Ang Dekada '70 (Dekada '70: Ang Orihinal at Kumpletong Edisyon), ay isang nobelang Pilipino na isinatitik ni Lualhati Bautista.[1] Ito ay isang pagsasalaysay ng mga pangyayari sa buhay ng isang pamilyang nahagip sa kalagitnaan ng mga magulong dekada ng 1970. Tinatalakay nito kung paano nakibaka ang isang mag-anak na nasa gitnang antas ng lipunan, at kung paano nila hinarap ang mga pagbabago na nagbigay ng kapangyarihan upang bumangon laban sa pamahalaang Marcos. Naganap ang sunud-sunod na mga pangyayari matapos ang pagbomba ng Plasa Miranda noong 1971, ang pagkitil sa Batas ng Habeas Corpus, ang pagpapatupad ng Batas Militar at ang walang anu-anong pagdakip sa mga bilanggong pampulitika. Nawalan ng katiwasayan ang mga mamamayan dahil sa paniniil ng rehimeng Marcos. Napagmasdan ng babaeng katauhan na si Amanda Bartolome ang mg pagbabagong ito na humubog sa dekada. Ina ng limang anak na lalaki si Amanda Bartolome. Habang nagsisilaki at nagkaroon ng sari-sariling mga paniniwala, pananaw at buhay ang mga anak na lalaki ni Amanda, itinaguyod naman ni Amanda ang kaniyang pagkakakilanlan bilang isang mamamayang Pilipino, ina at babae. Ibinungad ng Dekada '70 sa bagong salinlahi ng mga mambabasang Pilipino ang salaysaying ng isang mag-anak na nasa isang partikular na panahon sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang nakahihikayat na katangian ng nobela ay nakasalalay sa pagunlad ng mga tauhan nito na kumakatawa sa bagong henerasyon ng mga Pilipino. Ito ay isang kuwento hinggil sa isang ina at sa kaniyang mag-anak, at sa lipunang nakapaligid sa kanila. Isa itong salaysayin kung paano ang damdamin ng isang ina ay napupunit sa pagitan ng panitik ng batas ang kaniyang mga katungkulan bilang ina. Isang makahulugan ngunit hindi mapanghimagsik na nobelang Pilipino, ang Dekada '70 ay isa sa dalawang nagwagi ng mga pangunahing Gantimpalang Palanca noong 1983.[2] Ginawa itong isang ganap na pelikula ng Star Cinema noong 2003, na kinabidahan nina Christopher de Leon at Vilma Santos. .
Buod ng nobela Ang mga salitang ito'y tila mga lagusan na naghahatid sa mga aktibista, mamamahayag, pulitiko at iba pang naging bahagi ng mga rali't demonstrasyon sa mga alaala ng isang dimalilimutang panahon sa ating kasaysayan—ang dekadang 1970. Ang nobelang Dekada '70 (Carmelo & Bauermann; 228 pahina) ng premyadong manunulat na si Lualhati Bautista ay natatanging akda sa wikang Filipino hindi lang dahil sa pagkamit nito ng unang gantimpala sa Palanca Memorial Awards for Literature noong 1983 kundi dahil sa mapangahas na inilarawan nito ang isang lipunang noo'y nasa bingit ng pagbabago sa gitna ng papalalang krisis pang-ekonomiya at pampulitikang ligalig bago naganap ang tinaguriang EDSA People Power Revolt ng 1986. Sa akdang ito, ipinakita ni Amanda Bartolome (tagapagsalaysay ng nobela) ang mga sakit, ligaya, problema, at adhikain niya bilang babae.
