UP Sentro ng Wikang Filipino Ang UP Sentro ng Wikang Filipino ay institusyong tumutulong upang maipatupad ang Patakarang Pangwika ng Unibersidad ng Pilipinas, at nagpapaunlad at nagpapalaganap ng pambansang wika. Kabilang sa mga naging direktor nito sina Teresita G. Maceda, Virgilio S. Almario, Mario I. Miclat, Lilia F. Antonio, at Galileo S. Zafra.
Mga Ugat Mauugat ang UP SWF noong 29 Mayo 1989, nang aprobahan ng Lupon ng Rehente ng UP ang UP Patakarang Pangwika. Ginawa ang nasabing patakaran upang maisakatuparan ang mga probisyong pangwikang nakasaad sa Saligang Batas noong 1987. Pangunahing itinatakda ng UP Patakarang Pangwika na gamitin ang Filipino bilang tulay ng pagtuturo sa Unibersidad sa di-gradwadong lebel sa loob ng makatwirang panahon ng transisyon. Sa nasabing panahon, pasisiglahin ang paggamit ng Filipino sa pananaliksik, gawaing eksteksiyon, at bilang wika ng opisyal na komunikasyon. Tatangkilikin din ang paggawa ng mga teksbuk at iba pang gamit panturo; pauunlarin ang pananaliksik sa Filipino at iba pang wika ng Filipinas, habang isinusulong ang pagsasaling-wika. Habang nasa yugto ng transisyon tungo sa malawakang paggamit ng Filipino, magpapasimuno ang Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) ng UP sa sa pagtuturo ng wika, pananaliksik, at serbisyong ekstensiyon na pawang itataguyod ng mga yunit ng Edukasyon at Lingguwistika. Itinakda rin sa Patakarang Pangwika ang pagtatatag ng Sentro ng Wikang Filipino upang suportahan ang mga gawain ng mga iskolar sa Filipino at iba pang wika sa Filipinas. Nang pagtibayin ang Patakarang Pangwika ay naitatag ang UP Sentro ng Wikang Filipino (UP SWF) na tumulong sa pagsubaybay sa pagsasakatuparan ng Patakarang Pangwika sa antas ng sistema ng UP. Pagdaka'y naitatag din ang iba pang sangay nito sa iba pang yunit ng UP, gaya sa Los Baños, Maynila, Visayas/Iloilo, Mindanao, Baguio, Cebu, at Tacloban. Dumaan sa yugto ng debolusyon ang UP SWF noong Marso 2001. Itinatag ang UP Konseho ng Wikang Filipino na sumubaybay sa gawaing pangwika sa antas ng sistema ng UP. Itinatag ang SWF sa UP Diliman. Ang mga sangay ng UP SWF sa
bawat yunit ng sistema nang malaya ngunit patuloy na nakikipag-ugnay hinggil sa mga proyekto at gawain sa antas ng UP Konseho ng Wikang Filipino.
Mga Programa at Proyekto Aktibong kumilos ang UP SWF upang maipatupad ang Patakarang Pangwika ng UP at malinang at maipalaganap ang Filipino sa buong bansa. Sinuyod nito ang mga kolehiyo ng UP at bumuo ng mga komite sa wika. Nakipag-ugnayan din ang UP SWF sa mga institusyong gaya ng Departamento ng Edukasyon, Commission on Higher Education (CHED), Korte Suprema, at Philippine Regulatory Commission (PRC) upang maisulong ang paggamit ng Filipino sa edukasyon at pamahalaan. Nakipagpulong din ito sa ilang mambabatas upang maisulong ang mga panukalang batas sa wika, lalo ang pagtatatag ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Pinangunahan ng UP SWF ang pagbubuo ng Sanggunian sa Filipino (SANGFIL), na isang samahan ng mga akademikong institusyon na nagtuturo ng Filipino upang mapabilis ang estandardisasyon ng wika at maipalaganap ito sa akademya. Ilan sa mahahalagang proyekto ng UP SWF ay ang sumusunod: Saliksikan—kabilang dito ang pagtatatag ng Saliksikang Filipino, repositoryo ng mga pag-aaral, at pananaliksik pangwika; ang pagpapayaman ng UP Diksiyonaryong Filipino; ang paglalathala ng Daluyan, na jornal ng Wikang Filipino; ang pagbubunsod ng Subaybay Wika, na nagbabantay ng mga nauusong salita sa Filipino; ang pagsuporta sa pagsulat ng Gramatikang Filipino. Lathalaan—kabilang dito ang pagpapatuloy ng Aklatang-Bayan, na naglalathala ng mga teksbuk at iba pang sangguniang aklat sa Filipino; ang paglalathala ng mga jornal, gaya ng Daluyan; ang paglalathala ng Gabay sa Editing sa Wikang Filipino; at ang pagbubuo ng Glosaring Pang-administrasyon. Pandayan—kabilang dito ang talakayang pangwika; ang pagtatayo ng Sulong Wika; ang taunang kongreso ng SANGFIL; at natatanging seminar-palihan sa wika. Salinan—kabilang dito ang pagsasalin ng mga dokumento mula sa iba't ibang tanggapan sa loob at labas ng UP; at ang pagsasalin ng mga pormularyo sa UP. Gumagawa rin ng paraan ang UP SWF na maisulong ang iba pa nitong proyekto gaya ng Turuan, Ugnayan, Sulungan, Gawaran, at Pansamahan.
Pinamamahalaan ng Direktor ang UP SWF, na hinihirang mula sa hanay ng kaguruan ng UP. Si Zafra ang kasalukuyang direktor nito.