Buhay Eskwela: Aral Sa Loob, Trabaho Sa Labas

  • April 2020
  • PDF

This document was uploaded by user and they confirmed that they have the permission to share it. If you are author or own the copyright of this book, please report to us by using this DMCA report form. Report DMCA


Overview

Download & View Buhay Eskwela: Aral Sa Loob, Trabaho Sa Labas as PDF for free.

More details

  • Words: 4,452
  • Pages: 11
Isang Pag-aaral sa mga Manggagawang Mag-aaral “Buhay Eskwela: Aral sa Loob, Trabaho sa Labas” Castro, Caroline; Go, Sharleen Dianne; Idanan, Shalaine; Oliveros, Cernan; Santos, Hazel mula sa klase ng I-4 BSN, UST Kolehiyo ng Nursing T.A. 2008-2009. Sa patnubay ni Prop. Zendel Rosario Manaois-Taruc, M.Ed.

Layunin  Makapagbigay ng sapat na impormasyong nauukol sa manggagawang mag-aaral.  Maimulat ang mga mambabasa sa mga epekto, adbentahe at disadbentahe ng pagiging isang manggagawang mag-aaral  Maibahagi ang ilang buhay ng mga piling manggagawang mag-aaral ng kasalukuyang panahon at makapagbigay ng mga rekomendasyong maaaring makatulong sa kanila.  Mapukaw ang mga mambabasa sa mga kwento ng pagiging isang manggagawang mag-aaral at sila ay magsilbing inspirasyon upang magpursigi sa buhay.

I. Mga Kaugnay na Babasahin at Literatura Ang mga kabataang Pilipino ay itinuturing na pinakamahalagang kayamanan ng ating bansa. Ang mga kabataan ngayon ay hindi lamang sa pag-aaral napupunta ang atensyon, may iba na kailangan pang magtrabaho upang matustusan ang kanilang pangangailangan at pag-aaral. Taong 2004, ayon sa World Program of Action for Youth Implementation in the Philippines, tinatayang mayroong 3,408,000 bilang ng mga working students sa ating bansa.

Mahihinuha sa talang ito [table B] na may 4,756,330 ang bilang ng mga kabataang edad 16-24 ang nag-aaral sa antas mula high school hanggang post graduate (2003). Sa talang ito [table 10] naman ay matatayang may 6,483,000 ang kabuuang bilang ng mga employed na mga kabataan edad 15-24. (2003). Ang mga talang ito ay nagpapakita lamang ng bilang ng mga mag-aaral at manggagawa na may edad 15-24, hindi pa mahihuna dito ang bilang ng mga working students dahil ang mga manggagawang kabataan na nabanggit ay maaaring mula rin sa mga hindi pumapasok sa paaralan. Ayon sa talang [table3] ito ay nasa 6,519,000 ang kabuuang bilang ng mga employed na mga kabataan edad 15-24 sa taong 2008. Kung ikukumpara naman ang impormasyong ito sa naunang pahayag na bilang ng mga working students, maaaring mahinuha na halos kalahati ng bilang ng mga manggagawang kabataan (2008) ay mga manggagawang estudyante (2004)

A. Mga Uri ng Working Students Ang mga working students ay mauuri sa dalawa: ang full-time at ang part-time working students. Ang mga full-time working students ay isang mag – aaral na kumukuha ng kabuuang bilang ng kanyang mga yunits para sa isang taon at nagtatrabaho ng 25 oras o mas marami pang oras sa isang linggo. Ang isang part – time working student ay kadalasang nagtatrabaho ng 25 o 20 oras pababa. Ang kanilang mga trabaho naman ay mauuri bilang on-campus o off-campus jobs. (Orszag, Jonathan M. at Whitmore, D. 2001)

B. Mga Epekto ng Pagiging Isang Working Student a) Sa Oras Sa nakalipas na mga pag – aaral; sinasabing “habang humahaba ang oras na inilalaan ng mag – aaral sa pagtatrabaho, umiikli ang oras na nailalaan sa pag – aaral at sa mga sosyal na aktibidad.” (Fjortoft, 1995) (Turtle, Tina). Para magawang balansehin ang oras, sinisigurado ng mag – aaral na nakapokus at produktibo siya tuwing nasa klase. (Lazarony Lucy). Natututo rin ang mag – aaral na iwasan ang pag–aaksaya ng oras. (Salama, Samir 2007)