Ang mahabang salaysay ay nakasentro sa panggitnang-uring pamilyang Bartolome, at sa kung papaano naapektuhan ng batas militar ang mga tunggalian at trahedyang naganap sa buhay nila. Katuwang ni Amanda ang inhinyerong asawa na si Julian Sr. sa pagpapalaki sa lima nilang anak na lalaki: ang panganay na si Jules na isang kabataang aktibista na sumapi sa rebeldeng New People's Army (NPA) at pagkatapos ay naging bilanggong pulitikal; si Gani na sa batang edad ay nakabuntis ng babae; si Em na isang manunulat na naghahanap ng pagkakakilanlan sa sarili; si Jason na naging biktima ng salvaging at si Bingo na maaga pa'y nagmamasid na sa mga nangyayari. Sa Dekada '70, mababakas ng mambabasa ang tala ng mga aktuwal na kuwento ng panunupil at karahasan ng mga militar sa mga inosenteng sibilyang nasasangkot sa digmaan, mga paglabag sa karapatang pantao, iba't ibang mukha ng karukhaan at pagsasamantala sa aping mamamayan, at ang walang humpay na paglaban ng mamamayan sa diktadurya sa panahon ng batas militar. Sa paggamit ng awtor ng first person point of view sa kuwento, kapansin-pansin ang hilig ni Amanda na kausapin ang sarili o mind-chatter hinggil sa papel niya sa asawa't mga anak at sa mga usaping bumabagabag sa kanya. Sa pagkatuto niya kay Jules, nakakapaghayag siya ng tungkol sa mga nangyayari "dahil di na ako limitado sa mga bagay lang na may kinalaman sa pampabata't pampaganda, pagdiriwang at mga kaburgisan," wika nga ni Amanda. Hindi tipikal na babae si Amanda, bagkus, isang tao na may likas na kamalayan sa mga pangyayaring kinasasangkutan ng mas malawak na bilang ng mamamayan (na unti-unti niyang natutuklasan) at di nagpapasupil sa limitasyon ng litanya ng asawa na, "Well honey, it's a man's world." Isang mahalagang tauhan sa akda si Jules, isang kabataang namulat ng mga kampanya laban sa tuition fee increase sa paaralan hanggang sa lumao'y piliin niyang lumahok sa sandatahang pakikibakang inilulunsad ng NPA. Ang katangian niya bilang isang rebolusyonaryong nakikibaka para palitan ang sistemang umiiral ay lubhang nakapukaw sa damdamin ni Amanda na minsa'y iginiit ang kalayaang magpasya ng sariling buhay noong sumulat siya sa kapatid ng mga katagang sinipi mula sa tula ng makatang si Kahlil Gibran: "Ang inyong anak ay hindi n'yo anak, Sila'y mga anak na lalaki't babae ng buhay! Nagdaan sila sa inyo ngunit hindi inyo, At bagama't pinalaki n'yo,sila'y walang pananagutan sa inyo…" Sa pagkakaalam ko, ito rin ang madalas sipiin ng mga aktibistang estudyante ngayon sa pakikipag-usap sa mga magulang na hindi nakakaunawa sa kanilang ginagawa! At gaya ng maraming magulang, hindi naiintindihan ni Amanda ang anak sa mga ginagawa nito. Sagot ni Jules sa ina: panahon na para mamili ang tao. Alinman sa dito ka o do'n…Tutulong ka bang baguhin ang kalagayang ito o magseserbisyo ka rin sa uring mapang-api?
Sa di-inaasahang pagkakatao'y nalasap ng buong pamilya ang dagok ng batas militar nang walang awang pinahirapan at pinatay si Jason ng mga di kilalang tao ilang oras matapos itong palayain ng PC dahil sa hinalang gumagamit ito ng marijuana. Sa kawalan ng pagkakakilanlan sa salarin, walang silang nagawa kundi ang tumangis sa kawalan ng hustisya. Ngunit kahit pa sumuong sa matitinding trahedya ang pamilyang Bartolome, nananatili pa rin silang buo sa kabila ng pagkakaiba-iba nila ng prinsipyo. Kahit hindi nagkakaintindihan sa mga diskursong pang-intelektuwal, di nawawala ang mahigpit na ugnayang emosyonal. Ika nga ng isang awit, "sa pagkakalayo ay may paglalapit din." Ang mga pangyayaring ibinunyag sa Dekada '70 ay tila nakapagsisilbing panggatong sa lumalakas at umiigting na tinig ng paghihimagsik sa mga unang taon ng sumunod na dekada. Unang naipakilala sa 'kin ang Dekada '70 noong Oktubre 1996 ni G. Christopher Amat, guro sa Komunikasyon sa College of Arts and Sciences ng University of Perpetual Help System-Laguna (UPHSL). Mula noon, hindi ko tinantanan ang pagbabasa ng aklat hanggang sa ito'y matapos ko sa loob lamang ng dalawang linggo. Para sa mga estudyanteng may progresibong kaisipan, nakaambag ang akda sa pagpapataas ng kanilang pampulitikang kamulatan at pagkamakabayan. Kahit noong mga taong nagsisimula pa lang na sumulong ang pakikibaka para sa isang malayang konseho at pahayagan ng mga mag-aaral sa UPHSL, itinuring ko na ang nobela bilang nirerekomendang reading material para sa pagmumulat at pag-oorganisa sa masang estudyante. May isa ngang kasamang nagmungkahi pa na gawin itong kurso sa pag-aaral ng organisasyon. Sa mga panahong gaya ng dekada 70—na dekada ng pagkamulat at pakikibaka— natutunan natin ang aral na ang bawat isa'y bahagi ng mas malawak na lipunan kung saan ang mga kabataan ngayon, na "isang malinaw na mata at tainga at tinig ng kanyang panahon", ang siyang magpapasya ng kinabukasan ng bayan. Ang luma'y sadyang napapalitan ng bago. Wika nga ng isang bilanggong pulitikal, "ang payapang pampang ay para lang sa mga pangahas na sasalunga sa alimpuyo ng mga alon sa panahon ng unos."