Madinah

  • November 2019
  • PDF

This document was uploaded by user and they confirmed that they have the permission to share it. If you are author or own the copyright of this book, please report to us by using this DMCA report form. Report DMCA


Overview

Download & View Madinah as PDF for free.

More details

  • Words: 3,766
  • Pages: 7
Ang Paglalakbay sa Madinah Akda ni: Abdullah S. Kamsa "Sama tayo." Anyaya sa akin ng matalik kong kaibigan isang gabi ng Martes. Bigla kong tinigil pansamantala ang aking pagkain at lumingon sa kanya at sabay tanong, "saan naman ang gimik natin?" "Sa Madinah, pupunta ang Dawwah Center bukas, alassingko ang alis," wika niya. Agad nanilay sa aking alaala ang huling pagpunta ko rito, magdadalawang taon na pala ang lumipas na parang nakikinita ko pa ang magaganda at makasaysayang lugar dito kung saan nangyari ang digmaan sa pagitan ng mga Muslim at Kuffar noong kapanahunan ng Propeta Mohammad (S.A.W), ang kanyang mga katuruan at magagandang alaala na kahit sinuman ay magsasabing kaibig-ibig ang lahat ng kanyang mga ginawa. "Hindi na pewede," bawi ko sa tinuran niya. "Nakasama na tayo noon." "Bigyan naman natin ang iba ng tsansa para makapaglakbay rin sa Banal na lugar," dagdag ko pa. Iiling-iling pa ako ngunit sa kaibuturan ng aking puso, gusto kong sumama. Nag-isip ako ng malalim at lumapit sa isa pang kapatid na alam kong sasama at nagpaalam sa kanya kung puwede akong sumama. Ngunit ayon sa kanya di na maaari ang mga nakasama na, ito ay para sa mga baguhan na sa isang punto ay tama siya sa kanyang sinabi. Nagbiro pa nga akong makikisakay lang ako at kapag nandoon na kami ay hihiwalay lang ako sapagkat mayroon akong ibang dahilan at nais puntahan. Bumalik ako sa aking silid at nadatnan ko ang isa pang kapatid na kumakain at tinanong ko siya kung ito ay sasama at sabi niya, "hindi pa sigurado." Tatawagan niya pa iba pang mga kapatid na kasangga niya sa mga lakaran. Nag-isip ako ulit ng malalim at agad ko rin itong pinutol at sinabi sa sarili na bukas na ako magdedesisyon ukol dito. Kinabukasan habang ako ay nasa trabaho, pilit pa ring sumisiksik sa aking isipan ang pagtungo sa Madinah. Nasipat ng aking mga mata ang teleponong nakapatong sa ibabaw ng aking mesa at agad idinayal ang numero ng isang kapatid upang kumpirmahin kung siya ay sasama. Ayon sa kanya, "oo raw." Pagkatapos kung mag-Salam sa kanya, binaba ko ang telepono at dumayal muli ng numero ng aking matalik na kaibigan para tanungin kung sasama kami. Ngunit biglang naputol ang aming usapan sanhi ng pagiging abala sa aming sari-sariling trabaho. Di na kami muling nagkausap sa buong oras ng aming mga trabaho. "Hindi na kami sasama," konklusyon sa aking utak. Pagkatapos ng walong oras na trabaho. Kinahapunan sa aming akomodasyon, dumating mula sa kanyang opisina ang matalik kong kaibigan habang ako ay naglalaba sapagkat ang magkasunod na dalawang araw ay aking pahinga sa trabaho, at masayang nagsabing maghanda na raw ako dahil kami ay sasama. Sinipat ko ang oras na nakarehistro sa aking "cellphone", "malapit na pala ang alas singko," bulas ko sa aking sarili. Minadali ko ang paglalaba sabay sa pag-impake ng mga gamit na dadalhin sa paglalakbay. Nang ang lahat ay handa na upang pumunta sa sa Al-Hamra Dawwah Center kung saan dito magtipun-tipon bago tumulak sa Madinah, nakiusap ang isang kapatid na daanan muna namin ang papel niya sa aming supervisor na nakasaad doon ay pagpayag

