The Philippine Hymn Land of the morning, Child of the sun returning, With fervour burning Thee do our souls adore. Land dear and holy, Cradle of noble heroes Ne'er shall invaders, Trample thy scared shore. Even within the skies And through thy clouds And o'er thy hills and sea. Do we behold the radiance, Feel the throb of glorious liberty. Thy banner, dear to all our hearts Its sun and stars alight, O never shall its shining field Be dimmed by tyrant's might! Beautiful land of love, O land of light, In thine embrace 'tis rapture to lie But it is glory ever, When thou art wronged, For us, thy sons, to suffer and die
"Isang Matandang Lalaking May Napakalaking Pakpak" ni Gabriel Garcia Marquez Tatlong araw nang tuloy-tuloy ang pag-ulan at napakarami nang alimasag ang napapatay nila sa loob ng bahay kaya napilitan si Pelayong tawirin ang bakuran nilang lubog na sa tubig upang itapon sa dagat ang mga ito, sapagkat ang anak nilang bagong luwal ay magdamag na nilalagnat at nakuro nilang baka ang alingasaw ng mga patay na alimasag ang dahilan. Napakapanglaw ng mundo mula pa noong Martes. Ang dagat at langit ay nagkulay-abo at ang buhanginan sa aplaya —nagniningning na parang pulburang liwanag sa dilim ng Marso—ay naging isang putikan na hinaluan ng mga bulok na lamang-dagat. Napakakulimlim ng tanghali kaya’t nang umuwi na si Pelayo matapos itapon ang mga alimasag ay hindi niya maaninag kung ano ang bagay na iyon na gumagalaw at humahaluyhoy sa kanilang likuran. Kinailangan pa niyang lumapit bago niya natuklasang ito pala’y isang matandang lalaki, isang matandang-matandang lalaki, na hindi makatayo dahil sa kanyang napakalaking pakpak. Animo binabangungot na tumakbo si Pelayo para kunin ang kanyang asawang si Elisenda, na noo’y nagtatapal ng pomento sa anak na maysakit. Hinaltak niya ito sa likod ng bakuran at tuliro’t upod ang dilang pinagmasdan nila ang nakahandusay na katawan. Gula-gulanit ang damit nito. Mangilan-ngilang uban na lamang ang natitira sa kanyang buhok na lagas na, bungal-bungal ang kanyang mga ngipin, at dahil sa kanyang kalunos-lunos na kalagayan—siya’y matandang-matanda na at basang-basa ang katawan—wala nang mababanaag na anumang dangal na maaaring taglay niya noon. Hindi niya maiahon sa putikan ang napakalaki niyang pakpak-lawin, na napakarumi’t halos lubusan nang nahimulmulan. Sa tagal ng kanilang pag-uusyoso, nakalimutan nina Pelayo at Elisenda ang kanilang sindak at sa huli ay para bang ang pinagmamasdan nila ay isa na lang karaniwang bagay. Tinangka nilang kausapin ito, at sumagot ito sa malakas na tinig-marinero, sa isang wikang hindi nila maintindihan. Iyon ang dahilan kung bakit nakalimutan na nila ang pakpak ng matanda, at nakuro nilang ito marahil ay nag-iisang labi ng isang dayuhang barko na winasak ng bagyo. Gayumpaman, sinundo pa rin nila ang kanilang kapitbahay na babae na marunong sa lahat ng bagay tungkol sa buhay at kamatayan upang ipausisa ang matanda, at sa isang tingin lamang sa matanda ay alam na ng kapitbahay na nagkamli ng akala ang mag-asawa. “Isa siyang anghel,” wika niya. “Malamang na napadako siya rito dahil sa bata, ngunit napakatanda na kaya’t natumba siya ng ulan.” Nang sumunod na araw, alam na ng lahat na isang tunay na anghel ang nabihag sa bahay ni Pelayo. Bagamat sinabi ng kanilang marunong na kapitbahay na ang mga anghel noong panahong iyon ay mga takas na nakaligtas sa isang kutsabahan sa langit, hindi nila maatim na bambuhin ang anghel hanggang sa mamatay ito. Mula sa kusina, hawak ang kanyang batuta, buong-hapong minatyagan ni Pelayo ang matanda, at bago siya nahiga ay kinaladkad niya ito at ikinulong sa tangkal kasama ng mga manok. Sa kalagitnaan ng gabi, nang tumigil na ang ulan, abala pa rin sina Pelayo at Elisenda sa pagpatay ng mga alimasag. Mayamaya ay nagising ang kanilang anak, wala na itong lagnat, at tila gustong kumain. Bigla silang nakadama ng kabaitan at naisip nilang ang mabuti siguro ay ilulan ang anghel sa isang balsa, pabaunan ito ng tubig at pagkain para sa tatlong araw, at hayaan itong hanapin ang kanyang kapalaran sa karagatan. Kinabukasan, nagsisimula pa lang sumikat ang araw, nang pumunta ang mag-asawa sa bakuran ay nakita nila ang lahat ng kanilang
