Alamat ng Mangga Noong unang panahon ay may isang malupit ng hari. Kinatatakutan siya ng kanyang mga nasasakupan. Siya ay si Haring Enrico. Sa isang banda ay gusto naman ng mga tao ang ganoon. Nagkaroon kasi sila ng disiplina. Maraming masasamang gawain ang maiiwasan dahil sa takot sa parusang iginawad ng hari. Isang araw may nakatakas na mga bilanggo sa kulungan ng kaharian. Nagpaimbistiga si Haring Enrico. Nalaman niya na nakatulog pala ang kawal na bantay kaya madaling nakatakas ang mga bilanggo. Agad niyang ipinatawag ang kawal. Tinanong niya ito kung bakit natutulog sa oras ng trabaho. Sinabi ng kawal na puyat ito dahil sa pagbabantay sa anak na may sakit. “Puyat ka pala, dapat nagpapalit ka para di tayo natakasan ng mga bilanggo!” anang hari. Hindi nakasagot ang kawal. Alam nito na siya ang may pagkakamali. Hinatulan ito ng hari na mabilanggo bilang parusa sa kapabayaan. Napaiyak ang asawa at anak ng kawal dahil sa awa sa lalaki. Nakiusap sila na pakawalan ang kawal ngunit hindi pumayag si Haring Enrico. Walang nagawa ang magina kundi ang umiyak. Nang malapit na ang kaarawan ng hari ay nagpalabas siya ng isang patalastas sa mga nasasakupan. Ayon sa patalastas, ang sinumang makapagdadala na wala pa ang hari o pagkaing hindi pa natitikman ay makahihiling sa kanya at kanya namang ipagkakaloob . Natuwa ang asawa ng bilanggo dahil sa balita. Kaso wala naman itong maisip na maaaring ibigay sa hari. Naisip nitong yayain sa gubat ang anak para maghanap ng kahit anong maibibigay sa hari. Inabot sila ng pagod at gutom. Pauwi na sila ng isang diwata ang lumitaw sa kanilang harapan. May hawak na dalawang malalaking bunga ng halaman ang diwata. Kulay berde iyon. Noon lang nakakita ang mga ito ng ganoong bunga. “Ito ang ibigay ninyo sa hari,” sabi ng diwata. “Itago muna ninyo ito sa inyong bigasan at ilabas mismo sa kaarawan ng hari.” “A-ano po ba ang bungang ito?” tanong nila. “Mangga ang tawag diyan. Wala niyan dito sa lupa. Sa aming daigdig lamang meron niyan at itinuring naming sagrado ang bungang iyan.” “Maraming-maraming salamat po!” sabi ng mag-ina at nagpaalam na sa diwata. Tuwang-tuwa nag-siuwi ang mga ito. Sinunod ng asawa ng kawal ang bilin ng diwata. Nang sumapit ang kaarawan ng hari ay kinuha nito ang dalawang bunga. Nanggilalas ito nang makitang naging dilaw ang bunga at mabangong-mabango. Maging ang hari ay nanggilalas nang makita ang dalawang hinog na bunga na nasa amoy palamang ay mukha ng napakasarap. Agad niyang kinain ang isa at lubha siyang nasarapan. ‘Anong pangalan ng bungang ito ?” tanong ng hari. “Mangga po”, sabay na wika ng mag-ina. “Mangga? Ngayon lamang ako nakakita ng bungang ganito. Saan galling ito?” “Bigay po sa amin ng isang diwata.” “Dahil sa kakaiba at masarap na bungang dala mo, ipagkakaloob ko ang anumang hilingin mo.” Sabi niya sa asawa ng kawal. “Hinihiling ko po sa mahal na hari na makalaya ang aking asawa,” sabi ng babae. “Matutupad ang iyong kahilingan.” Noon din ay nakalaya ang asawa ng babae. Sa labis ng katuwaan ng hari ay binigyan pa ng kaunting halaga ang mag-asawa. Matapos kainin ang mga bunga ay ipinatanim niya ang mga buto ng mga iyon upang muli siyang makatikim ng pambihirang bunga. Nang tumubo at mamunga nang marami ang mga puno ay natikman iyon ng kanyang mga nasasakupan. Nagtanim din ng mga buto ang mga tao.