b) Sa Pagtatapos ng Pag - aaral Ang oras na inilalaan ng mag – aaral sa pagtatrabaho ay nakakaapekto sa kagustuhan ng mag – aaral na tapusin ang kanyang pag – aaral. Kadalasan, ang mga full – time working student ay may posibilidad na tumigil sa pag – aaral. (Orszag, Jonathan M. 2001). Kadalasang nababago ng pagtatrabaho ang mga pangarap ng mag-aaral lalo na kung mahaba ang oras na inilalaan sa pagtatrabaho (15 oras mahigit). Halimbawa kung sa simula ay nais niyang makatapos ng pag – aaral; napapalitan ito ng mentalidad na katanggap – tanggap na ang kasalukuyan niyang hanapbuhay. Kaugnay nito ang kawalan ng interes sa pag – aaral at maling mentalidad ukol sa edukasyon. (Kelly, Karen 1998) c) Sa Akademikong Paggawa Kung ang working student ay naglalaan ng tamang oras (hal. 10 oras kada linggo) sa isang trabahong on campus; may posibilidad na mas gumanda ang kanyang academic performance. (Orszag Jonathan M. 2001) Samantalang kung higit pa sa 15 oras ang inilalaan niya sa pagtatrabaho; may posibilidad na bumaba ang mga grado ng mag –aaral. (Kelly, Karen 1998) d) Sa kalusugan Dahil sa pagod, kadalasang inaantok ang mga mag – aaral pagdating ng klase. Kadalasang idinadaan na lamang nila ito sa pag – inom ng bitamina at pagkakaroon ng mentalidad na walang mangyayaring masama.

C. Adbentahe at Disadbentahe ng Pagiging Working Student a) Adbentahe ● Oportunidad Isang magandang paraan upang maging responsable at marunong tumayo sa sarili ang isang mag-aaral ay sa pamamagitan ng pagtatrabaho o pagiging working student. Sa pamamagitan ng pansamantalang trabaho, lumalawak ang karanasan ng mag-aaral at hindi nalilimitahan sa paaralan. (Salama, S., 2007) ● Wastong pamamahala ng ora Ayon sa isang pag-aaral, nakakatulong ang pagtatrabaho ng maaga sa tagumpay ng mag-aaral dahil nagagawa nitong paunlarin ang kakayahan ng magaaral sa pamamahala ng kanyang oras, sa pagpapauna ng gawain at pakikisama sa kapwa (Mckinney J., Rago M., Tuttle T., 2005). Sila ay kadalasan nagiging matagumpay sa mga ginagawa nila dahilan na rin sa pagkatuto nila mamahala ng oras nila at kung ano ang dapat unahin (Mckinney J., Rago M., Tuttle T., 2005). ● Inspirasyon Ang mga mahahalagang karanasan na maibibigay ng pagtatrabaho ay maaaring makatulong sa magiging o piniling karera ng isang mag-aaral (Choy, 2002). At ito ang nagtutulak sa kanila na mas sipagan pa sa pagtatrabaho at pag-aaral para umangat ang pamumuhay nila. Ngunit ito ay nakadepende pa rin ng malaki sa piniling trabaho ng estudyante partikular na sa mga nag-aaral sa kolehiyo. ● Mga Natutunang Karanasan Ang mga mag-aaral na nagtatrabaho ay nakakatulong din sa kanyang pamilya upang mabawasan ang mga gastusin. Sa halip na maging pabigat sa kanilang mga magulang, ang mga mag-aaral na wala namang gaanong ginagawa ay makakadagdag pa sa kita ng pamilya kung sila ay magtatrabaho din.

