Inecar Report Translated (tagalog)

  • June 2020
  • PDF

This document was uploaded by user and they confirmed that they have the permission to share it. If you are author or own the copyright of this book, please report to us by using this DMCA report form. Report DMCA


Overview

Download & View Inecar Report Translated (tagalog) as PDF for free.

More details

  • Words: 4,868
  • Pages: 11
Paunang Imbestigasyon sa Libmanan-Cabusao Dam Project (LCDP) sa Ilog ng Sipocot

Introduksiyon Ang Libmanan-Cabusao Dam Project ay isinusulong ng National Irrigation Administration (NIA), Rehiyon 5, na naka-base sa Lungsod ng Naga. Napagkalooban ito ng Environmental Compliance Certificate (ECC Reference Code 0904-008-4520) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Lungsod ng Quezon, noong Abril 20, 2009, at nilagdaan ni Kalihim Jose L. Atienza Jr. ng DENR (Appendix A). Aabot ng tatlong (3) taon ang pagtatayo ng proyekto. Ayon sa Environmental Impact Assessment (EIS) ng proyekto noong Marso 2009, ang proyekto ay may layuning: 1) pag-ibayuhin ang paggamit ng yamang-tubig at yamang-lupa sa pamamagitan ng paggamit ng kongkretong diversion dam sa halip na pump system na kasalukuyang ginagamit sa patubig sa lugar [kabuuuang layunin], at 2) upang mabawasan ang gastos sa pagpapatakbo ng patubig at nang madagdagan ang kita ng mga sakahan upang makatulong sa mga magsasakang mabebenipisyuhan [kaugnay na layunin]. Ngunit ang proyekto ay wala sa Libmanan, ito ay itinatayo sa bayan ng Sipocot, Camarines Sur at magbubunga ng pagtaas ng tubig sa labintatlong (13) barangay ng bayan ng Lupi, at isang (1) barangay ng Sipocot. Kasalukuyang itinatayo ang dam (Appendix A1) sa barangay Malaguico, sakop ng Sipocot, at may apat (4) na buwan na matapos itong nasimulan na nakapaloob sa labingwalong (18) buwang kontrata. Ang takot ng mga mamamayan ng Lupi ang siyang naghimok na hingin ang tulong ng INECAR na suriin ang problem. Hiningi gayundin ni Obispo José Rojas Jr. ng Diosesis ng Libmanan ang tulong ng maylagda dahil na rin sa hindi matatawarang pangamba ng mga mamamayan ng Lupi hinggil sa mga pagkasirang maaring dalhin ng proyektong dam sa Sipocot sa panahong ito ay maitayo na. Sapagkat ang bagay na ito ay labis na nangangailangan ng kaukulang pansin, nagsagawa ang Institute for Environmental Conservation and Research, Ateneo de Naga University, ng paunang imbestigasyon noong Oktubre 17, 2009. Layunin ng imbestigasyon na: 1) 2) 3) 4)

Alamin ang kasalukuyang kalagayan ng itinatayong dam sa Sipocot Suriin ang naaprubahang Environmental Impact Statement (EIS) ng NIA Alamin ang mga hinaing at pangamba ng mga mamamayan ng Lupi hinggil sa dam Makapagmungkahi ng mga maaaring maging alternatibong mapagkukunan ng patubig para sa Libmanan at Cabusao

Metodolohiya Ang paunang imbestigasyon ay isinagawa ng study team ng INECAR na binubuo ng limang kasapi (Bb. Joanaviva Caceres, Bb. Shane Bimeda, G. Alex San Jose, G. Pedro Prima Jr., at Dr. Emelina G. Regis na siyang tumatayong pinuno ng pangkat). Kasamang ring mga boluntaryo sina G. Victor Nierva, guro sa Ateneo de Naga University, G. Jonas Soltes, mamamahayag ng

