ELEKSYON By: Anaboy "Abdullah" Kamsa Nasa malayo pa si Pare, natatanaw ko ang kanyang ngiti na halos abot langit ang tuwa. Sa isip ko, ako'y nagtatanong, bakit kaya? Nang ako'y muling lumingon, akin namang nasilayan si Mareng dali-daling naglalakad na ang emosyon ay katulad na katulad ni Pare. Ako'y naman ay muling nag-isip, malalim na malalim, ano kaya ang dahilan bakit napakarami sa panahon ngayon ang tuwang-tuwa. Eleksyon na naman. Ano ba ang pagkakaintindi ng bawat isa sa atin sa tuwing dumarating ang ganitong panahon? Tayo ba ay dapat na matuwa sapagkat may posibilidad na ang ating naihalal noon ay mapapalitan na, na ang alam lang ay puro pangungurakot at pagpapalaki lang ng tiyan o walang silbi sa bayan sa kabuuan. O di kaya'y dapat tayong malungkot dahil baka
ang pulitikong taos sa puso ang paglilingkod sa bayan ay maaaring matalo sa paraang pandaraya sa pamamagitan ng impluwensya ng pera na umiiral sa ating bayan sa ngayon? Nasaan ba ang damdamin natin sa dalawang iyan? Ngiti ba o luha? Sabagay di natin masisisi ang bawat isa. Sa hirap ba ng panahon sa ngayon ay kapit na sa patalim ang solusyon ng karamihan. Ano nga ba ang pakialam nila sa mga pulitikong iyan? Sila ba ay dininig na sa kanilang mga hinaing, hinagpis at pagsusumamo? Paano nga ba naman sila makakasiguro na ang mga bagong kandidato ay may paninindigan na at sila na'y dinggin? Pare-pareho lang ang mga iyan, halos bukambibig ng masa, kami ang mga praktikal lamang, Sa ibang banda naman, paano naman kaya ang mga pulitikong naninilbihan ng tapat, todo kayod para sa pagbabago at halos magpapakahirap alang-alang lang na
maisulong na maituwid ang baluktot na sistema ng ating gobyerno? Di na ba natin sila bibigyan ng katiting na tsansa para maisakatuparan ito? Hindi naman kaya nila ito magagawa kung walang kooperasyon ng bawat isa sa atin. Malay ba natin, baka ito na ang pagbabagong matagal na nating hinihintay. Ang tanong, paano ba natin malalaman na ang mga kandidato ay dadagdag lang na pasanin ng bayan o di kaya ay isusulong ang kapakanan ng bayan? Ang sagot ay nasa sa atin. Kung gaano natin kakilala at paano sinuri ang bawat kandidato base sa kanyang kwalipikasyon, ginawa, at klase ng buhay na kanyang ginagalawan. Nasa magulo mang buhay ngunit prinsipyo'y nananaig sa kanya at laging tuwid ang landas na tinatahak. Walang kinikilingan, nasa ayos ang
pagpapalakad at higit sa lahay may takot sa diyos. Ngunit ika ng marami, halos lahat yata ng mga kandidato ay mabubuti sa una at ng ito'y makapwesto na, nabulag at naging sakim o gahaman na sa kapangyarihan. Nakakalito di ba? Hindi natin bastabasta makikita kung sino ang mabuti o masama. Aha! Malapit na pala ang elekyon. Kaya naman pala, si Pare at si Mare ay nabigyan ni Mayor at ang iba ay naambunan ni kongresman. Hay naku, ako'y napabuntung-hininga, ganito na ba ang umiiral sa ngayon? Mali yata, namana pala natin sa atin pang mga ninuno. Paano na kaya ang henerasyong susunod sa atin? Sa kanila ba'y atin ding ipapamana ang ganitong sistema? Sa tinatawag nating
"bahala na" maƱana habit natin iaasa ang lahat ng ito? Kayo na ang bahalang humusga mga kababayan. Sa akin lang ay sana lahat tayo'y magisip ng mabuti, mapagmasid, mapanuri at huwag ipagsawalang bahala ito. The author is an OFW in Jeddah, K.S.A.