Kadalasan pa nga natutunan nila ang maging responsable sa mga bagay-bagay tulad ng paghahawak ng pera, pagbabudget nito, at paggamit nito sa tamang paraan at panahon, alam nila kung paano naghihirap ang mga magulang sa pagtatrabaho kaya’t natututunan nilang alagaan ang perang naipon nila dahil pinaghirapan nila ito (Lazarony, 2001). Ang isang working student ay hindi lamang natututo sa paaralan, kundi pati rin sa kanayng pnagtatrabahuan. Bilang isang working student, matututo kang makiharap sa iba't ibang klase ng tao. Makakakilala ka ng iba’t- ibang uri ng taong may iba’t –iba ang pinagmulan. Maaari pang mahasa ang iyong communication skills. At kung may relasyon sa iyong kurso ang iyong trabaho, may pagkakataon kang mai-aaply agad ang mga leksyon na napapag-aralan mo sa eskwela. Ikaw rin ay matututong magdesisyon para sa iyong sarili. (Munar, 2002) ● Pagpapahalaga Ayon sa ilang mananaliksik “ang mag-aaral na may naiambag para sa kanilang sariling edukasyon ay mas nagpapahalaga sa kanilang pag-aaral (Hampton, 2001). Nagpapakita din sila ng pagiging magandang halimbawa at lider sa mga estudyante. Dahil sa pagtatrabaho ay mas napahahalagahan nila ang perang kinita nila dahil galing ito sa sarili nilang dugo at pawis. b) Disadbentahe ● Pamamahala ng Oras Ang pagtatrabaho din ang pinaka nakakakompromiso dahil madalas nawawalan na ng pokus at oras ang estudyante upang mag-aral. Bagama’t may mangilan-ilan na nagagawang balansehin ang kanilang pagtatrabaho at pag-aaral, mas marami pa rin ang mga estudyante na nahihirapan sumabay sa mga aralin lalo na para sa mga mag-aaral na nagtatrabaho nang higit pa sa labing-limang oras kada linggo. ● Mababang Grado Kumpara sa mga hindi nagtatrabaho ng mas magtagal ay mas mababa ang GPA (General Point Average) kumpara sa mga hindi nagtatrabaho, minsan pa nga bumabagsak pa sila kaya ang iba ay kumukuha ng madaling kurso para makuha pa rin nila ang gradong kailangan nila para makatapos o kaya naman ay nagdadropout nalang sila (Chellgren, 2001). Kung gaano karaming oras ang inilalaan ng estudyante sa pagtatrabaho, ganun naman kaliit ang oras na meron ang estudyanteng nagtatrabaho para sa ibang gawain sa eskwelahan (Fjortoff, 1995). Kung minsan, mas binibigyang halaga ng estudyante ang kanyang trabaho kaysa sa pag-aaral. ● Kalusugan Isa pang di magandang dulot ng pagtatrabaho sa mag-aaral ay epekto nito sa kanyang kalusugan. Bagama’t maraming working students ang umamin na sila ay inaantok at napapagod, naniniwala sila na malusog at wala silang sakit. Ngunit para kay Dra. Rosnato R. Diaz, isang doktor sa Cebu City Medical Center, mapanganib na ipagpawalang bahala nila ang kanilang mga nararamdaman at masamang abusuhin ang katawan sa pamamagitan ng pag-inom ng mga bitamina at suplemento. ● Isyung Sosyal Ang masamang dulot naman sa kanila ay ang kanilang malayong relasyon sa kanilang pamilya, kaibigan o kahit kanino man na malapit sa kanila, ika nga bumababa na ang kanilang social life.

D. Nakukuhang suporta mula sa pamahalaan, employer at paaralan Ang ating gobyerno ay mayroong mga programa para sa scholarships at student loans ngunit ito lamang ay nakakatulong sa 1.82 porsyento ng buong populasyon ng mga estudyante. (CPAYC, 2005) Ang mga manggagawang estudyante na may edad 15-25 taong-gulang dito sa Pilipinas ay maaaring makinabang sa SPES o Special Program for Employment of Students sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa mga pribadong kumpanya at pampublikong opisina tuwing bakasyon. Ang mga SPES accredited employers ay nagbibigay ng 60% na sweldo ng mga estudyante at ang natitirang 40% ay sinasagot ng gobyerno para sa pambayad sa matrikula at mga libro. Sa ngayon, 984,840 na ang nakinabang sa SPES mula 1995. (Uy,2008) Sa ngayon ay may mga batas na isinusulong upang mabigyan ng mga karampatang discounts, ang mga mahihirap na manggagawang estudyanteng kolehiyo, sa pagkain, transportasyon, gamot, matrikula, miscellaneous, school supplies, atbp. (GMANews, 2008) Ayon sa mga mananaliksik, ang mga propesor sa mga paaralan ay kadalasan o lagi namang nakasuporta at nakikibagay sa kanilang mga estudyante na nagtatrabaho. Ito ay sumasalungat sa mga sabi-sabi na kadalasang nakakatanggap ang mga propesor ng reklamo sa kawalan ng suporta sa mga manggagawang mag-aaral. Ang mga estudyante ay siya nang nagsasabi na sila ay nakakatanggap ng suporta mula sa kanilang pamilya at employer. Ang kanilang mga employer ay sadya namang nagbibigay ng maayos na iskedyul kung saan makakaluwag sila sa kanilang pag-aaral. Ang pinansyal na suporta naman mula sa mga employer ay hindi kadalasang nangyayari. (Mullane, 2003)