Inquirer na naka-base sa Lungsod ng Legazpi, at G. Sebastian Perez, dating punongbayan ng Lupi. Ang mga pamamaraang ginamit ay ang mga sumusunod: a) pagkuha ng mga larawan sa lugar ng dam at iba pang kaugnay na mga lugar, b) pakikipanayam sa mga taong may kinalaman sa proyekto, hal., Project Manager ng konstruksiyon ng dam at mga mamamayan at lokal na opisyal ng barangay sa Lupi. Ginamit din ang iba pang pamamaraan tulad ng mga sumusunod: c) pagkuha ng elevation o taas ng lugar at geographic coordinates o tiyak na lokasyon gamit ang Geographic Positioning System (GPS) at mapa (Appendix B) ng ilang lugar mula Sipocot hanggang Lupi, d) pagkuha ng mga sediments o banlik sa lugar na pinagtatayuan dam para sa sediment characterization (Fanning at Fanning, 1989; DeLuca at O’Herron, 2002), kinuha rin ang antas ng acidity at salinity o alat ng tubig gamit ang pH meter at irefractometer, at e) pagbatid ng antas ng mga pagbaha sa lugar. Ginamit ring batayan ang ilang nakalimbag na dokumento, kasama na ang Environmental Impact Statement (EIS) ng proyekto (National Irrigation Administration o NIA bilang tagapagtaguyod) na may petsang Marso 2009, ang Environmental Compliance Certificate (ECC) na ipinagkaloob ng DENR sa tagapagtaguyod, at ang nakasulat at nilagdaang mga paninidigan ng mga mamamayan ng Lupi. MGA RESULTA NG IMBESTIGASYON A. Ang kasalukuyang kalagayan ng proyektong dam Ang proyekto ay tinatayang magsisilbing irigasyon para palaguin ang pagsasaka ng palay sa 4,000 hanggang 4,800 hektaryang lupang sakahan sa mga bayan ng Libmanan at Cabusao. Gayunpaman, ang paraan ng pagsasakatuparan ng proyekto ay katatagpuan ng mga nagbubunga ng pagkalito, pangamba, at pag-aalinlangan sa panig ng mga pamayanang sinasabing maaapektuhan ng dam, lalung-lalo na sa mga bayan ng Lupi at Sipocot sa Camarines Sur. 1. Nakalilito ang pangalang “Libmanan-Cabusao Dam Project” pagkat ang dam ay itatayo sa Sipocot at magbubunga ng pagtaas ng tubig sa bayan ng Lupi. Bakit hindi Sipocot-Lupi Dam ang pangalan? 2. Ang ibinigay na pangalang nabanggit ay maaaring ang siyang dahilan kung bakit halos lahat ng mga impormasyong matatagpuan sa EIS ay nauukol sa mga benepisyo ng dam sa mga bayan ng Libmanan at Cabusao at kakaunti lamang ang nababanggit hinggil sa mga epekto nito sa mga bayan ng Sipocot at Lupi. Sapagkat ang katotohanan ay ang mga bayan ng Libmanan at Cabusao ay ang mga mabibiyayaan samantalang ang mga bayan ng Sipocot at Lupi ay tinatawag na direct impact areas na siyang higit na daranas ng mga pagkasirang epekto ng proyekto. Mali ring ihanay ang Lupi bilang indirect impact area o lugar na hindi tuwirang maaapektuhan ng proyekto ayon sa EIS (Marso 2009) dahil kung tuluyang maitatayo ang dam, labintatolong (13) barangay o humigit kumulang 1/3 ng bilang ng mga barangay ng Lupi ang aabutin ng pagtaas ng tubig. Ang bilang na ito ay ayon sa mga pahayag ng mga mamamayan ng Lupi dahil na rin sa pagkakaroon ng ilang tributaries o mga sapang

pinagbubukalan ng tubig sa ilog at ayon na rin sa mga residenteng nakatira malapit sa mga pampang ng mga sapang ito. Ang direct impact o tuwirang epekto ay direktang bunga ng isang aksiyon o paggawa ng tao tulad ng pagtatayo ng dam na may kasamang pagtaas ng tubig, o maging ng anumang likas na pangyayari tulad ng bagyo. Ang indirect impact o di tuwirang epekto ay bunga lamang ng mga tuwirang epekto ng isang aktibidad tulad ng paglikas ng mga tao at maging kahirapan dahil sa pagkawala ng mga lupaing sanhi ng pagtaas ng tubig na bunga ng pagtatayo ng dam. 3. Ayon sa panayam sa Project Manager ng dam sa Sipocot, “sa antas na 14.3m, ang dam ay gagawin sa paraang ang tubig ay malayang aagos paibaba. Aabot ang antas ng tubig hanggang 15m at ang kontrol ng tubig ay nasa taas na 26m ngunit hindi na nila ito sakop dahil ang tubig ay aagos na patungo sa gagawing kanal (link canal)” (buod ng panayam noong Oktubre 17, 2009, isinalin sa Ingles) na siyang magiging daluyan ng tubig papuntang Libmanan at Cabusao. Mula 3.3m (ilalim ng tubig), sa taas na 14.3m, ang itataas ng tubig sa loob ng dam mula sa antas ng dagat ay 11m na humigit kumulang ay katumbas ng gusaling may 4.5 palapag (kung ang bawat palapag ay may taas na 2.4m). Bakit ang pagtaas tubig ay aabot sa elevation o kataasan 15? Ayon sa Project Manager at Project Engineer, sa gayong kataasan ang tubig na dadaloy paibaba ay magkakaroon ng malakas na agos patungo sa kanal (link canal). Ang lakas ng agos na ito’y sasapat upang itulak paitaas ang tubig patungo sa mas mataas na lugar sapagkat mataas ang topograpiya ng kalupaang dadaanan ng kanal papuntang Libmanan.. Kapag narating na ng tubig ang mataas na lugar, dadaloy ito paibaba “sa kanal na may habang 10.28km mula sa dam hanggang sa pump station” (p.1-3, Project Component under Basic Project Information). Ang pump ang maghahatid ng tubig patungo sa mga palayang manginginabang ng patubig. Hindi makatuwiran ang ganitong sistema. Upang makakuha ng tubig para sa irigasyon, higit na mainam na kumuha sa mga mapagkukunang malapit sa mga sakahang manginginabang (Libmanan at Cabusao), sa kasong ito, maaaring kumuha sa ilog na bumabagtas sa dalawang bayan. Pansining ang ilog na binabanggit sa imbestigasyong ito ay iisang ilog na nagkakaroon lamang pagbabagon ng pangalan dala ng mga lugar na dinaraanan. Samakatuwid, ito ay nagiging Ilog ng Sipocot sa bayan ng Sipocot at Ilog ng Libmanan sa bayan ng Libmanan (Appendix C). 4. Kapag tuluyan nang naitayo ang dam, magsisimula na rin ang suliranin sa polusyong dala ng toxic phytoplanktons. Dahil sa ang lupa sa lugar ng dam ay pinaghalong buhangin, banlik at luwad o putik, ang buhaghag na mga materyal na ito na bunga ng pagguho sa mga pampang ng ilog na tinatangay naman paibaba ng malakas na agos ay maiipon sa loob ng dam. Ang mga nitrates sa mga kabahayan at iba pang mga oganikong materyal ay matitipon at mabibigay daan sa pagdami ng mga phytoplankton (mga napakaliliit na halaman at tilahalamang mga organismo), higit na ang mga toxic (nakalalason) na mga organismong hindi kinakain ng mga isda. Ang abnormal na pagdami ng mga phytoplankton ay maaaring magbunga ng paglago ng mga algae na uubos ng oxygen at papatay naman sa mga isda. Ang

