Nars Oversees: Isang Pagsulyap Sa Buhay Nars Sa Ibang Bansa

  • April 2020
  • PDF

This document was uploaded by user and they confirmed that they have the permission to share it. If you are author or own the copyright of this book, please report to us by using this DMCA report form. Report DMCA


Overview

Download & View Nars Oversees: Isang Pagsulyap Sa Buhay Nars Sa Ibang Bansa as PDF for free.

More details

  • Words: 2,244
  • Pages: 7
NARS OVERSEES: Isang Pagsulyap sa Buhay Nars sa Ibang Bansa BURGOS, Mikaela*, DELOS SANTOS, Ma. Fatima, ELOPRE, Ma. Christina Corazon, NATIVIDAD, Pia Therese mula sa I-3 ng Unibersidad ng Sto.Tomas-Kolehiyo ng Narsing Ika-2 Semester, TA: 2008-2009 Sa Patubay ni Gng. Zendel M. Taruc, M. Ed

LAYUNIN Ang pag-aaaral na ito ay may layuning maglahad ng mga impormasyong kaugnay sa mga karanasan ng mga OFW nars. Ito ay para malaman ang tunay na sitwasyon ng mga Filipino nars sa ibang bansa, masuportahan ang mga impormasyong nalikom sa pagsasaliksik, mapatunayan ang pagiging bayani ng mga OFW nars, maprisinta ang buhay ng isang OFW nars, at mapalawak ang mga datos na kasalukuyang mayroon na. Lahat ng ito ay upang mabigyan ng ibang pagsilip at pagpapahalaga ang mga Pilipino sa tunay na kalagayan at sakripisyong ginagawa ng ating mga OFW nars na dapat ding ituring na mga “bagong bayani”.

PANIMULA Ang Pilipinas ay isang maliit na bansa kung ihahalintulad sa iba. Patuloy na dumadami ang bilang at pangangailangan ng mga naninirahan dito na hindi kayang tugunan ng pamahalaan at ibang mga ahensya. Naiisip na lamang ng karamihan na pumunta sa ibang bansa upang makipagsapalaran. Sa buong mundo, malaki ang pangangailangan sa mga nars kaya ang mga Pilipino ay nagnanais na maging nars. Ang paglayo sa pamilya na may pangakong makalikom ng malaking halaga ng pera para sa kinabukasan ng kanilang pamilya ang naging simula ng pag-usbong ng institusyong may kursong narsing. Ang propesyunalismo sa narsing ang nagsisimula sa pakikipagsapalaran bilang Overseas Filipino Working (OFW) nars.

1

I. MGA KAUGNAY NA BABASAHIN/LITERATURA A. KASALUKUYANG KALAGAYAN NG NARSING Hindi kaila na marami ang nawawalan ng trabaho ngunit hindi nawawala ang pangangailangan ng mga propesyunal sa larangan ng kalusugan kaya malaki ang pangangailangan ng nars sa iba’t ibang panig ng mundo. Dahil dito, marami ang nagnanais na makapunta sa ibang bansa sa pangako ng magandang buhay. Ayon kay Loreto Soriano, simula ng taong 2000, humigit kumulang 237 Pilipinong nars ang nagtatrabaho sa Amerika o 1,900 na bilang sa kabuuan. Ayon din sa mga tala mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), may darating na may 1.2 milyon pang pangangailangan sa mga nars sa darating na taong 20141. B. SANHI/DAHILAN NG PAGPUNTA SA IBANG BANSA Pangungulila sa pamilya, pangamba sa sariling buhay, pagbabago ng pamumuhay sa ibang bansa, at hirap ng trabaho ang ilang dahilan kung bakit ayaw na ng mga nars ng Pilipinas na umalis sa bansa (Contreras, 2007). Ngunit kadalasan, sila ay napipilitang umalis patungo sa ibang bansa dahil sa mababang sahod at kakulangan ng trabaho dito sa Pilipinas. Nais din nilang magkaroon ng kakaibang karansang magtrabaho sa ibang bansa at mapuno ang kanilang obligasyon sa kanilang pamilya2. Malaki rin ang oportunidad ng mga nars sa ibang bansa at marami ang benepisyong kanilang natatanggap. Maaari pa silang makakuha ng citizenship sa ibang bansa, at nakakatulong pa sila sa kanilang pamilya pati na rin sa ating ekonomiya3.