II. Paglalahad ng Sariling Pag-aaral A. Metodolohiya Sa aming pamanahong papel ay pinili namin ang pag-aaral kaso (case study) upang mapalawak ang aming mga kaalaman sa mga karanasan ng mga manggagawang mag-aaral ng kasalukuyang panahon. Sa ganitong paraan, kami ay nagsagawa ng panayam sa mga napili naming respondente na sa aming palagay ay mayroong kakaibang kwento ng buhay ng pagiging isang working student. Bukod sa panayam, inisaayos din namin ang mga datos batay sa mga kaugnay na pag-aaral at iba’t ibang mga impormasyong aming nakalap. Ang pangkat ay naghanda ng gabay na tanong na may 20 na katanungan. Ang unang bahagi ay ukol sa kanilang mga pangunahing impormasyon tulad ng pangalan, edad at paaralang pinapasukan, ang ikalawang bahagi naman ay ukol sa kanilang mga karanasan sa pagiging working students at ang ikatlong bahagi ay ang kanilang mensahe sa mga nagnanais na pasukin ang buhay ng isang manggagawang mag-aaral. Tatlong respondenteng mga working students ang aming nakapanayam, sila ay ang mga sumusunod: si Ruby Liza Magalong, 16 na taong gulang na nag-aaral sa Bulacan State University sa kursong Sikolohiya, si Mylene Rebato, 18 na taong gulang na nasa kanyang ika-6 na baiting pa lamang ng elementarya sa Perez Elementary School at si Richard Tiu, 18 na taong gulang na nag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas sa kursong Physical Theraphy.

B. Presentasyon, Interpretasyon at Pagsusuri ng Datos Ruby Liza Magalong Ako si Ruby Liza Magalong mula sa isang pamilya sa Bulacan. Ang aming nanay na lamang ang sumusuporta sa aming pamilya, simula ng pumanaw ang aking ama. Wala ng naging regular na trabaho ang aming nanay at kadalasang sumaside-line at paraket-raket nalang siya upang kumita.

Noong ako ay nasa ikatlong taon sa hayskul ay nagsimula na akong magtrabaho dahil narin sa pinansyal na pangangailangan ng aming pamilya, Ako ang panganay kaya sa akin umaasa ang aking nanay na makatulong sa amin. Ang aking mga naging trabaho ay paggupit ng mga disenyo at paglinis ng mga krus sa mga rosaryo, pagbebenta ng tuwalya, pagbabantay ng eatery at ang huli ay ang pagiging kahera sa isang carwash. Hindi ako ang naghahahanap ng trabaho, kinukuha lamang ako ng kakilala ni nanay dahil alam nilang kailangan ko nga ng trabaho. Kailan lamang sa aking ikalawang semestre sa kolehiyo ay nakakuha ako ng scholarship mula sa kapitolyo dahil narin kasapi ang aking ina sa solo parent organization, kaya akin munang ipinagpaliban ang pagtatrabaho para makapagpokus sa aking pag-aaral. Gusto na hindi ko ang pagtatrabaho. Gusto upang makatulong at hindi dahil minsan ay madaming kelangang gawin. Hiyang na hiyang naman ako sa pagtatrabaho at sa pagpupuyat, ramdam ko ay mas lumulusog pa ako at madalang naman ang pagkakasakit ko. Ang aking kita ay sapat lamang sa aking pag-aaral. Para sa akin ang mga adbentahe ng pagiging isang working student ay natututo kang makapagsarili at nakakatulong ka pa sa iyong pamilya, ang pagkahati naman ng oras na dapat ay sa pagaaral ko na lamang itinutuon ang isa sa mga disadbentahe ng pagiging isang working student. Ako ay nag-aaral sa umaga at nagtatrabaho sa gabi hanggang madaling araw. Noong ako ay nasa karinderya ay talagang pagsisilbi lamang dapat ang aking trabaho hanggang mauwi narin sa pagluluto, minsan pa nga ay nakuryente ako sa electric stove dahil hindi ako sanay, electric stove ang gamit dahil doon malapit ang karinderya na ito sa gasolinahan. Binigyan ako ng pagkakataon na kumita ng pera kaya naisip ko na magtinda ng mga makakain at kape para sa mga drayber na kadalasang pumapasada ng madaling araw. Minsan ay naubusan ako ng pansahog, at nakukuha ko pang pumunta ng palengke ng napakaaga para lamang mamili. Sa carwash naman ay naging kahera ako. Ako man ay napalibutan ng mga kabataang mas pinili ang pagtatrabaho kaysa mag-aral dahil narin sa nasubukan ng humawak ng pera, ay patuloy paring nananaig sa akin ang naisin kong makapagtapos ng kolehiyo para makahanap ng mas maayos na trabaho at upang lalong makatulong sa aking pamilya. Minsan ay nagkakaroon ako ng pagtatampo sa aking nanay dahil parang hindi nito ikinalulugod ang aking mga paghihirap na dinaranas pero naliwanagan ako na mas masakit para sa aking nanay na hindi mapag-aral ang kanyang mga anak lalo pa ang makita silang nagtatrabaho dahil siya mismo ay hindi na kayang masustentuhan ang kanilang mga pangangailangan. Ang kanyang pagiging babae ay hindi naging hadlang sa mga dapat niyang gawin sa buhay, para sa kanya ay kailangan maging matapang sa buhay, lalo na sa mga katulad niyang nagtatrabaho. Kung iisipin ay madali lamang ang trabaho niya, pero, dahil sa hanggang madaling araw ang kanyang trabaho ay mahirap ito lalo na’t puro kalalakihan ang kanyang kasama. Aming napansin na kahit sa hirap ng kanyang buhay ay nakukuha niya pang magbiro at maging positibo sa buhay. Sabi nga niya kung dadaanin niya lang lahat ng problema niya sa pag-iyak at depresyon ay talagang wala ng mangyayari sa buhay niya. Mylene Rebato Ako si Mylene mula ako sa probinsya ng Samar. Dahil sa hindi pagkakaunawaan sa pamilya naming ay umalis ako sa amin at namasukan bilang kasambahay, ako ay 14 na taong gulang noon. Mula sa Samar ay nagpunta ako sa Maynila at muling namasukan sa parehong klase ng trabaho.

