Secret

  • October 2019
  • PDF

This document was uploaded by user and they confirmed that they have the permission to share it. If you are author or own the copyright of this book, please report to us by using this DMCA report form. Report DMCA


Overview

Download & View Secret as PDF for free.

More details

  • Words: 4,911
  • Pages: 18
PROLOGO: BANGUNGOT Madilim. Malamig. Malungkot. Ito lang ang kanyang naaaninag. Wala siyang ibang makita kundi ang kanyang sarili. Ang sarili niyang lumulutang-lutang sa kawalan. Palingon-lingon, nagtataka, naguguluhan maging ang isipan. Paghaluin iyon lahat at matatawag na niya itong isang malaking palaisipan. Nakapagtataka, sa isip-isip niya, na naaaninag niya ang kanyang sarili gayung napakadilim naman ng paligid. Tinitignan ang sariling naka-padyamang puting chongsam na may maikling manggas, wala siyang kaide-ideya sa nakikita niya kaya hindi niya maiwasang itanong ito sa kanyang sarili: isang pangkaraniwan nang tanong ng isang naliligaw o isang bagong-salta sa isang pook na di niya kabisado o kilala: “...Nasaan ako...?” Sabay lingon. At sapagkat nakalutang siya, marahil ay kaya rin niyang lumipad, naisip niya. Kaya sinubukan nga niya iyon, bagamat hindi siya sigurado kung gumagalaw nga ang kanyang paligid habang siya’y lumilipad. Napahinto na lang siya nang may kuminang sa kanyang tagiliran... Nasilaw siya sa liwanag na iyon. Isang mangasul-ngasul na silaw ang tumambad sa kanya. Napalingon siya sa pinagmulan ng liwanag... At lalong nasilaw. Tinamaan ng nag-uumapaw na liwanag ang kanyang salaming hindi niya pansing suot pala niya. Tuloy ay kailangan pa niyang pumikit at di pa kuntento’y takpan ang kanyang mga mata ng kanyang mga kamay para sa proteksyon. Nang unti-unti nang nasanay ang kanyang mga mata sa liwanag, nanlaki na lang ito na parang nakakita ng multo. “A... anong.... ano ‘to... ???” Napakalaki. Napakaliwanag. Tila sa gitna ng walang katapusang dilim ay may tumuldok na dito, walang iba kundi ang kanyang nakita. Isang higanteng bilog at tila butas-butas na bukodtanging kumikinang sa gitna ng dilim. Palagay niya, alam na alam niya kung ano ang pamilyar na bagay na iyon. “Oh... My... God...”, bulong sa sarili, “Totoo ba ‘to? Nasa... nasa...”