ng aming kompanya sa pagsama niya at hindi makakaltasan ang kanyang sweldo. Ngunit sa kasawiang palad ay "namisplaced" ito. Sumingit ako sa kanilang usapan at sinabi sa supervisor na saka na lang hanapin iyon dahil baka kami ay mahuli at maiwan sapagkat ang takdang oras ay sasapit na. Alhamdulillah, siya ay umayon. Humahangos kaming dumating sa Center dahil nakatanggap kami ng "text" mula sa isang kapatid na kapag hindi pa kami dumating ay baka maiiwan kami dahil aalis na ang bus na sasakyan patungong Madinah. Nadatnan namin lahat ng mga kapatid na sasama na kasalukuyang inihahayag ni Ustadz Hassan ng Al-Hamra ang "final orientation" sa mga ito. Humalubilo kami sa grupo upang makinig din. Natabihan ko ang isang kapatid na kakompanya ko rin. Maaga itong pumunta sa Center kaya hindi niya alam na ako ay sasama. Nagulat siya at sabay tanong "sasama ka pala?" "Alhamdulillah, maawain ang ALLAH, Qad'r," sagot ko. Subalit ang pagkarinig niya sa tinuran ko ay "magaling ako kaya ako nakasama." Tinuwid niya ito at sabi, magpasalamat daw ako sa ALLAH kaya ako makakasama. Pabiro at pasarkastikong pinukol sa kanya, "bro, naglinis ka ba ng taynga mo?" Napag-alaman ko na si Ustadz Hassan lang ang magsisilbing aming tour guide at lecturer sa aming buong paglalakbay. Isa rin siya sa nakasama ko noong huling punta ko sa Madinah. Kaibahan lang ay maraming "Dai'yah" noon na kasama namin at humigit kumulang isang daang katao kami samantalang sa ngayon ay humigit tatlumpo lamang. Napansin ko rin ang kopya ng bawat isa sa mga kapatid na naglalaman ng aming layon at mga gagawin sa buong paglalakbay na piniprepara ni Ustadz Hassan upang maging gabay namin at maging "aware" kami sa dapat naming gawin. "Napakaorganisado at siguradong maganda ang magiging kahinatnan ng aming paglalakbay," bulong ko sa aking sarili. "Sino ang walang papel?", na naglalaman ng pagsang-ayon ng aming mga kompanya sa pagsama namin at magiging katibayan din ng Center kung saka-sakaling may mangyaring aksidente, Allahu alam. "Bakit sumobra tayo samantalang tatlumpo lang ang pinamigay kong papel dahil iyan lang ang bilang ng kapasidad ng ating bus?" "Sinusino ang sumama rito na hindi naman pinagsabihan?", sunud-sunod na tanong ni Ustadz Hassan. Biglang napokus ang aking atensyon sa pahayag niya at sabay lingon sa mga kasama kong parehong walang mga dalang papel. Magkahalong hiya at takot ang aking nararamdaman sa mga sandaling iyon na baka malaman na kami ay kusang sumama lang. "Ito naman ang mga pasaway, terminong ginagamit sa mga matitigas ang ulo," bulalas ko. "Ustadz," tawag ng isa naming kapatid na wala ring papel, "Namisplaced ng aming supervisor ang papel." Sa kasagsagang iyon, dumating si Ustadz Badi, born Muslim at senior teacher sa ibat ibang Dawaah Center, sa kasalukuyan ay nakadestino sa Al-Hamra. Agad sinangguni rito ang pag-sobra ng bilang ng mga sasama. "Mga green naman ang Iqama ng mga iyan, pamirmahin na lang sila," sambit niya. Sa puntong iyon, nawika ko, "Alhamdulillah, Qad'r naming makasama Inshaallah". Nagpakilala ako sa mga kapatid na katabi ko sa upuan, "ako si Abdullah" at bilang ganti sila rin ay nagpakilala. Pinagsama-sama ni Ustadz Hassan ang mga balingkinitan upang magkasya kami sa bus. "Alhamdulillah" nagkasya naman, maayos at komportable naman ang lahat. Ito ang simula ng masaya naming paglalakbay.

