Pilipinas Kong Mahal! Isaac Jeoffrey J. Serrano 7-Berchmans Ano nga ba ang kahalagahan ng pagiging makabayan, matapat at mapagmahal sa sariling bansa? Bakit ba sadyang ang kahalagahan nito ang magdadala sa atin sa kalagayang tayo ay maunlad at mapayapa na? Ang pagkanta nang maayos at may buong puso’t isipan ng Lupang Hinirang o Marcha Nacional Filipina ay isa ng tiyak na halimbawa o paraan ng pagpapakita ng pagmamahal at paggalang sa ating bansang Pilipinas. Kung ating babalikan ang kasaysayan, ang Lupang Hinirang ay unang tinugtog sa Kawit, Cavite noong ika-12 ng Hunyo 1898, araw ng pagdedeklara ng kasarinlan ng Pilipinas. Ang lumikha ng tugtog ay si Jose Palma at titik naman ni Julian Felipe. Ang iwinagayway sa araw na iyon ay ang watawat ng Pilipinas na ginawa nina Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo at Delfina Herboza. Marapat lamang na ipagmalaki ang ating bansa! Nakasaad nga sa Lupang Hinirang, “LUPANG HINIRANG, DUYAN KA NG MAGITING, SA MANLULUPIG, ‘DI KA PASISIIL” na ang tinutukoy ay ang mga Pilipinong nagbuwis ng kanilang buhay para lamang makamit ang kalayaan ng Pilipinas mula sa mga mananakop na Espanyol, Amerikano at Hapon. Ang ilang mga bayani ng kasaysayan ay sina Andres Bonifacio, isa sa mga nagsimula ng KKK o Kataastaasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan at si Jose Rizal, ang ating pambansang bayani na talaga namang naging inspirasyon ng mga mamamayang Pilipino na itaguyod at ipaglaban ang karapatan, karunungan, kasarinlan at kalayaan ng Pilipinas. Isa sa mahahalagang elemento ng isang bansa ang pagkakaroon ng sariling pamahalaan kaya naman dapat nating balikan at pag-isipan muli ang mga pamahalaan mula sa pamumuno ni Pangulong Emilio Aguinaldo noong taong 1898 hanggang sa kasalukuyan na pinamumunuan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Makulay talaga ang kasaysayan ng Pilipinas! Ang pagpunta at pagmamalaki sa mga magaganda at makasaysayang pook ng Pilipinas ay isa ring pagpapakita ng pagiging tunay na Pilipino. Mga halimbawa nito ang Bulkang Mayon at Simbahan ng Barasoain sa Luzon, Krus ni Magellan at Chocolate Hills sa Visayas at Bundok Apo, Rizal Shrine sa Mindanao. Tunay ngang napakahalaga ang pagmamalaki sa mga lugar na ito para hindi makalimutan ng mga tao! Ang lahat ng ito ay nakapaloob sa teritoryo ng Pilipinas. Ang ating bansa ay ikalawa sa pinkakamalaking arkipelago sa buong mundo kasunod ng bansang Indonesia na dapat nating ikamangha. Binubuo ng 1,707 na kapuluan ang ating bansa na nahahati sa Luzon, Visayas at Mindanao. Ang Pilipinas ay binubuo ng 16 na rehiyon at may 81 na lalawigang nakapaloob sa ating teritoryo. Ang hangganan nito ay mula sa pulo ng Y’ami sa lalawigan ng Batanes hanggang sa pulo ng Saluag sa Tawi-Tawi. Matatagpuan ang mga rehiyon ng Ilocos, Lambak ng Cagayan, Gitnang Luzon, CAR o Cordillera Administrative Region, Timog Katagalugan na hinahati sa dalawa:CALABARZON at MIMAROPA, BICOL at ang Kalakhang Maynila o NCR na pinakasentro ng buong bansa. Makikita naman sa Visayas ang mga rehiyon ng Kanlurang Visayas, Gitnang Visayas at Silangang Visayas. Sa Mindanao naman matatanaw ang mga rehiyon ng Zamboanga, Hilagang Mindanao, Davao, SOCCSKSARGEN, CARAGA at ARMM o Autonomous Region in Muslim Mindanao. Dapat lamang na maipamulat sa bawat Pilipino ang mga lugar sa Pilipinas. Mahalaga lamang na magkaroon ng karapatan na dapat ay suklian naman ng paggawa ng tungkulin. Lalo pa nating maipagmamalaki ang ating pagiging Pilipino sa paraan ng pagsunod sa batas ng pamahalaan sapagkat magkakaroon lamang ng ganap na kapayapaan at kaayusan sa isang bansa kung may umiiral na batas na may sinusunod na palutuntunan. Sa ating bansa, ito ang Saligang Batas o Konstitusyon ng 1987. Ang nag-apruba nito ay si Pangulong Corazon Aquino noong 1986. Ang ating bansa ay kinikilala bilang Republika ng Pilipinas. Ang Republika ng Pilipinas ay isang malayang bansa at may tinatamasang mga karapatan na naaayon sa batas internasyunal. Isa na rito ang pagkakaroon ng kapangyarihan na mapamunuan ang sariling bansa. May apat na elemento na tinukoy ang batas internasyunal kungang isang bansa o estado ay isang malayang bansa at walang nagdidikta sa kanila. Ang mga ito ay pagkakaroon ng teritoryo, pagkakaroon ng mamamayan sa lipunan, may sariling pamahalaan at may natatamasang soberanya. May mga kasunduan at dokumentong nagpapatunay na pagmamay-ari ng