“NASA OUTER SPACE AKO???????” Sinabi lang niya ang salitang ‘outer space’, doon na tila nagkaliwanag ang dating kadiliman. Ang dating payak at malungkot na kalawakan ay unti-unti nang nabalutan ng kinang ng mga bituin at iba pang lalang ng langit. Mula isa... hanggang sampu... isangdaan.... isanglibo... sampunglibo... isangdaanglibo... isang milyon... isang bilyon... ...Isang trilyon! Magic, ika nga niya, ang nangyari noong mga oras na iyon. Isa-isang nagsilitawan ang mga mumunting tala simula sa malapitan hanggang sa malayuan. Mula sa mukhang nakasimangot at nagtataka, pumalit ay ngiti, galak at paghanga sa kanyang mga nakita. Waring Pasko na sa ganda ng nagkikislapang liwanag ng langit, lalo na ang higanteng bilog na tinadtad ng butas na may kakaya-aya’t malambing na liwanag na nagpapanatag ng puso ng sinuman. Unti-unting nagkakabuhay ang buong kalawakan!!! Bumaling muli ang kanyang pansin sa bilog na lumulutang. Abot-tenga ang kanyang ngiti habang pinagmamasdan niya ang liwanag nito. “Ok din, no?”, sa kanyang sarili, “Ang ganda-ganda pala ng buwan pag malapitan... Grabe... Totoo bang nakalutang ako sa outer space?” Ang nagpagulat pa sa kanya ay isa pang bilog na bagay na kalikod lang ng buwan. Asul. Na may puting bumabalot dito. Kalahati nito’y maliwanag dahil nakaharap sa isa pang mas maliwanag pang bagay sa may di-kalayuan. Ang kalahati naman nito’y medyo madilim at nakaharap sa buwan. Sa madaling salita... “Ang... ang PLANET EARTH...???” Planet Earth... Ah, oo. Ang ating daigdig. Tanging planetang may buhay. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niya sa personal ang tunay na anyo ng daigdig sa labas ng athmosphere nito, na hindi na kinakailangan ng oxygen, space shuttle o maging isang astronaut para lang makita ito sa malapitan. Waring mismong ang kalawakan na ang lumapit sa kanya upang kanyang makita’t hangaan. Ngayon ay pareho na siyang nakatingin sa dalawa sa pinakapopular na imahen ng kalawakan. Kapwa magaganda’t nagniningning. Nakakagaan ng loob. Sa sobrang paghanga, nakalimutan na yata niya ang magtaka kung bakit siya nasa gitna ng kalawakan at lumulutang bagamat wala siyang dalang oxygen tank o suot na anumang pananggalang subalit milagrong nakakahinga pa siya. Hanggang...

“Hindi rin magtatagal at mawawalan din ng kinang ang buong kalawakan...” Sino ‘yun??? Luminga-linga siya upang hanapin ang nagmamay-ari ng boses. Alam niyang babae ang nagsalita dahil sa napakaganda’t napakalambing nitong boses. Paro sa kakalingon niya, wala siyang makita ni anino ng tao o kung sino mang E.T. sa palagay niya. Tuloy pa rin ang pagsasalita ng babae daw. “Ang buwan... at ang daigdig.... ay nanganganib na mawala nang tuluyan...” “Sandali lang, Miss”, sabay niya, “Puwede po bang malaman kung sino ka bago ka pa dumakdak diyan???” Ngunit tila hindi nito pinansin ang kanyang ipinukol na tanong... “Malapit nang dumilim nang tuluyan ang kalawakan... malapit na malapit na...” Nainis siya. “Aba’t hindi naman daw bastos...”, bulong niya. “At ikaw... ikaw ang magiging susi ng isang malaking pagbabago...” Nagulat siya nang siya’y ituro ng misteryosong tinig. Itinuro ang sarili upang makasigurado, “A...Ako? Ako ba ang tinutukoy mo...” “Oo...”, sagot ng tinig, “Ikaw...” “Eh, bakit ako???” “Ikaw na napansin ang kagandahan ng sinag ng buwan... mapalad ka at ikaw ang aking kinausap...” “Ang labo... Eh, ba’t nga po ako???” “Ikaw... ang aking hinirang...” “...Hinirang...?” “Hinirang upang maging tagapagtakda ng lahat....” “Tagapagtakda ng ano?”, at doon na nainis ang kinausap na walang maintindihan ni isang letra ng kanyang sinasabi, “Hoy, babae! Maganda sana ang boses mo, eh! Pang-Miss Universe na sana, kung tula ka lang ng tula! Wala kasi akong makuha, eh! In short, BA’T DI MO PA AKO DIRETSUHIN???”

