Kuwentong Bayan.docx

  • Uploaded by: Ethan Esilen
  • 0
  • 0
  • May 2020
  • PDF

This document was uploaded by user and they confirmed that they have the permission to share it. If you are author or own the copyright of this book, please report to us by using this DMCA report form. Report DMCA


Overview

Download & View Kuwentong Bayan.docx as PDF for free.

More details

  • Words: 2,776
  • Pages: 12
M3 Ethan John V. Esilen 7C- St. John

2/26/19

Kuwentong Bayan Laguna Mariáng Makiling Si Mariáng Makiling ang diwatang nangangalaga sa Bundok Makiling, Laguna. Siyá ang pinakatanyag na diwata sa mitolohiya ng Filipinas. Inilarawan siyá bilang napakagandang dalaga na hindi tumatanda. Mayroon siyáng mahabàng buhok, nangungusap na mga matá, at kayumangging balát. Kalahating nimpa, kalahating silfide, isinilang siyá ng silahis ng buwan sa Filipinas at kinalinga ng misteryo ng kagubatan at lawa. Naging bahagi ng tradisyong oral ng Filipinas ang alamat ni Mariang Makiling kayâ iba’t ibang bersiyon ang naipása bago pa man ito maidokumento. Isinulat ni Jose Rizal ang alamat ni Mariang Makiling noong 23 Nobyembre 1890 na nailathala sa La Solidaridad noong Disyembre 1890. Ayon dito, walang nakatitiyak kung saan ang tirahan niya: ang mga nakakatagpo nitó sa gubat ay hindi na muling nakababalik sa kanikanilang bayan. May ilang nagsasabing nakatira siyá sa isang engrandeng bahay, hábang sa iba, isa lámang lumang kubo ang kaniyang tirahan. Pinakahilig ni Maria ang paglalakad matapos ang isang bagyo upang ipanumbalik ang kaayusan at kapayapaan sa nasirang kagubatan. Pinahihiram niya ng mga gamit ang mahihirap kapalit ng pagbalik ng mga ito ng gamit at pag-aalay ng putîng dumalaga. Binibigyan din niya ang mga ito ng áni, ginto, relikaryo, at alahas. May isang mangangaso na humabol sa isang baboy-damo na alaga ni Maria ang

M3 Ethan John V. Esilen 7C- St. John

2/26/19

pinatuloy niya sa kaniyang bahay at pinakain, binigyan niya ito ng luya at nang papauwi, naging ginto ang mga ito. Dumating ang panahon, ayon kay Rizal, na hindi na nakikita ang diwata. Sinasabing dahil ito sa hindi na ibinabalik sa kaniya ang mga gamit at hindi na inaalayan ng dumalaga. Maaari ring dahil sa nabigông pag-ibig sa isang binata. Ayon sa isang alamat, umibig si Maria sa isang lalaki at pinagpapalà ang sakahan nitó. Nang magkaroon ng giyera, pinili ng lalaking magpakasal upang hindi sapilitang humawak ng sandata. Nagpakita sa kaniya si Mariang Makiling upang magpaalam at magbigay ng handog para sa nalalapit na kasal ng lalaki. Hindi na nakita pa ang diwata simula noon.

M3 Ethan John V. Esilen 7C- St. John

2/26/19

Mito Ifugao Ang Kuwento nina Bugan at Kinggauan May isang bathala, si Hinumbian, at ang asawa niya ay si Dakaue. Sila ay nagkaanak ng isang babae, si Bugan. Magkakasama silang pamilya sa Luktag (ikalawa sa mga suson o layer ng kalangitan. Ang pinakamataas ay ang Hudog, sunod ay Luktag, pangatlo ay Hubulan, at panghuli ay Kabunian na pinakamalapit sa lupa.). Noong si Bugan ay dalaga na, inanyayahan siya ng kanyang tiyong si Baiyubibi, bathala ng ulan, na bumaba sa ikatlong rehiyon ng langit na Hubulan. Inimbitahan siya rito sapagkat doon sa Luktag, wala siyang gustong mapangasawa. Pagkarating dito, pinayuhan siya ng kanyang mga kamag-anak na humanap ng mapapakasalan. Ngunit ayaw pa rin niya. Pinababa nila siya sa huling suson ng langit, sa Kabunian. Nanirahan siya sa bahay ni Liddum, tagapangalaga sa Kabunian. Niligawan siya nito, ngunit inayawan niya rin ang inialay nitong pagibig. Malapit sa bahay ni Liddum (ang napangasawa ay nagngangalang Lingan) ay may isang lugar na tinatawag na Habiatan na pinaninirahan ng diyos na gayon din ang ngalan. Dumalaw si Habiatan kina Liddum, at doo’y nakita niya si Bugan. Itinanong niya, “Ang magandang dalagang ito, bakit hindi pa siya nag-aasawa?” Sinagot siya ni Liddum, “Sinabihan na namin siya, ngunit ayaw niya. Tinanong ko siya kung bakit. At, alam mo ba? Tumawa lamang siya.