prosesong ito ay tinatawag na eutrophication. Bunga nito, magkakaroon ng pagbaba ng biodiversity at paghina ng kakayahan ng ilog sa bahaging nasa itaas ng dam (Sipocot at Lupi) na magkapagbigay-buhay sa mga organismong tulad ng isda dahil sa kakulangan ng makakain at oxygen at dahil na rin sa lasong magmumula sa mga phytoplankton. (Corrales, R.A., 1991; Manahan, 1994; Nebel and Wright, 1996; Miller, 2000). Sa pag-aaral nina Ampongan at Fraginal (2004) sa ilog ng Barit na nagmumula sa Lawa ng Buhi sa Camarines Sur, sinasabing ang Hydraulic Control Structure sa Barit ay isa sa mga dahilan ng pagkasira ng kalidad ng tubig sa nasabing ilog. Sa bahagi ng instrukturang nakaharap sa lawa, labis ang polusyon sa tubig na umaabot sa Antas 2 ng toxic alert o antas ng lason. Nangangahulugan ito na mataas ang bilang ng toxic phytoplankton sa bawat litro ng tubig, samakatuwid, hindi mainam para gamitin ng tao ang tubig. Ang nakalalasong phytoplankton ay nagdadala rin ng maraming uri ng sakit sa balat, isa na ang contact dermatitis sa mga tao. 5. Maaari ring mamuo ang asin sa mga naipong banlik sa ilalim ng tubig sa loob ng dam, at pinaaalat nito ang tubig hanggang hindi na maaaring gamitin sa patubig sa mga sakahan (Miller, 2009). B. Ang Environmental Impact Assessment (EIS) ng National Irrigation Administration (NIA) 1. Buod ng Proyekto – Mapa (Figure 1.1) Pangkalahatang Mapa ng Libmanan-Cabusao Dam Project (p.1 ng Buod ng Proyekto). Puna: Ang mapa ay hindi nagpapakita na ang proyekto ay matatagpuan sa Sipocot at magbubunga ng pagtaas sa Lupi (Appendix D). Kung hindi magpapakita ng angkop na mapa, sinumang makababasa ng EIS ay magtutuon lamang ng pansin sa sitwasyon ng Libmanan at Cabusao. Pansining ang Libmanan at Cabusao ay parehong manginginabang sa proyekto samantalang ang Sipocot at Lupi ay mga apektadong lugar. Mahalaga ito sa sinumang nagsusuri ng panukalang dam. 2. Mali na ihanay ang Lupi sa tinatawag na indirect impact area o lugar na hindi tuwirang maaapektuhan ng proyekto ayon sa EIS (Marso 2009) dahil kung tuluyang maitatayo ang dam, labintatlong (13) barangay o 1/3 ng bilang ng mga barangay ng Lupi ang daranas ng pagtaas ng tubig. Ang bilang na ito ay ayon sa pahayag ng mga mamamayan ng Lupi na ang iba ay naninirahan sa mga pampang ng ilog na umano’y may ilang tributaries o mga pinagbubukalan ng tubig na dumadaloy patungong sa ilog. 3. Pagsasalarawan ng proyekto p. 3-7, section 3.4 Mga Plano sa Pagtatayo ng Proyekto at Mga Sangkap ng Proyekto, 3.4.1 Mga Patrabaho sa Diversion -

