Ina Therese R. Ardan ABSTRAK
GEFILI2 EN1
Nobyembre 11, 2018 Dr. Fortunato
Nakita ng mga manunulat ng papel na ito ang pagiging hindi pamilyar ng mga Pilipino sa konsepto ng internasyonalisasyong akademiko. Kaya naman namuo rin ang akala ng karamihan na ang tamang daan tungo sa internasyonalisasyon ay ang pagkiling sa wikang Ingles sa halip na sa sariling wikang pambansa, ang Filipino. Mula sa mga suliraning ito ay nagkaroon ng tatlong layunin ang mga awtor. Una, ang makapagbigay ng functional na kahulugan ang internasyonalisasyong akademiko; pangalawa, ang makapagmungkahi ng angkop at sustenableng paraan upang maitaguyod ito; at panghuli, ang maipaliwanag at maipakita ang kahalagahan ng Filipino sa paraan ng pagtataguyod nito. Upang matalakay ang mga ito, hinati nila ang papel sa apat na seksyon: tungkol sa kahulugan ng internasyonalisasyong akademiko, sa halaga ng pananaliksik sa internasyonalisasyong akademiko, sa kahusayan sa pananaliksik at konsepto ng pamantasang pansaliksik, at sa ilang usapin kaugnay ng wikang Filipino at pananaliksik.
Nagsimula sila sa paglilinaw kung ano nga ba ang kahulugan ng internasyonalisasyong akademiko--“pagtaya sa kahusayan ng isang pamantasaan sa konteksto ng mahuhusay na pamantasan sa loob ng bansa.” Isinukat nila ang estado ng Pilipinas sa larangan ng internasyonalisasyong akademiko sa pamamagitan Scopus-Elsevier at ng QS University Rankings: Asia. Dito ay nabigyang-diin din ang kahalagahan ng kakahayan sa pananaliksik ng mga pamanatasan upang makapagtamo ng mas mataas na puntos sa mga pamantayan ng QS University Rankings: Asia.
Ang konsepto ng pamantasang pansaliksik ay nagmula kay Humboldt na taga-Aleman. Umusbong at lumago ang konseptong ito sa panahon na nasa ilallim pa rin ng kolonyalismo ang bansang Pilipinas. Itinuturo nila itong salarin kung bakit hindi laganap ang mga pamantasang pansaliksik sa Pilipinas. Dahil din sa kolonyalismong pag-iisip ay Ingles ang midyum ng instruksyon at pananaliksik sa Pilipinas; nagiging hadlang ito sa diseminasyon ng karunungan sa mga kapwa Pilipino. Kaya naman ay iminungkahi ng mga manunulat na sa halip na nakatuon tayo sa paglikha ng karunungan sa ibang wika ay mas bigyang-pansin ng mga pamantasan at mga institusyon ang pagsusulat sa sariling wika. Ginamit nilang halimbawa ang ilang mga karatig na bansa sa ASEAN, upang mapagtibay ang papel ng pambansang wika sa pagpapaunlad ng karunungan ng isang bansa. Isa nga sa mga makatutulong upang mahikayat ang paggamit ng sariling wika sa larangan ng pananaliksik ay ang pagbuo ng sariling journal citation index, kung saan ay mas magiging malaya din ang mga mananaliksik at manunulat na Pilipino.
Kung pagsusumahin, sinabi ng mga manunulat na ang pagkamit ng internasyonalisasyong akademiko ay dapat na nakatuon sa pagpapahusay ng pamantasan, at malaki ang bahagi ng pananaliksik sa larangang ito. Subalit isa sa mga sanhi kung bakit hindi makasabay ang Pilipinas sa tagisang ito ay dahil sa estado ng kolonisasyon sa Pilipinas noong panahon ng pagpapalaganap ng konsepto ng pamantasang pananaliksik sa mundo. Dahil dito ay nahadlangan ang parte ng wikang Pilipino bilang midyum ng malalim na pag-iisip, lalo na sa larangan ng pananaliksik. Isa
sa mga solusyon na kanilang inirekomenda ay ang pagbuo ng sariling journal citation index na tatangkilikin at pauunlarin ng mga pamantasan, CHED, pamahalaan, mga guro at mananaliksik.
Napapanahon ang paksang ito dahil tunay ngang hindi laganap ang kaisipan ng pananaliksik at mga pamantasang pansaliksik sa Pilipinas. Masasabi natin na karamihan sa mga Pilipino ay kontento nang ipaubaya ang paglikha ng karunungan sa ibang mga bansa. Maaaring bunga nga ito ng kaisipang kolonyal na umiiral pa rin sa ating mga kababayan. Sa kabila ng malaya na ang Pilipinas sa mga mananakop ay nananatili pa ring alipin ang tingin nila sa kanilang mga sarili, sa paraan na hindi nila nakikita ang kakayahan o posibilidad na sila rin ay makapagtaguyod ng kanilang mga ideya at makabagong mga kaisipan sa mundo at maipagmalaking mula ito sa isang Pilipino.
Nakatutulong din ang papel na ito upang mahikayat ang mga Pilipino sa larangan ng internasyonalisasyong akademiko, sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng pananaliksik sa Pilipinas at paggamit ng wikang Filipino bilang pangunahing midyum tungo sa kaunlarang ito.