“Hindi pa ito ang tamang oras para malaman mo ang ibig kong sabihin... napakaaga pa...” “P’wes, ale, ngayon na po ang tamang oras! Pwede ko po bang malaman kung ano ang gusto n’yong palabasin?” Tumahimik saglit ang paligid... “Kapag hindi pa kumilos ang mga hinirang... marahil ito na nga ang huling pagliwanag ng buwan kapag nagkataon...” “...Huling pagliwanag ng buwan?...mga hinirang...? Teka nga...” “Ang liwanag ng buwan ngayon... ay hindi na kasingliwanag mula nang nilikha ang sansinukob. Pagmasdan mong maigi ang buwan...” Walang kiyeme-kiyeme, sumunod ang batang babae. Pinagmasdang mabuti ang buwan gaya ng pakiusap ng mahiwagang tinig. At ang kanyang nakita... “T-te-teka... Bakit ganito? Ano’ng nangyayari sa buwan???” Nanlaki ang kanyang mga mata nang mapansin niyang tila nawawala na ang liwanag ng buwan mula sa tagiliran nito. Unti-unting nilalamon ng dilim ang liwanag nito. Ang mas nakakagulat pa’y huminto ito sa pag-ikot habang unti-unti na ngang nawawala ang buwan sa kalangitan. Naguluhan siya sa kanyang nasaksihan. Na para bagang hindi totoo ang kanyang mga nakita. Lalo lang gumulo ang kanyang isipan nang napalingon din siya sa sariling Daigdig... na nilalamon na rin ng dilim! “Bakit... bakit ganito?” Hindi lang iyon... maging ang araw ay nagbabago rin ang kulay. Mula sa napakatingkad na dilaw ay unti-unting nagiging kulay kahel... at nagiging pula... Palaki nang palaki ito. Doon niya naalala ang kanyang napag-aralan noong first year high school pa lang siya, noong General Science pa lang ang kanilang kinukuha. Ang topic nila noon ay tungkol sa buhay ng isang bituin (wag n’yong iisiping si Ara Mina ‘yon o si Sharon Cuneta! Ibang bituin ang sinasabi ko!). Nagsisimula sa pamumuo ng gas sa outer space at nakatambak kasama ng ibang mga batang bituin bilang isang cluster. Dumarating ang ilang libong taon o ilang milyong taon at nagbabago ang kulay nito: Asul pag ‘bagong-panganak’ pa lang, hanggang sa nagiging berde, dilaw (kulay ngayon ng ating araw dahil isa iyong bituin) na nangangahulugang ‘middle-aged’ na ang bituin, tapos naging orange, pula... Lumalaki rin ang bituin habang nagbabago ang kanilang kulay. Kapag sumobra na ang laki nito’y sasabog na ito’t katapusan na ng buhay nito, tawag dito ay supernova. Subalit pagkasabog nito, ang natirang maliit na bahaging tinatawag na White Dwarf ay mananatili sa kalawakan bilang isang ‘espiritung gala’ ng isang bituin.

Sa paglingon pa niya’y maging ang mga karatig-planeta nito’y nawawalan na rin ng kinang! Ang Venus na dating tanging planetang nakikita sa Daigdig ay nawawalan na ng kanyang ganda! Maging ang Saturn na siyang pinakamagandang planeta’y pumapangit na dahil nasisira na ang kanyang mga singsing sa tindi ng kadiliman! Sa madaling sabi... ang dating magandang kalawaka’y... unti-unti nang tinatalo ng dilim... “Bakit ganito?”, tanong niya, natataranta na sa nakikita niya, “Ikaw? Balak mo pa akong takutin???” “Patawad sa aking kalapastanganan”, anang tinig, “Wala akong intensyong takutin ka o sinuman sa mundo. Subalit ipinapakita ko lamang sa iyo ang maaaring mangyari oras na hindi nagsikilos ang mga Mahihiwagang Kadete ng Mundo ng mga Tao...” Lalo lang siyang naguluhan! “Kadete... Mundo ng mga Tao...? Teka nga! Wala po sa outer space ang PMA, ok? Isa pa, sino naman po yung mga sinasabi mo?” “Ang Walong Kadete ng Mundo ng mga Tao... sila ang itinalaga upang mapangalagaan ang inyong Daigdig isang milyong taon na ang lumipas...” “Isang milyong taon...? May tao na kaya sa panahong ‘yon??? Teka, eh milyong taon na pala ang nakakaraan! Di ba’t patay na ang mga ‘yon? Matagal na?” “Hindi sila pangkaraniwang mga nilalang. Sila’y mga imortal, mga diyos mula sa kanikanilang bayan na may mga espesyal na kapangayarihan...” “...Imortal... Hindi sila tao, kung ganoon!” “Hindi.” “Teka, pero sabi mo...” “Sila’y mga diyos subalit mayroon din silang katangian ng isang tao. Kaya pinili sila upang protektahan ang mga tao. At ngayong nalalapit na ang kapahamakan, sa tulong mo’y muli silang magigising...” “Ano... Ako? Pero...” “Inaatasan kitang hanapin ang Walong Kadete. Sila’y mga tao ngayon sa kanilang anyo. Sa pamamagitan ng kanilang aura’y mahahanap mo sila agad.” “Pero hindi naman ako si Madam Auring para alamin kung sino sila!” “Sa iyo rin iaatas ang paghahanap sa magiging susi ng liwanag...”

