Spoonfeeding 2.o ni Julius Rocas Ang “spoonfeeding” ayon sa isa sa mga naging guro ko ay ang makaluma at atrasadong paraan ng pagtuturo sa mga mag-aaral ng mga kanilang leksyon. Sa ganitong bulok na sistema ng pagtuturo, ang dapat matutunan ng mga mag-aaral ay ibinibigay na lamang sa kanila ng wala halos hirap. Yung hirap ng pagbabasa, pag-aanalisa, pagririserts kahit konti, pagtatanong o pakikipagtalastasan sa iba upang maunawaan ang leksyon. Ito ay mula sa pananaw na ang mga mag-aaral ay tinitingnan na kahalintulad ng mga sisidlan na walang laman. Ang papel ng mga guro ay punan ang mga sisidlan na ito ng mga kaalaman at kakayanan na dapat lamang nilang matutunan o kung ano man ang nakalagay sa kanilang mga curriculum. Katumbas ito ng "3 R's of Education: Read, remember, regurgitate." Noong hindi pa uso ang mga kompyuter, projektor, at PowerPoint; Manila paper, lumang kalendaryo o mga kartolina ang gamit ng mga guro bukod sa blackboard at chalk sa pagtuturo. Naroon na lahat ng dapat matutunan ng mga mag-aaral. Ang gagawin na lamang ng mga ito ay basahin, sauluhin at isulat muli kapag nagkaroon na ng mga pagsusulit. Pero dahil gumamit dito ng mga lumang kagamitan, ito ang tinatawag nating "Spoonfeeding 1.0" Ngayon sa moderno nating panahon, kung saan ang mga kompyuter at electronic gadgets ay lalo pang nagiging normal na bahagi ng ating buhay at nagiging normal na kabahagi na rin ng ating pag-aaral. Sa unang tingin, nariyan ang mga gamit na iyan upang lalong mapahusay ang ating pag-aaral. Dito na lamang sa ating pamantasan, manghang-mangha na ang karamihan kapag nakakita ng LCD projector at laptop na ginagamit ng ating mga guro sa kanilang mga lektyur. Dito mas lalong naipapakita ang astetiko at artistikong kakayanan ng ating mga guro dahilan sa kulay, husay at magarbong presentasyon gamit ang PowerPoint. Kung wala namang PowerPoint o transparencies, nariyan ang nakasanayan na nating mga "dole-outs" este, "handouts" na kadalasan ay binabasa na lamang ng ating mga guro o kung tila tinatamad sila ay sa ating mga estudyante na lamang ipinapabasa. Pagkatapos basahin ay isasalin na lamang ito sa Filipino kung sa Ingles ito nakalathala, at Ingles naman kung ito ay nasa Filipino, at konting sariling paliwanag ay ayos na. Iyon na ang lektyur sa araw na ito. Huwag ka nang magaksaya ng oras na magbasa ng ibang libro, magriserts sa internet, o humanap ng ibang sanggunian. Magugulo lamang ang iyong pag-iisip dahil kapag ikaw ay nagsabi ng mga bagay na wala sa handout o mga bagay na hindi pa nila alam at nababasa, ikaw ay malalagay sa alanganin.
Basahing mabuti ang mga handouts, tandaan ang pagkakasunud-sunod ng mga slides dahil ang mga iyan ang lalabas sa mga pagsusulit. Swerte mo kung ikaw ay may photographic memory dahil kung hindi eksaktong nakasulat sa handout ang iyong sagot, ito ay hindi tatanggapin, bagkos magiging dahilan pa ng iyong kapahamakan. Kailangan mo pa ngang magpaliwanag sa iyong guro upang bigyan ng konsiderasyon ang sarili mong pagkakaunawa at intindi sa leksyon. Magkaganoon pa man, malinaw na umiiral pa rin ang "3 R's of Education" na binanggit ko kanina. Nag-iba lamang ng anyo dahilan sa mga modernong kagamitan kaya ang tawag dito ngayon ay ang bagong bersyon ng “spoonfeeding”, at iyon ang titulo ng kolum na ito. Nakakalungkot hindi ba? Marahil ito ang dahilan kung bakit nananatiling pasibo ang mga mag-aaral sa ating pamantasan. Dahil sa "Spoonfeeding 2.0" hindi na kailangang magisip ng kritikal ang mga estudyante. Tanggap na lang ng tanggap, huwag nang manguwestyon o maghanap ng alternatibo, lahat ng kailangan mo ay nasa projector na o nasa isang partikular na stall number. Kunin mo na lang at bayaran, hintayin sa iyong email o kaya i-save mo na lang sa iyong flash drive, pagkatapos ay basahin, sauluhin at dahil sa huli ay isusuka mo rin lahat iyan ng buong-buo sa mga pagsusulit, presentasyon sa klase o pag-uulat. Pero pasalamat na rin tayo, dahil kahit papaano, sa bawat paggamit natin ng mga LCD projector, at transparencies, alam natin kung saan napupunta ang ating mga mga matrikula. --Maaaring magbigay ng reaksyon sa http://jrocas.com.ph