_______________________________________________________________________ _1[http://globalnation.inquirer.net/news/breakingnews/view/20090126-185678/Nurses-to-US-not-answer-to-OFWcrisis] 2 [http://www.nursecops.com/archive/1-063.html] 3 [http://answers.yahoo.com/question/index?qid=20060810065737AA2RsYO]

2

C. MGA ISYUNG HINAHARAP NG NARS SA IBANG BANSA Dumarami ang bilang ng mga institusyong nagbibigay ng edukasyon para sa mga nagnanais maging nars. Sa dami ng mga nagbabalak maging nars sa ibang bansa, ipinasa ang National Health Service Act upang makontrol ang pag-alis ng mga nars sa ibang bansa. Nakasaad sa National Health Service Act na kailangan magsilbi sa kahit anong panig ng bansa na katumbas ng propesyon nila sa loob ng ilang taon4. Ngunit kahit na ganito ang kundisyon, ayon sa panayam ng dating Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kalihim –heneral na si Ernesto Herrera, nanatiling positibo ang epekto ng pagkakaroon ng kaalaman patungkol sa linya ng health care dahil marami pa rin ang oportunidad sa trabaho na makukuha sa ibang bansa. Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang mga nars na walang trabaho dahil sa napatigil ang pagtanggap ng mga OFW nars mula noong 2006 ay inaasahang magkakaroon na ng magandang trabaho. Nagbukas na rin ang ilang bansa tulad ng Norway, France, at Saudi Arabia ng oportunidad para sa ating mga nars. At kahit ang posibleng pagtatrabaho sa Czech Republic ay nasa ilalim na rin ng negosasyon sa ngayon5. Marami namang OFW nars ang ayaw na magtrabaho sa ibang bansa dahil sa mga panloloko at pangaabusong kanilang naranasan mula sa kanilang mga ahensiya. Maraming mga OFW nars ang hindi nakatatanggap ng kanilang mga benepisyo, pilit na pinagtatrabaho nang mahabang oras kahit walang dagdag sa sahod, walang bonus tuwing pasko, at ang sahod na kanilang natatanggap ay kalahati lamang ng kinikita ng mga Amerikano. Nakararanas din sila ng diskriminasyon, pisikal na pang-aabuso, at pananamantala6. Sa Oslo,Norway, pinagbintangan ang ating mga OFW nars na sila ay nandaya para pumasa sa pagsusulit upang makapagtrabaho doon7. Sampung Pilipinong nars naman ang kinasuhan ng patient endangerment sa Amerika. Sila ay mga miyembro ng “Sentosa 27 nurses” na may kaso dahil sa workplace abuse, withheld charges, at largescale breach contract. Ang mga ito ay patunay na maraming OFW nars na ang nakaranas ng panloloko mula sa kanilang mga ahensiya8. Sa ngayon, maraming OFW nars ang humihingi ng tulong, pangangalaga at proteksyon mula sa ating gobyerno. _______________________________________________________________________________________________ 4 [http://www.nursingimmigrationusa.com/downloads/corefiles/Filipino-nurses-becoming-more-in-demand.html] 5 [http://www.gmanews.tv] 6 [http://www.akbayanmayong.wordpress.com/2006/09/04/pursuing-our-nurses-protecting-our-exploited-nurses.html] 7 [http://www.bulatlat.com/2007/11/Filipino_nurses_sentosa_case_stay_united_despite_tactics_demoralize_them.html][ http://www.akbayanmayong.wordpress.com/2006/09/04/pursuing-our-nurses-protecting-our-exploited-nurses.html]

3

II. PAGLALAHAD NG SARILING PAG-AARAL A. METODOLOHIYA A.1 Unang nangolekta ng mga datos tungkol sa pangkalahatang kalagayan ng mga OFW nars. Sumunod ang pagbuo ng mga tanong para sa ipapadalang email. Ang mga tanong ay nahahati sa demograpiya, karanasan sa pagiging OFW nars, suporta ng gobyerno, adbentehe at disadbentahe, plano, at mensahe. Sa tulong ng pagtatanong sa iba’t ibang kakilala ay napili na ang mga makikibahagi sa nasabing pag-aaral. A.2 Sa pamamagitan ng kompyuter, nagkaroon ang mga tagapagsaliksik ng pagkakataong magkaroon ng kaugnayan sa mga OFW nars. Sa tulong ng email, napadala ang mga tanong. Ang mga kasagutan ng mga kasaling nars ay naipadala sa mga tagapagsaliksik sa tulong din ng e-mail. A.3 Ang mga respondente ay ang mga OFW nars na kasalukuyang nanantili sa ibang bansa na walang partikular na pagkakahalintulad gaya ng lugar, edad, o estado. Sila ay dapat may karanasang magsilbi sa kahit anong panig ng mundo. B. PRESENTASYON, INTERPRETASYON, AT PAGSUSURI NG MGA DATOS Ayon sa nakolektang datos ng mga tagapagsaliksik, ang mga sumusunod ay ang presentasyon at pagsusuri: B.1 KARANASAN Ang mga nars ay masisipag at madaling nakapagbago ng pamumuhay dahil sa lakas at tibay ng kanilang loob. Tulad nga ng sabi ng isa, “Noong una pa lang akong naging OFW ay mahirap talaga, lagi akong umiiyak dahil gusto kong makasama ang aking pamilya ngunit pag naiisip ko na ito ay para sa aming kinabukasan, lalo na lang ako nagsusumikap na magtrabaho”. Hindi nila hinahayaan ang pangungulila nila sa kanilang mga pamilya na sumuko at sa halip, lalo silang nagsusumikap maibigay ang pangangailangan ng mga mahal nila sa buhay. B.2 ADBENTAHE AT DISADBENTAHE Madaming adbentahe at disadbentahe sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Nabanggit nila ang mga luhong maaaring matamo gaya ng sasakyan, lupa’t bahay, at malaking perang maaring ipadala sa kanilang mga pamilya. Isa sa marami

