NAPAKASWERTE NI JOSE Ni Jonel Jao
Matindi na ang sinag ng araw, lumulusot na ito sa kurtina na katabi ng kama ko. Masakit na masakit ang ulo ko at amoy alak pa rin ang katawan ko. „Yung mga kaboarding house ko kasi inaya akong makipag-inuman kagabi, di naman ako makatanggi. Tumingin ako sa orasan sa tabi ko, shet, alas-nuwebe na, maleleyt na ako sa trabaho. Dali-dali akong bumangon, nagpalit ng damit at tumakbo palabas ng kwartong aking inuupahan. Nagkita kami ni Aling Mina sa sala "Jose, ang bayad mo sa renta! Ngayon na ang huling araw, pag di ka pa nagbayad ngayon, papalayasin na kita." Buti na lang sweldo ko ngayon, Diyos ko, salamat, di ko na rin maririnig ang matinis niyang boses, bayad, bayad, bayad, grabe ang kulit ng matanda. "Opo, mamayang gabi, sweldo ko ngayon," sabi ko sa kanya. "Puro mamaya, mamaya, mamaya tapos wala na naman." ayan na, nagsisimula na naman siya. Tinakasan ko na ang satsat niya at nagpaalam na akong pupuntang trabaho. Alas-nuwebe singko na, naglakad-takbo ako papunta sa sakayan ng dyip, buti na lang may nasakyan ako kaagad. Habang naglalakbay ang dyip sa España, may usok na lumabas mula sa hood nito. Tumirik ang dyip sa gitna ng kalsada. Nasiraan. Wow, Butirik. Alas-nuwebe beinte singko na. Ang trapik-trapik, sasakay pa ba ako o tatakbo na lang? Tatakbo na lang ako, tutal malapit na. Alas-nuwebe trentay singko na, leyt na ako. Aba himala, wala pa ang boss kong singkit, buti na lang, kundi sermon na naman aabutin ko, ang swerte ko naman. Ang aking ritwal: magpapalit ng damit, pupunta sa pinto, tatayo, tatayo, tatayo, magbubukas ng pinto, tatayo na naman, maghihintay, welcome sir, thank you ma'am, please come 1
again. Ang saya ng ganitong trabaho, hindi ko na kailangan mag-isip, pero malas lang pag may magnanakaw, kailangan habulin, hulihin, makipagputukan kung kinakailangan kasi baka ako naman ang madali pag hindi ko inunahan. Pero ngayon, sa paggwagwardiya ko dito sa restawran na ito, di pa naman nangyayari yun, buti na lang, swerte ko talaga. Napakainit talaga ngayon, siguro yung mga mayayamang customer naming di sanay sa init, hihimatayin kung ilalagay dito sa posisyon ko. Kasi ang lakas ng sinag ng araw, sa akin pa nakatapat. Mansanas na lang, pwede na akong ihain sa piyesta. Ako na yata ang pinakagwapong letson sa balat ng lupa. Pawis na pawis na ako, basang-basa na ang uniporme ko. Hay, gusto ko nang maligo. Bakit kaya matumal ang mga customer ngayon? Lagi namang madami, parang kahapon, tuwang-tuwa ang boss ko, swerte daw kasi 08-08-08, ano namang meron sa araw na yun? E otso otso osto lang naman. Ngayon ko lang napansin, ang baho-baho ng paligid, amoy sibuyas na napakatapang, napakasakit sa ilong, nakamamatay. Sino ba kasing — ay shet. Nakalimutan kong magdeodorant kanina sa pagmamadali. Ay Diyos ko, nakakahiya, kaya pala kanina, bigla na lang umalis yung papasok na customer. Bakit kasi ang init sa Pilipinas, sana nagsnosnow na lang dito para di na ako mapawisan, para di na ako mangamoy. Ang mga taga-Alaska siguro ang babango. Nakatayo lang ako, ganun pa rin, anong magagawa ko kung mabaho nga ako? Hindi naman kasalanan ang maging mabaho, nakalimutan ko lang talagang magdeodorant. Lumipas ang oras, kaunti lang ang mga customer na nakapagtiis sa amoy ko't pumasok sa restawran. Ano bang problema pag mabaho ang gwardiya ng isang restawran? Hindi naman ako ang nagluluto o nagseserb ng pagkain nila. Nakita ako ang dalawang magkaakbay na naglalakad, parang pamilyar sa akin ang likod na yun, sigurado akong si Maria yun, ang maganda kong syotang may mahabang, makintab, mabango't kulot na buhok. May nakaakbay na ibang lalake! Sumugod ako. Sino ang kasama ni 2
