MGA SALIK NA NAKAAAPEKTO SA PAGPAPALIT-WIKA NG MGA MANANALITA SA APAT NA KATUTUBONG WIKA SA ISABELA Marvin G. Balagulan Isabela State University-Cauayan Campus College of Education
[email protected] 0997-602-1690 ABSTRAK Ang pag-aaral na ito ay nakatuon sa mga salik na nakaaapekto sa pagpapalit-wika ng mga mananalita sa apat na katutubong wika sa Isabela. Binigyang pansin ang mga mananalita ng Gaddang, Ibanag, Itawes at Yogad kung nagkakaroon ng pagpapalit-wika ang bawat miyembro ng kanilang pamilya. Lumabas na ang sosyo-ekonomiko, trabaho, edukasyon at sikolohikal na salik ang dahilan kung bakit nagaganap ang pagpapalit-wika. Batay sa mga salik na ito, ang mga mananalita ay nagpapalit-wika mula sa katutubong wika patungo sa wikang mas maraming gumagamit – Tagalog. Susing Salita: Gaddang, Ibanag, Itawes, Yogad, Pagpapalit-Wika, Bernakular, Isabela PANIMULA
Binubuo ng 130 na buhay na wika ang Pilipinas at 40 ang malapit nang mawala kung ang pagbabatayan ay ang bilang ng mga gumagamit nito na hindi bababa sa 8, 000. Ang bilang na ito’y patuloy na bumababa dahil ang katutubong wika ay hindi na ang wikang ginagamit sa talastasan dahil ang higit na pinipiling gamitin ay ang wikang Filipino, Ilocano, at Sebwano at iba pang katutubong wikang umiiral sa bansa (Sembrano, 2019). Sa bawat labing-apat (14) na araw, may namamatay na wika. Kaya pagdating ng taong 2100, pitumpu’t limang porsyento (75%) mula sa mahigit kumulang na pitong libong (7000) wikang sinasalita sa mundo at hindi pa naitatala – marami sa kanila ang mamamatay na nagtataglay ng mga kaalaman, kasaysayan, at kultura. Isinagawa ang pag-aaral na ito ng The National Geographic Society sa kanilang pananaliksik “Geographic Voices Project” bilang kinalabasan ng pagpapalitwika ng mga mananalita sa isang lipunan.
Ang Gaddang, Ibanag, Itawes, at Yogad – ang apat na katutubong wika na ginagamit sa Isabela at nagbabantang mamatay kung patuloy ang pag-iral ng pagpapalit-wika. Sa pagppalit-wika ay may malaking epekto sa pagkalusaw ng mga wika. Ang pagpapalit-wika bilang kabaliktaran ng pagpapanatili sa wika ay nangangahulugang kumakatig ang isang lipunan sa iisang wika na kanilang pinili (Fishman, 1991). Sa isang lipunang gumamit ng dalawa o mahigit pang wika ay hindi maiiwasang nagpapalit-wika batay na rin sa hinihingi ng pagkakataon. Kahit nga ang isang mananalitang may iisang wikang ginagamit ay gumagamit ng iba’t ibang barayti ng wika sa komunikasyon. At kapag sila ay nakipag-usap, namimili sila sa dalawang wikang alam nilang gamitin. Ang isang mananalita ng bilingwalismo ay gumagamit ng isang wika patungo sa isa pang wika – nangangahulugan lamang na may pagpapalit-wika mula sa isa patungo sa ikalawang target na wika (Borbely 2000;6 :
Grosjean 1982:128). Ngunit ang banta ng ganitong paggamit ng bilingwalismo ay untiunting pumapatay sa kahusayan ng mga kabataan sa paggamit ng isang wika sa isang konteksto. Sa puntong ito, nangyayari ang pagpapalit-wika kung higit na pinipili ng mga mananalita ang isang wika kahit mayroon siyang unang wika o L1. Kasabay nito ang pagkawala ng kanilang identidad bilang isang pangkat-etniko o grupo sa isang lipunan (Fasold, 1984: 240). Kaya naman ang pag-aaral na ito ay nakapokus sa pagpapalit-wika ng Gaddang, Ibanag, Itawis, at Yogad ay may malaking ambag upang mapanatili ng mga pangkatetniko ang kanilang sariling pagkakakilanlan. Gayundin maaaring makita kung ang pagpaplanong pangwika ng ating bansa ay nakatuon lamang sa mga malalaking wika at hindi napapansin ang mga maliliit na wika. Ang kalalabasan ng pag-aaral na ito ay magiging daan upang mapanatili ang mga wikang nabanggit bilang identidad ng mga Pilipino.
