa among? Tenyong: Inang, ang mga kamay pong… namamatay ng kapwa ay hindi dapat hagkan, huwag pong maniniwalang sasabihin niya sa Gobernador na si Tatang ay pawalan, bagkus pa ngang ipagbibiling patayin na ngang tuluyan. (Sarili) Kung nababatid lamang ng mga ito ang pinag-usapan ng apat na lilo! Nakalulunos ang kamangmangan! (Ipapasok si Kapitang Inggo na nakadapa sa isang papag na makitid). Putin: Inggo ko! Tenyong: Tatang! Julia: Kaawa-awa naman! Tenyong: Mahabaging Langit! Musika Tenyong: Ang dalawang braso'y gitgit na ang laman, naglabas ang mga buto sa mga tinalian, lipos na ng sugat ang buong katawan, nakahahambal! Ay! Ang anyo ni Amang! Ang lahat ng ito'y gawa ng pari na sa Pilipinas siyang naghahari lalang ni Lucifer sa demonyong lahi kay Satang malupit nakikiugali…Ah, kapag namatay ka, oh, ama kong ibig, asahan mo po at igaganting pilit kahit na ano ang aking masapit, sa ulo ng prayle isa sa kikitil. Salitain Tenyong: Tatang, ikaw po'y ititihaya ko nang hindi mangalay… Inggo: Huwag na… anak ko… hindi na maari… luray luray na ang katawan… Tayo'y maghihiwalay na walang pagsala! Bunso ko, huwag mong pababayaan ang Inang mo! Putin, ay Putin… Juana-Julia… kayo na lamang ang inaasahan kong kakalinga sa kanila… Ang kaluluwa ko'y inihain ko na ka'y Bathala. Adyos mga kaputol ng dibdib! Adyos mga kababayan! Ako'y inyong patawarin… Naluoy na yata ang puso ng mga Kastila. Tenyong: Diyos na may kapangyarihan! Ano't inyong ipinagkaloob ang ganitong hirap? (Dito lamang ang pasok ng kantang "Ang dalawang braso'y…) Musika No.2 Tenyong: Ang dalawang braso'y gitgit na ang laman, naglabas ang buto sa mga tinalian, lipos na ng sugat ang buong katawan, nakahahambal, ay! Ang anyo ni Amang! Ang lahat ng ito'y gawa ng pari na sa Pilipinas siyang naghahari, lalang ni Lucifer sa demonyong lahi kay satang malupit nakikiugali. Ah! Kapag
namatay ka, oh, ama kong ibig, asahan mo po't igaganting pilit kahit na ano ang aking masapit sa ulo ng prayle, isa sa kikitil. Julia: Taya ang loob ko at binabanta-banta mga taong iya'y tadtarin man yata lahat ng niyang laman, buto sampung taba, di makababayad sa utang na madla. (Mga Babae at Lalaki) Di na kinahabagan kahit kaunti man, pariseos ay daig magpahirap. Tenyong: Oo't di matingnan puso ko'y sinusubhan sa ginawa kay Amang ng mga taong hunghang…ang awa'y nilimot sa kalupitan… Lalaki't Babae: Wari mukha nang bangkay… Tenyong: Inang, masdan mo po… at masama ang lagay ni Tatang, Inang, tingnan mo't naghihingalo… Tatang, tatang… Putin: Inggo ko…Inggo… Tenyong: Patay na! (Mangagsisihagulgol ng iyak) Telong Maikli VIII TAGPO (Sila ring lahat, wala lamang si Kapitang Inggo, ang Alkalde, at mga bilanggong nangakagapos). Salitain Putin: Tenyong, hindi yata ako makasasapit sa atin! Julia, nangangatal ang buong katawan ko! Nagsisikip ang aking dibdib! Ang sakit ay tagos hanggang likod! Ay, Tenyong, hindi ako makahinga! Ang puso ko'y parang pinipitpit sa palihang bakal! (Si Putin ay mapapahandusay). Tenyong: Langit na mataas! (Papasok lahat) IX TAGPO (Tenyong at mga kasamang lalaki, mamaya'y si Julia). Salitain Tenyong: Mga kasama, magsikuha ng gulok, at ang may rebolber ay dalhin. Isa: Ako'y mayroong iniingatan. Isa pa: Ako ma'y mayroon din. Tenyong: Tayo na sa estasyon ng Guiguinto. Isa: Nalalaman mo bang sila'y mangasisilulan? Tenyong: Oo, walang pagsala, narinig ko ang salitaan nila, at nabatid ko tuloy na sasabihin daw nila sa Heneral na tayo'y pagbabarilin na. Isa: Mga tampalasan. Isa pa: Walang patawad! (Nang mangagsiayon, si Tenyong ay nakahuli sa paglakad, sa lalabas si Julia). Julia: Tenyong, Tenyong! Tenyong: Julia! Julia: Diyata't matitiis, na Ina'y lisanin mo sa kahapishapis na anyo? Di ba nalalaman mong sa kaniya'y walang ibang makaaaliw kundi ikaw, at sa may damdam niyang puso, ay walang lunas kundi ikaw na bugtong na anak? Bakit mo siya
papanawan? Tenyong: Julia, tunay ang sinabi mo; datapwa't sa sarili mong loob, di ba si Inang ay kakalingain mong parang tunay na ina; alang-alang sa paglingap mo sa akin? Sa bagay, na ito, ano ang ipag-aalaala ko? Julia: Oo nga, Tenyong, ngunit hindi kaila sa iyo na ang maililingap ng isang lalaking kamukha mo ay di maititingin ng isang babaing gaya ko. Tenyong, huwag kang umalis! Tenyong: Julia, hindi maaari ang ako ay di pasa-parang; ako ay hinihintay ng mga kapatid, Julia, tumutugtog na ang oras ng pananawagan ng naaaping Ina, sa pinto ng nagpaubayang anak; ang Ina natin ay nangangailangan ng tunay nating pagdamay; dito sa dibdib ko'y tumitimo ang nakalulunos niyang himutok, ang nakapanlulumo niyang daing: "Mga anak ko," anya, "ngayo'y kapanahunang ako'y ibangon na ninyo sa pagkalugami. Oras na, Julia ko, ng paglaot sa matibay na tanikalang mahigit sa tatlong daang taong sinasangayad; hindi dapat tulutang… mga iaanak natin ay magising pa sa kalagimlagim na kaalipin. Julia: Wala akong maitututol, tanggapin na lamang ang huling tagubilin! (Huhubarin ang garantilyang may medalyita; tangnan at isusuot kay Tenyong ang garantilya.) Ang larawang ito'y aking isasabit sa tapat ng puso'y huwag iwawaglit at sa mga digma, kung siya'y masambit ipagtanggol ka sa mga panganib. Kung saka-sakaling irog ko'y masaktan, pahatid ka agad sa aking kandungan. Ang mga sugat mo'y aking huhugasan ng masaganang luhang sa mata'y nunukal. Tenyong: Sa Diyos nananalig. Julia: Puso ko'y dinadalaw ng malaking hapis. Tenyong: Huwag mamanglaw. Huwag ipagdusa ang aking