Speech Of Ksw Chairman

  • November 2019
  • PDF

This document was uploaded by user and they confirmed that they have the permission to share it. If you are author or own the copyright of this book, please report to us by using this DMCA report form. Report DMCA


Overview

Download & View Speech Of Ksw Chairman as PDF for free.

More details

  • Words: 2,279
  • Pages: 7
Pambungad na Pananalita sa Pagbubukas ng Buwan ng Wikang Pambansa 2006

KUNG BAKIT ISANG MALAKING PAKINABANG SA PILIPINAS ANG PAGKAKAROON NITO NG MARAMING WIKA Ricardo Ma. Nolasco, Ph.D. Nanunungkulang Tagapangulo Komisyon sa Wikang Filipino May isang islogan na naging popular noong dekada 70 tungkol sa ugnayan ng wika at ng pagkabansa. Ang islogang ito ay “isang bansa, isang wika”. Ang islogang ito ay magandang pakinggan, ngunit nagpapalaganap ng mapanganib na hakahaka. Ito ay ang hakahaka na ang pagkakaroon ng isang wika ay mabuti at ang pagkakaroon ng maraming wika ay masama. Marami sa inyo ang magtataka kung bakit sinasabi ko na napakarami ng wika sa Pilipinas, samantalang ang turo sa atin sa eskuwelahan at sa midya ay may iisang wika lamang ang Pilipinas, at ang marami tayo ay mga “wikain” o “dayalekto.” Ikinalulungkot ko pong ipagbigay-alam sa inyo na namamali rin po ito. Ang tinatawag nating mga “wikain” o “dayalekto” gaya ng Sebwano, Ilokano, Hiligaynon, Bikol, Pangasinan, Kapampangan, Samar-Leyte, Tausug, Maguindanaw, Manuvu, Subanen at Ivatan ay ganap na mga wika. Ang pangunahing batayan sa pagklasipika ng mga pananalita sa wika o dayalekto ay “mutwal na pagkakaunawaan” o “mutual intelligibility”. Ang isang Ilokano at isang Sebwano, kapag nag-usap sila sa sarili nilang wika, ay hindi mutwal na magkakaunawaan. Kung gayon, sinasabi natin na nagsasalita sila ng magkaibang wika. Samantala, ang isang dayalekto ay baryasyon ng isang wika. Halimbawa, ang Tagalog ay may iba’t ibang dayalekto gaya ng Tagalog-Bulakan, Tagalog-Quezon, TagalogMarinduque, at marami pang iba. Ang mga nagsasalita ng mga dayalekto ng Tagalog ay magkakaintindihan sa kabuuan, kung kayat sinasabi natin na nagsasalita sila ng parehong wika. Batay sa depinisyong ito ng wika at dayalekto, sinasabi ng mga linggwista na may 160-170ng wika sa buong Pilipinas – pansampu sa pinakamarami sa buong mundo.

1

Nais kong pag-usapan ngayong umaga kung bakit, tumbalik sa karaniwang akala, ay napakalaking pakinabang ang pagkakaroon ng Pilipinas ng maraming katutubong wika. Bukod sa nabibiyayaan tayo ng maraming katutubong wika ay mayroon din tayong wikang pambansa—ang Filipino— na nagbibigkis sa ating bayan sa isang kabuuan. Bukod sa may wikang pambansa ay mayroon din tayong wikang pang-internasyunal – ang Ingles – na nag-uugnay sa atin sa sandaigdigan. Ang pagtutulungan ng mga wikang ito—lokal at dayuhan— sa buhay nating mga Pilipino ay siyang nagpapatotoo kung gaano ka-linguistically diverse at culturally diverse ng ating bansa, isang bagay na dapat nating ipagbunyi at ipagmalaki. Saan nagmula ang pag-iisip na ang pagkakaroon ng iisang wika ay mabuti at ang pagkakaroon ng maraming wika ay masama? Sa wari ko, ang ganitong pag-iisip ay nagmula sa palagay na ang pagunlad ng Pilipinas ay nakasalalay sa kung gaano at paano natin matutularan ang modelo ng mga bansang industriyalisado. Ang ganitong modelo ay nakahulma sa ideya ng isang sentralisadong nasyon-estado at iisang sentralisadong wikang pambansa. Ang ideya ng isang sentralisadong nasyon-estado na may iisang sentralisadong wikang pambansa ay isang mito, isang ilusyon na hindi pinatototohanan ng historikal at maging ng kasalukuyang kalagayan. Higit na marami ang mga wika sa daigdig kaysa mga nasyon-estado. Ilan ang mga wika sa daigdig? Mga 6,000 hanggang 7,000. Ilan ang mga nasyonestado? Humigit-kumulang sa 200 lamang. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito na sa kabila ng pagpoproklama ng nasyon-estado ng kanikanilang wikang pambansa ay hindi lamang ito ang wikang sinasalita sa teritoryo ng mga ito. Kahit ang Estados Unidos ay binubuo ng mga komunidad pangwika na hindi Ingles o hindi lang Ingles ang sinasalita. Kaugnay ng ideya ng “isang bansa, isang wika” ay ang ideya na ang natural na kundisyon para sa karaniwang tao sa buong daigdig ay iisa lamang ang alam niyang wika. Hindi po ito totoo. Karamihan ng mga mamamayan dito sa balat ng lupa at sa Pilipinas ay hindi lang isa ang alam na wika. Karaniwan, ang tao sa daigdig ay may alam na dalawa o higit pang wika. Ang isang dahilan para sa kalagayang ito ay sapagkat marami sa mga komunidad pangwika ay namumuhay katabi ng iba pang komunidad pangwika. Ito ang nagtutulak sa kanila na matutuhan ang wika ng kanilang mga kalapit-pamayanan. Si Hesukristo ang pinakamainam na halimbawa 2

