Karma

  • November 2019
  • PDF

This document was uploaded by user and they confirmed that they have the permission to share it. If you are author or own the copyright of this book, please report to us by using this DMCA report form. Report DMCA


Overview

Download & View Karma as PDF for free.

More details

  • Words: 2,100
  • Pages: 8
Roxanne Therese O. Delay

Mps 10

2006-27258

Sir Romulo Baquiran Karma

Nagulat siya. Oo, sobra siyang nagulat. Hindi niya akalain na sa dinami-dami ng taong maaring maging ina ni Elena ay iyon pang matabang babae na hinoldap niya kanina. Wala na siyang kawala. Hindi na siya makakatakas. Siguradong kalaboso na siya. Nilabas na ng tatay ni Elena ang posas na nasa bulsa nito sabay dayal ng numero sa cellphone, “May suspek ako ngayon dito sa bahay, padala naman kayo ng mobile car,” narinig niyang sabi nito sa kausap. Pulis kasi ang tatay ni Elena. Kilala ito sa lugar na iyon bilang matinik sa mga kasong holdapan. Matindi ang galit niyon sa mga holdaper. Nung isang taon lang, balita sa kanila na halos 50 holdaper ang ngayo’y nasa likod na ng malamig na rehas nang dahil kay SPO1 Edgar Reyes. Napangaralan pa nga ito ni Mayor bilang isa sa mga magaling na pulis ng taon. Nakatanggap din ito ng malaking pabuya galing sa mga biktima. “O, huwag ka ng papalag ha,” sabi ni SPO1 Reyes. “Hindi naman sinungaling ang asawa ko eh. Tamang-tama ang deskripsyon niya sa iyo: kalbo, maputi, chinito, matikas ang pangangatawan, matangkad at may nunal sa kaliwang tenga,” sabi nito. “Naku, buti na lamang at namukhaan ka ng misis ko. Kung saka-sakali ay baka magkaroon pa kami ng anak na kriminal. Sayang ka iho, may itsura ka pa naman at mukhang nagustuhan ka pa naman sana ng anak ko.” Umiling lang siya at yumuko, hindi dahil sa inaamin niyang na may kasalanan siya o dahil sa pinagsisihan niya iyon; nahihiya siya kay Elena. Halos hindi na siya makatingin sa mga mata nitong nag-uusig. Nakaupo pa rin ito at matamang lamang na nakamasid sa kanya.

Ang nanay naman ni Elena ay nakatayo sa may pintuan banda, walang tigil sa pagsasabing “Egdar! Edgar! Sigurado akong siya iyon! Siya ang taong nanutok sa akin ng ice pick kanina. Wala akong nagawa kundi ibigay ang bag ko na naglalaman ng pera na panggatos natin sana sa paghahanda kapag dumalaw si Mayor at ang anak nito,” natatarantang sabi ng nanay ni Elena. “Dali at posasan mo na, mamaya’y makatakas pa,” dagdag pa nito. Hindi naman kasi siya magnanakaw; wala rin siyang talaga balak magnakaw. Desparado lang kasi siya ngayon. Nabalitaan niya kasi na ang mahal niyang si Elena ay kursunada ng anak ng mayor. Nagkakilala ang dalawa matapos na magpunta si SPO1Edgar Reyes sa opisina ni Mayor upang tanggapin ang parangal nito. Balita niya, botong-boto ang mga magulang nito para sa kanilang mga anak at may balak na nga ang mga ito na ayusin ang kasal. Tanging si Elena lamang ang tutol sa ideya ng pagpapakasal sa anak ng mayor. Naririnig niya na hindi naging maganda ang pagtrato ni Elena kay Marco nang sila’y magkakilala. Ayon sa kanyang pinsan na nagtratrabaho sa munisipyo, tinapunan ni Elena ng tubig sa mukha si Marco, sabay takbo palabas. Binastos kasi ni Marco si Elena, trinatong parang bayarang babae. May pagka-liberal kasi si Elena. Tandang-tanda pa niya ang mga araw noon na sila’y magkakaklase pa lamang sa star section sa hayskul ay talagang kakaibang babae si Elena. Matapang, hindi nagpapatalo sa mga debate at kung minsan pa nga, pati mga guro ay kinakalaban kapag may mali itong itinuturo. Ayaw nito na dinidikthan siya ng mga tao kung kaya’t ito ang naging dahilan upang siya’y magtapos na pangalawa lamang. Hindi kasi nagustuhan ng mga guro ang pag-uugaling ito ni Elena. Ngunit, para sa kanya, ito ang pinakamagandang pag-uugali ni Elena, dahilan upang magustuhan niya ito. Matagal na siyang may gusto kay Elena; hindi lamang siya makakuha ng tiyempo para sabihin ang nararamdaman niya dahil na rin sa marami talaga ang nagkakagusto kay