“Ano??? Ang dami mo namang iniutos!” “Ang susing ito’y malapit na ring magising sa tamang panahon. Subalit wala nang oras... Ang inyong Daidig ay nalalapit na sa alanganin...” “H-ha...?” “Ngayong nakita mo na ang buwan... sa mga huli nitong sandali... ihanda mo na ang iyong sarili... Simula sa mga oras na ito, magbabago na ang lahat...” “...” “Magsisimula na... ang iyong papel... Zenaida...” “H-ha? Teka! Sandali! Paano mo nalaman ang pangalan ko? Paano’ng...” Hindi na niya namalayan, dumating na sa hangganan ang liwanag ng araw, kaya bigla na lang itong sumabog! Doon na umikot ang kanyang paligid. Nahilo sa biglaang pagbabago ng kanyang kapaligiran makaraang sumabog ang araw. Nabigla siya, sapagkat mula sa isang payapa’t magandang kalangitan, nabalutan ng dilim... At naging... isang malaking sakuna!!! Naging pula ang kulay ng paligid. Nagbabaga. Napakainit. Nakakapaso. Wala siyang makita kundi usok. Masakit sa mata. Nakakahika. Nakarinig din siya ng ingay. Nakabibingi. Parang ingay ng mga naglalaro ng Counter-Strike sa isang computer gaming center. Pero iba ito. Totoo ito. Nasa totoong lugar siya. Lugar na may matindi ngang sakuna. “ ‘Tokwa naman, o!”, inubo, “Saan ba akong planetang dinala ng babaeng ‘yon??? Dito pa ako dinala! Aba’t...” Nang humupa na ang usok... Sumakit ang kanyang mga mata sa hangin, bagama’t siya’y nakasalamin. Nang mapawi na ang sakit, tila lalong sasakit ang mga mata niya sa kanyang nakita... “Whatta... heck...?” Tama nga ang kanyang tenga: Nakapasok nga siya sa mundo ng Counter-Strike, este, Lord of the Rings (kasi sa suot nilang kakaiba’t tila sinaunang panahon)! Mga taong may dala-dalang mga kakaibang sandata: espada, bola, chaku, kadena, punyal, balisong (meron din doon?), mga pananggalang, malalaking batuta, baril, kanyon, sibat, busog, at mga lumilipad na kabayo.

