MGA HUDYAT NG BAGONG KABIHASNAN (ni: Simon A. Mercado) 1 Kumislap ang isip ng pantas na malay 2 At ang sandaigdig ay naliwanagan 3 Nagsipamulaklak ng dunong na yaman 4 Ang nangagpunyaging paham na isipan; 5 At tayo’y nagising sa bagong kandungan 6 Ng pagkakasulong ng sandaigdigan! 7 Natuklas ng dunong na kahanga-hanga 8 Ang Atom na siyang panggunaw sa lupa; 9 Tila niloob ng Poong Bathala 10 Na tayo’y matapos sa sariling nasa; 11 Nakapabingit na sa pagkariwari 12 Ang ating daigdig na lutang sa luha! 13 Sa bagong liwanag ng pagkakasulong 14 Ay nangatuklasan ang lihim kahapon; 15 Ang mundo’y kumitid sa lipad ng dunong, 16 Nalakbay ang langit sa bakal na ibon, 17 Nasisid ang mga dagat na maalon 18 Ng taong palakang nagwagi sa layon! 19 Sa bilis ng bagong nilikhang panuklas 20 Narating ang buwan ng bakal na limbas; 21 Noon naman unang sa buwa’y lumunsad 22 Ang dalawang bunying astronaut na tanyag; 23 Subalit hindi pa lubos na matiyak 24 Kung ang buhay rito doo’y magluluwat. 25 Sa niyanig-yanig ng mundong mabilog 26 Kapag may malaking bombang sinusubok, 27 Ang ehe ng mundo ay baka mahutok 28 At saka malihis sa kanyang pag-ikot 29 Pag ito’y nangyari, mundo’y matatapos 30 Dahil sa paghinto ng kanyang inog! 31 Hindi lamang iyan, may panganib pa ring 32 Ang mundo’y matapos hindi man mithiin, 33 Sa dalawa kayang malakas ay alin 34 Ang hindi magnasang ang isa’y linlangin? 35 Mundo’y matatapos, dapat na tantuin, 36 Sa sandaling biglang ang isa’y magtaksil! 37 May panganib pa rin sa bawat pagsubok 38 Ng bombang may lasong buga sa fall out; 39 Ito kung pumuksa sa tao’y kilabot 40 Higit na mabangis sa alinmang salot; 41 Pag ito’y kumalat sa katakut-takot, 42 Walang mabubuhay sa buong sinukob! 43 Sa ngayon, ang hanging ating nalilingahap 44 Ay may kahalo nang maruruming sangkap; 45 Kapag ito’y hindi nalunasan agad 46 Ay sa lason tayo mapupuksang lahat; 47 Kung bakit ang tao’y habang umuunlad 48 Saka nalalapit na lalo sa wakas! 49 Nang ang Hiroshima’t Nagasaki’y minsang 50 Bagsakan ng bombang karaniwan lamang, 51 Sa dalawang pook na pinaghulugan 52 Ay napakaraming nakitlan ng buhay; 53 Kung ang ibabagsak ay bombang pangunaw 54 Dagat na ang Hapon sa kasalukuyan! 55 “Pag bombang awtom ang siyang ginamit 56 Sa Luson, Bisaya, Mindanaw, karatig, 57 Dahilan sa lakas na napakalabis 58 Ang sangkapulua’y lulubog sa tubig; 59 Huwag nawa sanang loobin ng Langit 60 Na ang Santinakpa’y maglaho sa titig!
61 Ang pag-uuganahan ng dalawang lakas 62 Na sa kalawakan ay magharing ganap,
63 Ay nagbabalang di na magluluwat 64 At tayo sa digma’y muling magsisiklab; 65 Maanong loobin ng Nasa Itaas 66 Na huwag na sanang dumating ang wakas! 67 Ang Arabya, Jordan, Israel, Ehipto 68 Cambodia’t Vietnam, nag-iipu0ipo; 69 Ang hihip ng hangin kapag di nabago 70 Sa apoy ng digma’y masusunog tayo; 71 Lalo pag ang Tsina’y nagtaas ng ulo 72 At saka ang Rusya’y gumamit ng Maso! 73 Nais na lagumin ng Maso at Karit 74 Kung magagawa lang, ang lupa at langit; 75 Ang Agila naman sa pagpupumilit 76 Na siyang mauna’y hindi matahimik; 77 Bakit ba kung sino ang sa yama’y labis 78 Siyang mapangamkam, siyang mapanlupig? 79 Wala pang sanggol sa kasalukuyan 80 Sa pambobombang higit ang labis sa ingay, 81 Kaya kapag tayo’y biglang sinalakay 82 Di makakahanda nais mang lumaban; 83 Dahil dito kaya dapat pagsikapan 84 Na mapagkasundo ang sangkatauhan! 85 Hindi nga masamang ang tao’y 86 Lalo kung may mithiing dakila at tapat, 87 Pagkat likas lamang sa taong maghangad 88 Kung nasa ibaba, na siya’y mataas, 89 Ngunit ang masama’y ang magpakapantas 90 Upang ang mabuting binuo’y iwasak! 91 Di dapat gumamit ng mga sandatang 92 Bukod sa pangwakas, may lasong kasama; 93 Idalangin nating magkaisa sana 94 Ang sangkatauhan sa mithi at pita; 95 Pag tayo’y nabubuklod na gintong panata 96 Ang sandaigdiga’y wala nang balisa! 97 Kapag nagkaroon ng lason sa tubig 98 Gayon din ang hangin na dating malinis, 99 Lahat ng may buhay sa Silong ng langit 100 Ay matatapos nang parang panaginip; 101 Saka lamang naman magiging tahimik 102 Kung dito’y wala nang mga manlulupig! 103 Dahil dito kaya kinakailangan 104 Iwasan ang imbot at mga hidwaan; 105 Pagsikapan nating tuparing lubusan 106 Ang aral na tayo ay mangag-ibigan; 107 Sapagka’t ang Eden ay naglaho lamang 108 Nang si Ada’t Eva’y lumabag sa aral! 109 Agawin sa kamay ng imbot at inggit 110 Ang kapayapaan nitong sandaigdig; 111 Sugpuin ang dahas at lakas ng lupit 112 Sa pamamagitan ng Santong Matuwid; 113 Ang Diyos ay gising, di ipinagkait 114 Ang Kanyang saklolo sa api at amis! 115 Kapag ang Ama nang Makapangyarihan 116 Ang siyang nagtatanggol sa aping kat’wiran, 117 Hindi maglalao’t ang sangkatauhan; 118 Ay makakandong na ng kalwalhatian; 119 Saka ang ligalig na sandaigdigan 120 Ay mahihimbing na sa katahimikan.