Elena. Takot siyang ayawan siya nito kung kaya’t napagpasiyahan niya na itago lamang ang nararamdaman. Pero, nagbago ang desisyon niya matapos malaman niya na inaayos na raw ang pagdalaw ng anak ni Mayor si bahay ni Elena. Hindi siya sigurado kung mamanhikan na ba pero iyon na ang naging mainit na balita sa kanilang lugar. Ayaw niyang mapunta si Elena sa isang walang kuwentang lalaki tulad ni Marco. Kilala ito na basagulero at hinihinalang lulong sa droga. Kalat din ang tsismis sa pagiging palikero nito. Marami na raw itong naging babae ay may isa pa yata itong nabuntis. Nagwala ang sinasabing babaeng nabuntis 2 taon na ang nakakalipas sa tapat ng opisina ni Mayor. Pinapasok naman ang babae at iyon na ang huling araw na nakita ang babaeng iyon. Sabi ng iba, sigurado daw na ipinapatay na ito ni Mayor ngunit may iilan ding nagsasabi na binayaran daw ni Mayor ang babae pati ang pamilya nito at pinalipat na sa malayong lugar. Alin man sa dalawa ay isa lamang ang tiyak: mas nararapat ang lalaking tulad niya na may tapat na pagtingin kay Elena kaysa kay Marco. Gagawa siya ng paraan upang mapigilan ang kasal ng dalawa. Kailangang maunahan niya ng dalaw si Marco. Handa naman siya na magtapat na ngunit ang problema ay wala siyang pera noong araw na iyon. Mahirap lamang siya, mahirap lamang ang kanilang pamilya. Traysikel drayber lamang ang tatay niya at kumikita ng pera na kasya lamang sa araw-araw nilang pangangailangan. Buti na lamang ay todo suporta ang nanay niya na magpatuloy siya sa kolehiyo kung kaya’t nagtitinda ito sa palengke tuwing umaga at tumatanggap ng labada upang matustusan ang kanyang matrikula. Tumutulong naman siya sa pamamagitan ng pagtratrabaho sa umaga bilang bagger ng isang malaking supermarket sa kanilang lugar. Wala silang pera/panggastos para sa ibang pang hindi importanteng bagay.

Sinubukan niyang mangutang sa kanyang mga kaklase at bumale sa kanyang boss pero pareho siyang bigo. Hindi na niya alam ang gagawin niya. Desperado na siya. Kailangan niya ng pera. Kapag hindi siya gumawa ng paraan ay tuluyan ng mawawala sa kanya si Elena. Dali-dali siyang umuwi noon sa bahay upang kumuha ng ice pick. Pagkatapos ay dumiretso kaagad sa palengke upang magmatyag. Nagdadalawang-isip pa siya noong una at mukhang pinanghihinaan na ng loob. “Petra! Alam mo na ba ang balita? Mukhang malapit ng ikasal ang anak ni SPO1 Reyes sa anak ni Mayor! Aba’y pagkatapos kong magsimba kanina, nakita ko si Mayor na kausap ang pari, nag-aabiso na yata kung kelan gaganapin ang kasal,” natutuwang sabi ng Ale. “Ay oo naman! Ang suwerte suwerte naman ng anak ni SPO1 Reyes no? Sana ang anak ko ang makabingwit din ng tulad ng anak ni Mayor” sagot ng kausap na tinder. Ngunit ang usapan ng dalawang tinder ang nagbigay buhay sa nangangalit niyang damdamin. Kailangan niyang gawin ito. Bahala na; kapit na sa patalim. Ayun! May nakita na siyang maaring biktimahin! Mukhang marami itong dalang pera, makapal kasi ang bag na dala nito at naninilaw na ang matabang babae dahil sa dami ng alahas na suot nito. Agad niya itong sinundan. Nang makarating sa lugar na konti lamang ang tao ay agad niya itong sinugod at tinutukan ng ice pick sa beywang. Sabay sabi, “Ibigay mo ang bag ng maayos kung ayaw mong masaktan. Bilis!” “Boy, maawa ka na sa akin! Wala akong pera! Huwag mo akong saktan,” pagmamakaawa ng matabang babae.