“ang masasakop ng pagtaas ng tubig sa itaas ng dam sa kataasan na 15.00 ay tinatayang aabot ng 186 hektarya sa panahong ang dam ay maitayo na. Ang mga barangay na saklaw ng 186

hektarya ay ang mga sumusunod: bahagi ng Yabo at Malaguico sa bayan ng Sipocot, at walong (8) barangay naman sa bayan ng Lupi. Ito ang mga sumusunod: Tapi (Lupi Viejo), Poblacion (Lupi Viejo), Barrera Jr., San Isidro, San Rafael Sur, Bulawan Jr., at Colacling.” Puna: Ang mga ilog ng Lupi, Yabo at Sipocot ay tinatayang may labintatlong tributaries o pinagmumulan ng tubig (ayon sa pahayag ng dating punongbayan ng Lupi na si G. Sebastian Perez). May iba pang mga kumunidad/sityo/barangay sa mga tributaries na hindi binanggit sa report. 4. (Ikalawang talata ng EIS, Paglalarawan ng Proyekto p. 3-7, seksiyon 3.4 Mga Plano sa Pagtatayo ng Proyekto at Mga Sangkap ng Proyekto, 3.4.1 Mga Patrabaho sa Diversion -

“Ayon sa pag-aaral sa katangian ng kalupaan na isinagawa ng Mines and Geosciences Bureau ng Rehiyon 5, ang pagsisiyasat ng maaring maging mga panganib at kahinaan ng pagtatayuan ng dam ay nagsasabing ang lugar ng Libmanan-Cabusao dam sa barangay Malaguico ay kabilang sa mga lugar na kung saan hindi gaanong inaasahan ang paglambot ng lupa, lugar din ito na hindi gaanong inaasahang pagtitirhan o pagkukunan ng kabuhayan, hindi rin gaanong inaasahan ang mga pagguho ng lupa, at hindi rin gaanong binabaha, halimbawa ang mga lugar na walang naiuulat na mga pagbaha maliban sa mga mabababang lugar na malapit sa mga ilog at sapa” Puna: Ayon sa panayam ng INECAR sa lokal na pamunuang pambarangay at ilang mamamayan ng Lupi noong Oktubre 17, 2009, binabaha ang lugar sa panahon lamang ng malalakas na bagyo, lalung-lalo na ang mga supertyphoons na may kasamang matinding buhos ng ulan. Ang tubig na dala ng baha ay dumaraan lamang at hindi lumalagi ng matagal. Halimbawa, noong rumagasa ang Bagyong Rosing noong 1995, umabot ang baha sa palengke ng kabayanan sa kataasan na 14m (hindi umano inabot ang simbahan sa kataasang 15m). Tumaas rin ang tubig sa panahon ng iba pang malalakas na bagyo. Ang mga larawan ng pampang ng ilog ay nagpapakita ng taas ng tubig sa tuwing may baha. Pansining ang mga plastik at iba pang basurang nakabitin sa mga puno at ang mga gumuhong pampang na nagpapakita ng antas ng tubig sa ilog sa panahon ng pagbaha (Appendix E). Samakatuwid, karaniwan lamang ang mga pagbaha sa Lupi dahil nangyayari rin ito sa ilang mabababang lugar sa mga bayan ng Libmanan, Sipocot, San Fernando, Milaor, Canaman at lungsod ng Naga at iba pang mga lugar sa rehiyon Bikol at maging sa buong bansa. Kung kaya’t hindi ba kailangang ilikas rin ang mga tao sa mga lugar na ito? Sa sitwasyong ito, ang pagpapataas ng tubig sa Lupi at bahagi ng Sipocot dahil sa pagtatayo ng dam ay hindi makatuwiran dahil kung gagawin ito upang matulungan ang mga mahihirap na mamamayan ng Libmanan at Cabusao, ililikas lamang nito ang mga mamamayang naghihirap rin at maaaring lalo pang maghirap.