M3 Ethan John V. Esilen 7C- St. John

2/26/19

Kaya’t winika ko, ‘Kung hindi mo gustong mag-asawa rito sa Kabunian, ang mabuti pa’y umuwi ka na roon sa inyo sa Luktag.’ At tumugon siya: ‘Hindi mangyayari iyon. Nais kong manatili rito sa iyong bahay. Ako ang bahala kung kailan ko gustuhing magpakasal. Kapag nakakita o nakatagpo ako ng maiibigan ko, sasabihin ko sa iyo.’” Pagkarinig niyon, nagsalita si Habiatan. “Kung gayon, pasamahin mo sa akin si Bugan. Dadalhin ko siya sa amin at ipakikilala ko sa aking anak na si Bagilat (diyos ng kidlat).” “Mabuti nga kung gayon. Tatawagin ko lamang siya,” sang-ayon ni Liddum. Si Bugan ay pumayag naman. Pagkarating sa Habiatan, dinatnan nila ang binatang si Bagilat na nagtatrabaho. Tinanong ni Habiatan ang diyosa, “O, Bugan, tingnan mo. Hindi ba’t maganda siyang lalaki? Nais mo ba siyang pakasalan?” Sumagot si Bugan, “Siya? Paano ko siya pakakasalan? Ang tapang at ang bagsik kaya niya. Tingnan ninyo, nakapangingilabot ang paggamit niya sa kanyang nakatatakot na sibat! Hindi rin siya marunong tumigil, takbo siya nang takbo rito sa buong kalangitan, sa hilaga, sa timog, sa silangan, sa kanluran. At higit sa lahat, ayaw ko ng kanyang ginagawang pagwasak sa mga halaman, sa mga puno, at sa mga prutas, dahil baka pati ako ay masaktan niya!” Pagkatapos ay nawika ni Habiatan, “Naku, maselan ka pala. Pihikan! Mapili! Tunay ngang hindi madali sa iyo ang makapag-asawa. Kung ayaw mo rin lang palang magpakasal, dapat ay bumalik ka na roon sa inyo sa Luktag.”

M3 Ethan John V. Esilen 7C- St. John

2/26/19

Sumagot si Bugan. “Ayaw ko nang bumalik pa sa Luktag. Ibig kong magpakasal, subalit doon sa lalaking aking maiibigan. Paumanhin sa inyo. Ako’y aalis na.” At umalis nga siya sa bahay ni Habiatan. Habang siya’y naglalakadlakad, napagmasdan niya ang lupa sa ibaba. Maaliwalas at payapa ang panahon kaya maliwanag niyang nakikita ang mundo. Natawag ang kanyang pansin ng isang lugar na tinatawag na Pangagauan. Sa gitna ng gubat doon, may isang Ifugao na nagngangalang Kinggauan – isang binata, nakahubad, walang suot na bahag (sapagkat ang kanyang bahag ay lubhang luma na), at nagtatrabaho. Gumagawa siya ng mga hukay na patibong para sa mga usa, at mayroon siyang tirahang kubo. Nang makita siya ay biglang naibulalas ni Bugan: “O! Kaawa-awang lalaki! Kahabag-habag ang kanyang kalagayan!” At, walang anu-ano’y tumakbo siyang pabalik sa Luktag. Ipababatid niya sa kanyang ama, si Hinumbian, na ibig niyang bumaba sa daigdig at pakakasalan niya si Kinggauan. Pumayag naman ang kanyang ama, at siya nga ay bumaba sa mundo. May dala-dalang isang lalagyang naglalaman ng lutong kanin at isang bahag, nagtungo si Bugan sa kubo ni Kinggauan. Pagkapasok, kanyang itinanong, “Sino ang nagmamay-ari ng kubong ito?” Nagulat si Kinggauan at siya’y agad na nagtago. “Ako,” sagot niya sa nagtanong, “ngunit ako’y nahihiyang lumabas sapagkat babae ka at wala akong suot.” Wika naman ni Bugan, “Di bale! Hindi ka dapat mahiya. Heto, may dala akong bahag para sa iyo.”

