Nagsisimula ang pelikulang Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag sa isang kanto ng isang kalyeng ang pangalan ay waring nagbabadya ng kahihinatnan, kung hindi man ng kasalukuyang kalagayan ng buhay ng pangunahing tauhan nito: sa Kalye Misericordia. Bahagya itong binago nina Lino Brocka, ang direktor, at Clodualdo Del Mundo, ang scriptwriter, mula sa nobelang pinaghanguan nito, sapagkat si Julio Madiaga (Rafael "Bembol" Roco Jr.), ang nabanggit na pangunahing tauhan, ay nakatayo naman sa kanto ng Isaac Peral sa umpisa ng nasabing nobela. Ngunit sa kaibuturan ng dalawang obrang ito, walang pinagkaiba ang mensahe ng kuwento ng buhay nina Julio at ng kanyang kasintahang si Ligaya Paraiso (Hilda Koronel). Ang nobelang Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo M. Reyes ay unang lumabas bilang isang serye sa mga pahina ng Liwayway Magazine noong gitnang bahagi ng dekada Sisenta. Isinasalaysay nito ang kuwento nina Julio at Ligaya, kapwa galing sa probinsiya. Hindi na binabanggit dito kung aling probinsiya, sapagkat kinakatawan nila ang libong kapuspalad na nakikipagsapalaran sa lungsod araw-araw. Si Ligaya ang naunang nagbaka-sakali, kasama ng isang matronang babae na nangako sa kanya ng isang simpleng trabaho, na may posibilidad pang makapag-aral at makapagpadala ng kaunting tulong sa iiwanan niyang mga magulang at kapatid. Pagkatapos ng ilang panahon na hindi na nakakapagpadala ng sulat si Ligaya sa kanyang mga magulang at pati na rin kay Julio, minabuti ng lalake na sundan ito sa Maynila upang hanapin ito. Sa paghahanap ni Julio ay mahaharap siya sa realidad ng buhay sa lungsod. Katulad nga ng ipinahihiwatig ng pamagat ng nobela, maaakit siya ng mga kuko ng liwanag ng mga neon lights ng Kamaynilaan, upang maging animong isang walang-muwang na dagang sasakmalin ng isang nakakatakot at makapangyarihang ibong mandaragit. Sa katunayan, walang pag-asang mararamdaman ang mambabasa sa kasasapitan ng dalawang magkasintahan -- sa trahedya mauuwi ang kanilang mga kapalaran. Sa gitna ng nakasisilaw na liwanag na ipinangpapain ng Maynila sa mga biktima nito, itinatatapon nito sa karimlan ng mga nakaririmarim nitong mga sulok at estero ang sinumang mangahas na angkinin ito. Masining ang pagkakasulat ng Kuko. Hitik ito sa mga simbolismo: Ang gusaling unti-unting nagkakahugis mula sa mga sangkap nitong pawid, bakal, graba at semento, na sa bandang huli ay magiging mistulang panginoon pa ng mga kamay at katawang humugis dito. Ang alamat ng esterong walang nagmalasakit na tandaan, na sa kanyang kaitiman ay maaaring nagsisimbolo na rin mismo sa kaibuturan ng lungsod. Huling-huli ng nobela ang baho, ingay, at kalaswaan ng Maynila. Akmang-akma ang pagsasalarawan nito sa mga lugar, pangyayari, at tauhang mapupuntahan, mararanasan, at makikilala nina Julio at Ligaya. Ibinibigay nito sa mambabasa ang isang napakamakatotohanang hibla ng buhay sa hinirang na Reynang Lungsod, ng Lungsod ng mga Pangarap at Kasawian. Sa katunayan nga, kung babasahin mo ngayon ang nobela, maiisip mong maaari pa ring mangyari ang kuwento nito sa kasalukuyang panahon. Baguhin mo lang ang mga pangalan ng kalye sa mga kasalukuyang pangalan nito, bigyan mo lang ng cellphone sina Mister Balajadia at