Masasabing malayo sa kabihasnan ang lugar na aking tinitirhan sa probinsya, wala pa masyadong kuryente roon at hindi pa laganap ang midya. Sa aking pakikipagsapalaran sa bayan at ngayon sa Maynila ay nabuksan ang isip ko sa napakaraming bagay sa mundo. Noong bago pa lamang ako sa Maynila ay napakalaking pagbabago ang aking sinapit dahil hindi ako sanay sa maraming bagay. Naging mahirap din sa akin ang pagtatrabaho dahil narin sa nasabing kadahilanan. Nang lumipas ang panahon, natuto na ako ng maraming bagay pero tila kulang parin iyon dahil hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral. Sa aking pagtatrabaho sa isang pamilya ay nabigyan ako ng pagkakataong makapag-aral muli, at hindi ko na niya iyon pinalampas dahil pangarap kong muling makapasok, nagkaroon man ako ng problema sa aking pagpasok ay, sa awa ng Diyos, nakapasok naman ako. Sa aming probinsya ay ika-4 na baitang lamang ang aking natapos pero dahil narin sa aking edad ay pinaygan na akong makapasok ng ika-6 na baitang. Mga karanasan ko sa trabaho at eskwela: Hindi maiiwasan ang pagalitan ka ng iyong kasamahan sa bahay. Minsan iyon ay kasalanan ko minsan naman ay hindi, pero hindi nalang ako kumikibo at nagpapasensiya nalang dahil alam kong parte iyon ng buhay na aking piniling landasin. Sa aking pag-aaral ay nahihirapan ako sa mga asignaturang Siyensya at Matematika, pero patuloy parin ang aking pagpupursigi na matutunan ang mga iyon. Tinutulungan naman ako ng pamilyang aking pinagtatrabahuan sa aking pag-aaral. Minsan lamang ay tumatapat na maraming gawaing bahay tapos meron pa akong pagsusulit ay hindi ko na makuhang makapag-aral ng maayos. Kung ikukumpara sa isang normal na estudyante o kabataan, si Mylene ay walang-wala. Walang pera panustos sa sarili, walang sapat na edukasyon, walang pamilyang matatakbuhan sa oras ng kanyang kapighatian. Ang kanya na lamang karamay at maaasahan sa buhay ay ang kanyang sarili, ngunit hindi parin iyon naging dahilan upang mawalan siya ng pag-asa sa buhay. Richard Tiu Ako si Richard Tiu. Dahil kailangan kong mabayaran ang mahal na matrikula sa sintang pamantasan, nagtatrabaho ako. Bukod dito, kailangan ko rin kasing tumulong sa pagtugon sa pangangailangan ng pamilya ko. Isa na lang kasi si mama na bumubuhay sa amin. Mahirap pero kailangan para kahit papaano ay makatulong ako. Walong buwan na akong nagtatrabaho bilang isang Online English Tutor. Pangunahing kliyente ko ang mga Japanese at tinuturuan ko ang mga ito upang mapagbuti ang kanilang abilidad sa wikang Ingles. Kumikita ako ng 120 php kada oras o 6 hanggang 9 na libo kada buwan na nakadepende sa haba ng oras na nilalaan niya sa pagtatrabaho. Mapalad ako na ang aking abilidad sa Ingles ay sapat para magampanan ko ang aking pagiging isang Online English Tutor. Ilang adbentahe ng aking nakuhang trabaho ay ang kakayahang kontrolin ang oras na inilalaan ko sa pagtatrabaho at ang pananatili na lamang sa tahanan. Maliban sa akin, nagtatrabaho rin ang aking mama. Gumagawa siya ng lumpiang sariwa para sa mga nagoorder sa kanya. Suportado ako ng kanyang mama sa aking trabaho.Napagkakasya ko ang kanyang kinikita sa aking mga pangangailangan. Nagagawa ko pang makatulong sa pagbabayad sa bill ng kuryente