M3 Ethan John V. Esilen 7C- St. John

2/26/19

Ngunit hindi pa rin lumabas ang lalaki dahil sa hiya. Kung kaya’t inihagis na lamang ni Bugan ang bahag na kinuha’t isinuot naman ni Kinggauan. Laking gulat ng lalaki nang makita ang babae at winika, “Bakit ka naparito? Hindi mo ba alam na isang malaking kamalasan kapag ang babae ay nakipagkita sa lalaki habang gumagawa ng mga patibong sa pangangaso?” Sagot naman ng babae, “Bahala ka sa iyong iniisip, ngunit sinasabi ko sa iyo: sa halip na kamalasan, isang malaking suwerte ang darating sa iyo dahil sa akin. Sa ngayon, halika, sabay tayong kumain at matulog dito sa iyong bahay. Bukas na bukas din, makikita natin ang iyong suwerte sa pangangaso mo.” Nang sumunod na araw, pinuntahan nila ang mga patibong na hinukay ni Kinggauan, at ang mga iyon ay punung-puno ng mga hayop. Pinatay ni Kinggauan ang mga nahuli at buong araw ay wala siyang ginawa kundi iyon at ang pagdadala ng mga ito sa kanyang kubo. Nagtira lamang siya ng dalawang buhay na hayop – dalawang biik, isang lalaki at isang babae – na pinaalagaan niya kay Bugan. Kinabukasan, inusisa ni Bugan si Kinggauan. “Matanong ko lang, bakit mag-isa ka lang na naninirahan sa ganitong klase ng lugar?” “Dahil ang mga magulang ko ay mahirap lamang at sila’y kuripot. Hindi nila kayang ibigay ang aking pangangailangan,” malungkot na sagot ng lalaki. “Halika. Pumunta tayo sa inyo,” biglang yaya ng babae. “Ha? A… e…”

M3 Ethan John V. Esilen 7C- St. John

2/26/19

“Sige na. Gusto kong makita ang mga magulang mo,” pangungulit ni Bugan. Napapayag naman si Kinggauan. Iniwan nila ang kubo pati ang mga nahuling hayop. Ang dala lamang nila’y ang dalawang biik. Nagtungo sila sa Kiangan kung saan naroon ang mga magulang ng binata. Unang pumasok sa bahay si Kinggauan, kasunod si Bugan. Dinatnan nila roon ang kanyang ina. Nagulat ang matanda, “Aba, sino ang babaeng ito?” “Naroroon lamang po ako sa aking bahay nang bigla siyang lumitaw. Ni hindi ko nga po alam kung saang lupalop siya nanggaling.” Ang matandang nanatili sa pagkakaupo, matapos mapagmasdan ang dalawa, ay tinanong si Bugan. “Binibini, ano ang iyong pangalan? At saan ka ba nakatira?” Sumagot ang dalaga. “Ako po si Bugan, anak nina Hinumbian at Dakaue, isa po akong bathala sa rehiyon ng langit na tinatawag na Luktag. Subalit ako po ay bumaba rito sa lupa, sapagkat nais ko pong samahan ang inyong anak. Nakita ko kasi siyang nag-iisa at lubhang nalulungkot. Naawa ako kaya dinalaw ko siya sa kanyang bahay at pinagkalooban ng suwerte sa pangangaso. A, siya nga po pala, bukas po, dapat tayong magpadala ng mga tao roon sa kubo niya upang kunin ang napakaraming mga hayop na kanyang nahuli.” Namangha ang matanda sa mga sinabi ni Bugan. Nagkataong ang pangalan ng ina ni Kinggauan ay Bugan din, na may karugtong na na kantalao.