Maria? Hinatak ko ang lalaki papaharap sa akin, akmang susuntukin ko nang binatukan ako ni Maria, "Jose, balak mo bang patayin ang tatay ko?". Tatay? Oo nga pala, matagal nang nasa ospital ang tatay ni Maria at hindi ko pa ito nakikilala. Ngayon nga pala lalabas ang tatay niya mula sa matagal nitong pamamalagi sa ospital. Ito pala ang tatay ng pinakamamahal kong babae sa buong mundo, ito ang una naming pagkikita, at ayun, susuntukin ko pa. Nakakahiya. Bakit hindi ko naisip na tatay niya ang kasama niya? Magagawa ba akong pagtaksilan ni Maria? Ipinakilala ako ni Maria sa kanyang tatay at nakipagkamay ako sa mauugat at payat nitong kamay. “Magandang hapon po „Tay,” sabi ko. Hindi maganda ang tingin sa akin ng tatay ni Maria, at hindi rin maganda ang porma ng kanyang ilong, parang nakakunot ito na tila ba nandidiri sa akin, sa napakabaho kong amoy ngayon. Hindi niya ako kinausap, tinitigan niya lamang ako, kinikilatis, habang tinatakpan ang kanyang ilong. Ang swerte swerte ko talaga! Kung alam ko lang na ngayon ko makikilala ang pinakaimportanteng lalake sa buhay ni Maria, bukod sa akin, tsaka ko pa nakalimutan mag-ayos, magdeodorant man lang ay hindi ko nagawa. At hinimatay si tatay, hindi na nakayanan pa ang amoy ko. Nataranta si Maria, mabuti na lang at nariyan lang ang ospital. Binuhat ko si tatay papuntang ospital, at iniwan ko na silang mag-ama roon. Nakakahiya talaga. Bumalik ako sa restawran, nakatayo doon sa may pinto ang boss kong si Mr. Ang. Ang tingin niya sa akin, parang yung “kakainin kita ng buhay” na tingin. Nakaturo siya sa sahig, may basag basag na bagay. Ay shet, iyon yung mamahaling vase na katabi ko, mga sampung libo yata yun. Ako ba ang nakabasag? Hindi ko matandaan dahil sa kamamadali ko kaninang habulin si Maria, pero may nasagi nga yata ako― at yung vase yun, yung sampung libong pisong vase. Diyos ko, ako nga ang nakabasag ng vase. Bakit di kasi ako tumitingin sa tinatakbuhan ko, pahamak na kamay. 3
Nagsalita na si Mr. Ang, siguro inisip niya muna kung ano ang kanyang sasabihin, hinuhugot ang mga salita mula sa kanyang mental na diksyunaryo ng Tagalog na kakaunti pa lang ang laman. “Ikaw sesante, ngayon aking negosyo malas, ikaw tingin wala customer, tapos ikaw alis kanina, pa‟no kung may magnakaw? Tingin mo, vase basag, yan vase mahal.” Lumapit sa akin si Mr. Ang at dinagdag pa, “A, kasi ikaw baho, kaya wala customer pasok, ikaw malas, ikaw alis na. Ikaw sweldo di ko bigay, ikaw bayad vase, oke?” Wow, ang swerte ko talaga. Hay buhay. Isinurender ko ang aking baril at uniporme. Umuwi na lang ako. Nakita ko ang bahay ko, este bahay na inuupahan ko. Hindi pa rin. Kwarto na inuupahan ko, ayun, tama na. Tumambad sa akin ang mga pamilyar na bagay, mga bagay-bagay na nasa labas ng geyt, nasa kalsada. Ang mga bagay na yun ay ang lahat ng ari-arian ko. Ang mga t-shirt at brief kong di pa nalalabhan, ang mga pantalon kong sa pagkakatanda ko ay nakatuping maayos sa loob ng kabinet ko (este ng kabinet ni Aling Mina na inuupahan ko). Nasa sahig silang lahat, madumi na. Pati ang toothbrush ko‟y nandun, nakahalo sa mga medjas ko. Nasa kalsada na lahat ang gamit ko, buti‟t di pa pinagpiyestahan ng mga adik diyan sa kanto. Kinolekta ko muna ang mga gamit ko, at pumasok ako sa loob ng bahay ni Aling Mina. “Jose, pasensya na, inilabas ko lang para magbayad ka na talaga, di bale, tutulungan kitang ipasok yan sa kwarto mo kung babayaran mo na ang renta mo ngayon,” sabi ng matanda. Anong ibabayad ko? Limampung pisong natira sa wallet ko‟t barya