Misis Cruz, gawin mo lang mas moderno ang tindahan ni Ah Tek, pasakayin mo lang kahit minsan si Julio sa LRT, at para ka na ring nagbabasa ng balita mula sa tabloid na binili mo kaninang umaga lang. O para mo na ring narinig ang istoryang ito mula sa tsuper ng dyip na sinasakyan mo habang ibinibida niya ito sa kanyang katabi habang nagmamaneho. Sa tingin ko pa nga, kung may makakaisip mang gawin muling pelikula ang librong ito, uubra pa rin ito kahit ilagay sa kasalukuyang taon ang production design nito. Ngunit lubog man sa putik at balot man sa dumi at alikabok ang Maynilang isinalalarawan sa nobela, mayroon pa ring liwanag ng pag-asang nagpupumilit na umalpas at umilaw dito. Hindi iilan sa mga makikilala ni Julio ay mabubuting tao pa rin, kapos man sila mismo sa materyal na mga bagay. Kahit hindi nila halos maitawid ang kanilang mga sarili sa pang-araw-araw nilang pangangailangan ay nagagawa pa rin nilang magbigay ng tulong at kabaitan sa kanya. Sino pa ba naman ang magtutulungan, sasabihin nila sa kanya. Oo nga naman. Hindi lang misericordia at kawalang pag-asa ang natutuwang makisalamuha sa mga kabaro nito. Naghahanap din naman ng makakatuwang sa buhay at paglalakbay nila ang mga aba, ang mga napabayaan, ang mga latak ng lungsod. Sa ganitong punto, isang mabisa, walang-kupas, at makatotohanang salamin ng lipunan ang nobela. Mabisa, sapagkat hindi nito itinatago ang katotohanan, bagkus ay ipinapakita ito sa mambabasa sa paraang hindi ito maaaring isa-isantabi. Sa masining at makatotohanan nitong pagkakasulat, wala kang magagawa kundi harapin ito -- sa literal mang lebel o sa mas malalim pa, kung kinakailangan. Walang-kupas naman, sapagkat malungkot mang isipin, ang kuwento nga ay kuwento ng libolibong Julio at Ligayang ipinapadpad ng kapalaran mula sa kanilang tahimik ngunit napakahirap na buhay sa probinsiya patungo sa buhay na hindi nila nauunawaang magiging mas mahirap pa. At makatotohanan, sapagkat hindi nito inihihiwalay ang sarili nito sa realidad ng lipunang sinasalamin nito. Tinatalakay nito ang di-makatarungang sitwasyon ng mga uring manggagawa, ang kaawa-awang kalagayan ng mga maralitang tagalungsod, ang diskriminasyon ng ilang tao sa lipunan sa mga kapwa nito, at ang kabulukan ng sistemang patuloy na nagpapairal sa lahat nang ito. Ngunit higit sa lahat, ipinapakita ang pagkamakatotohanang ito sa katauhan ni Julio at sa kung paano siya kumilos at tumugon sa mga nangyayari sa kanya. Malabong maging santong martir si Julio sa nobela. Hindi siya walang-kibong biktimang nagpapadala lamang sa agos ng kanyang kapalaran. Hindi siya ang busilak na pusong ang tama at wasto lamang ang gagawin ano pa man ang mangyari sa kanya. Si Julio ay hindi si Ibarra na iniinda lamang ang mga kasamaang idinudulot sa kanya ng kanyang mga kaaway. Ngunit hindi rin naman siya si Simoun na naniniwalang kagyat na kasamaan din ang dapat idulot sa mga nasabing kaaway. Sa huli, sabi nga ng may-akda, paano mo mamahalin ang isang katulad ni Julio? Ano ang karapat-dapat na redemption niya sa bandang huli? At ano ang kabuluhan at kahulugan ng kanyang kinasapitan? Maaaring hindi intensyon ng nobela na sagutin ang mga huling tanong na iyan. Maaaring inakala ng may-akda na sapat nang maging salamin ng realidad ang kanyang nobela. Ipinapaubaya niya marahil sa atin ang paghahanap ng mga sagot, ang pagbibigay ng kabuluhan at kahulugan sa
nasabing realidad. Hindi man nito tuwirang sinasabi, maaaring inaanyayahan nitong palawakin ng mambabasa ang kanyang kamalayan sa realidad na ito, at, harinawa, kumilos.