at telepono. Isa sa mga hindi ko malilimutang pagkakataon ng pagiging isang working student ay ang pagkakaroon kong muli ng digicam. Pangunahing suliranin ng aking pagiging working student ay ang pagkakaroon ng maraming exams kasabay ng trabaho ko at ang kakulangan sa tulog. May pagkakataon din na naisipan kong magtrabaho ng full – time ngunit mas pinahalagahan ko ang kaganapan ng pagkamit sa diploma ng U.P. Sa aking pagiging working student natutunan kong magbadyet ng oras at magtakda ng prayoridad sa buhay – na una ang pag - aaral. Iba-iba man ang pinagmulan, ang trabaho, ang nakagisnang buhay, isa lamang ang nananaig kina Ruby, Mylene at Richard, iyon ay ang naisin nilang makamit ang wastong edukasyong kanilang pinapangarap sa buhay. Sila ay patuloy na gumagawa ng paraan upang matupad lamang iyon. Tunay na kahahanga-hanga ang pagtingin nila sa buhay, salat man sa mga bagay-bagay ay positibo parin sila sa buhay. Gamit lamang ang kanilang mga armas, na kasipagan, kakayahan, kahusayan, katatagan, katapangan, sa buhay, ay nakuha na nilang magpatuloy at lumaban sa mga hamon sa kanilang buhay.

III. Kongklusyon, Rekomendasyon at Bibliograpiya A. Kongklusyon Ang pagiging isang working student ay nagpapakita ng kakayahan ng mga kabataan na pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral. Sa murang edad pa lamang ng ating mga respondente ay nabuksan na ang kanilang mga isip sa lawak ng mundo, sa mga pagsubok ng pagtatrabaho Masaalamin natin sa kanila ang isang tunay na Pilipino na matiyaga at masipag. Mahihinuha din na hindi dahilan o hadlang ang kahirapan sa paghinto sa pag-aaral. Gaya na lamang ng ating mga respondente ay ginawa nila ang kanilang buong makakaya upang mapagpatuloy ng pag-aral o makapag-aral muli. Ang mga problema natin sa buhay ay may mga kasagutang sa atin ay binibigay, ngunit minsan hindi ito ayon sa ating kagustuhan kaya’t dapat ay pinagsisikapan. Sa buhay natin, madalas nasasabi natin na may kulang parin, hindi parin sapat ang kung ano ang meron tayo. Isipin na lamang natin ang mga katulad ng ating mga maggagawang mag-aaral na walangwala, pero nakukuha parin nilang maging positibo sa buhay nila, mangarap, magbigay halaga sa mga bagay at makuntento. Tila hindi nga patas ang buhay ng tao, pero bilang tao, may kakayahan tayong baguhin iyon at maging alinsunod sa ating kagustuhan ang kailangan lamang ay maging matiyaga sa buhay.