5. Figure 4.1.2.3.2.7 Ang Sipocot Quadrangle at ang Dam Site Flood Hazard Map sa pahina 4-9 sa ilalim ng Baseline Environmental Conditions, Impact and Assessment and Mitigation, seksiyon Land Use Classification.” (Appendix F)

-

(Ikalawang talata, p 4-9) “Ang lugar ng panukalang Libmanan-Cabusao Dam sa barangay Malaguico ay kabilang sa mga lugar na hindi gaanong binabaha o lugar na walang naiuulat na mga pagbaha maliban sa mga mabababang lugar na malapit sa mga ilog at sapa. Tingnan ang Figure 4.1.2.3.2.7 Sipocot Quadrangle at Dam Site Flood Hazard Map.” Puna: Pansining sa Figure na ito, ang kaliwang itaas ng mapa ay nagpapakita na ang mga lugar na malapit sa Lupi ay sinasabing “binabaha paminsan-minsan o halos walang baha” samantalang ang Sipocot ay “lugar na madalas bahain o laging binabaha” at “binabaha paminsan-minsan o halos walang baha”. May mga lugar ding “madalas ang pagguho ng lupa sa mga pampang ng ilog” (Appendix F). Ang lugar na pinagtatayuan ng dam sa barangay Malaguico (kataasang 4-5m mula sa antas ng dagat) ay mababa nang bahagya kaysa sa kataasan ng bayan ng Lupi (6-15m mula antas ng dagat), mababa rin ito sa ilang bahagi ng Sipocot dahil sa bulubunduking katangian ng kalupaan. Gayunpaman, dahil iisang ilog lamang ang dumadaloy sa tatlong bayan na ito (Lupi, Sipocot at Libmanan), kakatwa na ang isang dam na para sa patubig lamang ay itatayo at tuluyang maglulubog ng labintatlong (13) barangay, magsisira ng mga pananim, at maglilikas ng mga tao. Dahil rin sa permanenteng pagtaas ng tubig, may mga pagkakataong ang dam ay maaaring masira (Tingnan ang mga puna para sa Bilang 6) o magpakawala ng tubig upang maibsan ang pressure o lakas ng tubig, tulad ng ginawa sa ibang dam sa Gitnang Luzon na nagbunga ng mga pagbaha sa mga mabababang lugar doon.

6. (Huling talata p 4-10) Baseline Environmental Conditions, Impact Assessment and Mitigation, seksiyon Land Use Classification “Sa pagkonsidera sa lakas ng lindol at lapit ng sentro nito sa lugar ng dam, sa pananaw ng pagtatayo at pagdidisenyo ng mga istrukturang ganito, nararapat lamang na maging batayan ang lindol na may lakas 7.6 sa pagbatid ng pinakamatinding paggalaw ng lupa para sa pagkuha ng nararapat na disenyong makakaya ang gayong lindol. Gayunpaman, ginamit pa rin at sinuri ang lahat ng datos.” Puna: Ang mga sakunang bunga ng lindol ay hindi lamang dahil sa lakas ng pagyanig ngunit pati rin ang uri ng lupa at mga batong karaniwan sa lugar kung saan madalas ang paggalaw ng lupa kahit sa mahihinang mga lindol laman. Ang gayong mga sakuna ay nangyayari rin sa mga lugar kung saan malambot ang lupa na nagpapalakas at nagpapatagal sa paggalaw ng kalupaan. Dahil ang lupa sa lugar ng dam ay luwad, buhaghag na luwas, malambot na buhangin at buhangin, na bumubuo sa pangkalahatang katangiang calcarenitic, ang iba’y may mga pores o napakaliliit na mga butas, ang iba naman ay malambot (ayon sa unang pagsusuri ng INECAR na siya ring resulta ng pagsusuring sinasaad ng 4.1 ng EIS, seksiyon 4.1.3 Pedology (p. 4-12), ang kalagayang ito ay lalo lamang magpapatindi sa paggalaw ng lupa at magbubunga ng mga pagkasira o sakuna. (Appendix G)

