Special Issue Setyembre 21 2006
Martial Law Commemoration
GUNITA NG NAKARAAN... BAKAS SA KASALUKUYAN!
P
ara sa mga kabataan ngayon na hindi naging direktang saksi sa kamay na bakal ng diktador na si Marcos, hindi na din maituturing na bago ang mga kwento ng mga beterano sa anilang mga naging karanasan noong dekada sitenta hanggang sa maagang bahagi ng dekada otsenta; paano ba nama’y hindi nagkulang ang nag-aastang pangulo ng bansa na si Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang sariling bersyon ng pasistang paghahari. Ito ang analohiyang pinagkukumpara sa paggunita ng sambayanan sa araw ng pagdeklara ng Martial Law sa bansa, mahigit tatlumpu’t apat na taon na ang nakararaan. Kung pagkukumpara din lang ang magiging talakayan, tiyak ang pagkaungos ni Arroyo kay Marcos. Sa kanyang rehimen, hinigitan ni Arroyo si Marcos pagdating sa usapin ng panunupil sa karapatang sibil at sa dami ng bilang ng mga pinapatay na aktibista’t mamamahayag. Dagdag pa dito, pinatindi pa niyang lalo ang kinasasadlakang krisis pang-ekonomiya ng bansa. Walang kapantay na krisis pampulitika ang kinakaharap ng kasalukuyang rehimen. Pinangalandakan ni Marcos sa larangan ng ekonomiya noon ang kanyang 11 na industriyang ni isa ay wala naisakatuparan, isama pa ang kanyang bogus na reporma sa lupa o PD 27. Ngayon, ipinagmamalaki ni Arroyo ang patuloy na pagtaas ng ekonomiya sa ilalim ng kaniyang administrasyon, halimbawa na lamang ay ang pagtaas ng tantos ng Gross Domestic Product ng bansa at ang pagtaas ng halaga ng piso kontra dolyar. Ngunit hindi naman dama ng taumbayan sa kanilang pang-araw araw na buhay ang pang-ekonomyang pag-unlad. Gaano man maging kabulaklak ng mga kataga ni GMA sa paglalarawan ng pang-ekonomiyang kalagayan ng bansa, hindi GDP ang nagdidikta ng kaginhawaan para sa isang mahirap na magsasakang wala pa ding sariling lupang pinakikinabangan. Sa isang pangkaraniwang Pinoy, ang katotohan lamang ay ang kahirapang maitawid ang mga batayang pangangailangan sa pang-araw-araw sa kabila ng mababang sahod, kawalan ng trabaho, kung mayroon man ay ang takot na matanggal mula rito anumang sandali, dagliang pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin, dagdag pa ang mga di-makatwirang buwis. Hindi nakakataas ng moral ang pagtapang ng piso laban sa dolyar para sa mga pamilyang naiwan ng mga “bagong bayani” ng kasalukuyang henerasyon, ang mga manggagawa at propesyunal na nangingibang bansa para lamang makapagbigay sustento. Ang ating ekonomiyang wala na ngang gulugod, sige pa din sa pagpapakakuba sa mga di-pantay na patakarang pang-ekonomiyang pakanang liberalisasyon at deregulasyon ng imperyalismong Estados Unidos. Todong pagbuyanyang sa likas yaman ng bansa, sagarang paglalaan ng badget para sa utang panlabas lagpas sa sangayon sa konstitusyon, buong-buong dayuhang pag-aari ng mga empresa ang ilan sa mga panghikayat ng pangkating Arroyo upang manatiling nasa mabuting pabor ng EU at maipagpatuloy ang pantasyang makapaghari-harian sa bansa.