Sa bus, masisilayan ang saya at galak na nakarehistro sa bawat mukha ng mga kapatid. Kasabikan sa mga makikita at mangyayari sa buong paglalakbay ang nakakapaloob sa mga una pa lang na punta maging sa mga nakapunta na. Hindi kasi maipaliwanag ang kasiyahan, kapanatagan ng loob at mga "Hassana" o reward na mararamdaman at makakamit sa pagbisita sa lugar ng Madinah. Isa na rito ang sinabi ng Propeta Mohammad (S.A.W), "ang pagsalah o pagdarasal ng Fardh o obligadong Salah ng isang beses sa aking Masjid ay katumbas ng isang libong pagsalah sa mga ordinaryong Masjid." Sa pagtahak namin sa daan, isa-isang pinaliwanag ni Ustadz ang mga dapat at di dapat naming gawin sa buong paglalakbay sa isa sa Banal na lugar at ito ay ang Madinah. Ayon sa kanya, may tatlong Masjid na dapat bisitahin ng mga Muslim. Ito ay ang Masjid Haram sa Makkah, sampung libo ang katumbas ng isang Fardhu na Salah rito, ang Masjid Nabawee sa Madinah, isang libo at ang Masjid Aqsa sa Jerusalem, limang daan naman dito. Pabiro at patawa pa niyang sinabi, "dapat marunong kayong humawak ng baril dahil makipag-giyera muna tayo sa mga kalaban ng Islam bago tayo makarating sa Masjid Aqsa." Kanya ring sinabi na kami ay magtakhbir, dikhr at higit sa lahat ay magdua' sapagkat isa sa pinagbibigyan o pinakikinggan ng ALLAH ay ang dua' ng isang manlalakbay. Dinagdag din niya na kami bilang manlalakbay, kailangan naming magdasal ng pinagsama at pinaiksing obligadong Salah na tinatawag na "Kashar". Sa mga oras na iyon, patakda na ang Salah ng Maghrib. Ang apat na raka'a na obligadong salah ay papaiksiin ng dalawang raka'a lamang maliban sa Maghrib at Faj'r. Ang Maghrib ay tatlong raka'a at Faj'r at dalawang raka'a lamang kaya kung ito ay paiiksihin mananatili ito sa kanilang orihinal na raka'at, habol na pahayag ni Ustadz. Pagkatapos naming magdasal ng Maghrib at Eisha na ginawang "Kashar", pinagpatuloy ang mahaba-habang biyahe. Kanya-kanyang aktibidades ng bawat isa. May nagkukwentuhan, nagmumuni-muni, may nagdidikhr, may nagdudua' at may natutulog. Sa kalagitnaan ng biyahe, halos karamihan ay gutom na kaya nagpasya si Ustadz na sa madadaanan namin kami ay kakain na ng panggabihan. Sa unang nadaanan namin, okupado na ito ng ibang grupo na ang layon din ay maglakbay sa Banal na Madinah. Aming pinagpatuloy ang pagtahak ng daan at umaasang "Inshaallah" sa susunod na "stop over" ay makakakain na kami. "Alhamdulillah" nakahanap din kami ng makakainan. "Kabsah" kanilang katawagan sa dilaw na kanin at inihaw na manok. Ang lahat ay busog kaya sa pagpatuloy ng aming paglalakbay, halos lahat ay nakatulog at sa haba na rin siguro ng biyahe. Hindi ako makatulog kaya nagdikhr na lang ako at nagdua' ng pasasalamat sa ALLAH sa binigay niyang magagandang pangyayari sa buhay ko at maging sa di mabubuti sapagkat alam kong may dahilan "Siya" kung bakit pinaramdam sa akin ang mga iyon. Bumalik din sa aking balintataw ang huling pagdalaw ko sa Madinah. Halos magdadalawang taon na pala ang lumipas. Mas marami na sigurong pagbabago rito at mas lalo siguro itong gumanda base sa mga nababalitaan kong kagagaling palang dito. Sa aking pagbabaliktanaw, hindi ko namalayan na dinalaw rin pala ako ng antok at nakatulog. Tinapik ako ng isang kapatid na sanhi ng aking paggising at kanyang tinuran, "gumising ka na, nasa Madinah na tayo." "Hatinggabi na pala." Luminga-linga ako sa