LUMILIPAD NA KABAYO????? “Tama ba ‘tong nakikita ko...?”, namutla sa sobrang pagkabigla, nang makakita sa personal at talagang sa sarili niyang mga mata... ang totoo, walang epek-epek, walang halong daya’t totoong-totoong... “P-P-P-PE-PEGASUS!!!?????” Sundalong nakasakay sa isang pegasus??? Hindi talaga siya makapaniwala. Isa ngang pegasus at hindi lang isa, marami pa sila! Subalit ang nakakagulat pa sa kanyang nakita ay mayroon ding mga kakaibang nilalang na umeeksena sa digmaan. Ay, ito, visual effects na lang ito, akala niya. Ngunit... Isang lumilipad na halimaw ang papasugod na mismo sa kanya! Mukha ng dragon, katawan ng leon, buntot ng daga at paa ng ibon??? Ano’ng klaseng ineksperimentong hayop namang iyon??? Subalit wala na siyang oras para isipin kung ano’ng klaseng halimaw ang papasugod na sa kanya. Kailangan na niyang tumakbo! Gustuhin man niyang sumigaw, pero wala ni gatiting na boses ang lumalabas sa kanya. Wala nang ibang paraan, kailangan na niyang gumalaw! Kumilos! O siya mismo’y gagawing burritos! Pero... “Bakit...? Ba’t di ako... makagalaw...???” Nandyan na siya!!! Katapusan na ng kanyang kabataan! Sayang at may rehersal pa sila bukas sa banda!!! “EEEEEEEEEKKKKKKKKKKK!!!!!!!!!!!!!!!!!!!” Sabay hampas na halimaw ng kanyang makukong kamay.... “NANAAAAAAAAAAAAAYYYYYYYYYYYYYYYYYY!!!!!!!!!!!!!!!!!!” SCCCHHHHWWWWWWWWWWNNNNNNNNNNNGGGGGGGGGGG!!!!!!!! Hinihintay na lamang niya ang kanyang mga huling sandali... Subalit bakit tila hindi ata masakit? Dumilat siya’t inaasahang sablay lang ang pagkakasugod sa kanya. Subalit nang binuksan na ang kanyang mga mata, laking gulat na lang niya nang muling nagbago ang kanyang paligid! Kinapa-kapa ang sarili. Aba’t—nahahawakan pa niya ang kanyang sarili (baka kasi lumusot ang kamay niya sa katawan niya, naniguro kung multo na ba siya o milagrong buhay pa). Buti’t hindi

pa siya isang espiritu! Salamat naman. Subalit ganoon na lang ang kanyang pagtataka sa kanyang paligid. Di kaya’y siya’y dinala na naman ng boses na iyon sa kung saan? Kung saan puro berde naman ang kanyang nakikita—at sadyang nakakahilo! Kulang na lang at siya’y magsusuka na. Ngunit sa kanyang mga kakaibang narinig, tila nakalimutan na niyang magsuka. Isang masinsinan at di-maunawaang forum ang kanyang di sinasadyang narinig. “Master! Itinakas ni Amos ang kanyang anak!” “ANO’NG SABI MO?????” Todo gulat naman itong batang babae sa nakakabulabog at nakakatakot na boses ng isang nilalang. Sa boses pa lang nito, tila siya ang namumuno sa mga kalaban. “Matigas talaga ang haring iyon!” “Ginawa niya iyon para hindi natin maabutan ang bata!”, anang boses-ipis. “Saan niya dinala? Nakumpirma n’yo ba?” “Opo, Master! Nasa direksyon po sila ng isa sa mga Sagradong Lagusan patungo sa Mundo ng mga Tao!” “SA MUNDO NG MGA TAO???” Nagulat na naman siya. “Sundan n’yo siya! Siguradong hindi pa siya nakakalayo!” “OPO!” Kinakabahan na siya. Siguradong nasa panganib yung kung sino mang tinutukoy ng bosesbangkay na iyon. Kumbaga, sa kanyang isip, kailangan niyang gumawa ng paraan. Subalit papaano? Bago man niya iyon masagot sa kanyang pag-iisip, muling nahawi ang paligid at napalitan ng tila... isang panibagong eksena. Siya’y nasa isang lugar sa loob ng isang gusali. Di niya malaman kung saang partikular na lugar siya dinala ulit ng mahiwagang babae. At, whoe!... Hindi siya nag-iisa ngayon. Isang lalaking may malaking kapang pula ang nakikipag-usap sa isang babaeng naka-itim na magarang damit at tila nag-aagaw-buhay. May hawak ito na...