Layunin ng Pag-aaral Ang pag-aaral na ito ay naglalayong tukuyin ang mga salik na nakaaapekto sa pagpili ng wika sa apat na katutubong wika sa Isabela. Ang sosyo-ekonomiko, trabaho, edukasyonal at sikolohikal ay mga salik na tutukuyin kung bakit nagkakaroon ng pagpapalit-wika. Binigyang pansin din ang pagpaplanong pangwika sa Pilipinas.
Metodolohiya Kinalap ang mga wikang kasangkot sa pag-aaral sa limampung (50) pamilya sa apat na katutubong wika. Ang pamilya ng Gaddang na nakatira sa Guayabal, Cauayan City; ang mga mananalita ng Yogad na mula sa Carulay, Echague; Itawes sa Angadanan, Isabela; at ang Ibanag na mula sa Reina Mercedes, Isabela. Pinili ang mga lugar na
nabanggit dahil kilala sila sa mga wikang ginagamit nila. Tinanong isa-isa ang mga piling mananalita kung bakit ito ang napili nilang wika bilang wika ng talastasan at kung anong pagkakataon sila nagpapalit-wika.
Talakayan Sinasabi na ang pagpapalit-wika gagamitin at pagpapanatili sa wika ay isang pangmahabaang proseso na bunga ng pagpili ng isang wika (Fasold, 1984). Lumabas sap ag-aaral nina Jaspaert at Kroon (1993) na ang pagpapalit ng wikang gagamitin sa talastasan ay tumutukoy sa personal na pagpili ng isang taong gumagamit nito (Schidmdt, 1999; Jaspaert at Kroon; 1993). Dahil dito, ito ang mga salik nakaaapekto sa mga kalahok sa pag-aaral kung bakit nagkakaroon ng pagpili ng wikang gagamitin sa talastasan. Sosyo-ekonomiko Nagbabago ang ekomoniya dala ng modernisasyon, urbanisasyon, at industriyalisasyon na may malaking epekto sa pagpapanatili ng wika at pagpapalit ng wika. Ang uri ng mga pagbabagong ito sa ekonomiya ay may kaugnayan sa pagpapalit at pagpili ng wika na siyang nagiging pamantayan ng tao sa lipunan (Schmidt, 1999). Lumabas ito sa sagot ng isang magulang. Ayon sa kanya “Importante pa rin ang mother tongue pero kailangan nating isipin na yung Tagalog... advantage sa atin ‘pag marunong tayong mag-Tagalog [Respondent 16, Ibanag]”. Natagpuan ni Fasold (1984) na kung saan ang mga taong nasa minorya sa lipunan ay kadalasang nagpapalit ng wika tungo sa wikang ginagamit ng nakararami. Sa ibang salita, inaaayon ng tao ang wikang ginagamit niya sa wikang ginagamit ng mga dominanteng grupo ng tao kung saan siya nabibilang at ito ay nakaaapekto sa kanyang
unang wika o L1 (Li, 1982). Bilang karagdagan, ginagamit ang wika sa pasalitang diskurso sa larang ng ekonomiya lalong-lalo na sa pagpapaangat nito. Daluyan ang wika sa mabisa at maunlad na ekonomiya (Li, 1982). “Mas maraming mahahanap na trabaho ‘pag tagalog ang tinuro ko sa anak ko pati na rin Ingles [Respondent 17 Gaddang]”. Higit na gusto ng mga magulang ang na ituro ang Tagalog sa kanilang mga anak dahil nakatutulong ito sa pagahahnap nila ng trabaho sa hinaharap. Ang pagkakaroon ng isang tiyak na wika sa isang lipunan ay isang basehan na maunlad ang ekonomiya. Sa ating bansa ang pagtatamo ng kasanayan sa wikang Ingles at wikang Filipino ay isang pangangailangan na dapat na taglayin ng bawat mamamayan. Ang dalawang wikang ito ay naglulundo sa isang tao sa seguridad sa pananalapi. Tulad nang sinabi ng isang magulang, “Oo plinano ko. As a teacher, inisip ko ung magiging kinabukasan ng anak ko”. [Respondent 35 Itawes]. Sa pagpili ng isang wikang gagamitin ay maaaring makapagbigay sa ng trabaho tulad na lamang ng wikang Ingles. Ingles ang wikang ginagamit kapag sa paghahanap ng trabaho (interbyu). Kaya dapat alam ng isang aplikante ang wikang Ingles upang matanggap sa pinapasukang trabaho. Ang apat na katutubong wika ay hindi nagagamit sa paghahanap ng trabaho gayundin hindi nakapagbibigay ng kaginhawaan sa buhay. Ang pagpapalit ng wika tungo sa wikang Ingles o Filipino ay isang paraan upang mapataas natin ang kalagayan ng ating buhay gayundin an gating ekonomiya. Ingles at Filipino ang wika ng ekonomiya. Trabaho Maraming mga trabaho na inaalok dito sa bansa na nangangailangan ng kahusayan sa paggamit ng wikang Ingles at