2
Setyembre 2006
INSIGHTS
Todo ganti naman ang isinusukli ni GMA sa mga grupo o indibidwal na lumalaban sa kanya. Nakakalula at nakakahilo ang mabilis na pagpapapalit-palit ng mga numero sa talaan ng bilang ng mga pinapatay at dinudukot na mga sibilyan nitong nakaraang mga taon. Sa pinakahuling tala noong Setyembre 15, umaabot na sa 755 ang mga pinaslang at 184 naman ang mga dinukot. Lagpas ang mga bilang na ito, hindi lamang kumpara sa diktadurang Marcos, kundi sa suma total ng mga nagdaang rehimen. Kalakhan sa kanila ay mga miyembro ng mga progresibong organisasyon gaya ng Bagong Alyansang Makabayan, Bayan Muna at Anakpawis. Kahit mga kabataan ay hindi ligtas sa panunupil na ito. Hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyang hustisya ang pagpaslang sa mga lider ng League of Filipino Students na sina Cris Hugo at Rie Mon Guran. Hanggang ngayon ay wala pa ding ni katiting na impormasyon hinggil sa kinalalagyan ng mga dinukot na iskolar ng bayan na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan. Imbes na sapat at dekalidad na edukasyon ang ibigay sa mga kabataan ay bala at paglustay ng pondo nito para sa pansariling interes lamang ang inaatupag. Malinaw ang motibasyon ng mga pagpatay at pagdukot – ang buhusan ng tubig ang naglalagablab na paglaban ng mamamayan. Dahil lahat ng ito ay sang-ayon sa planong counter-insurgency at todogiyera ng rehimen, walang ligtas ang sinumang may kaparehong adhikain, nagiging awtomatikong target ang mababansagang “kaaway” ng estado, sa urban man o sa kanayunan. Kumbaga sa telenobela, walang kasiguruhan, hiwa-hiwalay na mga pamilya, takot para sa sariling buhay ang palagiang temang nais isulat ni Gloria Macapagal Arroyo sa dikta ng amo niyang imperyalismong US. Sa kabila ng matinding oposisyon at disgustong pahayag sa kanya, nangungunyapit pa din sa pwesto si Gloria Arroyo. Gaya kay Marcos noon, inalay din kay Arroyo ngayon ang sandamakmak na metapora – buwaya, asong ulol, tuko. Ang hitsura tuloy, sa Pilipinas pala, mga hayop ang nakakaupo sa Malacanang. Garapal sa naising makapanatili sa pwesto, todo kayod sa pagsulong ng Charter Change si Gloria Arroyo, ang pangunahing magtitiyak sa kanyang pagkakaupo hanggang 2010. Sa ilalim din ng Cha-Cha, isasabatas pa ng rehimen ang ginagawang panlilinlang at panunupil. Magiging sementado na sa konstitusyon ang kolonyal na kontrol at dominasyon sa larangang ng ekonomiya at maging sa kultura. Ilelehitimisa nito ang dayuhang pag-aari ng mga paaralan at media. Bubusalan nito ang hiyaw ng mamamayan para sa katarungan gaya ng kanyang ipinatupad na State of Emergency noong Pebrero, panimula lamang para sa kanyang pasistang paghahari na ala Martial Law.. Binabandila ni Gloria Arroyo ang pagbubuo ng “Strong Republic” sa pabalat-kayo niyang demokratikong estado. Tila alingawngaw ang republikang ito ng “Bagong Lipunan” ni Marcos. Sa slogan ni Marcos na “revolutionize from the center” ay ipinantapat naman ni Gloria ang kanyang “silent revolution”. Nais iligaw ng parehong rehimen ang simpatiya ng nakararami para sa pagbabagong panlipunan. Ngunit nahulog sa maling akala ang mga tiraniya. Habang pilit na binabalot sa makikinang na mga salita, lalo lamang nalalantad sa masa ang kanilang kabulukan. Sa kanilang mga patakaran, pinalalambot lamang lalo nila ang lupa para sa tiyak na pagsasama-sama ng masa upang kamtin ang tunay na pagbabago. Ferdinand Marcos noon, Gloria Arroyo ngayon - parehong mga diktador-pasistang papet ng imperyalismong US. Hindi na kailangang pang ideklara ni Gloria Arroyo ang Batas Militar, gaya ng ginawa ni Marcos, upang maging malinaw ang kanyang mga tunguhin. Ngunit gaya noon, magpasahanggang ngayon, mamamayan pa din ang magpapasya. Gaya noon, magpasahanggang ngayon, tiyak ang pagwakas sa mga pantastikong panaginip ni Gloria Macapagal Arroyo. Sa paggunita ng sambayanan sa araw ng pagdeklara ng Martial Law pinagtitibay lamang nito ang panata ng patuloy na pagsulong ng mga karapatang sibil at pakikipaglaban para sa katarungan – ang panata para sa pagkakamit ng kalayaan at tunay na demokrasya. The Institute for Nationalist Studies (INS) is a non-stock, non-profit, independent youth institution promoting Alternative Education through a progressive and democratic curriculum. Founded in March 2003 in coordination with the Center for Nationalist Studies (CNS) of the University of the Philippines (UP) and Polytechnic University of the Philippines (PUP), the Institute aims to provide an education