Hindi niya makita. “...Amos...”, anang babae, “Kunin... mo... siya.... “ “Pero”, yung lalaki, “Papaano ka?” “Iwan mo na ako dito... Ang bata ang siyang kailangan nila...” “Papaano ka nga? Hindi ako puwedeng umalis na...” “Pakiusap... Itakas mo na ang bata...” “Saan ko siya dadalhin?” “...Sa Mundo... ng mga Tao...” “Doon??? Pero hindi mo ba naiisip na delikado kung itatakas ko siya doon? Susundan siya ng mga kalaban at mapapahamak ang mga ordinaryong tao!” “Pero iyon lang ang tanging lugar na puwede niyang pagtaguan! Hindi pa maaari sa kanya ang Pintuan ng Langit dahil hindi pinapayagan doon ang mga buhay pa! Mas lalong hindi maaari sa Purgatoryo dahil kuta na ngayon iyon ng Evil Messiah!” “Alam ko ‘yon... Pero...” “Patawarin mo ako... pero iyon lang ang tanging dimensyon kung saan siya magiging ligtas... Amos, pansamantala lang naman ito... Hindi rin... magtatagal... matatapos din... ang kanyang... kahibangan...” “Pakiusap... Huwag ka nang magsalita... Ang sugat mo...” “Huwag mo na akong alalahanin... Makinig ka... ang batang iyan... ang siyang susi ng Dark... Federation... upang masakop nila... ang buong... kalawakan... Subalit... ang batang ding... iyan... ang magiging... susi... tungo sa... ikatatagumpay... ng kabutihan...” “Oo... oo, ang propesiya ang nagsasabi niyan... Pero paano ka? Hindi mabubuhay nang normal ang bata na wala ang kanyang ina!” “Sa kanyang... paglaki... sasanayin siya... upang tuparin... ang nakatakda... Kaya, Amos... sige na... dalhin mo na... ang bata... s-sa... lig..tas... na lugar...” “Hindi ko kayang iwan ka dito!” “Sige na! Alalahanin mo ang ating anak! Ang kinabukasan niya!” “Oo... naiintindihan kita... Pero...”

“...Sige na... Amos... Takas na! Wala nang oras...!” “Sumama ka sa amin!” “Hindi... ko na... kaya... Sige na... Hayaan mo na ako dito...” Lumilindol na sa loob ng gusaling iyon! Natumba ang batang babae sa biglaang lindol. Pero tuloy pa rin ang makapagpag-damdaming eksena. “Amos... Para sa... kinabukasan... ng Lunaverse...” ...Lunaverse...? “...Iligtas mo... ang ating... anak...” “Pangako, gagawin ko! Ilalayo ko siya dito! Pero...” “...Wag mo na akong... alalahanin... Sige na...” “...Asawa ko...” Ah... asawa pala niya iyon... Maganda siya... Subalit may tama siya. May mga sugat at talagang hindi niya matiis ang sakit. Samantalang hindi talaga kaya ng lalaking iwan ang kanyang asawa. Pero sa kabilang banda, kailangan pa rin niyang sundin siya. “Pero...”, sa isip ng nanonood, “Ano ba ang espesyal sa batang iyon... at gusto siyang patayin ng mga masasamang tao...?” Nang mapansin niyang may babagsak na sa itaas ng naghihingalong babae! Isang mabigat na poste ng gusali ang siyang babagsak at siguradong madudurog ang kanyang katawan sa bigat nito! Gusto niyang sumigaw para balaan ang magandang babae, subalit... “!!!!!....!!!!!....!!!!!!!!!!...!!!” Ano ito??? Walang lumalabas sa kanyang tinig! Sumigaw na nga siya ng malakas hanggang sa makakaya niya, ngunit ni sarili niya’y hindi niya marinig! Hindi naman siya nagsisisgaw kanina sa basketball game ng second year vs. fourth year, ah! Isa pa, mula kanina hanggang sa napadpad na lang siya sa isang di-malamang mundo, hindi naman siya paos!