ng pagiging multilinggwal. Marunong siya ng Aramaic, ng Ebreo at Griyego at Romano. Si pangulong GMA ay mainam na halimbawa ng isang Pilipino, kung wika ang pag-uusapan. Marunong siya ng Ilokano, Kapampangan, Binisaya, Tagalog, Ingles at Espanyol. Ganito ang deskripsyon ng yumaong Brother Andrew Gonzales (1980) sa punsyonal na distribusyon ng mga wika sa Pilipinas: The Filipino is in reality, multilingual, using a vernacular in his intimate familial interaction; a lingua franca (a regional vernacular and increasingly Tagalog-based Filipino akin to the language of the Greater Manila area) in his urban communities and in his transactions with other ethnic groups, English in business, industry, academia, for negotiations in international circles and as a language of wider communication. The Filipino’s languages are thus in complementary distribution and will most likely remain so for a while. For as long as the Filipino does not uproot himself from his original region, then his local vernacular is assured of its place and its domain. He loses this vernacular only in the process of deethnicization that inevitably follows migration and urbanization. (1980:149, italics added)

Samakatwid, ang lahat ng halimbawang ito ay pawang nagtuturo sa atin na sa kabila ng pagkilala ng mga nasyon-estado ng katapatan sa iisang bandila at iisang wika, ang mga nasyon-estadong ito ay binubuo ng maraming kultura at maraming wika. Hindi sila mono-cultural at monolinggwal. Kung ang mga bansang industriyalisado ay mga lipunang pluralistiko, ano pa kaya ang mga bansang tropiko, gaya ng Pilipinas? Hindi batid ng maraming Pilipino na ang pagkakaroon ng kanilang bansa ng maraming wika ay palatandaan din ng kalusugan ng kanilang kapaligirang pang-ekolohiya. Isa po ang ating bansa na nakapanatili sa ating biological diversity, samantalang ang mga bansa sa Norte, sa kabila ng kanilang kasaganaan at kaunlaran, ay dumaranas ng matinding krisis sa kanilang environment. Ayon sa mga mananaliksik, may malaking korelasyon ang pagkakaroon ng dibersidad pangwika sa dibersidad na pangbayolohiya o biodiversity. Ibig sabihin, kung saan maraming wika ay ito rin ang mga pook na mayroong biological diversity. Samakatwid, 3