kapitbahay na nakatunghay na sa tangkal at nilalaru-laro ang anghel; hindi man lang nagpapakita ng anumang paggalang ang mga ito, at pinapasakan pa ang mga butas ng tangkal ng kung anu-anong bagay na kanilang ipinapakain sa matanda, na para bagang ito’y hindi isang kataka-takang nilalang kundi isang hayop sa karnabal. Sapagkat nabagabag sa pambihirang balita tungkol sa anghel, si Padre Gonzaga. Wala pang alas-siyete ay naparoon na siya. Noong mga sandaling iyon ay naroon na rin ang mga usurerong hindi naman kasinghangal ng mga nauna sa kanila, at ang mga ito ay abala sa paghula kung ano ang kahihinatnan ng bihag na anghel. Ayon sa pinakasimpleng mag-isip sa kanila, dapat itong gawing alkalde ng mundo. Ang iba namang ay mas matalas na pag-iisip ay nagpanukala na dapat itong maging punong heneral upang pagwagian ang lahat ng digmaan. Hangad naman ng mga taong mapangitain na sana’y gawing palahian ito upang makapagbinhi sa daigdig ng isang lahi ng mga paham na may pakpak na siyang mamamahala sa sansinukob. Ngunit bago siya naging pari, si Padre Gonzaga ay isang matipunong mangangahoy. Nakatayo sa may tangkal, agad niyang nirepaso ang kanyang katekismo at inutusan ang mga naroon na buksan ang tangkal upang mapagsino niya ang kaawa-awang matanda na nagmistulang isang higante;t huklubang inahin sa piling ng mga naaaliw na manok. Nakahandusay ang matanda sa isang sulok, napaliligiran ng mga balat ng prutas at tira-tirang pagkain na initsa sa kanya ng mga naunang dumating, at dito siya nagpapatuyo sa araw ng mga nakabukas niyang pakpak. Nang pumasok si Padre Gonzaga sa tangkal at bumati sa kanya ng magandang umaga sa Latin, bahagya lamang niyang inangat ang kanyang mahihinang mata at bumulong-bulong siya ng mga di-maintindihang kataga sapagkat wala siyang kamalay-malay sa walang kamuwang-muwang na asal ng sangkatauhan. Unang nagsuspetsa ang kura paroko na ang nasa harap niya ay isang impostor nang matanto niyang hindi ito nakakaunawa ng wika ng Diyos at hindi rin ito sanay bumati sa Kanyang mga ministro. At nang lumapit siya’y napansin niyang ito’y taong-tao: mabantot at amoyaraw ang matanda, ang likod ng kanyang mga pakpak ay pinamumugaran ng mga parasito, ang malalaki niyang balahibo at kinawawa ng hangin, at walang-walang mababakas sa kanya na palatandaan ng maringal na karangyaan ng isang anghel. Pagkaraa’y lumabas ang pari sa tangkal at sa isang maikling sermon ay binalaan niya ang mga naroroon na mapanganib ang kamangmangan. Ipinaalala niya na ugali ng demonyo na gamitin ang mga salamangka sa karnabal upang lituhin ang mga hindi nag-iingat. Ipinahayag niya na kung hindi sa pakpak nagkakaiba ang lawin at eroplano, lalong-lalo naman hindi sa pakpak nagkakaiba ang anghel at ibang nilalang. Gayunpaman, ipinangako niyang susulatan niya ang Kamahal-mahalang Papa, na siyang kukuha ng huling hatol mula sa mga pinakataas na korte. Ang kanyang kahinahunan ay binalewala ng mga taong narooon. Mabilis na kumalat ang balita tungko sa bihag na anghel; ilang oras pa at ang bakuran ay para nang palengke sa ingay at gulo. Kinailangan tuloy na tawagin ang mga nakabayonetang sundalo upang itaboy ang mga taong