aking paligid at nataos ko sa aking sarili, "ito na nga ang Madinah." Natatanaw ko ang maliwanag, napakaganda at maaliwalas na Masjid ng Propeta Mohammad (S.A.W.), ang Masjid Nabawwee. Tumungo kami sa aming magiging akomodasyon sa dalawang gabi at dalawang araw naming paglilibot sa mga importanteng lugar sa Madinah bilang Sunnah, mga ginawa at sinabi ng Propeta Mohammad (S.A.W). Dahil na rin sa pagod gawa ng haba ng biyahe, agad din kaming nakatulog. Kailangan pa naming gumising ng maaga upang magsalah ng Salahtul Faj'r at umaasang makapwesto sa unahan kung saan matatagpuan ang tinatawag na Al-Rawdah, ang pinaka-orihinal na Masjid noong kapanahunan ng Propeta. Dito rin magandang makapagsagawa ng dalawang raka'a na Sunnah at magdua' dahil mas dinidinig ng ALLAH ang lahat ng ating mga kahilingan. Dahil sa kapaguran at kunting oras lang ang aming itinulog. Nagising ang halos karamihan sa amin na malapit ng tumawag ng "Adhan," pahiwatig na ang Salah ay sumapit na. Kami ay napabalikwas, inayos ang mga sarili, nagwudhu at dali-daling tumungo sa Masjid Haram, Al Nabawee, ang Masjid ng Propeta (S.A.W). Nang matapos ang Salatul Faj'r, kami ng matalik kong kaibigan at iba pa naming kasama sa grupo ay tumungo sa Al-Rawdah upang magsagawa ng dalawang raka'a na Sunnah. Tumuloy kami sa libingan ng Propeta (S.A.W.) at ng kanyang Shahaba na si Abubakr at Omar, sumakanila nawa ang kapayapan, upang magSalam sa kanila. Ang kanilang libingan ay matatagpuan mismo sa loob ng Masjid at magkakatabi. Alam kong ganito rin ang ginawa ng iba pa naming mga kasamahan na nag-grupo rin. Bumalik kami sa aming otel upang makakain ng agahan at ipagpatuloy ang naudlot naming pamamahinga. Isa-isang inikot ni Ustadz ang bawat silid na okupado ng aming grupo mga bandang alas-onse ng umaga upang gisingin at paalalahanan na malapit na ang Salahtul Duhur. Nag-iwan siya ng mensahe na pagkatapos ng Salah ay magkikita kami sa bukana ng Masjid Haram upang sabay-sabay na maghanap ng makakainan. Pambansang "Kabsah" muli ang aming tanghalian. Masayang nagsalo-salo ang lahat sa biyaya ng ALLAH at Alhamdulilllah busog na naman ang bawat isa. Bumalik kami sa otel pagkatapos ng tanghalian para magpahingang muli at makaipon ng sapat na lakas bilang paghahanda sa susunod naming aktibidad na gaganapin pagkatapos ng Salahtul As'r. Habang naghahanda kami para sa Salahtul As'r, pakompronta at pangiti kong sinabi sa isang kapatid, "Ya habibi, Alhamdulillah nakasama tayo rito sa Madinah ngunit nakapagsinungaling yata tayo ukol sa papel na dapat pinayagan tayo ng ating kompanya." "Hindi naman ako nagsinungaling, namisplaced naman talaga ng ating supervisor ang papel ng isa nating kapatid, siya ang tinutukoy ko, napasama na tayo roon," pahalakhak na intelehente niyang kasagutan. Sa ganuon kaming pagbibiruan, muli na namang naglibot si Ustadz sa aming mga silid upang ipaalam na pagkatapos ng Salahtul As'r, agad ding kaming bumalik sa otel sapagkat dito naghihintay ang bus upang kami ay tumungo sa Mt. Uhud. Malinaw at pasang-ayon kaming tumango sa kanyang paalaala. Sabik na ang lahat tumulak patungong Mt. Uhud ngunit may ilan ding mga kapatid na naging pasaway o sabihing nating malabo ang pagtanggap sa paalaala ni Ustadz kaya medyo naantala ang aming paglilibot dahil sa paghihintay sa kanila. Magpaganunpaman, masaya naming narating ang Mt. Uhud, dito ang pinangyarihan ng labanan ng grupo ng Propeta (S.A.W.) laban sa mga Kuffar noong kanyang kapanahunan