M3 Ethan John V. Esilen 7C- St. John

2/26/19

Hindi naglaon, nagpakasal ang binata at dalaga, ngunit hindi maringal (enggrande) o pormal na kasal. Nagsilang si Bugan ng isang malakas na sanggol na lalaking pinangalanan niyang Balituk. Ang mga biik na dinala nila ay lumaki na at nagkaroon na rin ng anak. Sapagkat galing sa langit, si Bugan ay hindi kumakain ng mga pagkaing gaya ng kinakain ng mga tao. Ang gusto lamang niya ay kanin, mga ibon, at karne ng mga hayop na nahuhuli ng kanyang bana (asawang lalaki). Ang mga tao sa kanilang lugar ay hindi siya nagustuhan dahil hindi niya sila katulad, isa siyang estranghero sa kanila. Lalo pang tumindi ang kanilang inggit at galit sa kanya nang makita nila ang napakarami niyang alagang mga ibon at baboy. Pagkatapos ay kanilang nalamang ayaw ni Bugan ng ilang mga gulay at isda. Kung kaya’t isang araw ay pinalibutan nila ang bahay niya ng mga ito. Nagtagumpay sila, at si Bugan ay nagkaroon ng matinding pangangati sa katawan at mataas na lagnat. Lumisan siya sa kanyang bahay at nanirahan sa ibang lugar, habang si Kinggauan naman ay tumira sa isang kamalig o imbakan ng mga bigas. Subalit ang mga tao sa pook na kanyang tinuluyan ay nagalit din sa kanya at naglagay na naman ng mga gulay at isda sa kanyang paligid. Hindi siya gumaling sa sakit at nagdulot pa ang mga ito ng pagsusuka. Bunga ng masasamang pakana ng mga tao, iminungkahi ni Bugan kay Kinggauan na pumunta sila sa langit, sa Luktag, kasama ang kanilang anak. Sinagot siya ni Kinggauan, “Gusto sana kitang samahan, Mahal, ngunit lubha akong natatakot na umakyat sa gayong kataas na lugar. At isa pa, tirahan iyon ng mga bathala. Ako’y isang hamak na tao lamang.”

M3 Ethan John V. Esilen 7C- St. John

2/26/19

“Walang dahilan para ka matakot, Mahal,” sabi naman ni Bugan, “dahil ako mismo ang magdadala sa iyo sa itaas gamit ang ayud (isang uri ng duyan). Ako ang bahala sa iyo.” Ngunit anumang pilit na gawin ni Bugan, hindi naisantabi ni Kinggauan ang kanyang takot. Naisipan ni Bugan na gumamit ng lubid. Una siyang umakyat sa langit bitbit ang kanilang anak. Siya’y nakarating na sa itaas, subalit si Kinggauan ay hindi sumunod sa kanya. Kung kaya, bumaba siyang muli, bitbit pa rin ang kanilang anak at hinarap ang bana. “Ano ka ba naman, Kinggauan? Alam mo naman ang ginawa sa akin ng mga kababayan mo. Matindi ang galit nila sa akin sukdulang ikamatay ko. Kailangan kong lisanin ang inyong bayan. Ngunit ayaw mo namang sumama sa akin sa Luktag…. A, ang tanging magagawa natin ay hatiin ang ating anak.” “Ano?!” gulat na tanong ni Kinggauan. Ngunit bago pa man siya nakatutol, nakakuha na ng kutsilyo si Bugan at hiniwa ang batang si Balituk. Hinati niya ito sa gitna, sa bandang baywang. Ang ulo at itaas na parte ng katawan ay ibinigay niya kay Kinggauan sa pag-iisip na mas madali para sa banang buhaying muli ang bahaging ito. Sa kanya naman ang ibabang parte hanggang paa. Ang mga lamang-loob, bituka, puso, atay, maging ang dumi ng bata ay pinaghahati rin ni Bugan at ibinigay ang mga kalahati sa kanyang bana. Pagkatapos nito, umakyat na si Bugan sa langit. Doon ay binugahan niya ng hininga ng buhay ang dala-dala niyang bahagi ng

