TAKDANG ARALIN SA FILIPINO Ipinasa ni: Justin Leonard A. Dawson
Ipinasa kay: Argelyn Fanugon
Ang Alamat ng Araw at Gabi Noong unang panahon ay panay na liwanag at walang dilim, sapagkat sina Adlaw at Bulan ay mag-asawang maligayang namumuhay. Sila ay nagkaroon ng maraming anak. ang kanilang anak ay mga tala at bituin na nagkakalat kung kaya’t lalong nagliwanag sa kalangitan. Minsan ay nagkagalit nang malubha ang mag-asawa na humantong sa paghihiwalay. Pinamili ang mga anak kung kanino sasama. Sapagkat mas mabait ang ina, sa kanya sumama ang lahat ng mga tala at bituin. Walang nagawa si Adlaw kundi tanggapin ang kanyang kapalaran. Simula noon, kapag araw mag-isang nagbibigay liwanag si Adlaw. At kung gabing madilim tulong-tulong na nagpapaliwanag ang mag-iinang Bulan, mga tala at bituin.
Ang Alamat ng Daigdig Ang mga alamat tungkol sa pinagmulan ng daigdig ay marami. Maaaring ito ay nagmula sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa. Gayon pa man, ang lahat ng ito ay kabilang sa unang panahon ng kasaysayan ng ating lahi. Noong unang panahon mayroon lamang langit at dagat. Ang bathala ng langit ay si Kaptan. Ang bathala ng dagat ay si Magwayen. May anak si Kaptan. Ang pangalan ay Lihangin. May anak si Magwayen. Ang pangalan ay Lidagat. Ipinakasal nila ang kanilang mga anak. Nagkaanak ang mag-asawa ng apat na lalaki. Ang mga pangalan ay Likalibutan, Ladlaw, Libulan at Lisuga. Nang lumaki ang mga bata hinangad ni Likabutan na maging hari ng sansinukob. Nahikayat niya si Ladlaw at Libulan na salakayin ang langit. Pinilit nilang buksan ang pinto ng langit. Galit na galit si Kaptan nang malaman ang ginawa ng tatlo. Pinaalpasan niya ang mga kulog at ihinampas ito sa magkakapatid. Naging bilog na parang bola sina Libulan at Ladlaw. Ang katawan ni Likalibutan ay nagkadurogdurog at kumalat sa karagatan. Dumating si Lisuga at hinanap ang kanyang mga kapatid. Nagpunta siya sa langit. Galit pa rin si Kaptan kaya pati si Lisuga ay hinambalos din niya ng kulog. Ang katawan ni Lisuga ay nahati at lumagapak sa ibabaw ng mga pirapirasong katawan ni Likalibutan. Lumipas ang panahon pati na rin ang galit ni Kaptan. Kaya binuhay niya ulit ang mga pinarusahan. Si Ladlaw ay ginawang Adlaw (araw) si Libulan ay naging Bulan (buwan). Si Likalibulan ay tinabuan ng mga halaman at naging sanlibutan. Si Sibulan ang pinagmulan ng unang babae at lalaki na tinawag na si Lalak at si Babay. Ang iba namang alamat ng daigdig ay sinasabing nagmula sa mga nandayuhang Indonesyo. Noong unang panahon ay wala kundi langit, dagat at isang ibong lipad ng lipad sa pagitan ng langit at dagat. Sa katagalan ay napagod ang ibon ngunit wala siyang madapuan upang makapagpahinga. Naisipan ng ibon na pag-awayin ang langit at ibon. At natupad nga ang kanyang plano. Nagalit ang langit at naglaglag ito ng maraming bato sa dagat. Sa mga batong ito dumapo ang ibon. Sa katagalan ang mga bato ay tinubuan ng mga puno at halaman. Isang araw habang lumilipad ang ibon, napansin niya ang kapirasong kawayan na lulutang-lutang sa tubig. Tinuka nang tinuka hanggang sa mabiyak. At sa isang bahagi ay lumitaw ang unang babae na ang ngalan ay si Babay at sa kabila ay ang unang lalaki na ang pangalan ay si Lalak.
Ang Alamat ng Duryan Noong unang panahon, si Sultan Makan-ali ay nagpakasal sa isang katulong. Nagkaroon sila ng anak na babae at tinawag nila itong Duri. Hindi namana ni Duri ang magandang mukha ng kanyang ina kaya walang manligaw sa kanya. Ngunit sa kabila ng pangit na mukha ni Duri ay mayroon naman siyang malinis at magandang kalooban. Naging malungkot ang buhay ni Duri. Bagamat masagana ang kanyang buhay ay malungkot pa rin siya sapagkat wala siyang kaibigan. Lahat ng kasing-edad niya ay nangagsipag-asawa na. At lalo pang nalungkot sapagkat masayaang mga ito sa piling ng kanilang pamilya. Sa labis na kalungkutan ay nagkasakit si Duri. Lahat ng gamot ay sinukuban na ngunit hindi pa rin siya gumagaling. Isang gabi ay nakarinig siya ng isang napakagandang awit. Napakalambing nito at labis siyang naakit. Pinilit niyang bumangon kahit nanghihina ang kanyang katawan at hinanap ang pinagmulan ng awit. Kinabukasan ay natagpuan na lamang ng kanyang magulang si Duri na wala nang buhay malapit sa tabing dagat. Ipinalibing siya ng kanyang magulang sa gilid ng kabundukan. Maraming taon ang lumipas at nakalimutan ng mga tao si Duri. Isang araw ay napansin nila ang isang puno sa lugar na pinaglibingan kay Duri. Ang bunga nito ay tulad ng langka ngunit napakasama ng amoy. Iniwasan ng mga tao ang lugar na iyon sapagkat ang bunga na nababalot ng tinik ay napakasama ng amoy. Itinulad nila ang bunga kay Duri ang dalagang inilibing sa lugar na iyon.