B. Rekomendasyon Para sa mga nagnanais sumulat ng pag-aaral ukol sa mga working students. Maaaring magsagawa ng sarbey sa kung ano ang tingin nila sa pagiging isang working student at kung sa tingin ba nila ay nakakabuti ba ito o nakakasama. Maari rin mag-interbyu ng mga manggagawang mag-aaral dati na ngayon ay mga propesyunal at matagumpay na. Ito ay ilan lamang sa mga nais pa sanang gawin ng aming grupo ngunit hindi na namin naisagawa. Para kina Ruby, Mylene, Richard, mga estudyante, mga working students at nagbabalak pa na maging working students ito ang ilan sa mga mungkahi namin sa inyo, na sa tingin namin ay makakatulong sa pagkamit ng inyong mga pangarap sa buhay.

Para maisaayos ang iskedyul, ilista ang iskedyul at ayusin ayon sa prioridad sundan ang halimbawa: Importante : Kailangan Agad Trabaho 8:00-12:00 Importante : Hindi Kailangan Agad Term Paper Wenesday

Hindi Importante : Kailangan Agad Manood ng Basketball 1:00 -2:00 Hindi Importante : Hindi Kailangan Agad Live Concert Friday

Sa pamamagitan nito madali tayong makakagawa ng epektibong iskedyul kahit may isingit pa dito na isang gawain na wala sa ating plano. Halimbawa na lang may importanteng seminar sa darating na biyernes, makikita natin agad na hindi importante ang gagawin natin sa biyernes kaya madali natin itong maisisingit. Maglagay rin ng prioridad sa mga aralin, ilista, sundan ang halimbawa Difficulty Target Grade nd College Algebra 2 1.75 Filipino 4th 1.5 Trigonometry 1st 2.00 th English 5 1.25 Physics 3rd 1.75 Dito makikita natin ang ating mga prioridad, halimbawa may quiz sa Trigonometry at English bukas, makikita natin na mas prioridad natin ang Trigonometry kaysa sa English kaya naman ito ang ating pagaaralan. Kung ang grade ay inilabas at ang marka mo sa Trigonometry ay 1.25 at sa English naman ay 2.25 mas prioridad natin ang English. Ang Difficulty at Target Grade ang magsisilbing basehan ng ating prioridad at kung ano ang kailangan nating pag-aralan. Simple lang naman ang paggawa ng mga listahan na ito. Malaki ang maitutulong nito sa isang working student. Mas mapapadali nito ang kanilang buhay dahil isang tingin lang ay makikita na nila ang prioridad nila. Mahirap mag-isip kung ikaw ay under pressure kaya nga gumagawa ng listahan ang mga tao. Mas magiging malinaw mga dapat mong gawin at tuluy-tuloy pa ang iyong ginawa. Walang lag at magiging efficient ang iyong kilos. Para sa inyong kalusugan, huwag kalimutan ang pagkain ng tamang diet at sa tamang oras. Huwag rin kakalimutan ang sapat na pagtulog o pahinga, ito ay maaring sandali lamang sa mga oras na wala naman kayong masyadong ginagawa tulad na lamang sa biyahe o mga bakanteng oras sa eskwela. Isama narin ang pag-eehersisyo, ito naman ay maaring sa ibang mga paraan tulad na lamang ng paglalakad papuntang klase at trabaho. Hindi man kayo nakakaramdam ng pagkakasakit ay marapat na tiyakin na ninyo na walang magiging masamang epekto ang inyong pagtatrabaho sa inyong kalusugan sa pamamagitan ng pagpapanatili ng maayos na pangangalaga sa inyong katawan. Para naman sa mga pamilya, kasambahay, kaibigan ng ating mga working students, ay minumungkahi laman namin na patuloy ninyo silang suportahan ang sa kanilang ginagawa at intindihin na lamang sa mga oras ng kanilang pagkukulang. Tulungan at patnubayan rin sana natin sila sa kanilang pag-aaral at pagtupad ng kanilang mga pangarap at hindi tayo pa ang mga maging hadlang dito. Ibahagi natin sa kanila na ang edukasyon ay ang tunay na pinakamahalagang bagay na kanilang makakamtan sa buhay kaya marpat lamang na sila ay makapagtapos.

Para sa lahat, huwag niyo rin kakalimutan ang pagdarasal at pagbabasa ng salita ng Panginoon. Dahil sa kanya lamang tayo makakakuha ng kalakasan at karunungan na kailangan natin sa ating buhay. Isipin niyo lagi na ang mga pagsubok sa buhay ay ang mga bagay na tunay na humuhubog sa pagkatao natin, may dahilan ang Panginoon kaya niya ibinigay ang mga iyon sa atin. Gawin ninyong positibo ang tingin sa buhay at huwag kayong mawawalan ng pag-asa dahil kahit anong mangyari ay nandyan ang Panginoon upang gabayan tayong lahat.