kung saan sila ay natalo. Limampung mamamana ang tinalaga ng Propeta (S.A.W.) sa bundok na ito at sinabi niya sa mga ito, "huwag na huwag kayong umalis sa inyong mga pwesto hanggat wala akong pahintulot." Nakakalamang na sila sa labanang iyon ngunit nabighani itong mga mamamana na bumaba dahil sa kanilang nakikita ang kanilang mga kasamahan na nasa ibaba ng sa mga oras na iyon ay namumulot ng mga naiwang sandata ng mga kalaban. Agad namang sumugod ang puwersa ni Khalid, kalaban pa ng Islam sa panahong yaon, mula sa likod ng bundok at doon naipit sa gitna ang mga Muslim na sanhi ng kanilang pagkatalo. Ang buod na kwento ni Ustadz tungkol sa Mt. Uhud. Ang "moral lesson" daw nito ay "kung ano ang sinabi o inutos ng pinuno ay dapat sundin ng kanyang mga tagasunod." Pinuntahan din namin ang itinuro niyang libingan ng mga Pitumpong "na-Shaheed," mga namatay sa labanan sa pagtatanggol sa relihiyong Islam, sa labanang yaon. Bago kami umalis sa lugar na ito, humingi muna kami ng mga babasahin tungkol sa Islam sa wikang Ingles at Tagalog. Sumunod naming pinuntahan ang Masjid Quba, dito kami magsasagawa ng dalawang raka'a na Sunnah na ginawa ng Propeta (S.A.W.). Ipinaliwanag ni Ustadz na walang Sunnah sa pagitan ng As'r at Maghrib maliban sa "Attahiyatul Masjid" at ang pagSalah sa patay. "Ang gagawin nating Sunnah sa Masjid Quba ay ang "Attahiyatul Masjid" bilang respeto sa Masjid,” giit ni Ustadz. Aming nadaanan ang "Masjid Qiblatain," dito dumako ang paliwanag ni Ustadz. Ayon sa kanya, kaya raw tinawag itong "Qiblatain" dahil dalawa ang Qibla nito base na rin sa hugis at disenyo nito. Kwentoni Ustadz, " Habang may nagsasalah dito ng Fardh, bumaba ang rebelasyon na ang Qiblah ay dapat humarap sa Makkah, matatagpuan ang "Baitullah," tahanan ng ALLAH. Ang Imam sa panahong yaon ng Salah ay nakaharap sa Jerusalem at ito ay lumihis ng harap sa Makkah na hanggang sa ngayon tuwing nagsasalah ang lahat ng mga Muslim, sila ay nakaharap sa Baitullah sa Makkah." Narating namin ang Masjid Quba at dito ay nagsagawa kami ng Sunnah "Attahiyatul Masjid". Tinahak naming muli ang pauwi sa aming akomodasyon ngunit medyo naligaw pa kami ng landas na kumunsumo rin ng mga ilang minuto kaya imbes sa otel ang tuloy namin, sa Masjid Haram na kami tumungo dahil pasapit na rin ang "Waqtu", oras ng Salah, ng Maghrib. Sa puntong ito, muli namang nagbigay ng paalaala si Ustadz para sa amin, "Oras ng pamamasyal ninyo, pagbili ng mga pasalubong at kung ano ang gusto niyong gawin sa pagitan ng Maghrib at Eisha." Ngunit diin niya "pagkatapos ng Eisha, bumalik kayong lahat sa otel dahil mayroon tayong pag-aaral at lulutuan tayo ng isa nating kapatid ng pansit." Masayang balita sa amin yaon dahil makakatikim kami ng ibang putahe ng pagkain. Isang kapatid ang sumigaw, "pansit na may manok naman", tawanan ang lahat. Nang matapos ang Maghrib, niyaya ko ang aking matalik na kaibigan na kami ay tutungo sa aking "espesyal na kaibigang babae" sapagkat ito ay naghanda ng hapunan at kami ay inimbitahan. Sinubukan kong tawagan ang ibang kapatid para sumama ngunit patay ang kanilang mga "cellphone". Pinagluto kami ng isda, bihon, may manok din at may panghimagas pang "macaroni salad at "chips". Alhamdulillah, nabusog kami. Maiksing kumustahan at kwentuhan lang ang naganap sa pagitan namin. Nagpaalam din agad kami dahil tatakda na ang "Eisha". Pinagbalot pa niya kami ng pagkain bilang pasaslubong sa mga kapatid. Pinabigay niya rin ang kaunting arabic tapes at binigyan