“Walang pera? Ano yang mga alahas na nakasukbit sa iyo? Iyan ba ang walang pera?” bulyaw niya sabay diin sa pagkakatutok ng ice pick. Mukhang epektib ang ginawa niya sapagkat kaagad nitong binigay ang bag. Kinuha niya ang bag sabay takbo sa mataong lugar. Narinig pa niya na nagsisigaw ito upang humingi ng tulong at hinahabol siya, buti na lamang ay nakapagtago siya sa maliit na eskinita. Doon, kaagad niyang tinignan ang laman ng bag. Agad niyang nakita ang isang sobreng punong-puno ng pera. Agad niya itong kinuha sabay tapon sa bag. Wala na siyang pakialam sa iba pang laman niyon. Tuwang-tuwa siya sapagkat malaki-laki ang laman ng bag. Dumiretso kaagad siya sa bayan upang makapag-isip ng susunod na gagawin. Napagpasiyahan niya na ngayon na dumalaw kay Elena. Agad siyang nagpunta sa Aristocrats upang bumili ng pagkain. Pumunta rin siya sa dikalayuan na flower shop upang bumili ng isang dosenang red roses. Di rin niya nakalimutan na bumili ng Ferrero Rocher na ibibigay kay Elena. Naisip din niya ang kanyang itsura. Mukhang kailangan niyang magpapogi ng husto. Dumaan siya sa Ystilo upang magpagupit, pagkatapos ay bumili din siya ng damit sa Arrow at ng sapatos sa Lacoste. Voila! Presto! Handang-handa na siya sa pag-akyat ng ligaw kay Elena. Pumara ng taxi at maya-maya pa ay nasa tapat na siya ng bahay ni Elena. Pagkababa ng taxi ay pinaliguan muna ang sarili ng Polo Black na binili niya saka pinindot ng kanyang nanginginig na kamay ang doorbell. Mga ilang saglit pa ay lumabas na ang kanyang mahal na si Elena. “Louie! Wow! Ang tagal nating di nagkita! Napadalaw ka yata?” bati nito sa kanya.