C. Ang mga hinaing at takot ng mga mamamayan ng Lupi hinggil sa dam Ukol sa Pangkalahatang Pagtanggap ng Lipunan o Social Acceptability 1. Bakit lumagda ang mga tao at tila naging kahulugan nito ang pagtanggap (minarkahan na Attendance nang nagsagawa ng kosultasyon ang NIA kasama ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno at iba pang mga kumunidad—Tingnan ang mga kalakip mula sa EIS)? Ayon sa panayam na isinagawa ng INECAR sa Lupi (Oktubre 17, 2009), nakuha ang mga sumusunod na pahayag: a) Hininging lumagda sila sa attendance sheet. Ang mga nagsalita ay nagpahayag tungkol mga benepisyo ng proyekto. Sa gayon, nagustuhan ng ilan sa kanila ang proyekto. Hindi nabanggit sa kanila ang mga epekto ng proyekto. Hindi nila alam na ang paglagda sa attendance sheet ay gagamiting patunay ng social acceptability. b) Maayos ang mga naging paliwanag, kung kaya ang mga nagsipagdalo sa konsultasyon ay lumagda sa pormang ibinigay sa kanila. c) Ang porma ay attendance sheet. Sinabihan din silang lumagda dahil kung walang lagda ay hindi mabibigyan ng pagkain. d) Hindi sa kanila ibinigay ang lahat ng impormasyon. Huli na nang malaman nila ang posibilidad na maaari silang ilikas. e) Na hindi umano sila dapat ilikas. Walang sapat na maaaring mapagkunan ng kabuhayan sa pinaplanong paglilipatan, dahil sa ang mga loteng lilipatan ay para sa pagtatayuan lamang ng mga kabahayan. Pano na ang kanilang mga alagang hayop? f) Ang ilog ay pinupugaran ng mahigit limang (5) klase ng isda, marami ring ibon at iba pang mga hayop tulad ng singalong, goto, anis, boot (walang ngipin at tila anteater) na maaapektuhan. Ang mga sumusunod ay ang iba pang mga karanasan ng mga mamamayan sa pulong konsultasyon na ginanap sa Libmanan: a) Ang mga tanong ng mga resident eng Tapi ay hindi nabigyan ng kasagutan. Ang ilang kinatawan ng mga ahensiya ng gobyernong naroon ay ginawa pang pagpapatawa at papilosopo ang mga sagot sa mga tanong ng mga taga-Tapi, kung kaya’t napilitan silang umalis na lang ng pagpupulong. b) Ayon sa napagkasunduan sa pulong konsultasyon sa Libmanan, ang mga tuwirang maaapektuhan ay ang mga nakatira sa mga tabing-ilog lamang. c) Humingi na sila ng pagpupulong kasama ang mga taga-NIA ilang buwan na ang nakararaan ngunit hanggang ngayon ay nananatiling tahimik sa kanila ang ahensiya. Kailangang magsagawa ng kosultasyon sa mga mamamayan. 2. Ayon sa konsultasyon/panayam ng INECAR sa mga opisyal ng barangay at isang kasapi ng Sangguniang Bayan, nakapagtataka ang katahimikan ng Mayor o punongbayan. Halos lahat ng kanilang mga hinaing ay hindi pinakikinggan at sinosolusyonan. Nang simulan na ang pagtatayo ng dam lamang nakita ng mga lokal na kumunidad ang maaaring maging epekto ng proyekto sa kanilang mga tirahan at kabuhayan.

3. Sa Lupi, nakatipon ng 941 lagda galing sa mga taga-Poblacion at iba pang mga barangay (Appedices H1-H7) na hindi sumasang-ayon sa pagtatayo ng dam sa barangay Malaguico. Narito ang kanilang mga hinaing: a) Walang lehitimo at tamang konsultasyon. Ang mga hinaing nila ay hindi pinakinggan. Ito ay paglabag sa kanilang karapatang pakinggan. b) Mali ang impormasyon ayon sa Community-Based Monitoring System na 300 pamilya lamang ang maaapektuhan. Naniniwala silang higit-higit pa sa bilang na ito, aabot ng libo. Na ang bilang na 300 ay ginamit lamang upang maaprubahan ang panukalang proyekto. c) Walang paliwanag o nakalimbag na paliwanag hinggil sa mga negatibong epekto sa kanila ng proyektong dam, mga positibong epekto lamang sa mga benipisyaryong komunidad (Libmanan at Cabusao). d) Sa kabaliktaran, ang kanilang mga pamayanan ay hindi manginginabang sa dam, ngunit, magdadala lamang ito ng sakuna at pagkasira sa kanilang mga sakahan, kabuhayan at tirahan. e) Hindi nila kailangan ng dam. Ang kailangan nila ay maayos at malinis na sistema ng pamumuno, lingap sa mahihirap, at pangkalahatang malasakit sa kapakanan ng mga mamamayan. Ukol sa maaaring epekto ng proyekto sa mga tao 1. Sa usapin ng agrikultura, sinasaad sa EIS na ang lupang sakahan sa Libmanan ay 23,836 ektarya samantalang ang sa Sipocot ay 70.72% lamang (p.12 ng EIS Baseline Characterization seksiyon 3.4 The People, 3.4.1 Demographic Profile). Ayon sa nakasaad na lawak ng sakahan ng Libmanan, 70.9% ito ng kabuuan ng kalupaan ng nasabing bayan (33,620 ha.; datos ng Camarines Sur sa taong 2007) samantalang ang Sipocot naman ay 80.64% pagkat ito’y mayroong 21,160 ha. kalupaang nasasakupan kung saan 17,062.92 ha. ay ginagamit sa pagsasaka. Kung hindi inaasahang masira ang dam, higit na maraming mapipinsala sa Sipocot. Ang mga bayang ito ay parehong may mga sakahang nasa matataas at mabababang lugar. 2. May pangkasaysayang kahalagahan ang bayan ng Lupi. Matandang bayan ito na itinatag ng mga Kastilang mananakop nang marating nila ang Filipinas. Ang unang simbahan ng Lupi ay itinatag noong Oktubre 17, 1726 sa barangay San Pedro (Appendix I). Sa gayon, ang mga kumunidad doon ay may sariling kulturang labis nang nakatatak sa kanilang pagkatao. Ang inaasahang pagtaas ng tubig ay magbubunga ng matinding karanasan ng kawalan sa mga tao sapagkat ang lugar ay kanilang tahanan, hindi lamang simpleng bahay o lugar ng hanapbuhay. 3. Ang pagtatayo ng dam ay magbubunga rin ng pagkawasak ng mga pananim sa ibaba ng dam. Halimbawa, sa pananaliksik ni Miller (2000) noong 1997 sa Sweden, sinasaad na sadyang napipinsala at nawawasak ng mga dam ang likas na yaman at kapaligiran. Sa mga