niya ako ng puting T-shirt, pabango at maliit na Qur'an na may translation ng wikang Ingles. Pagbalik namin sa otel, nadatnan namin ang mga kapatid na nagpapahinga at may natutulog na rin ng dahil na rin siguro sa kapaguran. Sa aming silid, agad ding nasamsam ang pagkain na dala namin ng aking matalik na kaibigan "Hindi sila masyadong gutom," singhal at ngiti ko. Ang ilang kapatid ay abala sa pagluluto ng pansit. Tinapay at masarap na pansit ang aming naging hapunan. Alhamdulillah, nabusog na naman ang lahat. Pagkatapos ng hapunan, kanya-kanyang nagsitulugan ang mga kapatid kaya walang nangyaring pag-aaral sa gabing iyon. Bago kami tumungo sa Masjid Haram upang magsalah ng Faj'r, humabol ng paalala si Ustadz, "pagkatapos ng salah magkita-kita tayo sa bandang parteng hulihan ng Masjid upang magkaroon ng "Qur'an Reading". Tatlong "Qul" na Surah ng Qur'an ang aming binasa, ito ay ang "Ikhlas", "Nas" at "Falaq". Nang matapos ang Qur'an Reading, inutusan kami ni Ustadz na magsalah ng Sunnah. Ang Sunnah bago tuluyang sumikat ang araw, katumbas nito ay para ka ring "nag-Umrah". Nagsalam din kami sa libingan ng Propeta (S.A.W.) at ng dalawang Shahaba na sina Abubakr at Omar. Tumuloy din kami sa libingan ng mga Muslim. Mga Shahaba ng Propeta (S.A.W.) ang mga nakalibing doon maging hanggang sa kasalukuyang panahon. Tinahak namin ang papuntang otel at doon ay nag-agahan at itinuloy ang pamamahinga. Nang mapawi na ang aming mga antok at nakaipon na rin ng sapat na lakas, tinipon kami ni Ustadz upang ipaliwanag ang mga dapat pa naming gagawin. Nagbigay rin siya ng paliwanag tungkol sa pagkansela ng aming pag-aaral noong nakaraang gabi. Ayon sa kanya, nakita niyang ang lahat ay mukhang pagod kaya hinayaan niyang magpahinga na lamang kami. Ngunit amin itong ipagpapatuloy sa bus habang kami ay tatahak pauwing Jeddah. Kanya ring sinabi na kami ay maghanda sa aming mga sasabihin sa pagpapakilala ng bawat isa at ang dahilan kung bakit ka bumalik sa Relihiyong Islam para sa mga bago at payo sa mga bago para naman sa mga matagal ng Muslim at mga born Muslim. Tinapos niya ang pagtitipon sa pagsasabing maghanda na kami para sa Salahtul Jum'ah at iimpake na ri namin ang aming mga gamit na dadalhin pauwi. Sa otel kami magkikita pagkatapos ng Salah at dito na rin kami tutulak pauwi. Naghanap muna kami ng makakainan ng tanghalian bago tuluyang umuwi. Napadpad kami sa isang restoran na dating gawi "Kabsah" na naman ang aming nilamutak at Alhamdulillah busog naman ang lahat. Napangiti akong ibinulong sa aking sarili, "papalipasan ko muna ang isang linggo bago muling kumain ng "Kabsah". Nasa bus na kaming lahat ngunit hindi pa rin nakabalik ang dalawang nagpaalam kay Ustadz na ihahatid lang sa isang kapatid ang padala sa kanya mula sa Jeddah. Ang dalawa ay tumawag sa isang kapatid upang itanong kung anong lugar ang aming kinainan dahil hindi na raw nila matandaan ang pabalik dito. Sa kasawiang palad, pati ang driver na nasakyan nila ng kausapin ni Ustadz ay hindi rin alam ang pasikut-sikot ng Madinah kaya sila ay naligaw. Sa medyo may katagalan ng paghihintay, naiinip na ang karamihan at sanhi na rin ng kainitan ng panahon, nagpasiya si Ustadz na itanong sa Jamaah kung sila na ay iiwan at sumakay na lang sila ng pampasaherong bus patungong Madinah. Halos sumang-ayon ang karamihan. Ngunit sa aking isipan at aking opinyon, hindi rin nila alam ang Madinah at hindi naman nila sinasadya ang kanilang nagawa. Sana Jamaah