pagpanaw. Julia: Mangungulimlim na ang sa matang ilaw. Tenyong: Ang ulap Julia ko'y di mananatili. Darating na ibig, ang pagluluwalhati. Julia: Tenyong na poon ko'y kahimanawari. Magliwayway uli't dilim ay mapawi. Tenyong: Huwag nang matakot, huwag nang mangamba. Ako'y tutupad lang ng aking panata sa pakikianib sa mga kasama. Aming tutubusin, naaliping Ina. Ikaw irog ko'y aking itatago sa loob ng dibdib, sa tabi ng puso. Nang hindi malubos ang pagkasiphayo sa mga sakuna, ikaw'y kalaguyo. (Titigil) Yayao na ako! Julia: Ako'y lilisanin? Balot yaring puso ng matinding lumbay, bumalik ka agad nang di ikamatay. Tenyong: Juliang aking sinta! Julia: Oh, Tenyong ng buhay! Tenyong: (Anyong aalis) (Sarili) Kaawa-awa! (Tuluyang aalis). Julia: (Biglang lilingon Te…! Yumao na! (papasok)
X TAGPO (Tugtuging nagpapakilala ng damdamin. Pagdating ng bahaging masaya ay maririnig ang sigawan sa loob. Mga prayle at mga kasama ni Tenyong at si Tenyong.) Sa loob. Mga lahi ni Lucifer! Magsisi na kayo't oras na ninyo! Ikaw ang pumatay sa ama ko - Perdon! Walang utang-na-di pinagbabayaran! (Hagaran at mapapatay ang mga prayle, isa ang mabibitin na sasama sa tren). Telon Wakas ng Unang Bahagi Ikalawang Bahagi I TAGPO (Bahay ni Julia) Julia at Juana Salitain Juana: Julia, igayak ang loob mo; ngayon ay paparito si Miguel at ang kanyang ama, sila'y pagpapakitaan ng mainam. Julia: Kung pumarito po sila, ay di kausapin mo po! Juana: Bakit ba ganyan ang sagot mo? Julia: Wala po! Juana: Hindi naman pangit, lipi ng mabubuting tao, bugtong na anak at nakaririwasa, ano pa ang hangarin mo? Julia: Ako po, Inang ko, ay hindi naghahangad ng mga kabutihang tinuran mo, ang hinahangad ko po ay… Juana: Ay ano? Duluhan mo, sabihin mo at nang matalastas ko. Julia: Ang tanggapin pong mahinusay ng puso ko. Juana: (Natatawa) Julia, ako'y natatawa lamang sa iyo, ikaw ay bata pa nga - anong pusupuso ang sinasabi mo? Totoo nga't noong unang dako, kapag may lalaking mangingibig ay tinatanggap ng mga mata at tinutuloy dito (hihipuin ang noo) dito sa isip at di na sa puso; at kung ano ang pasya ng isip ay siyang paiiralin: ang puso sa panahong ito ay hindi na gumaganap ng maganda niyang katungkulan, siya'y nagpapahingala'y na… Julia: Nakasisindak, Inang ko, ang mga pangungusap mo! Juana: Siyang tunay! Julia: Ako po'y makasunod sa masamang kalakaran ng panahon, dito po ako makatatakwil sa tapat na udyok ng aking puso. Juana: Julia, tila wari… may kinalulugdan ka nang iba. Julia: Wala po! Juana: Kung wala ay bakit sumusuway sa aking iniaalok? Nalaman mo na, ang kagalingan mong sarili ang aking ninanais. Ang wika ko baga, ay bukasmakalawa'y mag-aasawa ka rin lamang…ay kung mapasa-moro, mapasa-Kristiyano na!