kung gaano tayo kasigasig sa pagprotekta ng ating biodiversity ay gayundin tayo dapat maging kasigasig sa pagprotekta sa ating dibersidad pangwika o linguistic diversity. Ang bokabularyo ng isang wika, gayundin ang kanyang gramatika, ay isang imbentaryo ng mga bagay na pinag-uusapan ng isang kultura, isang pagkakategorya ng nasabing kultura, upang maunawaan ang daigdig at mabuhay sa lokal na ekosistema. Ang mga wikang matatagpuan sa Pilipinas at sa mga bansang tropiko ay nauugnay sa katutubong kaalaman sa lokal na ekosistema. Ang mga kaalamang ito na nasa katutubong wika ay malaki ang maiaambag sa siyensiya at taksonomiya. Ang alam natin sa agham ng kanluran ay sa katotohana’y nakabatay sa punto de bista o pananaw sa daigdig ng mga Europeo. Wala pa ito sa kalingkingan ng maaari nitong abutin kung mapag-aaralan ang mga lokal na sistemang pangkaalaman. Ang agham ng kanluran ay walang monopolyo o pribilehiyadong pusisyon kapag pag-uusapan ang pangangasiwa o pangangalaga sa ating kapaligiran. Ang isang madalas na mabanggit na halimbawa ng katutubong sistema ng kaalaman ay ang Hanunuo, isang grupo sa Mindoro na binubuo ng humigitkumulang sa 12,000ng katutubo na may sariling panitikan at paraan ng pagsulat. Ganito ang importansya ng kaalaman ng mga Hanunuo sa kanilang kapaligiran ayon kay Nettle at Romaine (pp. 166-167): “The Hanunuo distinguish more than 450 types of animals and 1,500 plants. Their categories for the plants of the area exceed those of Western science by around 400. Over a thousand types are gathered from the wild for various practical purposes, which gives the Hanunuo a strong incentive to preserve the wonderful diversity of their surroundings. Some 430 plants are cultivated in their gardens. Hanunuo farmers recognize ten basic and thirty derivative types of soil. They have four different terms for soil firmness, nine color terms which distinguish different soil types, five classes of land topography, and three different ways of classifying slope. The information would be absolutely invaluable to anyone interested in understanding or preserving the ecosystem, and its specificity and subtlety must lie at the heart of initiatives to improve rural output in a sustainable way.”

4

Samakatwid, ang halimbawang ito ay nagpapakita lamang ng potensyal na kaalamang sayantipiko na hindi dokumentado na matatagpuan sa ating mga katutubong wika. Kung importante sa siyensya ang ating mga lokal na wika, maliwanag kung gayon na hindi rin matatawaran ang importansya ng mga ito sa ating edukasyon, laluna sa ating batayang edukasyon na binibigyang-diin ng kasalukuyang administrasyon. Ang importansyang sinasabi ko ay hindi lamang tumutukoy sa pagpapaunlad ng nilalaman ng ating kurikulum, kundi maging sa isyu ng midyum ng pagtuturo. Batid ninyo na sa kabila ng dibersidad pangwika sa ating bansa ay sinusunod natin ang isang patakarang bilinggwal sa ating edukasyon. Ingles para sa English, Math at Science, Filipino para sa iba pang asignatura. Subalit, marami nang ebidensya ang nagpapakita na sa aktwal na praktika ay ginagamit ng guro ang bernakular o lokal na wika para ituro ang curriculum content. Bakit ginagawa ito ng ating mga guro? Upang matiyak na nauunawaan ng mga estudyante ang nilalaman ng kanilang mga subject. Naobserbahan na, ang ganitong penomenon ay laganap laluna sa mga batayang grado at maging sa hayskul at kolehiyo. Ang totoo’y may iba pang nagsasabi na bagamat sa papel ay bilinggwal ang patakaran, sa aktwal naman ay multilinggwal na patakaran ang ipinapatupad. Kung tutuusin ay hindi ito nakapagtataka. Ito’y sapagkat sa karanasan, nangyayari lamang ang quality na edukasyon kapag ang learner ay nagsisimula sa pagsusulat at pagbabasa sa pamamagitan ng kanilang unang wika—ang wika ng kanilang tahanan at komunidad. Pinadadali ng unang wika ang kasanayan sa pagsulat at pagbasa at pinatatatag ang pundasyon sa patuloy na pagkakatuto. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga halimbawa na malapit sa kanilang karanasan at kultura ay nakakabuo ang estudyante ng mga konsepto at nagagamit nila ito para magbuo ng bagong mga konsepto. Ang mga pag-aaral ni Bernardo (1998) ay nagpapatunay na ang cognitive maturity at ang nagreresultang kritikal na pag-iisip ay naisusulong sa pamamagitan ng paggamit ng lokal na wika sa elementarya. Nagsisilbing tulay ang lokal na wika upang bumulas ang kanilang kognitibong kakayahan at upang sistematikong matuto sila ng wikang Filipino at Ingles at ng bagong mga kaalaman sa naturang mga wika. Hindi ko na po kailangang sabihin sa inyo na kapag hindi po natin ginamit ang ating mga wika ay mamamatay po ito. Kapag nangyari ito ay napakaraming mahahalagang katawagan na pangkultura at pang-katutubong 5