M3 Ethan John V. Esilen 7C- St. John

2/26/19

kanyang anak. Ito ay nabuhay muli at naging isang bathalang pinanatili ang pangalang Balituk. Sa kabilang dako, ang mga bahaging kay Kinggauan ay nabulok at nasira, dahil isa lamang siyang tao at wala siyang alam at kakayahan sa pagbuhay muli ng mga patay. Ang mabaho at umaalingasaw na amoy ng mga nabulok na laman at lamang-loob ay umabot sa tirahan ni Bugan sa Luktag. Nagtungo siya sa Kabunian para malaman kung ano iyon, at natagpuan niya ang mga bahagi ng katawang iniwan niya kay Kinggauan. Labis siyang nahabag at naghinagpis sa nakitang nangyari sa anak. Bumaba siya sa Kiangan at doo’y pinagalitan at sinumbatan si Kinggauan. “Ano’ng ginawa mo sa anak natin?! Ang tindi mo! Wala kang awa! Wala kang silbi! Binulok mo siya! Bakit wala kang ginawa? Bakit hindi mo siya binuhay?!” “Ngunit ano’ng magagawa ko?! Ano’ng alam ko sa pagbuhay ng tao? Wala akong kapangyarihan para gawin iyon! Tao lamang ako, Bugan!” pangangatuwiran ni Kinggauan. Sa huling sinabi ng kanyang bana ay nagimbal si Bugan. Nawika niya sa sarili, “Hangal! Isa akong hangal! Tao lamang siya! Bakit nawala sa isip ko ang bagay na iyon?!” Pagkatapos ay nagmadali siyang kunin ang mga nabulok na bahagi ng anak niya. Maingat niyang tinanggal ang mga nasirang parte at inihiwalay ang mga ito. Sa mga nalabing bahagi, ang ulo ay ginawa niyang kuwago, isang panggabing ibong tinatawag na akup ng mga Ifugao. Sa ibong ito nagsimula ang isang pamahiin ng mga Ifugao – nagdadala ang akup ng kamalasan, kung kaya’t dapat

M3 Ethan John V. Esilen 7C- St. John

2/26/19

silang mag-alay ng mga ibon kay Bugan upang hindi na sila lapitan o gambalain ng akup. Ang mga tainga naman ay itinapon ni Bugan sa gubat at tumubo ang mga ito sa mga puno bilang mga mapanganib na halamang-singaw (isang uri ng fungi). Ang ilong ay inihagis din niya sa gubat at ginawang isang uri ng mga kabuteng nakadikit din sa mga puno. Ang dumi naman ng anak ay ginawa niyang tuka ng isang maliit na ibong tinatawag na ido* na nagpapasya ng kapalaran o kamalasan ng tao. Sa nabubulok na dila ay gumawa siya ng isang sakit – pamamaga ng dila ng mga tao – na magagamot lamang ng nilagang itlog o manok na iaalay nila kay Bugan. Mula sa mga tadyang ay lumikha siya ng mga makamandag na ahas. Mula sa puso, gumawa siya ng bahaghari. Mula sa mga daliri, gumawa siya ng mga kabibe, mahahabang kabibeng parang mga daliri. Ang buhok naman ng anak ay itinapon niya sa tubig, at iyon ay naging maliliit na bulati at uod. Sa balat ay gumawa siya ng isang ibong kulay pula, ang kukuk. Sa dugo ay lumikha siya ng maliliit na mga paniki (litalit). At gamit ang atay, gumawa siya ng isang sakit sa dibdib ng mga tao. Mula sa mga bituka, lumikha siya ng medyo malalaking hayop na kahawig ng kuneho o daga (amunin?). At gamit ang mga buto ng braso, gumawa siya ng mga bulok na kahoy na nahuhulog mula sa mga puno at bumabagsak sa mga taong naglalakad. Ang mga nilikhang ito ni Bugan ay pawang mga bagay na mapanira sa mga tao, bilang ganti at parusa sa kanilang mga ginawang pagpapahirap sa kanya noong siya ay namumuhay sa mundo.

M3 Ethan John V. Esilen 7C- St. John

2/26/19

* Ang ido, o idu, ay ang tawag ng mga Ifugao sa masasamang espiritu. May maliliit na ibong kulay puti at itim na tinatawag nilang pitpit at pinaniniwalaan nilang nagtataglay ang mga ito ng masamang espiritu. Ang mga ibong ito ay tinatawag din nilang ido. Kapag ang isang Ifugao ay naglalakbay at nakakita siya ng ibong ito at narinig niya itong humuni, agad siyang hihinto sa paglakad at mananawagan sa ibon. Tatanungin niya ito kung saan siya marapat pumunta at bakit. Kapag lumipad ang ibong ito pasulong o sa gilid, magandang senyales ito; ngunit kapag lumipad ito pabalik, at humuni sa takot, babala ito sa masamang mangyayari, kaya ititigil na ng tao ang kanyang lakad at uuwi na muna para ipagpatuloy sa ibang araw ang kanyang paglalakbay.

Related Documents


More Documents from "Ethan Esilen"