4

nilang nirereklamo ay ang mahirap na komunikasyon sa kanilang mga naiwan sa Pilipinas. “Hindi ko laging nakakausap ang pamilya ko dahil sa dami ng trabaho. Ang hirap magkaroon ng palagiang pangangamusta sa kanila.” B.3 SUPORTA NG GOBYERNO “Malaki ang aming kontribusyon sa ekonomiya ng bansa ngunit nasaan ang tulong ng gobyerno sa aming mga pangangailangan?” ang sabi ng isa sa kanyang paglalabas ng sama ng loob sa ating pamahalaan. Maaaring sa umpisa ay inaasikaso sila ng mga ahensya at pamahalaan ngunit napapabayaan din at nakakalimutan na. Nais nilang matugunan ang kanilang mga hinaing sa kabila ng ginagawa nila para sa ating bansa. B.4 PLANO Hindi na nila nais pang bumalik sa Pilipinas kahit sila ay magretiro na. “Maganda na ang buhay ko dito at wala naman akong uuwian sa bansa. Ang pamilya ko ay narito na rin at wala namang magandang buhay na nag-aabang sa akin doon. Stable na ang buhay namin dito.” Mahal pa rin naman nila ang kanilang bansa ngunit hindi na sila nagtitiwala sa uri ng gobyerno na mayroon ang Pilipinas. “Masaya na ako dito at hindi ko gusto ang pamamalakad ng pamahalaan sa atin.” B.5 MENSAHE “Maganda pa rin ang kinabukasang nag-aabang para sa mga may balak maging nars. Hindi nawawala ang pangangailangan ng mga masisipag na gaya nating mga Pilipino.” Maaari pa ring sumunod ang mga bagong nars sa kanilang mga yapak. “May naghihintay pa ring trabaho sa mga nars dahil mayroon pa ring pangangailangan sa mga nars sa ibang panig ng mundo.” At bilang pangwakas na mensahe, “Gusto nila ang mga nars na gaya natin at maganda naman ang kinikita ngunit nakaka-homesick nga lang ngunit kailangan muna ng mahusay na edukasyon upang makarating dito. Hindi madali ang buhay ng isang nars. Sana ay matugunan ng gobyerno ang mga pangangailangan namin habang kami ay nagpapakahirap dito.” III. A. KONKLUSYON Mula sa mga datos na nakolekta, ang mga sumusunod ay ang nabuong konklusyon ng mga tagapagsaliksik: Mayroong mga pansariling dahilan ang mga nars sa pagpunta sa ibang bansa. Nasa isip ng mga Pilipino ang kabutihan ng kanilang mga pamilya. Nais din nilang maianggat ang kanilang estadong pinansyal. Ilan sa mga mabababaw na dahilan ng kanilang pag-alis ay makapasyal sa ibang lugar, magkroon ng kakaibang karanasan, at mapalawak ang kanilang karanasan bilang isang nars.

