MISS KO NA ANG DATI ni Carlo Palmes, may akda ng Buod ng Prologue ng Exes’ Club
[http://carlopalmes.blogspot.com/] [http://isnaberongdeterminado.blogspot.com/]
Hay, heto ako ngayon at nagsusulat ng isang madamdaming tula. Sanay na ako sa ganito. Insomniac na ako, siguro dahil sa siesta na dulot sa akin ng bakasyon. Hatinggabi na, at ako na lamang ang tanging gising sa bahay namin. Pinipilit kong makatulog ngunit sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata ay bigla na lamang mamamanhid sa lamig ang aking mga paa. At bigla na lamang nagfa-flashback ang mga nangyari sa akin noon. Pati 'yung mga alaalang gusto kong kalimutan at mga alaalang pampasikip lamang ng utak ko biglang nag-e-enter frame. Ewan ko ba. Ako si PJ, isang freshman college student. Sinusubukang maging masipag ngunit laging inuuto ng tukso. Laging pinahihiya ng tadhana. Laging kinukutya ng mundo. Masayahin ako, ngunit dahil nawala na ang kaligayahan ko ay hanggang ngiting plastik na lang ako. Mapaglaro sa akin ang tadhana. “Ang taong hindi makapag-move on" ang bansag ko sa sarili ko. Kasi ba nama'y simula noong nawala ang kaligayahan ko'y hindi na raw ako nakikitang tunay na masaya ng mga kaibigan ko. Sabi pa nga sa akin noong isa, "Nakapag-move on na ang lahat, ikaw na lang ang hindi." Pati siguro sa pang-arawaraw na buhay swak na swak sa akin ang bansag na iyon. Lalo na kung may napanood akong nakakatawa. Hanggang commercial gap humahalakhak ako. Ng sobra. Oo, hindi makapag-move on. Halos magta-tatlong taon na mula nang maghiwalay kami ni Raven ay hindi pa rin ako tuluyang nakakawala sa nangyari. Miss ko na ang dati. Hay. Hanga nga ako sa mga kaibigan kong parang nangungulekta lang ng nobya, 'yun bang bukas matapos niyong maghiwalay ay
may kapalit ka na. Hindi ako ganoon. Sa ngayon ay hindi ko nababali ang pagka-stick to one ko. Ngunit mukhang napasobra yata. Ewan ko ba, parang ang laki kasi ng nawala sa akin mula nang mangyari iyon. Parang buong buhay ko, nawala sa isang iglap. Nitong mga nakaraang araw ay gising ako sa hatinggabi. At nitong mga nakaraang araw ay pumapasok sa isipan ko si Raven. Kapag natapos na ang pagsasabi sa sarili ng, "sana kami na lang talaga habambuhay," o, "sana mahal pa niya ako," saka pa lamang ako makakatulog ng matiwasay. Hindi ko alam kung bakit kahit na matindi ang paghanga ko kay Lucy na isang kaklase ngayong kolehiyo ay si Raven pa rin ang naiisip ko. Ang masama pa, tuwing ako lamang sa bahay ay naiisip kong dalawa lang kami ni Raven sa bahay, masayang nag-uusap. Parang tuwing walang pasok at nagkikita kami sa malayo para hindi makahalata ang mga magulang. Binabagabag ako ng mga masasaya naming alaala, at sa tuwing naiisip ko ang mga iyon ay mas lalo lamang akong naguguluhan. High school ako noon nang maging kaklase ko siya. Wala lang iyon noong una, ngunit aaminin kong crush ko na siya first day of school pa lang. Gusto ko siyang makilala ngunit hindi ko magawang alisin sa akin ang pagiging torpe ko. Oo, torpe ako-hanggang ngayon. Hanggang sa makilala ko siya sa pamamagitan ng isang quiz sa intermediate pad. Nagkataon kasing siya ang nag-check ng papel ko. Simula noon naiinis ako kapag may quiz dahil hindi siya ang nakakapag-check ng papel ko at hindi ako ang nakakapag-check ng papel niya. Mabuti na lamang at gumagawa ng paraan si Lord.
