“Diskriminasyon: Ang Puno’t Dulo” Bawat tao ay may iba’t-ibang katangiang taglay. Bawat isa ay may iba’t-ibang pagkatao, lahi, relihiyon, paniniwala, ugali, at marami pang iba. Lahat ng mga ito ay nakaaapekto sa ating paraan ng pamumuhay. Nakaaapekto ito sa positibong paraan, ngunit patagal ng patagal, sa paglipas ng mga panahon, tumataas lamang ang porsyento kung saan negatibo na ang naidudulot ng ating pagkakaiba ng katangian. Ano nga ba ang Diskriminasyon? Bakit ba ito nararanasan sa ating lipunan? Ang Diskriminasyon ay hindi patas na pagtrato sa mga tao dahil sa taglay nitong pisikal o mental na kaanyuan na tila naiiba sa karamihan ng tao. Sa madaling salita, ito ay ang negatibo at hindi makatarungang pagtrato sa mga tao dahil sa pagkakaiba ng kanilang katangian. Isa itong problemang hindi basta at agad masusugpo. Ilan sa mga halimbawa kung saan ito nararanasan ay ang pagkakaiba ng mga edad, paraan ng pananalita o pagkilos ng isang tao, hanap-buhay o trabaho ng isang tao, kasarian, mga paniniwala, kinatatayuan ng isang tao, mga kapintasan ng isang tao. Nangyayari ang Diskriminasyon, kadalasan, dahil sa pagmamaliit sa ating kapwa. Nangunguna ang panghuhusga ng mga tao sa mga taong mas kapansin-pansin ang pagkakaiba ng katangian. Mas pinipili ng mga tao na manatili sa grupo na kanilang kinabibilangan kung saan karamihan ay may kaparehas na mga katangiang taglay kaysa sa pagiging . bukas sa iba. Ito ay paraan ng pagtanggol ng mga tao upang makaramdam ng ginhawa sa kanilang sarili dahil nababawasan ang kanilang kumpiyansa sa sarili sa mga taong may ibang katangiang taglay. Nagiging sara lamang ang utak ng mga tao at nababawasan sila ng oportunidad na matuto at makakilala pa ng isang tao. Ang Diskriminasyon ay laganap sa buong daigdig. Ito ang dahilan kung bakit nabibigyan ng iba at maling kahulugan sa isang katangian ng tao na sumasalungat sa katotohanan ng kanilang ipinapahayag. Makaaapekto ito sa ating pakikitungo o pakikisalamuha sa ibang tao, makakaapekto rin ito sa atin ng pisikal, mental at sa ating inetlektuwal o pangkaisipan. Maraming solusyon ang maaaring maisagawa upang maiwasan at mabawasan ang bilang ng diskriminasyon. Ang pinakamabisa at simpleng paraan ng pagtulong na maaari nating maialay o maiambag ay ang pagkakaroon ng bukas na kaisipan at pagtanggap sa ibang mga tao. Dapat ay ipagtanggol natin ang mga biktima nito dahil lahat tayo ay may mga karapatan at tungkulin. Iba't- iba man ang ang ating katangian, laging tatandaan na walang nakatataas, at walang nasa ilalim na natatapakan at nasasaktan. Lahat tayo ay pantay-pantay at dapat lagi itong itinatatak sa ating kaisipan. Dahil ditto, dapat tayong magkaisa-isa at magtulungan upang aguhin ito. Kung hindi tayo kikilos, hindi ito mareresolba. Tayo na’t magtulung-tulungan na burahin ito sa ating lipunan sa pamamagitan ng pagmamahal ng ating kapwa dahil tayo ay magkakapamilya’t magkakapatid.