Filipino. Nangangahulugan lamang na lunsaran ang kahusayang sa dalawang wika ito upang matanggap sa pinapasukang trabaho. Kaugnay nito, ang pagkakaiba-iba ng mga wikang ginagamit ng mga manggagawa sa isang kompanya ay naglulundo sa mga manggagawa na gamitin ang dalawang wikang ito – Ingles at Filipino. Sinasabing ang industriyalisasyon at ibang mga pagbabagong nagaganap sa ekonomiya ang mga dahilan kung nagkakaroon ng pagpapalit ng wika (Fasold, 1984). Gayundin ang paaralan at pamahalaan ay mga dahilan ng nagaganap na paglilipat. Ang pamahalaan ang may kapangyarihan na magmando kung anong wika ang gagamitin sa diskurso sa loob ng paaralan at sa kalakalan. “Ginagamit namin ang Ilocano o Tagalog sa trabaho [Respondent 6 Yogad)”. Sa ganitong pagkakataon, ang opisyal na wikang itinadhana ng batas ay hindi nasusunod dahil nagaganap ang pagpapalit-wika o ang paggamit ng bilinguwal sa pakikipamuhay ng mga tao sa lipunan, ekomoniya at polotika sa bansa. “Government employee ako, ung asawa ko teacher. Mas ginagamit ang tagalog sa trabaho at eskwelahan [Respondent 31 Ibanag]. Ang mga magulang na kalahok sa pag-aaral na parehong kawani ng pamahalaan ay higit na pinipili na ituro sa kanilang mga anak ang wikang Ingles at Filipino. Pinatutunayan lamang nito na ang mga magulang na propesyunal ay higit na pinipili ang wikang Ingles at Filipino na ituro sa kanilang mga anak dahil naniniwala silang ang paggamit ng wikang ito ay magbibigay daan sa kanilang mga anak na magtagumpay sa hinaharap. Samantala ang mga magulang na may kakaunti ang kinikita ay mas gusto ituro sa kanilang mga anak ang wikang Filipino.
Edukasyon Pinipili ng karamihan sa mga kahalok sa pag-aaral ang wikang ginagamit nila na siyang makatutulong sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Naniniwala ang mga magulang na mas nakalalamang ang kanilang mga anak sa paaralan kung alam nilang gamitin ang Ingles at Tagalog. Pinili ng ilang magulang ang Tagalog dahil ito ang karaniwang ginagamit sa paaralan. “Para pag nag-aral na siya, marunong na siya mag-Tagalog [Respondent 15 Gaddang]” at “Plinano ko talagang ituro ang Tagalog para mas madali silang maka pick-up at madaling matuto pag nag-aral sila. Tsaka para ‘pag nagpunta sila sa ibang lugar, makakacommunicate parin sila at hindi sila tatangatanga. [Respondent 21 Itawes]”. Madalas na sinasabing ang katutubong wika ay nangangailangan ng konkretong batas upang magamit ito sa paaralan at nang mapanatili ang kanilang kultura at sariling pagkakakilanlan (Schimdt, 1999 at Landry Allard, 1991). Kung ang kakayahan ng mga bata ay nalinang gamit ang kanilang mga katutubong wika higit na mabilis silang matutong magbasa at magsulat. Ito ay nakatutulong sa pagpapanatili ng kanilang mga katutubong wika (Schimdt, 1999; Cummins, 1993 Skutnabb-Kangas, 1988; Landry Allard, 1992). Gayunpaman dito sa ating bansa ang wikang Ingles at Tagalog ang pinakagamitin. Noong nakaraang 2012, inilunsad ng Kagawaran ng Edukasyon ang programang Mother Tongue Based-Multilingual Education (MTB-MLE) upang magamit ang mga katutubong wika na unti-unti nang namamatay. Gayunpaman, natugunan nito ang maraming hamon ng ahensiya tulad ng kakulangan ng sapat na gamit sa pagtuturo, limitadong bilang ng gurong taal na nagsasalita ng katutubong wika sa kabila ng magkakaibang wikang ginagamit ng mga mag-aaral. Samakatuwid, ang ginagamit na