Naging kabarkada ko ang katabi niya sa upuan. Siya ang naging dahilan kung bakit nakuha ko ang cellphone number niya. Isa iyon sa mga itinuturing kong pinakamatapang kong pagtatangka. Dahil torpe, 'yung seatmate niyang iyon ang nagsilbi na ring tulay upang magkatuluyan kaming dalawa. Sobrang saya ko noon. Bilang sukli ay ako naman ang naging tulay sa pagmamabutihan ng aming tulay at ng kanyang gusto. Masaya ang mga unang yugto ng aming pag-iibigan. Kung tutuusin sobrang saya. Wala na akong ibang iniisip noon; naniniwala kasi akong magiging fulfilled ka sa buhay mo kung magmamahal ka. 'Di bale nang bumagsak, 'wag lang puso ang pumisak. Natutuwa ako kasi walang pumipigil sa aming dalawa. Kahit medyo nangangapa pa ako noon sa buhay-may-nobya ay sinusubukan kong iparamdam kay Raven na iniibig ko siya ng tunay. At sa tingin ko naman ay naipaparamdam ko nga iyon. Na nasusuklian niya naman. Ako na siguro ang pinakamasayang tao nang maging kami. Naging maayos ang takbo ng lahat. Tanging kaligayahan ko lang noon ay ang makarinig ng "I love you" sa araw-araw. Kaya sobrang saya ko noon. Ngunit tulad ng mga napapanood sa TV ay mayroon ring mga hindi magagandang pangyayari na humadlang sa pagiibigan naming dalawa. Sa mga programa kasi sa paarala'y lagi akong ipinapares kay Tuesday, isang kaklase at ex. Hindi ko naisip na dahil sa napapadalas naming pagsasama ni Tuesday ay nagseselos na pala ang Raven ko. Mabuti na lang, nagkaayos kami dahil ipinaalam ko sa kanyang siya lang ang iniibig ko at lahat ng mga nangyari noon ay hindi na maibabalik.
Magpa-Pasko at Bagong Taon iyon nang kinailangan kong magbakasyon sa probinsya upang makapiling ang mga kamaganak. Malayo ako sa piling ni Raven. Hindi ko alam ang mga nangyayari sa Maynila. Gabi-gabi akong nababagabag sa pagtulog, na baka may ibang kinakasama si Raven. Pinapawi naman niya ang mga agam-agam kong iyon sa pagtawag niya sa akin bago ako matulog. Nang malapit na akong umuwi pabalik ay lalong napurnada ang pagkikita namin dahil sa kinailangan kong magpahinga. Nagkamali kasi ako ng pagkakabagsak matapos maglaro ng basketball. Tapos nagkasakit pa ang lolo ko kaya't kinailangan ko siyang bantayan. Ilang araw pa ang lumipas ay saka naman pumanaw ang kababata kong naging kuya ko na rin. Noong mga panahong iyon ko rin nabalitaang may iba nang kinatatagpo si Raven. Dahil sa matinding depresyon sa mga kalunus-lunos na pangyayari, hindi na ako nagsayang ng oras at nakipagkalas ako sa kanya nang makabalik ako ng Maynila. Hindi ko man lamang siya pinapaliwanag. Noong una ay nainis ako sa kanya ngunit sa mga sumunod na araw ay sa sarili ko naman ako nainis dahil sa paggawa ng desisyong hindi ko man lamang pinag-isipan. Na patuloy kong pinagsisisihan. Dumating ang mga panahong may nakilala akong babaeng sa tingin ko ay mamahalin ko. Ngunit hindi ko tinuloy ang panliligaw sa kanya hindi dahil sa natotorpe ako kundi dahil ayaw ko siyang masaktan kasi mahal ko pa si Raven. Tapos may
dumating pang isa, nasobrahan naman yata sa pagiging prangka at nalaman ko pang umiibig sa akin. Tinanggap ko, ngunit hindi ko pa rin ipinagpatuloy kahit na matindi ang kanyang panunukso at matindi ang kagustuhan kong ipakita kay Raven na kaya kong mamhay nang wala siya. Dahil hindi ko naman siya gusto. Hanggang sa makagradweyt kami ng high school ay hindi ko na siya nakakausap. Inaamin kong may pagtingin pa rin ako sa kanya ngunit hanggang tingin lamang ako. Hindi ko pa rin maialis sa sarili ang pagkatorpe. Ngayon, bumabalik na naman ang pagnanais kong makapiling muli sa Raven. Ngunit hindi ko alam kung ganoon din ba ang nararamdaman niya o kung ano pa man. Sabi ko kanina na ang lahat ng mga nangyari ay hindi na maibabalik. Ngayon, naniniwala akong hindi lahat. Naniniwala akong may panahon pa. May pag-asa pa. Kung sakali mang mabigo ako rito ay pasasalamatan ko si Raven dahil sa lahat ng nagawa niya sa buhay ko. Marami akong natutunan, ngayon gusto ko sanang gamitin ang lahat ng iyon. Kung naririnig lang niya ang sigaw ng puso ko. Raven. Miss ko na ang dati, at ayoko nang mawala iyon kung bibigyan ako ng isa pang pagkakataon. --cip Manila. 30-Oct-2009. 2:13 a.m.