Bataan RTC judge pinakakastigo sa SC (Jojo de Guzman/Nilo Marasigan) BALANGA CITY, Bataan -- Hiniling kahapon ni Orion town mayor Antonio Raymundo sa Korte Suprema na patawan ng kaukulang parusa ang isang Regional Trial Court (RTC) judge sa lalawigan dahil sa umano’y ‘gross ignorance of the law’ nang atasan nito ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ibalik sa kustodya ng kanyang ina ang isang minor rape victim na isang paglabag sa probisyong itinatakda ng RA 7610 o anti-child abuse law. Sa kanyang 5-pahinang sulat kay Supreme Court Administrator Zenaida Elepaño, sinabi ni Raymundo, pangulo rin ng Bataan Mayor’s League, na nadismaya ang kanyang mga kababayan dahil nabalewala ang kanilang pagsisikap na malutas ang problema ng child prostitution sa kanilang bayan nang payagan ni Judge Remigio Escalada, Jr., ng RTC Branch 3 na mapunta muli sa kanyang ina mula sa protective custody ng DSWD ang 16-anyos na biktima ng panggagahasa ng isang natalong mayoralty candidate na si Jose “Pepe” Santos sa katwirang ito ang kahilingan ng dalagita. Isa ang 16-anyos na biktima sa tatlong menor de-edad na naisalba ng mga awtoridad mula sa child prostitution nang kanilang maaresto sa isang entrapment operation ang kanilang bugaw kung saan isa rito ay lola mismo ng naturang biktima. (Nerlie Ledesma)