Sumita V. Telan III-5 BFE
Aling Nida
Pinagtitinginan na naman si Aling Nida habang naglalakad. Paano ba naman kasi, gamit niyang bag ay pang-mayaman at ang damit niya’y kakaiba na tila ba iilan lang ang nakakapagsuot ng ganoon. May dala rin na naman kasi siyang plastic bag na punong-puno ng iba’t ibang pagkain. Ngunit, ang pinakadahilan kung bakit marami ang sa kaniya’y nakatingin - malaki kasi ang kaniyang tahanan na mansyon. Napakaganda ng kaniyang tahanan na ang lahat ay pwedeng magpunta. Mga bata pati na matatanda ay talaga namang nagagalak at natutuwa sa mansyon ni Aling Nida. Kada may pumupunta, ngiti ang tanging isinasalubong niya at kagalakan lang ang mabababakas sa kaniyang mukha. “Iba kasi si Aling Nida! ‘Di ko nga alam paano niya nakakayanang mamuhay ng mag-isa sa tahanang kasya kahit isang milyong tao pa ang pumunta.” Subalit kahit malaki ang mansyon niya, hindi lahat ay pwedeng niyang gawin. Kapag umulan ay wala siyang masisilungan. Ang pagkain ay hinihingi lang. Kaniyang bag at damit ay bigay nang iba at ang tinuturing na tahanan niya’y maaaring bawiin sa kaniya dahil sino ba namang nagmamay-ari ng Luneta, ‘di ba?