pagsusuring ginawa sa ilang dam sa Sweden na ginagamit para pagkunan ng enerhiya (hydroelectric) napag-alamang nawawasak ang 15-50% ng mga pananim sa mga pampang ng mga ilog kung saan nakatayo ang mga ito, kumpara ito sa mga pananim sa mga ilog na malayang dumadaloy. Samakatuwid, maaaring mangyari rin ito sa mga pampang ng ilog sa Sipocot. Ang mga mamamayang nakatira malapit sa dam ay nagsasabing sa mga lugar na ito ay maganda ang uri ng lupa at napakainam para gawing taniman at pagkunan ng kabuhayan. 4. Kung ang suliranin ay patubig, bakit sa Sipocot ilalagay ang dam? Ito ay tanong na hindi malinaw na nasagot sa EIS at ayon na rin sa mga mamamayan ng Lupi. Pansining ang tanging layuning nakasaad sa EIS ay (ayon sa nabanggit na kanina) 1) pagibayuhin ang paggamit ng yamang-tubig at yamang-lupa sa pamamagitan ng paggamit ng kongkretong diversion dam sa halip na pump system na kasalukuyang ginagamit sa patubig sa lugar [kabuuuang layunin], at 2) upang mabawasan ang gastos sa pagpapatakbo ng patubig at nang madagdagan ang kita ng mga sakahan upang makatulong sa mga magsasakang mabebenipisyuhan [kaugnay na layunin]. Ang mga magsasakang benipisiyaryo ng dam ay mga taga-Libmanan at Cabusao. Walang binanggit na benepisyo para sa Lupi at Sipocot. Malinaw naman na ang mga bayang ito ay mga impact areas o tuwirang maaapektuhan. Ang mga mamamayan ng Sipocot at Lupi (lalo na sa Lupi) ay nakakaranas ng kahirapan. Bakit higit pa silang pahihirapan sa pamamagitan ng paglikas sa kanila at sa maaaring maging mas mapaminsalang mga pagbaha tuwing tag-ulan, at sa gayon ay lalo pa silang magdanas ng hirap para lamang mapagbigyan ang ibang kumunidad ng kapwa naghihirap ring mga mamamayan? D. Ang mga maaaring maging mga alternatibong mapagkukunan ng tubig para sa Libmanan at Cabusao Ang dam sa Sipocot ay hindi kailangan upang magkaroon ng patubig. Mayroong mas ekonomikal na mga teknolohiyang maaaring gamitin para makapag-imbak ng tubig mula sa ulan at iba pang mga mapagkukunan. Pansining ang ilog ng Libmanan at karugtong ng ilog Sipocot. Maging ang Tangcong Vaca ay sagana sa tubig, ito ay watershed ng Libmanan (Appendix C). 1. Mas madali, mas makatitipid at hindi gaanong mapanganib kung kukuha na lang ng tubig sa ilog ng Libmanan kaysa magtayo ng dam na nagkakahalaga ng 1.9-bilyong piso. Ang Libmanan ay ang pinakamalawak na munisipalidad sa Camarines Sur. Binubuo ito ng 75 barangay at ang kabuuang kalupaan nito ay umaabot ng 336.2 kilometro kwadrado. Kumukuha ito ng tubig sa Tangcong Vaca kung saan matatagpuan ang maraming mga sapa at bukal. 2. Ang mga magsasaka sa India (R. Saha et al., 2007), Taiwan, at iba pang mga bansa ay gumagamit ng simpleng instruktura na tinatawag na “water harvester” upang makaipon ng tubig mula sa ulan para sa kanilang mga taniman at sakahan. May mga lugar sa Filipinas na gumagamit rin nito, lalo na sa mga pook na malalayo sa mapagkukunan ng