naroon, na dahil sa dami ay halos magiba ang bahay ni Pelayo. Bigla namang naisipan ni Elisenda, na nakukuba na sa kawawalis ng mga kalat, na bakuran ang lugar at pagbayarin ng singko sentimos ang sinumang nagnanais na mag-usyoso sa anghel. Nanggaling sa iba’t ibang dako ang mga dumayo upang mag-usyoso. Isang palipatlipat na karnabal ang dumating sa bayan, kasama ang isang sirkero na ilang ulit na nagpakitang-gilas sa mga naroroon, ngunit walang pumansin sa kanya sapagkat ang mga pakpak niya ay hindi mukhang pakpak ng anghel kundi pakpak ng bayakan. Ang mga pinakakapuspalad na imbalido sa mundo ay nagsidating, naghahanap ng lunas sa kanilang karamdaman: isang dukhang babae na mula pa sa pagkabata ay
nagbibilang na ng tibok ng kanyang puso at ngayo’y naubusan na ng numerong pambilang; isang lalaking Portuges na hindi makatulog sapagkat naiistorbo siya sa ingay ng mga bituin; isang taong naglalakad nang tulog at bumabangon sa gabi para sirain ang ginawa niya sa araw, at marami pang iba na hindi naman kasing-serysos ng mga ito ang karamdaman. Sa gitna ng ganitong matinding kaguluhan na nagpayanig sa mundo, sina Pelayo at Elisenda ay maligaya bagamat hapung-hapo, sapagkat wala pang isang linggo ay napuno na nila ng kuwarta ang mga kuwarto sa bahay, at ang pila ng mga peregrino na naghihintay makapasok ay lagpas pa sa abot-tanaw. Tanging ang angel ang ayaw makilabok sa palabas. Ginugol niya ang mga oras sa paghahanap ng komportableng posisyon sa kanyang hiram na pugad, asiwang-asiwa siya sa mala-impiyernong init ng mga tinghoy at pang-lay na kandilang inilagay ng mga tao sa paligid ng tangkal. Noong una ay sinikap nilang pakainin ito ng mga bolang naptalina na ayon sa kaalaman ng marunong na kapaitbahay ni Pelayo ay siyang angkop na pagkain ng mga anghel. Ngunit hindi pinaunlakan ng anghel ang mga tao, tulad ng hindi nito pagpapaunlak sa mga penitenteng nagdala sa kanya ng mararangyang tanghalian, at ang mga tao’y hindi na nagkaroon ng pagkakataon na alamin kung ito’y dahil sa siya’y isang anghel o dahil sa siya’y isang matandang lalaki na walang kinakain kundi nilamas na talong. Ang tangi niyang birtud ay ang kanyang pagkapasensiyoso. Lalo na noong mga unang araw, nang tuka-tukain siya ng mga inahen na naghahanap ng mga makalangit na paraitong nagmumugad sa kanyang mga pakpak, nang bunutan siya ng balahibo ng mga pilay upang idampi ito sa may kapansanang bahagi ng kanilang katawan, at nang pukulin siya ng bato kahit na ng mga pinakamahabagin upang pabangunin siya at nang makita siyang nakatayo. Natigatig lamang nila ang matnda nang pasuin nila ng nagbabagang bakal na pang marka sa kabayo ang tagiliran nito, pagkat ilang oras nang wala itong kagalaw-galaw at naisip nilang baka ito ay patay na. Parang naalimpungatan, napasigaw ito sa kanyang di-maintindihang wika, halos maluha, at ipinagaypay ang kanyang mga pakpak na siyang dahilan ng pagsasalimbayan ng taeng-manok at alikabok at sigabo ng sindak na banyaga sa mundong ito. Bagamat naisipang marami na ang reaksiyon niya ay hindi dahil sa galit kundi dahil sa kirot, mula noon ay nag-ingat na sila at baka mainis na naman ang anghel, sapagkat naunawaan ng karamihan na ang kanyang pananahimik ay hindi palatandaan ng isang bayaning namamahinga lamang, bagkus ito’y signos ng isang malaking unos na hindi pa nagaalimpuyo. Sinikap ni Padre Gonzaga na bigyang-wakas ang pagwawalang-bahala ng mga taong naroroon sa pamamagitan ng mga pormulang wala namang saysay, habang hinihintay ang pagdating ng huling hatol kung ano talagang klase ng nilalang itong bihag na anghel. Ngunit usad-pagong ang pagdating ng sagot mula sa Roma. Ang mga tao’y nag-aksaya ng panahon sa pagtuklas kung