Ang Alamat ng Kasoy Isang araw noon sa loob ng gubat Mga ibo't hayop, masasayang lahat; Pati mga puno at halamang gubat Pawang nagdiriwang, lahat ay may galak. Sa kabi-kabila ay naghahabulan Pipit, maya, tikling, loro, at kilyawan; Waring umaawit damo at halaman Dahilan sa udyok ng hanging amihan. Naririnig ito'y hindi nakikita Ng buto ng kasoy sa loob ng bunga; At kanyang nasambit ang matinding nasa, Kasabay ng daing at buntong hininga. Ako na ang butong pinakamaligaya Kung makalalabas sa loob ng bunga Aking maririnig at makikita pa Mga kagalaka't pagsasaya nila. Nagkataon namang Diwata'y dumating At kanyang narinig ang butong hiling Sa puno'y lumapit, bunga ay pinisil, Buto nitong kasoy lumabas noon din. Binigkas ng buto ang pasasalamat At ang diwata naman tuloy nang lumakad Ang munting buto ay galak na galak Ganito pala, aniya, daigdig sa labas. Natapos ang pista, saya't pagdiriwang Nabalik sa dati itong kagubatan; Tahimik nang lahat, puno at halaman, Mga ibon yata'y nagsipandayuhan. Sa loob ng gubat, lahat ay tahimik; Itong munting buto, waring naiinip; Walang anu-ano, hangin ay umihip Sama ng panahon sa gubat, sumapit.
Ang Alamat ng Lansones Noong araw sa bayan ng Paete, Laguna ang mga tao ay hindi lumiliban sa pagsisimba. Ang mag-asawang Edna at Manuel ay maagang naghanda upang dumalo sa banal na misa. Lubos na nagmamahalan ang mag-asawa at sa tuwina ay ipinagdarasal nila ang pagmamahalang ito upang lalo pangyumabong. Mahal na mahal ni Manuel ang asawa lalo pa dahil dinadala nito ang binhi ng kanilang pagiibigan. Naglalakad sila pauwi galing sa simbahan nang mapansin ni Edna sa gilid ng daan ang puno ng lansones na hitik na hitik sa bunga. Niyaya niya ang asawa at buong takam na tinanaw-tanaw ang mga bunga. Nang hindi na makatiis ay nagmakaawa ito na ikuha siya ng ilang butil ng bunga. Tumanggi si Manuel sapagkat alam niyang lason ang bungang iyon at tiyak niyang agad mamamatay ang asawa kapag kumain nito. Nangako na lamang si Manuel na ipipitas niya si Edna ng manggang manibalang sa kanilang duluhan. Naglilihi si Edna at iyon ang kanilang unang anak, kung kaya’t lalo pang maselan ang kalagayan nito. Walang imikang umuwi ng bahay ang mag-asawa. Pagdating ng bahay ay nagbago si Edna. Hindi na siya ang masigla at masayang asawa ni Manuel. Ni hindi pinansin ang manggang manibalang na pinitas para sa kanya. At lahat ng pagkaing ialok ay tinatanggihan. Hindi na kumakain si Edna. Hindi na din kumikilos sa bahay. Lagi na lamang itong nakahiga at ni ayaw magsalita. Nabahala na ng labis si Manuel. Lahat na nang pang-aalo at paglalambing ay kanyang ginawa ngunit ayaw siyang pansinin ni Edna. Habag na habag si Manuel sa asawa. Ang payat na payat na nito dahil sa di pagkain. Wala na ang mamulamula nitong pisngi at mga labi, ang mga bilugang braso, binti at balakang. Tila isa itong papel na nakalatag sa kanyang higaan. Mistulang larawan ng kamatayan ang kanyang asawa. Nilukob ng matinding awa si Manuel sa asawa at naipasya niyang ipagkaloob na ang hinihiling nito. Kung mamatay din lang ang asawa mas gusto na niyang mamatay ito nang masaya. Nagpunta siya sa puno ng lansones. Nanginginig ang mga daliri habang pinipitas ang mga bunga at nagdasal. Diyos ko, tulungan mo po kami, pinakamamahal ko ang aking asawa at wala nang halaga sa akin ang buhay kung siya ay mawala pa sa aking piling. Sunod-sunod ang patak ng luha sa kanyang mukha sapagkat alam niya na ang bunga ng lansones ang magwawakas sa nalalabi pang buhay ng kanyang asawa. Ganoon na lamang ang gulat n Manuel nang tumambad sa kanyang harapan ang isang magandang babae na bumubusilak sa kaputian at inutusan siyang kainin ang lansones. Nakita ng babae ang pag-aalinlangan ni Manuel. Sige, anak, kainin mo ang bungang iyong hawak. Huwag kang matakot, kainin mo ang bungang iyong hawak.” Nawala ang takot ni Manuel. Tinalupan niya ang isang bunga at kinain. Ang laking mangha niya sapagkat napakatamis at napakasarap ng bunga ng lansones. Nang ibaling ang paningin sa magandang babae ay wala na ito at biglang naglaho. Tuwang-tuwa si Manuel na nagpasalamat sa Diyos. Kumuha siya ng maraming bunga at masayang dinala sa asawa. Malaking himala din ang nangyari. Biglang sumigla at sumaya si Edna pagkakain ng bunga ng lansones. At mula noon ay nanumbalik na din ang masayang pagmamahalan ng mag-asawang Manuel at Edna.