wika na ginagamit ng karamihan sa paaralan ay Ingles at Tagalog. Pakiramdam ng ilang magulang sa pag-aaral na nakalalamang ang kanilang mga anak kapag alam nila ang dalawang wikang ito. “Tagalog ang tinuro kong first language niya kasi para sa akin, base sa naoobserve ko, Tagalog ang ginagamit sa school para mabilis siya makaadapt sa paaralan [Respondent 37, Gaddang]. Isa pang sinabi “Kasi diba kung nasa eskwelahan ka, ano bang ginagamit na lenggwahe ng teacher? Tagalog diba? Dahil shempre pag bata ung anak mo, kailangan turuan mo ng Tagalog kasi pag pasok sa school ayun ang alam mong gagamitin ng teacher sa pagtuturo para magkaintindihan diba? [Respondent 7 Ibanag]. Sikolohikal Ang isa sa mga dahilan kung bakit nagpapalit-wika ang mga tao ay ang pagbabago ng saloobin sa unang wikang ginagamit nila. Naiimpluwesiyahan ng wikang Ingles at Tagalog ang wikang ang mga katutubong wikang unang sinasalita dahil pakiramdam nila mas mababa ang wikang katutubo kaysa sa mga opisyal na ng ating bansa. Ang wikang Tagalog ay naging isang wika sa ating lipunan dahil produkto ito ng pagbabago ng sibilisasyon at modernisasyon. Ang antas ng prestihisyo ay nakakabit sa paggamit ng wika dahil kung mas prestihisyo ang wika mas ginagamit ito. Nagagawang impluwensiyahan ng wika ang mga tao na gamitin ito dahil ginagamit ng nakararami (prestihisyo). Pakiramdam ng nila kapag ginamit nila ito kabilang na rin sa sa grupo kung saan ginagamit ang wikang kilala. “Nakakahiya naman kung hindi marunong mag-Tagalog mga anak ko “. [Respondent 40 Ibanag]”. Sa ganitong kaso lumalabas lamang ang saloobin tungo sa wikang ginagamit ng mga tao. “Nahihiya kasi
ako gamitin ung Yogad pag wala ako sa lugar namin. [Respondent 10 Yogad]. Bukod dito, ang mga maliliit na katutubong wikang sinasalita ay may pagkakataong lumilipat ng wika lalong-lalo na sa mga wikang prestihiyoso (kilala at sinasalita ng maraming bilang na tao) (Doria, 1980: Huffines, 1980). Kaugnay nito, isinaalang-alang ng mga magulang ang kaginhawaan ng kanilang mga anak sa paggamit ng wika lalong-lalo na kapag sila ay pumupunta sa lugar kung saan ang kanilang wikang ginagamit ay hindi nauunawaan. “Sa bayan kasi siya nag- aaral kaya Tagalog na tinuro ko sa kanya para ‘di na siya mahirapan.” [Respondent 48 Gaddang]. Sinabi rin ng isang magulang na itinuro niya ang Tagalog dahil ginagamit ito ng nakararami. “Tagalog na ang tinuro ko kasi karamihan ng mga bata, Tagalog na [Respondent 40 Gaddang]”. Masasabing Tagalog na pinakagamitin na wika sa Pilipinas ngunit dapat pa ring matuto ang mga bata ng ibang bernakular na wika upang mapayaman ang mga wikang namamatay na. Ang isang wika ay napili rin dahil ang isang partikular na wika ay umaangkop sa kanilang mga ideolohiya tulad ng isang sinabi ng isang magulang. “Pinili kong ituro ang Tagalog dahil may salitang paggalang. Kasi sa Ilocano at Ibanag, walang po at opo”.[Respondent 45 Ibanag].
Konklusyon Batay sa kinalabasan ng pag-aaral na isinagawa hinggil sa mga salik kung bakit nagpapalit-wika ng mga nagsasalita sa katutubong wika - Gaddang, Ibanag, Itawis, at Yogad. Lumabas na ang sosyoekonomiko, trabaho, edukasyon, at sikolohikal na mga salik kung bakit nagpapalit-wika ang mga nabanggit na mananalita ng mga katutubong wika. Mula sa mga salik na ito, nakikita na ang paglilipat
sa apat na katutubong wika ay nakaumang sa daan habang mas pinipili ng mga nagsasalita ang wika na sa palagay nila ay mas maginhawa at kapaki-pakinabang sa kanila.
Sanggunian Borbely, Anna. (2000). "The Process and Factors of Language Shift and Maintenance: Sociolinguistic Research into the Romanian Minority Community in Hungary." Fasold, Ralph. (1984). "The sociolinguistics of society: Introduction to sociolinguistics volume I." Language in society 5. Fishman, J. (1991). Reversing language shift: Theory and practice of assistance to threatened languages. Clevedon: Multilingual Matters. Grosjean, F. (1982). Life with two languages: An introduction to bilingualism. Harvard University Press. Sembrano, E. (2019). KWF Races to Save Dying Philippine Languages. Philippine Daily Inquirer.