Title: INANG
YAYA
Running Time: 100 mins Lead Cast: Maricel Soriano, Tala Santos, Erika Oreta, Liza Lorena, Sunshine Cruz, Zoren Legaspi, Marita Zobel Directors: Pablo Biglang-awa, Veronica Velasco Producer: Tony Gloria Screenwriter: Veronica Velasco Music: Nonong Buencamino Editor: Randy Gabriel Genre: Drama Cinematography: Gary Gardoce Distributor: A Unitel Pictures Production Location: Metro Manila Technical Assessment: Moral Assessment: CINEMA Rating: For viewers of all ages
Marami sa mga Pilipinong sambahayan ang makakaugnay sa pelikulang ito sapagkat mahalaga ang papel na ginagampanan ng yaya sa pangangalaga ng mga bata sa bahay lalo na't parehong abala sa paghahanap-buhay ang mag-asawa. Sa kasalukuyan nga ay nakikita natin ang exodo ng mga kababaihan sa Canada, Europa, at Estados Unidos maging sa iba't ibang bahagi ng Asya bilang nannies o D.H. (Domestic Helper). Sila ang kumakayod, nagiipon, at nagpapadala ng tulong sa pamilya nila sa Pilipinas. Nakabubuti sa ekonomiya. Nakabubuti naman kaya sa mga pamilyang naiwanan sa kanilang bayan? Tinatalakay sa pelikulang ito ang kuwento ni Norma (Maricel Soriano) na nanilbihan bilang yaya at katulong sa Maynila habang ang kaniyang anak na si Ruby (Tala Santos) ay inalagaan naman ng kaniyang ina (Marita Zobel) sa prubinsya. Nang biglang mamatay ang kaniyang ina ay nakiusap si Norma na makasama sa bahay ng kaniyang mga amo ang kaniyang anak. Malugod namang tinanggap ng mag-asawang si May (Sunshine Cruz) at Noel (Zoren Legaspi) ang bata at pinagaral pa nga na kasama ng kanilang anak na si Louise (Erika Oreta). Si Lola Toots (Liza Lorena) na ina ni May ay matapobre at minsan ay pinagbintangang nagnakaw ng kuwintas si Ruby. Nainggit si Ruby sa mga mamahaling gamit ni Louise at sa nakita niyang pag-alaga ng kaniyang ina dito. Naghihirap naman ang loob ni Norma na hindi mapagbigyan ang mga kahilingan ng sariling anak at hindi nito maunawaan ang kanilang kalagayan. Nang magdesisyon sina May at Noel na lumipat ng trabaho sa Singapore ay inalok si Norma na sumama sa kanila kaya nga lang ay hindi pwedeng maisama si Ruby. "Mas malaki ang kikitain mo doon. Makakaipon ka," ang himok ng kaniyang amo. Hindi nga ba't ito ang nagbubunsod sa marami nating kababayan na iwanan ang kanilang mga mahal sa buhay sa pagnanasang maging maginhawa ang kanilang mag-anak? Muli kayang ilalagak ni Norma si Ruby sa mga kamaganak sa prubinsya? Ano kaya ang magiging desisyon ni Inang Yaya? Mahusay ang pagkakaganap ni Maricel Soriano bilang Inang Yaya gayun din naman ang mga batang sina Tala Santos at Erika Oreta. Magaling na kontrabida si Liza Lorena at naipakita niya ang pagbabago sa katauhan ni Lola Toots. Angkop din ang inawit na Nanay ni Joey Benin. Simple lang ang kuwento na inihahawig sa pangkaraniwang buhay ng isang yaya ngunit naipadama rin ang kanilang kalagayan ? kahirapan na nagbunsod na iwanan ang mahal sa buhay at makisama sa ibang pamilya, pagod sapagkat sari-saring trabaho naman ang pinagagawa sa kanila bukod sa pag-alaga ng bata, napagsususpetsan pa kung minsan, diskriminasyon. Minsan nga'y naibulalas ni Norma kay Lola Toots na hindi makatao ang trato sa kaniya. Makatotohanan ang paglalahad ng kuwento ng yayang si Norma at maraming mapupulot na mga aral ang mga nanonood, matanda o bata man. Mapapalad ang mga pamilya at malaking ginhawa ang naidudulot ng isang Norma na itinuturing na parang anak ang kaniyang alaga, mapagmahal at mapagmalasakit. May mga lubhang napagkakatiwalaan na yaya na tumatanda na sa kanilang paninilbihan at nagiging yaya pa rin ng mga anak at apo ng kanilang dating alaga. Kung minsan ay nakakalimutan natin ang kanilang mga sakripisyo sa buhay sa paghahangad na maka-angat ang kanilang sariling pamilya. Isang parangal sa mga dakilang yaya ang pelikulang ito. Kahit na kung minsa'y nagkakagalit sina Ruby at Louise, may mga kahalagahang matututuhan sa kanila kagaya ng katapatan at pagtutulungan. Mga paslit ma'y naging daan sila ng pagbabago at pagkakasundo ng mga nakagugulang na kasama nila sa bahay. Ipinakita sa kanilang mga halimbawa ang katotohanan na "aakayin sila ng isang bata" (Is. 11:6b) at ang pagsasabuhay ng pangaral ni Hesukristo: "Tunay na sinasabi ko sa
inyo na kung hindi kayo magbabago at tumulad sa mga bata ay hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit" (Mt. 18:3).