tubig. Hindi ito magastos at maaaring itaguyod ng mga magsasaka o grupo ng mga magsasaka depende sa laki ng istruktura. 3. Sa panahon ng tag-ulan, maaaring gumawa ng maliliit na pag-iipunan ng tubig na gagamitin para sa mga sakahan. Ang pagmintena ay maaari nang ipagkaloob sa mga magsasaka. 4. Sa ulat ni Juan Escandor Jr. ng Philippine Daily Inquirer (http://bicolmail.com/issue/2009/june11/xswine.html) sinasabing “ang dam ay papalit sa apat na yunit ng 250-horsepower na makina at pumps na kasalukuyang ginagamit sa patubig sa 2,195 ektaryang taniman ng palay sa mga bayan ng Libmanan at Cabusao. Gumagastos taun-taon ang NIA ng aabot sa P7-milyon para sa langis at krudong ginagamit ng ng mga makina.” Ang dam ay nagkakahalang P1.9-bilyon. Sa halagang P1.9-bilyong gagastusin sa dam, ang nasabing mga makina ng patubig ay maaaring gamitin hanggang 271 taon (sa taunang halagang P7-milyon para sa langis at krudo). Gayunpaman, dahil may iba pang mga pinaggagastusan bukod sa langis at krudo, kasama na ang pagbabago ng halaga ng piso at mga pagpapalit ng piyesa o maging ng makina, kasama na rin ang maaaring pagbili pa ng karagdagang mga makina, ang mga sumusunod na oportunidad ay maaaring isaalang-alang: -

Kung dodoblehin ang bilang ng mga makina—walong (8) yunit ng makinang patubig at kung ang bawat makina ay magkakahalagang P3-milyon (naisaalang-alang na ang inflation) = P24-milyon. Sa loob ng 100 taon ng pagpapatakbo, kasama na ang gastos kung magpapalit ng bawat limang (5) taon, ang kabuuan ng gastusin ay aabot ng P480-milyon. Kung ang halagang ito ay ibabawas sa P1.9-bilyon, may tira pang P1.42-bilyon sa budget.

-

Kung ang presyo ng langis at krudo ay P12-milyon bawat taon (sa pagsaalang-alang ng pagbaba ng halaga ng piso), ang patubig na may walong makina ay makakayang patakbuhin hanggang 118 taon.

Nababatid ng maylagda na may ang nasa itaas na mga kalkulasyon ay may mga hindi pa naisaalang-alang na halaga kung kaya’t maaaring mabawasan pa ang tinatayang bilang ng mga taon ng operasyon ng patubig. Gayunpaman, sa kabuuang konsepto, makatitipid pa rin ang paggamit ng mga makinang patubig, hindi magbubunga ng paglikas ng mga tao, at hindi rin magdadala ng ibayong pangamba sa maaaring pagkawasak ng kalikasan o pagbuwis ng buhay o pagkasira ng kabuhayan, kung ihahambing ito sa mga maaaring idulot ng isang dam na tatagal lamang sa loob ng 10 hanggang 20 taon dahil sa mga posibleng likas na kalamidad, kamalian ng tao, pagbabago sa klima at lindol. Kongklusyon Ang dam ay hindi kailangan upang magkaroon ng patubig ang Libmanan at Cabusao. Ang mga bayang ito ay maaaring kumuha ng tubig sa mga ilog o sapa sa loob ng kani-kanilang

nasasakupan. Hindi kailangang isakripisyo ang mga mamamayan ng Lupi at Sipocot dahil mayroon din namang alternatibo at hindi magastos na mga paraan na hindi magbubunga ng pagkawasak ng kalikasan at pagkasira ng mga kumunidad. Mga Rekomendasyon 1. Isaalang-alang ang mga alternatibong nabanggit sa Titik D. 2. Ang maylagda ay nagmumungkahi sa sensibilidad ng mga ahensiya ng gobyerno na nagsulong at nagsuporta sa Libmanan-Cabusao Dam Project (LCDP), at sa mga mamamayan ng Libmanan at Cabusao na pakinggan sana ang mga hinaing ng mga mamamayan ng Lupi at Sipocot na siyang labis na maaapektuhan ng proyekto para mabigyan sila (Libmanan at Cabusao) ng irigasyon gayong napakalapit lamang sa kanila ang maaaring pagkunan ng tubig. 3. Ang maylagda ay mariing nagmumungkahi sa mga kaugnay na ahensiya ng gobyerno na muling pag-isipan ang kanilang balak na proyekto at pag-aralan din ang mga alternatibong paraang nakasaad sa pag-aaral na ito, upang matugunan ang pangangailangan ng patubig sa Libmanan at Sipocot nang hindi naaapektuhan ang mga tao sa Lupi at Sipocot. Inihanda ni: EMELINA G. REGIS, PH.D. Direktor, INECAR Ateneo de Naga University

Inindorso: FR. JOEL E. TABORA S.J. Pangulo Ateneo de Naga University Naga City

Related Documents