barya sa bulsa ko? Sinubukan kong ipaliwanag kay Aling Mina ang nangyari sa vase, ayaw niyang maniwala sa akin, palusot ko lang daw yun, mag-iisip na lang daw ako ng “excuse” ay „yung pambata pa. Kung ayaw ko daw magbayad ay lumayas na daw ako. At hindi yun ang ginawa ko, hindi pa. Nagmakaawa ako kay Aling Mina ngunit matigas talaga ang puso ng matandang mukhang pera. Saan ba niya nilulustay ang damakmak niyang pera? Wala naman siyang pinapalamon, sarili niya lang. Ang luho-luho kasi sa damit at meyk-ap, pinipilit pa kasing magpabata hindi naman 4
bagay, nakakasuka. Buti na lang di ganoon ang nanay ko, sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa. Si Maria na lamang ang makapagpapasaya sa bwisit na araw ko. Sana‟y nakauwi na sila mula sa ospital. Dala-dala ang lahat ng gamit ko, pumunta ako sa bahay nila. Habang nasa dyip, kung hindi tinatakpan ng mga tao ang kanilang mga ilong, nakakunot ang mga ito. Nang isinabit ko ang aking kamay sa hawakan, isa-isang nagsipara ang mga tao. Ang ilan naman ay lumayo sa akin. Hindi ko man lang naisip makiligo bago lumayas. Nasa geyt na ako ng bahay nila Maria, kumatok ako, walang sumagot, kumatok akong muli, wala pa ring sumagot, ang tagal tagal kong paulit-ulit na kumakatok tsaka lang ako pinagbuksan ng pinto. Nakakapagod din palang dalhin kung saan saan ang lahat ng gamit ko. Buti na lang at si Maria ang nakita ko. Talagang napawi lahat ng pagod ko, ganun siguro talaga kapag mahal mo ang isang tao, makita mo lang siya, masaya ka na, solb na lahat. Pinapasok niya ako at pinaupo sa sala. Iniwan niya muna ako at magtitimpla lang daw siya ng juice. Katabi ko ang kanyang tatay sa sofa at ganun pa rin ang nangyari. Nakatitig lang siya sa telebisyon, pero sinusulyap-sulyapan niya ako, hindi pa rin ba niya ako tapos kilatisin? Kung sa bagay, ngayon niya lamang ako nakita at susuntukin ko pa siya kanina. Bakit kasi hindi ko naisip magpakilala noon pa, e di sana nakapaghanda ako noon, at hindi ko na hinuhulaan kung ano ang tingin niya sa akin ngayon. Aprub ba ako sa panlasa niya o hindi? Hindi pa rin ako nakakaligo, siguradong mas mabaho pa ako kaysa sa kanina, hindi naman ako makapagpalit dahil madumi lahat ng damit ko, pahamak na Aling Mina. Hay. Sana‟y huwag na siyang himatayin muli. Subukan ko kaya siyang kausapin? “Ang galing po ng mga kasali sa Olympics ano po?” Hindi niya ako kinibo, para akong hangin na dumaan, parang hindi pa nga hangin, kasi kapag hangin papansinin pa, e ako ni reaksyon walang nakuha. Bingi kaya ang tatay ni Maria? Nilakasan ko pa ang boses ko, “Pasensya na ho kayo 5
kanina, hindi ko po alam na kayo po pala ang tatay ni Maria.” Hindi pa rin siya kumibo. Bumalik si Maria na may dalang iced tea, parang hindi maganda ang araw ngayon ni Maria. Masama ang kutob ko. Ngumiti si Maria sa akin, okay, walang masamang mangyayari. Tumingin si Maria sa TV at nanood din ng replay ng opening ng Olympics kasama ng kanyang tatay. Ito pala yung kanina pang pinagmamalaki ni Mr. Ang, maganda nga ang opening, halatang ginastusan ng bilyong dolyar. Narinig ko noong nagkwekwento si Mr. Ang nung isang araw, 40 000 yuan yata ang ticket para makapanood. Magkano kaya yun sa piso, parang limang taong sweldo ko na yun. Ang daya naman ng ibang tao, sila tinatapon lang ang ganung pera sa isang gabi, samantalang ako, ilang taon ko yung paghihirapan, ilan taon akong tatayo at magbibilad nun ng buong araw para lang kitain yun. Ang swerte nila. Pero, swerte din ako, dahil may Maria ako. Si Maria ay dating kasamahan ko sa trabaho. Sa mall ako naggwagwardiya noon, mga ilang buwan na