Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay nilikha ng Batas Republika Blg. 7104 (Agosto 14, 1991) na iniaatas ng Saligang Batas ng Pilipinas, na magsagawa, mag-ugnay at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika ng Pilipinas. Ang lahad na misyon ng KWF ay magbalangkas, may-ugnay, at magpatupad ng mga programa at proyekto sa pananaliksik upang higit pang mapabilis ang pagsulong at pagbulas ng wikang Filipino bilang medium ng pangkalahatang talastasan at gayundin ng mga layuning intelektwal. Hangarin ng KWF na paunlarin ang Filipino bilang isang modernong wikang magagamit na mabisang kasangkapan sa kabuuan ng pambansang pagpapaunlad. Ngunit, sang-ayon sa pagsusuri ng iba, tila inutil ang komisyon sapagkat hindi nito nagagawa ang kanyang tungkulin dahil sa kakulangan ng pondo at sa umaalingawngaw na umano'y katiwalian. Ang bunga nito ay ang Filipino bilang isang wikang kinukunsidera pa ring Tagalog at mahina sa bokabularyong teknikal at pang-agham.