Kalakip ng mahabang paglalakbay ni Rizal, ay ang pagkabuo rin ng kanyang buhay pag-ibig. Sapagkat hindi lamang sa Pilipinas nagmula ang mga kababaihang minahal niya, kundi pati na rin sa iba’t-ibang panig ng mundo. Nagsimula ang kanyang buhay pag-ibig sa ilog ng Los Baños, kung saan niya natagpuan si Julia. Bagamat hindi tuluyang nahulog rito si Pepe, siya parin ang kaunaunahang nagpatibok ng puso ng binata. Sumunod naman ay si Segunda Katigbak na mula sa Lipa, siya ang unang babaeng inibig na tunay ni Rizal. Si Binibining L. naman ang sumunod, ang pinakamisteryoso sa lahat ng mga naging kasintahan ni Rizal, sapagkat walang nakaaalam kung ano nga ba ang ibig sabihin ng titik na “L”, maging ang kanyang itsura. Matapos tutulan ng ama ni Rizal ang kaniyang pagdalaw kay Binibining L. ay nakilala niya si Leonor Valenzuela o Orang, na nag-aaral sa Unibersidad ng Santo Tomas,ngunit napagdesisyonan ni Rizal na ituring na lamang si Orang bilang isang kaibigan,dahil sa espesyal na pagtangi ni Rizal sa isa pang Leonor, si Leonor Rivera. Kilala sa palayaw na Taimis, nagtagal ang kanilang relasyon ni Rizal sa loob ng 11 na taon,ngunit ito’y nagtapos dahil sa pagpunta ni Rizal sa Europa, at dahil sa pagharang ng mga magulang ni Taimis sa mga sulat ni Rizal, kaya’t ipinagpalagay na lamang ng dalaga na siya’y kinalimutan na ni Rizal. Sa Madrid nama’y nakilala ni Rizal si Consuelo Ortiga y Perez, noong siya’y nagdadalamhati sa pagpapakasal ni Taimis sa ibang lalaki.Hindi rin nagtagumpay si Rizal sa dalaga dahil, ang kanyang kaibigan ang tuluyang nakabihag ng puso nito. Sa pagdaan naman sa bansang Hapon ay nakilala ni Rizal si Usui Seiko, muntik na pakasalan ni Rizal ang Hapones, ngunit nanaig ang kanyang damdaming makabayan. Sa London nama’y nakilala ni Rizal si Gertrude Beckett. Nahulog ang dalaga kay Rizal, ngunit pinili parin ng binate ang sariling bayan at siya’y may pagmamahal parin para kay Taimis. Katulad ng ibang mga dilag na nagmula sa Europa, hindi rin nagtagal si Rizal at si Nelly Boustead na mula sa Pransya, dahil hindi pumayag si Rizal na maging protestante si Nelly. Sa Brussels naman nakilala ni Rizal si Suzanne Jacoby, na iniwan ng binatang nagdadalamhati dahil siya’y lumisan patungong Madrid. Ang huling babae naman na minahal ni Rizal ay si Josephine Bracken. Bagamat maraming hindi sumasangayon sa kanilang relasyon at bagamat nalaglag ang dinadalang anak ni Josephine, ay hindi nito natinag ang kanilang relasyon. Tunay ngang makapangyarihan ang pag-ibig. Ito ang naging sandalan at katuwang ni Rizal sa kanyang paglalakbay sa mundo at sa pamamalagi rito sa ating bansa. Ang pag-ibig ay hahamakin ninuman, maging ng ating pambansang bayani, na naging patunay na kahit ang isang bayani’y handing magmahal at masaktan ng paulit-ulit, hanggang makamtan ang tunay na kaligayahan at pag-ibig.