rin ang nakakalipas. Siya ay isang saleslady, tuwing pumapasok siya, nakatitig lang ako sa maganda niyang mukha, para siyang si Kristine Hermosa na morena‟t kulot lang ang buhok. Ang simple simple lang niya, tamang-tama lang siya maglagay ng meyk-up hindi katulad ng iba na napakakapal maglagay. Siya, kahit wala nung mga pangkulay, napakaganda pa rin. Tuwang-tuwa ako nang pumayag siyang makipagdeyt sa akin, pangarap na natupad. Simula noon, naging masaya na ang mga araw ko, siya ang swerte sa buhay ko. Hay, aprub na ba ako sa tatay ni Maria? Nakatakip na siya ng ilong ngayon. Ang elektrikpan kasi‟y nakatapat sa akin, magkakapulmonya yata ako nito. Tinapik ako ni Maria at hinawakan niya ang aking kamay, hinila niya ako papunta sa kusina nila. Nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Maria, blanko ito, tila walang pakiramdam. Masama na naman ang kutob ko. Biglang naging malungkot ang mukha nito. Masamang-masama na ang kutob ko. “Jo, hindi na pwede,” sabi niya. Hindi na pwede? “Hindi na tayo pwede, ayaw 6
ng tatay ko sa iyo.” Hinawakan niya ang balikat ko, at sinabing “Gusto kita, kaya lang, ayaw ni Itay sa iyo, ayaw ko naman suwayin ang gusto ni Itay, baka bumalik na naman siya sa ospital,” Nawala na lang ako sa sarili. Hindi ko na alam kung ano ang ginawa ko. Napadpad na lang ako dito sa Luneta. Teka bakit hindi ko pinaglaban ang pag-ibig ko? Teka meron ba? Baka hindi ko naman talaga mahal si Maria, oo baka nasilaw lang talaga ako sa ganda niya. Ano nga ba ulit ang nangyari ngayon? Nahuli ako ng gising, pumunta ako sa trabaho, nasiraan ang dyip, muntik ko nang masuntok ang tatay ni Maria, nabasag ko ang vase, nasisante ako, umuwi ako sa bahay, pinalayas ako dahil wala akong pambayad, pumunta ako kay Maria, nakipaghiwalay sa akin si Maria. Imposible namang isang bagsakan. Baka nanaginip lang ako, tama, ganito ang mga napapanood ko sa TV, pagkatapos ng mga masamang pangyayari, magigising na lang ang bida at panaginip lang pala ang lahat. Panaginip lang ito. Panaginip. Panaginip. Panaginip. Gising Jose. Gising. Gising. Gising! Walang epekto. Kukurutin ko ang sarili ko. Nandito pa rin ako sa Luneta. Tatalon ako. Iikot ako. Sasampalin ko ang sarili ko. Nandito pa rin ako sa harap ni Rizal. Bakit ganyan makatingin si Rizal? Akala niya kung sino siya diyang magaling. Nakatulog na pala ako. Nagising akong nakahiga sa isa sa mga bench sa Roxas Blvd. At mabaho pa rin ako. Totoo ngang lahat nang nangyari sa akin. Ano nga pala yun? Ayaw ko nang tandaan. Kailangan ko munang maligo at magpalit ng damit. Ang lagkit na talaga ng pakiramdam ko. Ayan, sumisikat na ang araw. Unang beses akong makakakita ng ganito sa buong buhay 7
ko. Maganda pala, parang pelikula. Dadalhin ko sana si Maria dito kaso lang wala na e. Di bale, iisipin ko na lang nandito siya sa tabi ko. Naglalakad lakad ako‟t may nakita akong makulay na building, pink at blue. Ang daming mga taong lumalabas mula sa loob, ano kayang meron? Lumapit ako. Wow, may nakalagay na karatula o, “Gwapotel”, ligo limang piso. Ang swerte ko naman.
Si Jonel Jao ay kasalukuyang freshman ng kursong BA Linguistics sa UP. Hindi siya lalake. Paboritong libro niya ang Persuasion ni Jane Austen. Patay na patay siya kay Mukai Osamu. Naniniwala siyang mas magiging masaya ang buhay kung "We don't assume things, because if we do, it will make an ASS(of)U(and)ME". Mahilig siyang manood ng J-dorama, period dramas at umiyak. Hindi siya mahilig sa animals, tanging maliit na rabbit, maliit na mabalahibong aso, maliit na pusa, maliit na ibon at maliit na isda lang ang makakalapit sa kanya. 8