C. Bibliograpiya Balmaceda, K., Dalipe, G.(2008). Family needs make kids work, skip school. Nakuha noong Disyembre 29, 2008 sa http://www.sunstar.com.ph/static/ceb/2008/06/11/ news/family.needs.make.kids.work.skip.school.html Bannon, E., King, T. (2002) At What Cost? The Price That Working Students Pay for a College Education. Nakuha noong Disyembre 27,2008 sa www.pirg.org/highered/atwhatcost4_16_02.pdf Chellgren, M. (2001) Study shows working students' performance in school laggin.g Nakuha noong Enero 2, 2009 sa http://www.enquirer.com/editions/2001/05/30/loc_study_shows_working.html Cordillera Peoples Alliance Youth Center and Asia Pacific Indigenous Youth Network. (2005) Review of the World Program of Action for Youth Implementation in the Philippines. Nakuha noong Disyembre 29, 2008 sa http://www.un.org/esa/socdev/unyin/documents/wpaysubmissions/philippines.pdf GMANews.TV. (2008). Bill to provide poor college students with food, transport discounts. Nakuha noong Disyembre 9, 2008 sa http://www.gmanews.tv/story/ 95874/Bill-to-provide-poor-college-students-with-food-transport-discounts Kelly, K. (1998). WorkingTeenagers: Do After-School Jobs Hurt. Nakuha noong Disyembre 27, 2008 sa http://www.edletter.org/past/issues/1998-ja/working.shtml King, J. (2008). Working Their Way Through College. Nakuha noong Disyembre 27, 2008 sa http://www.education.com/reference/article/Ref_Working_Their_Way/ Lausa, J.A. (2008). Student’s Woes. Nakuha noong Disyembre 29, 2008 sa http://www.sunstar.com.ph/static/ceb/2008/09/03/life/students.woes.html Lazarony, L. (2001). More Students Juggling Work and Higher Education. Nakuha noong Disyembre 27, 2008 sa http://www.bankrate.com/yho/news/pf/20011022a.asp McKinney, J., Rago,M., Tuttle, T. (2005). College Students Working:The Choice Nexus. Nakuha noong Enero 2, 2009 sa http://www.indiana.edu/~ipas1/workingstudentbrief.pdf Moore, J.,Rago, M. (2007) The Working Student’s Experience. Nakuha noong Enero 2, 2009 sa http://nsse.iub.edu/pdf/conference_presentations/2007/The_Working_Students_Experience.pdf Mullane, L.(2003). Working Students: What Higher Education Needs to Know. Nakuha noong Disyembre 27, 2008 sa http://www.acenet.edu/AM/Template.cfm?Section=Search&template=/CM/HTMLDisplay.cfm&ContentID=13270 Munar, M. (2002). Working While Studying: Conveniences and Inconveniences. Nakuha noong Enero 2, 2009 sa http://groups.yahoo.com/group/febc-protips/message/378?l=1 National Statistics Office Region 5.(2006). Education of the Working Children. Nakuha noong Disyembre 29, 2008 sa http://www.census.gov.ph/bicol/soc/socfs3.html. Orszag, J., Orszag, P. (2001). Learning and Earning: Working in College. Nakuha noong Disyembre 27,2008 sa http://www.brockport.edu/career01/upromise.htm

Salama, S. (2007). Working students 'grow up to be more responsible. Nakuha noong Disyembre 27,2008 sa http://archive.gulfnews.com/articles/07/06/17/10133018.html Uy, V. (2008). Senate OKs working students bill on second reading. Nakuha noong Disyembre 29, 2008 sa http://newsinfo.inquirer.net/topstories/topstories/view/ 20080501-133891/Senate-OKs-working-students-bill-onsecond-reading Household Population 15 Years Old and Over, by Employment Status, Age Group and Sex: January 2008 http://www.census.gov.ph/data/sectordata/2008/lf080103new.htm Household Population 15 Years Old and Over by Employment Status, by Age Group and Sex: October 2003 http://www.census.gov.ph/data/sectordata/2003/lf030412.htm Percentage of Population 6-24 Years Old by Level Currently Attending, by Age Group and Region, Philippines: 2003 http://www.census.gov.ph/data/sectordata/2003/fl03tabB.htm

Related Documents