Pilipinas ang teritoryo nito tulad ng Atas ng Pangulo Blg.1596 at UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea. Ang teritoryo ng Pilipinas ay nakasulat din sa Saligang Batas at may mga insular at bisinal na nakapaligid dito. Nakapaloob din sa konstitusyon ang mga karapatang dapat matamasa ng mga mamamayan. Dapat sa anumang kadahilanan, mabigay pa rin ang mga karapatan ng mga tao lalung-lalo na ang mga karapatang personal at napakahalaga sa bawat isa sa atin. Ang paggawa ng tungkulin ay napakahalaga sa bawat sa atin sapagkat may epekto ito sa kaunlaran ng buong bansa. Ang konsepto ng pandarayuhan at populasyon ay may kaugnayan din sa pagkamamamayan. Ang pamahalaan ng Republika ng Pilipinas ay may mga tungkulin na dapat gampanan. Ang ating pamahalaan ay nahahati sa tatlong sangay:Lehislatura o Tagapagbatas, Ehekutibo o Tagapagpaganap at Hudikatura o Tagapaghukom. Mayroon din tayong mga ahensya o kagawaran ng pamahalaan na tumutulong sa pangangailangan ng bawat mamamayan katulad ng Kagawaran ng Edukasyon at Kagawaran ng Kalusugan. Ang pinakahuli ngunit pinakamahalagang elemento ng isang estado ay ang soberanya. Ang soberanya ay napakahalaga dahil ito ang nagbibigay-buhay sa bansa sapagkat dito, ang batas ay nanggagaling talaga sa pamahalaan ng sariling bansa at hindi ng ibang nasyon. Marahil ay may teritoryo, mamamayan at pamahalaan ang isang bansa ngunit walang soberanya, hindi pa rin buo ang pagiging mapayapa at malaya ng isang bansa. Ang Pilipinas sa ngayon ay may soberanya na. Ang soberanya ay mahahati sa dalawa:panloob at panlabas. Mayroon ding mga karapatan na tinatamasa ang ating bansa katulad na lamang ng pantay-pantay na pagkilala. Maipagmamalaki natin ang ating bansa kung nagtataglay ng mga elementong ito! Tayo ay dapat gumalang sa mga opinyon ng ibang tao upang sa ganitong paraan, maipapalaganap natin ang kapayapaan! Ang kapayapaan ay napakahalaga sa ating lahat lalo na ngayo’y may mga karahasang nangyayari kahit saan. Ang kapayapaan ay matatamo lamang kung ang ating gagawin ay maganda at iiwasan natin ang gumawa ng kasamaan at kung ito ay nagsisimula sa ating sarili. Sa ating mga Pilipino, maipapakita natin ang kapayapaan sa ating mga adhikain sa paraan na paggawa ng mga ito sa mas maayos na proseso at walang karahasan na magaganap. Kapag ginagalang natin ang iba’t-ibat relihiyon tulad ng Hinduismo, Budhismo at Islam, tayo ay nagpapalaganap ng kapayapaan at katahimikan. Ang pagkamit ng mga antas ng kapayapaan ay maganda rin para sa ating lahat. Ang pagkakaroon ng inspirasyon sa mga taong nagpakita o nagpamalas ng kapayapaan katulad nina Mahatma Gandhi at Mother Teresa ay isa ring halimbawa ng pagpapalaganap ng kapayapaan sa isa’t isa. Maipapakita rin natin ang kapayapaan kung marersolbahan at masosolusyunan ang mga salungatan nating mga Pilipino sa kahit anong antas. Sa ganitong pamamaraan, maipapakita natin ang ating pagka-Pilipino sapagkat hindi lang tayo nagpapakita ng kapayapaan ngunit tayo rin ay nagpapalaki o nagpapalaganap ng kapayapaan sa mga tao sa Pilipinas at sa buong mundo. Ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa edukasyong pangkapayapaan ay napakaganda at napakahalaga sa ating pagmamahal sa ating bansa. Tunay ngang maipapalaganap natin ang kapayapaan kung tayo ay gagawa ng kabutihan at iiwasan ang kasamaan. Kung lahat ng paraan ng pagmamahal at pagmamalaki sa Pilipinas ay gampanan at gawin, maipapakita talaga natin na tayo ay mga totoong Pilipino! MABUHAY ANG REPUBLIKA NG PILIPINAS!