3q-fil4- Ang Alamat Ng Makopa

  • May 2020
  • PDF

This document was uploaded by user and they confirmed that they have the permission to share it. If you are author or own the copyright of this book, please report to us by using this DMCA report form. Report DMCA


Overview

Download & View 3q-fil4- Ang Alamat Ng Makopa as PDF for free.

More details

  • Words: 845
  • Pages: 3
ANG ALAMAT NG MAKOPA Nakakita ka na ba ng makopa? Ito’y isang uri ng prutas na mapula ang kulay subalit ang higit na kapansin-pansin dito ay ang korte nitong tila kampana. Kung pagmamasdan mula sa malayo ay tila mga kampanang magkakabit ang kumpol ng makopa. Maiisip mo tuloy kung saan nga ba nagmula ang makopa. Sa isang malayong bayan sa lalawigan ng Samar at may isang simbahang dinarayo ng maraming deboto. Ang mga tao ay nagtutungo roon, upang magdasal o makinig ng misa. Ang isang bagay na nakaaakit sa kanila sa simbahang iyon at ang napakagandang tunog ng kanilang mga kampana. Tatlong kampana ang nasa kampanaryo ng simbahan. Kapag kinakalembang na, ang mga ito ay nakalilikha ng tunog na kaiga-igaya sa madla. Subalit ang mga kampanang iyon ay hindi lamang ginagamit sa pagtawag ng mga tao upang magsimba at magdasal. Ang mga ito rin ay naghuhudyat ng mga kalamidad tulad ng unos, baha, sunog, at iba pa. Ito ang dahilan kung bakit ang mga pirata sa karagatan ay hindi makasalakay sa nasabing bayan. Laging hindi natutuloy ang kanilang masamang balak sapagkat si Pedro na kampanero ay maagap na nakapagbibigay-babala sa kanyang mga kababayan kapag natatanaw pa lamang niya mula sa tore ng kampanaryo ang pagdating ng masasamang-loob. Isang araw, isang maitim na balak ang binuo ng mga pirata. “Nanakawin natin ang mga kampanang iyon!” halos yumanig ang mga dingding ng barko sa lakas ng boses ng pinuno ng mga pirata. “Iyon ang dahilan kung bakit hindi tayo makapasok sa bayan,” ngitngit na ngitngit na dugtong pa nito. Isang gabing walang buwan, isinagawa ng mga pirata ang kanilang plano. Mabilis at walang nakapuna sa kanilang

paggapang patungo sa kampanaryo ng simbahan. Dala ang matatalim na kutsilyo, dire-diretso sila sa itaas ng kampanaryo. Handang-handa na sila upang putulin ang kinatatalian ng mga kampana subalit . . . “Wala! Wala na rito ang mga kampana! Nasaan ang mga kampanang iyon?” Halos lumabas ang litid ng pinuno sa pagsigaw mula sa tore. Bagay na nakagising sa maraming lalaki sa bayan. Daladala ang mga sulo, nagpanakbuhan ang mga ito sa kampanaryo. “Habulin, habulin ang mga magnanakaw!” sigawan ng kalalakihan. Mabilis na nagtakbuhan ang mga pirata. Hindi na sila inabot ng galit na galit na taong-bayan. “Subalit nasaan ang mga kampana? Nasaan si Pedro? Pinatay ba nila si Pedro?” Ito ang mga katanungang nagpalipat-lipat sa labi ng mga tao. Hindi na nga nila muling narinig ang kanilang mga kampana, kaya, lubos na nalungkot ang mga taong-bayan. Naaalala rin nila ang madalas sabihin ng kampanerong si Pedro noong kasa-kasama pa nila ito. “Mahal na mahal ko ang mga kampanang ito. Maraming beses na nailigtas ang ating bayan dahil sa mga ito kaya’t iaalay ko rin maging ang aking buhay para sa mga kinagisnan nating kampana,” madalas sabihin nito sa mga kaibigan. Hanggang isang araw, isang di karaniwang halaman ang tumubo sa likod ng simbahan, sa tabi ng kubo ni Pedro. Inakala nilang itinanim ito ng binata kaya’t inalagaan ang halaman. At nang mamunga’t mahinog ang mga bunga’y anong laking pagkamangha ng lahat. Ang mga ito’y hugiskampana. Tila kumpul-kumpol na kampana. Ang lubos na nakapagtataka ay ang pulang kulay ng mga ito. Isang matandang babae ang nakasaksi sa lahat. Hindi nito nagawang ikuwento agad ang mga pangyayari sapagkat siya’y nag-uulyanin na at madalas nang makalimot sa mga nangyayari sa kanya. Nagbalik lamang ang kanyang alaala nang Makita ang bungang hugis-kampana at kulay-pula.

“Narinig ko ang pagdating ng mga pirata nang gabing iyon. Mabilis sila subalit higit na mabilis si Pedro. Hindi niya pinatunog ang mga kampana sapagkat malapit na ang mga pirata. Ayaw niyang may mapahamak sa mga taong-bayan. Nagawa niyang maibaba ang mga kampana bago pa sila umabot sa kampanaryo,” wika ng babae habang halos hindi kumukurap ang lahat sa pagkikinig sa kanya. “Ipinadausdos niya ang mga kampana sa tulong ng lubid subalit sa kasamaang-palad, sa huling kampana ay sumabit ang paa niya at nahulog siya. Sa kabila nito, nagawa pa niyang hilahin ang mga kampana. Hindo ko malaman kung saan niya dinala subalit alam kong hindi niya pinabayaan ang mga kampana.” Naluluha ang matanda sa kanyang pagsasalaysay. “Narinig ko na lamang ang kanyang tahimik na pagdaing habang hinahabol ninyo ang mga pirata,” dugtong pa nito. “Ano po ang narinig ninyong sinasabi niya?” usisa ng isa sa mga taong-bayan. “Ma . . . mahal ko ang mga kampana . . .” Iyon ang paulit-ulit niyang sinasambit. Hanggang sa marinig ko na lang ang mga katagang ma . . . ko . . . pa . . . at alam kong pumanaw na siya dala marahil ng tindi ng sugat niya.” Walang hindi lumuha nang mga sandaling iyon. Si Pedro na nanindigan para sa ikabubuti ng lahat ay nakasama ng mga kampana hanggang sa huling sandali nito. “Kaya pala kulay-pula ang bunga nito. Ang kulay ng dugo ni Pedrong siyang dumilig sa mga kampana.” Magmula noon, tinawag ng mga tao ang halaman na “makopa” bilang pag-alaga sa mga huling katagang sinambit ni Pedro “Ma . . . mahal ko ang mga kam . . . pa . . . na . . .”

Related Documents