“Aakyat sana ako ng ligaw. Maari ba?” walang kagatol-gatol na sabi niya sabay bigay ng bulaklak kay Elena. Mukhang nagustuhan ni Elena ang mga rosas, nagpasalamat sa kanya at pinapasok siya. Nadatnan niya si SPO1 Reyes na nasa sala, nanonood ng TV, agad siyang pinakilala ni Elena. “Pa, si Louie po, kaklase ko noong hayskul” pagpapakilala sa kanya ni Elena. Pinagmasdan siya ni SPO1 Reyes mula ulo hanggang paa at sinabi, “Liligawan mo ba ang anak ko? Mukhang late ka na ah, malapit ng ikasal si Elena kay Marco.” “Wala akong sinabing pakakasalan ko siya!” bulyaw ni Elena sa kanyang ama. “Halika Louie at maupo ka, huwag mo na lamang pansinin si Papa.” sabi ni Elena sa kanya. Tuwang-tuwa siyamg marinig iyon kay Elena; pinawi nito ang pagngingit niya dahil sa sinabi ni SPO1 Reyes. Agad niyang inabot ang tsokolate pati ang mga binili niyang pagkain. “Salamat.” sabi sa kanya ni Elena at nagtungo sa kusina upang ihain ang pagkain. Naiwan silang dalawa ni SPO1 Reyes sa sala. Sa una’y walang kibuan ngunit naglakas loob din siyang kausapin ito. “Wala na ho ba talaga akong pag-asa ka Elena?” tanong niya. “Depende,” sagot nito sabay tumayo at umupo sa tabi niya. “Depende sa performance mo ngayon. Mukha ka namang matino at isa pa klasmeyt ka ni Elena, ibig sabihin kilala ka niya talaga.” Siya namang dating ni Elena galing sa kusina. “Pa, baka naman tinatakot mo na si Louie?” bungad ni Elena habang nilalapag ang pagkaing binili niya sa lamesa. “Hindi naman, sinasabi ko lamang na ang pag-asa niya sa iyo ay depende sa performance niya ngayon. Kung maganda, puwede siyang dumalaw ulit, kahit na walang pasabi katulad ngayon. Kung pangit, aba’y huwag na siyang magpakita pa ulit sa atin.” mahabang litanya ni SPO1 Reyes.

Kukuha na sana si SPO1 Reyes ng pagkain nang biglang mag-ring ang telepono. Tumayo si SPO1 Reyes at sinagot ang telepono. Naiwan silang dalawa ni Elena sa sala. “Kumusta ka na? Antagal na nating di nagkikita. Wala nga rin akong balita sa iyo matapos ang graduation eh. Mukhang asensado ka na ngayon ah.” sabi ni Elena. Hindi siya kaagad na nakasagot. May kung anong bumara sa bibig niya, tumagos yata ang salitang asensado sa kanya. “Ahaha... Eh, Ok lang ako. Eto, ganito pa rin tulad ng dati. Hindi pa rin ako nagbabago, pati ang pag-ibig ko sa iyo Elena.” tugon niya. Tumawa si Elena. “Bakit? Dati ka pa bang may gusto sa akin? “Noon pa kita gusto. Plano ko sana na huwag na lamang ito pansinin ngunit nang marinig ko ang balita na ipapakasal ka nila kay Marco ay napagtanto ko na hindi ko kayang mapunta ka sa iba.” pagpapaliwanag niya. May gusto pa sana siyang sabihin ngunit bumalik na ang tatay ni Elena. “Kaya pala wala pa ang mama mo ngayon ay dahil nasa presinto siya kanina, nagpablotter.” sabi ni SPO1. Buti na lamang at tumawag siya, kanina pa ako nag-aalala. Pauwi na siya” dagdag nito. “Bakit? Anong nangyari?” nag-aalalang tanong ni Elena sa kanyang ama. “Naholdap kasi siya kaninang umaga. Buti na lamang walang masamang nangyari sa kanya.” sagot nito. May kung anong kaba siyang naramdaman nang marinig niya ang salitang holdap. Hindi na lamang niya ito ipinahalata. Nagdadasal na sana’y hindi nagsumbong ang biniktima niya kanina sa pulis.

“Sana naman ay makauwi siya ng ligtas” sabi ni Elena. “Oo nga,” dagdag niya sabay inom tubig. Ok ka lang ba? Mukha namutmutla ka yata?” tanong ni Elena sa kanya. Ah? Eh… Ok lang ako. Haha, hindi naman ako namumutla eh…” tugon niya. Katahimikan. Maya-maya pa ay may nagdoorbell. “Ako na,” sabi ng tatay ni Elena. Ilang saglit pa ay bumungad sa pinto ang nanay ni Elena. Nanlaki ang mata nito. Parang aatakihin sa puso nang Makita siya. Pinagpawisan naman siya ng malamig. Hindi malaman kung anong gagawin. At isa lang ang pumasok sa isipan niya: tapos na ang maliligayang araw niya.

Related Documents

Karma
May 2020 14
Karma
May 2020 16
Karma
October 2019 29
Karma
November 2019 37
Karma
April 2020 16
Karma
June 2020 17