ang bihag ay may pusod, kung ang kanyang wika ay may kaugnayan sa wikang Armaiko, kung ilang beses siyang magkakasya sa dulo ng aspile, o kung siya ay isa lamang taong taga-Norway na may pakpak. Ang paghihintay ni Padre Gonzaga ay malamang na magpatuloy hanggang magunaw ang mundo kung hindi lamang naganap ang isang pangyayaring tila itinakda ng Diyos at ito ang nagbigay-wkas sa paghihirap ng pari. Nagkataon na noong mga araw na iyon, sa dinami-dami ng mga karnabal, ang napadako sa bayan ay isang palabas na nagtatampok ng isang babaing naging gagamba dahil sa pagsuway sa magulang. Mas mura ang bayad sa palabas na ito kaysa sa bayad para makita ang anghel, ngunit ang mga manonood ay malayang magtanong sa babaeng gagamba ng kahit na ano tungkol sa kanyang balighong
kalagayan at malaya rin silang magsiyasat ng bawat sulok ng kanyang katawan upang mapatunayan ang malagim niyang kapalaran. Siya’y isang nakakatakot na tarantula, sinlaki ng lalaking tupa, at ang ulo niya’y ulo ng isang malumbay na dalaga. Ngunit ang talagang kalunos-lunos ay hindi ang kanyang kakatwang ayos kundi ang taos-pusong pagdadalamhati sa kanyang paglalahad ng mga detalye tungkol sa kanyang masaklap na kapalaran. Noong bata pa siya, pumuslit siya ng bahay upang dumalo sa isang sayawan; sa pagdaan niya sa kakahuyan nang pauwi na siya matapos ang magdamagang pakikipagsayawan, isang kahindik-hindik na kulog ang bumiyak sa kalangitan at sa bitak ng langit ay lumagos ang asupreng kidlat at ginawa siya nitong gagamba. Nakakaraos lamang siya ngayon sa mga bolabola na isinusubo sa kanya ng mga taong maawain. Tiyak na masasapawan ng isang trahedyang tulad nito, na tigib ng makabagbag-damdaming katotohanan at may hatid pang aral na dapat ikabalisa, ang trahedya ng isang palalong anghel na ayaw man lang tumugon sa usisa ng mga karaniwang nilalang. Bukod dito, ang mga milagrong kagagawan umano ng anghel, ay kamamalasan ng kasiraang-bait, tulad ng lalaking bulag na hindi nanumbalik ang paningin nunit tinubuan ng tatlong bagong ngipin, o ang paralitikong hindi na muling nakapaglakad ngunit muntik nang manalo sa loterya, at ang ketungin na tinubuan ng bulaklak ang mga sugat. Itong mga milagrong pampalubag-loob, na tila pangungutya kung tutuusin, ay nakasira sa reputasyon ng anghel bago pa man siya sinapawan ng babaeng gagamba. Sa ganitong paraan nagkaroon ng lunas ang insomya ni Padre Gonzaga at bumalik sa dating ayos ang bakuran ni Pelayo—wala nang katao-tao tulad noong panahongnaguulan nang tatlong araw at pinasok ng mga alimasag ang kanilang mga silid-tulugan. Walang dahilang manghinayang ang mag-asawa. Sa perang naipon nila ay nakapagpatayo sila ng isang mansiyong may dalawang palapag at mga balkonahe’t hardin; pinaligiran ito ng lambat upang hindi makapasok ang mga alimasag tuwing tag-ulan, at nirehasan ang mag bintana upang hindi naman makapasok ang mga anghel. Isang lugar na malapit sa bayan ang binili ni Pelayo upang gamitin sa pagaalaga ng kuneho, at tumigil na siya sa kanyang trabaho bilang serip. Si Elisenda naman ay namili ng mga sapatos na matataas ang takong at mga damit na yari sa mapupusyaw na seda, iyong tipo ng damit na isinusuot tuwing Linggo ng mga pinakapopular na babae noong panahong iyon. Tanging ang tangkal ng mga manok ang hindi nabigyan ng pansin. Kung hinuhugasan man nila ito ng kreyolina at pinauusukan ng mira, ito’y hindi upang pagpugayan ang anghel kundi upang maalis ang alingasaw ng tae na parang multong kumakapit sa lahat ng bagay, tuloy ang bagong bahay ay nagmumukhang luma. Noong una, nang matuto nang lumakad ang anak nina Pelayo, tiniyak nilang hindi ito mapapagawi sa tangkal. Ngunit sa kalaunan ay naglaho na rin ang