tayong umalis sa Jeddah, Jamaah pa rin tayong bumalik dito. Tumawag uli si Ustadz sa dalawa upang sabihing bumalik sila sa Masjid Haram at doon sila sumakay ng pampasaherong bus pauwi. Ngunit di ko na alam anong ang sinabi ng dalawa kay Ustadz sanhi ng pagbago ng desisyon niya at sinabi sa kanila na magpahatid na sila sa Masjid Quba at doon na lang kami magkita. Naabutan kami ng Salahtul As'r sa Masjid Quba at dun na kami nag-Salah. Alhamdulillah dumating na rin ang dalawa at nang kami ay nasa bus na, nagwika si Ustadz ng "Qad'r o nakatakda tayong dito sa Masjid Quba makapag-Salah ng As'r". Pinagpatuloy namin ang aming biyahe pauwi at maya-maya ay sinimulan na rin namin ang pagpapakilala ng bawat isa. May tawanang nangyari dahil na rin sa iilan sa mga kapatid na kinakabahan, may nagkukuwento at sinisingit ang katawa-tawang kwento na nakatulong sa amin upang lalong makinig at pakinggan ang inilalahad ng bawat isa sa amin. May ilan ding tumayo sa harapan upang magbahagi ng kanyang natutunan sa Islam at ng kanyang kaalaman. Bago niyan, may isang kapatid na naatasang magtranslate ng Qutba O sermon ng Imam sa Salahtul Juma'ah. Ang pinakabuod ng Qutba ay pakikipagkaibigan sa masama at mabuti. Inihalintulad ito sa musk o pabango kung ito ay mabuti, masasabuyan ka ng kabanguhan at kung ito ay masama ay parang talsik na baga ng isang panday na ikaw ay mapapaso. Sa aming nadaanang Masjid kami nag-Salah ng Maghrib at Eisha na ginawang Kashar, katulad nung ginawa namin ng papunta pa lang kami. Pagdating sa Jeddah, kanya-kanyang babaan ang mga kapatid patungo sa kanilang sariling akomodasyon. Assalamualaikum ang namutawi sa bawat isa habang nagpapaalaman. Dito nagtatapos ang aming paglalakbay sa Madinah. Isa naman itong hindi ko makakalimutang paglalakbay na nagdulot sa akin ng kasiyahan, pagtibay ng Eeman o paniniwala sa Islam at pagkakaroon o pagkakilala ng mga bagong kapatid na minsan sa aking buhay ay naging parte sila nito at mananatili ang "brotherhood" kahit saan man panig ng daigdig mapunta ang bawat isa. Sana, Ya ALLAH, muling maulit ang paglalakbay na ito Aameen. Ang paglalakbay sa mga lugar na inutos ng ALLAH ay walang katulad sa kahit anumang paglalakbay na gagawin dito sa mundo. Anumang pagod, hirap at pasakit na matamasa mula rito at papalitan ng ALLAH ng Hassana o reward. Kasiyahang naidulot ng isang kapatid ay hindi matatawaran sapagkat ang "brotherhood na tinatawag dito sa Islam ay walang katapusan hanggang sa kabilang buhay. Ang ating mga natutunan mula sa ating mga kapatid at mismo sa paglalakbay na ito ay ating sanang ihayag at ituro sa iba pa nating kapatid dahil inutos sa atin ng ALLAH na ipahayag o ipaalam ang ating mga natutunan sa Islam. Assalamualaikum Warahmatulahi Wabarakatuhu. The author is an OFW in Jeddah

Related Documents

Madinah
November 2019 34
Madinah - Do'a.docx
June 2020 18
Al Madinah
November 2019 30
Al Madinah
May 2020 20
An Madinah
October 2019 29
Mecca & Madinah
November 2019 32