5

Madaming oportunidad ang naghihintay sa mga nars sa ibang bansa. Malaki ang sahod na kanilang natatanggap na nagbubunga ng kanilang mga karangyaang natatamasa. Sila ay nagmamay-ari na ng mga bahay at sasakyan sa ibang bansa. Sila rin ay nakakapagpadala ng pera sa kanilang mga pamilya. Sa kabila ng mga mabubuting dulot na nabanggit, dumaranas din sila ng kahirapan. Sila ay nahihirapan sa pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kamag-anak dito sa Pilipinas. Nakakaranas sila ng pagiging homesick. Salungat sa mga napapamalitang kadalasang nagaganap na diskriminasyon, pinatunayan ng mga OFW nars na mabuti naman ang pagtrato ng kanilang mga pasyente at mga katrabaho sa kanila. Walang nabanggit na pananakit o pananalitang masama tungo sa kanila. Hindi nakakalimutan ng ating mga OFW nars ang kanilang pinanggalingan. Mahal pa rin nila ang bansang kanilang pinagmulan kahit hindi masyadong natutugunan ang kanilang pangangailangan. Sinisisi man nila ang gobyerno, mahal pa rin nila ang mga Pilipino. Nakikita at nadadama ang kanilang epekto sa Pilipinas sa malaki nilang tulong sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng remittances. Kung sila ay tatanungin kung nais ba nilang bumalik sa bansa, mas nais nilang manatili sa ibang bansa kung saan sila naglilingkod. Maayos na ang kanilang buhay doon at hindi na nila pinagkakatiwalaan ang uri ng gobyernong mayroon tayo ngayon. Hindi lingid sa kanilang kaalaman ang nagaganap na brain drain sa ating bansa. Hindi rin naman nila masisisi ang mga umaalis dahil sa mga epektong dulot nito sa kanilang pamilya. Ayon sa kanila, wala namang masyadong mabuting maidudulot ang pamamalagi sa Pilipinas. Hinihikayat pa rin nila ang iba na maging tulad nila. Malaki pa rin ang oportunidad na naghihintay sa mga nais sumunod sa kanilang mga yapak. Buhat sa pagsusuri ng mga nakolektang datos, ang mga tagapagsaliksik ay nakabuo ng hinuha na ang mga Filipino nars ay kadalasang pumupunta sa ibang bansa dahil sa malaking sahod na kapalit. Kapalit ng mga karangyaan tulad ng mga kotse at bahay, madalas nilang sinasabi na sila ay homesick o nangungulila sa kanilang mga pamilya. Sa mga nabanggit na katangian, maari nating masabi na ang mga Pilipino ay matiyaga. Nagagawa nilang magsakripisyo ng madaming bagay upang mapuno ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Nagtatrabaho sila ng ilang oras at minsan ay nakararanas pa ng diskriminasyon.

6

Hindi naman masyado laganap ang diskriminasyon sa mga Pilipino. Mababait ang kanilang mga pasyente at kapwa katrabaho. Ang narsing ay isang trabaho na madaming pangangailangan. Ang kadalasang dulot nito ay magandang buhay para sa pamilya ng OFW nars. Sila ay mga bayani sa kanilang mga sari-sariling pamilya at sa ating bansa. B. REKOMENDASYON Sa natapos na pag-aaral, inirerekomenda ng mga mananaliksik na magkaroon ng pag- aaral tungkol sa mga OFW na may ibang propesyon. Marami rin namang mga OFW na hindi kasama sa propesyon ng kalusugan ang nagkakaroon ng magagandang karanasan sa ibang bansa. Inirerekomenda rin ng mga mananaliksik na lawakan ang mga pinagkukunan ng datos at hindi sa Estados Unidos lamang. Marami ring OFW sa kalapit bansa tulad ng Hong Kong, Singapore, Japan, at iba pa. Maari ring gumamit ng ibang paraan ng panongolekta ng datos mula sa OFW. Maari ring dagdagan ang mga respondente. Mas maigi kung magkaroon ng harapang interbyu o integrasyon upang mas mapabuti ang pagkuha ng impormasyon. Maari ring pag-usapan ang ibang aspeto ng pagiging OFW tulad na lamang ng epekto nito sa pagkatao at pamilya; hindi lamang sa pinansyal, kundi maging sa spiritwal, emosyonal, at iba pa. Sa tulong nito, maaari pang mapalawak ang pag-aaral. Kadalasan, ang dahilan ng isang OFW sa pangingibang bansa ay upang makatulong sa pamilya. Inirerekomenda rin ng mga mananaliksik na kunan ng pahayag ang mga pamilya na naiwan ng isang OFW. Sa ganitong paraan, maipapakita ang adbentahe at disadbentahe ng pagkakaroon ng OFW sa pamilya. C. BIBLIOGRAPIYA Contreras, F.E, O. c2007. Overseas Filipino Workers. San Jose, Antique. Hiraya Media Arts. Pursuing Our Nurse, Protecting Our Exploited Nurses.09/04/2006. Nakuha noong: 01/03/09 mula sa http://www.akbayanmayongwordpress.com Filipino Nurses Sentosa Case Stay United despite tactics Demoralize Them. 11/2007. Nakuha noong: 12/28/08 mula sa http://www.bulatlat.com Filipino Nurses Becoming More in Demand. Nakuha noong: 12/28/08 mula sa http://www.nurseimmigrationusa.com Nurses to US not Answer to OFW Crisis.01/26/2009. Nakuha noong: 01/29/09 mula sa http://www.globalnation.inquirer.net Over Supply of Nurses. Nakuha noong: 12/28/08 mula sa http://nursingguide.ph Nurses Fight Back. Nakuha noong: 01/03/09 mula sa http://www.ofwguide.com

7

Related Documents