agham ang tuluyang maglalaho. Ito ang dahilan kung bakit kailangan natin itong patuloy na pag-aralan, saliksikin, panatiliin at ituro sa paaralan. Ihalimbawa natin ang salitang “gesangan” na ang pinakamalapit na katumbas sa Ingles ay coral reef. Marami sa atin ay natututuhan ang konsepto at kahulugan nito sa di-tuwirang paraan, sa eskuwelahan. Ngunit, ang mga Dumaget sa Quezon ang unang nagturo sa akin na may salita sila para sa konseptong ito. Ito na nga ay ang gesangan. Tiningnan ko ang diksyunaryo ni Panganiban at nakita ko rin ang salitang ugat nito, ang gasang. Nang mapunta ako sa Kabisayaan, sinabi rin nila na gayundin ang terminong ginagamit nila para sa batuhan sa karagatan na pinaninirahan ng mga isda at lamang-dagat. Ang ibig kong sabihin, ano na lang ang mangyayari sa salitang gasangan o gesangan kung ang patuloy nating gagamitin ay coral reef? Sabi nga ni Nettle at Romaine, ang pagkamatay ng isang wika ay nagbabawas sa “suma total ng ating kaalaman ng daigdig” sapagkat “binabahaw nito ang mga tinig na naglalarawan ng kayamanan nito” (Nettle at Romaine, p. 199). Mas tumatagos sa kaluluwa ang sabi ng isang katutubo. Anya, kailangan natin ang wikang dayuhan para mabuhay sa kasalukuyang panahon. Pero, kailangan natin ang wikang sarili para mabuhay nang habampanahon. Nagsimula ako sa aking panayam sa pagsabing ang islogang “isang bansa, isang wika” ay maling islogan. May mga nagmumungkahi na kailangan nang palitan ito ng “isang bansa, dalawang wika”. Gusto ko pong imungkahi – kung inyong mamarapatin – na may higit na tumpak at angkop na islogan para sa Pilipinas, at ito ay: “isang bansa, maraming wika.” Ito po ang tema ng ating kasalukuyang buwan ng wika. Sa pamamagitan ng maikling pananalitang ito ay hayaan po ninyong pormal kong buksan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2006. Maraming salamat at magandang umaga sa inyong lahat.

Piling reperensya: Cummins, Jim. 2000. Language power and pedagogy: bilingual children in the crossfire. Bilingualism Education and Bilingualism 23, eds. Colin Baker and Nancy Hornberger. Clevedon: Multilingual Matters Ltd. Dekker, Diane and Catherine Young. 2005. “Bridging the gap: the development of appropriate educational strategies for minority

6

language communities in the Philippines.” Current Issues in Language Planning, Vol. 6, no. 2, 2005. Fishman, Joshua. 1991. Reversing language shift. Theoretical and empirical foundations of assistance to threatened languages. Clevedon: Multilingual Mattes Ltd. Gonzales, Andrew B. and Ma. Loudes S. Bautista. 1996. Language surveys in the Philippines (1966-1984). Manila: De La Salle University Press. Mithun, Marianne. 1991. The role and motivation in the emergence of grammatical categories: the grammaticization of subjects. In Elizabeth Traugott and Bernd Heine (eds). Approaches to grammaticalization , vol. II, 159-184. Amsterdam and Philadelphia. John Benjamins. Nettle, David and Romaine. S. 2000. Vanishing voices: the extinction of the world’s languages. New York: Oxford University Press. Nolasco, Ricardo Ma. 2003. Ang pagkaergatibo at pagkatransitibo ng mga wikang Pilipino: Isang pagsusuri sa sistemang bose. Ph.D Dissertation. Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Quezon City. Quakenbush, J. Stephen. 1998. “Other” Philippine languages in the third millennium. Philippine Journal of Linguistics, Vol. 29, Numbers 1 and 2. June and December 1998. Reid, Lawrence and Hsiu-chuan Liao. 2004. A brief syntactic typology of Philippine languages. Languages and Linguistics 5(2):433-490. Traugott, Elizabeth and Bernd Heine (eds). 1991. Approaches to grammaticalization , vol. II, 159-184. Amsterdam and Philadelphia. John Benjamins.

7

Related Documents

Speech Of Ksw Chairman
November 2019 9
Role Of The Chairman
May 2020 21
Pyay 1 Hhal List Ksw
June 2020 1
Pyay 1 Hhal List Ksw
June 2020 1
Speech
May 2020 24