Julia: (Sarili) Moro yata si Tenyong! II TAGPO (Julia at Monica) Salitain Julia: Monicaaaaaaaaaa, Monicaaaaaaaaaa. Monica: (Sa loob) Pooo! Julia: Halika (Lalabas si Monica) Pumaroon ka kay Kulas, sabihin mong hinihintay ko siya; madali ka… Monica: Opo (Papasok) III TAGPO 16 (Julia, mamaya'y Miguel, Tadeo, Pari, Teban, at Juana) Musika Dalit ni Julia Oh, Tenyong niyaring dibdib, Diyata' ako'y natiis Na hindi mo na sinilip Sa ganitong pagkahapis. Ay! Magdumali ka't daluhan, Tubusin sa kapanganiban, Huwag mo akong bayaang Mapasa ibang kandungan. Halika, tenyong, halika, At baka di na abutin Si Julia'y humihinga pa… Papanaw, walang pagsala! At kung patay na abutin Itong iyong nalimutan Ang bangkay ay dalhin na lamang Sa malapit na libingan. Huling samo, oh Tenyong, Kung iyo nang maibaon Sa malungkot na pantiyon, Dalawin minsan man isang taon. Salitain P. Teban: (Pumalakpak) Mabuti ang dalit mo Julia…datapwa't napakalumbay lamang… Julia: (gulat) Patawarin po ninyo at hindi ko nalalamang kayo'y nangagsirating…kahiyahiya po. P. Teban: Hindi; hindi kahiya-hiya, mainam ang dalit mo. Ang Inang mo? Julia: Nariyan po sa labas: tatawagin ko po (Papasok). P. Teban: Magandang bata si Julia, at mukhang lalabas na mabuting asawa… Marunong kang pumili, Miguel. Tadeo: Ako, among, ang mabuting mamili, si Miguel po'y hindi maalam makiusap. (Lalabas si Juana). Juana: Aba, narito pala ang among! Mano po, among! P. Teban: Ah, Juana, ano ang buhay-buhay? Juana: Mabuti po, among. Tadeo: (Kay Miguel) Lapitan mo. Miguel: Baka po ako murahin ah! 17 May manliligaw si Julia na Miguel ang pangalan. Mayaman at bugtong na anak ngunit dungo. Payo ni Aling Juana:"Ang pag-ibig ay tinatanggap ng mata at itinutuloy sa isip at di sa puso" Tutol si Julia kay Miguel. Ngunit ipinagkayari siya ng ina sa ama ni
Miguel. Hindi alam ni Juana ang ukol sa anak at pamangking si Tenyong. Nagpadala ng liham si Julia kay Tenyong sa tulong ni Lukas. Si Tenyong ay kapitan ng mga naghihimagsik. Walang takot sa labanan. Natagpuan ni Lukas ang kuta nina Tenyong. Ibinigay ang sulat ng dalaga. Isinasaad sa sulat ang pagkamatay ng inang si Kapitana Putin at ang araw ng kasal niya kay Miguel. Sasagutin na sana ni Tenyong ang sulat ngunit nagkaroon ng labanan. Ikatlong Bahagi Sinabi ni Lukas kay Julia ang dahilan nang di pagtugon ni Tenyong sa liham. Nagbilin lamang ito na uuwi sa araw ng kasal. Minsan habang nanliligaw si Miguel kay Julia ay si Tenyong naman ang nasa isip ng dalagang ayaw makipag-usap sa manliligaw kahit kagalitan ng ina. Si Tadeo na ama ni Miguel ay nanliligaw naman kay Juana, na ina ni Julia. Kinabukasa'y ikakasal na si Julia kay Miguel. Nagpapatulong si Julia kay Lukas na tumakas upang pumunta kay Tenyong. Ngunit di alam ni Lukas kung nasaan na sina Tenyong kaya walang nalalabi kay Julia kungdi ang magpakasal o magpatiwakal. Pinayuhan ni Lukas si Julia na kapag itatanong na ng pari kung iniibig nito si Miguel ay buong lakas nitong isigaw ang "Hindi po!". Ngunit tumutol ang dalaga dahil mamamatay naman sa sama ng loob ang kanyang ina. Sa simbahan, ikakasal na si Julia kay Miguel nang dumating si Tenyong na sugatan. Ipinatawag ng Heneral ng mga Katipunero ang pari para makapangumpisal si Tenyong. Kinumpisal ng kura si Tenyong. Ipinahayag ng kura ang huling hiling ng binata - na sila ni Julia ay makasal. Galit man si Juana ay pumayag ito. Maging si Tadeo ay pumayag na rin sa huling kahilingan ng mamamatay. Gayun din si Miguel. Matapos ang kasal, bumangon si Tenyong. Napasigaw si Miguel ng "Walang Sugat". Gayundin ang isinigaw ng lahat. Gawa-gawa lamang ng Heneral at ni Tenyong ang lahat.