kanilang pangamba at nasanay na rin sila sa alingasaw, at bago pa man magdalawang-ngipin ang bata ay nakapasok at naglalaro na ito sa tangkal na nagkakahiwa-hiwalay na ang mga alambre. Ang pakikitungo ng anghel sa bata ay walang ipinagkaiba sa pakikitungo niya sa ibang tao, lamang ay nasisikmura na niya ngayon ang pinakatusong kawalang-hiyaan, taglay ang pasensiya ng isang asong walang kailu-ilusyon. Ang bata at anghel ay sabay na binulutong-tubig. Ang duktor na tumingin sa bata ay hindi makapagtimpi—pinakinggan niya ang tibok ng puso ng anghel, at ang narinig niya ay kung anu-anong tunog ng puso ay kung anuanong ingay sa bato niyo, kaya’y nagtaka siya kung paaano pa nabubuhay ang anghel. Ngunit ang talagang nakasinak sa duktor ay ang pagkanatural ng mga pakpak ng matanda. Tuloy ay nagtaka siya kung bakit walang pakpak ang mga tao sa mundo. Ilang panahon na ang nagdaan ay gumuho na ang tangkal dahil sa araw at ulan nang magsimulang mag-aral ang bata. Animo’y naligaw na taong naghihingalo, ang
anghel ay paroo’t parito, kinakaladkad ng kanyang katawan. Itataboy nila ito ng walis sa silid-tulugan, ngunit pagkaraan ay masusumpungan naman nila ito sa kusina. Para bang siya’y nasa lahat ng lugar sa lahat ng oras, at naisip tuloy nila na baka ito ay nagkaroon na ng kakambal, baka ito ay nagpaparami na sa buong bahay, at ang inis na inis at halos maluka-lukang si Elisenda ay nagsisigaw—napakasaklap naman ng manirahan sa isang bahay na puno ng mga anghel! Ang anghel ay halos hindi na kumakain, at napakalabo na ng kanyang naghihinang mata kaya’y kung anu-ano ang nabubundol niya sa bahay. Ang tanging natitira sa kanya ay ang kalbo niyang pakpak. Nang hagisan siya ni Pelayo ng kumot at payagang matulog sa kamalig, noon lamang nila napansin na nilalagnat pala ito sa gabi, nagdedeliryo’t pausal-usal ng mga salitang sala-salabid. Isa iyon sa bibihirang pagkakataon na sila’y nabagabag, nag-aalalang baka malapit na itong mamatay. Maging ang marunong nilang kapitbahay ay walang masabi kung ano ang ginagawa sa mga patay na anghel. Gayunpaman, nakaraos ang anghel sa pinakamalupit na tag-ulang naranasa niya, at sa mga unang araw ng tag-init ay tila humusay pa ang kanyang lagay. Ilang araw siyang walang katiga-tigatig sa pinakamalayong sulok ng bakuran, doon sa walang nakakakita sa kanya, at sa pagsisimula ng Disyembre ilang malalaki’t matitigas na balahibp ang tumubo sa kanyang mga pakpak, na ngayo’y mga pakpak ng isang tisiko at tila isa pang kamalasan ng kanyang katandaan. Ngunit malamang na batid niya ang dahilan ng mga pagbabagong ito sa kanyang katawan, sapagkat iningatan niyang walang makapansin sa mga ito, at walang makarinig sa mga awit ng marinero na kinakanta niya sa mga gabing mabituin. Isang umaga, habang naghihiwa si Elisenda ng sibuyas para sa kanilang tanghalian, biglang may pumasok na hangin sa kusina na tila nagmula sa karagatan. Lumapit siya sa bintana at nakita niya ang anghel na nagpipilit lumipad. Padaskul-daskol ito at ang mga kuko ay umararo sa taniman ng gulay. Muntik nang magiba ang kamalig dahil sa asiwa at tila wala namang saysay na pagkampay ng mga pakpak. Ngunit nakuha rin nitong lumipad. Nakahinga nang maluwag si Elisenda, natuwa para sa kanya at para sa anghel, nang makita niyang nakalampas na ito sa pinakamalayong mga bahay, at kahit papaano at nakakakampay tulad ng isang ulyaning buwitre. Patuloy niyang pinanood ito kahit noong tapos na siyang maghiwa ng sibuyas, pinanood nang pinanood niya hanggang tuluyang mawala sa kanyang paningin, sapagkat sa mga sandaling iyon ayng anghel ay hindi na isang kabuwisitan sa kanyang buhay, bagkus ay isa na lamang tuldok na naaabot ng kanyang tanaw sa karagatan.