“Bakit ganoon...? Walang lumalabas sa bibig ko! Di kaya inengkanto na ako ng boses na ‘yon dahil lang sa hindi ako naniwala noon sa mga sinabi niya??? Pero bakit???” Pero wala nang oras! Pabagsak na sa babae ang poste! At mawawalan ng ina ang kawawang baby! Walang pasubali’y iniharang na ng batang babae ang kanyang sarili para protektahan ang babae! Di naya malaman kung kusang kumilos mag-isa ang kanyang katawan o talagang ginusto niya itong iligtas. Subalit hindi ba niya iniisip na sa kanya babagsak ang poste’t siya mismo ang madudurog??? Wala iyon sa kanyang isipan. Ang mahalaga’y makaligtas ang babae. Pabagsak na ang poste! Tapos na siya!!! “SILENCIA!!!!!!!!!!!” ZAPPPED!!!!!!!!!!! Idinilat niya ang kanyang mga mata. Laking gulat na lang niya: Buhay pa siya??? Kinapkapan niya ang kanyang sarili. Oo nga. Tulad pa rin ng dati, hindi lumusot ang kanyang kamay sa sariling katawan! Buhay pa rin siya sa kabila ng mga nangyari! Ngunit... “Nakupo! Yung babae! Ano’ng nangyari sa kanya???” Biglang... “Sa kasamaang-palad... siya’y nasawi...” “ANO’NG SABI MO???” Hindi siya makapagsalita sa kanyang narinig. Di na maitikom ang bibig sa sobrang gulat. Namawis siya nang husto. Sumabay na roon ang marahang pagyukom ng kanyang mga kamao tanda ng galit... sa mahiwagang tinig. “Eh, bakit ka kasi nakialam????”, sumabay ang kanyang mga luha, “Kung hindi mo lang inipit ang vocal chords ko, hindi sana napahamak ang nanay ng bata! Hindi ka ba nakonsensya? O siguro kakampi ka ng mga umatake sa kanila? ANO???” “Kapag nakialam ka, masisira ang kasaysayan...” “Ano’ng sinasabi mo’ng masisira? Huwag mo’ng sabihing...”

“Tama ka. Nakatakdang mangyari ang lahat ng iyon. Walang nakapigil sa kanyang pagkasawi, kaya wala ka rin sa poder para pigilin ang poste sa pagkakahulog sa kanya.” “Kung ganoon...”, at ipinahid ang kanyang luha ng kanyang kamay, “Talagang... nangyari na ito noon...” “Ganoon na nga... ikinalulungkot ko...” “Kaya... ipapahanap mo sa akin ang batang iyon? Sabi’y nasa Mundo ng mga Tao, pero paano ko naman malalaman ang itsura niya ngayon, eh...” “Tama ka. At sa totoo lang, mga labing-apat na taon na mula nang mangyari ang lahat ng ito.” “Mga labing-apat na taon na...? Eh di, sing-edad ko na rin pala siya kung ganoon? Ano ba siya, babae o lalaki?” “Inaalam pa rin iyan hanggang ngayon...” “Nge... wala ring silbi!” “Isa pa, hindi lang ikaw ang dapat na maghanap sa kanya.” “Hindi lang ako?” “Hindi lang ikaw... subalit kailangang magmadali... at mag-ingat... dahil maging ang mundong inyong tinitirhan.... ay magiging alamat na lamang...” “H-ha??? Ano’ng... ibig mong sabihin...?” Pero bago man isplikahin ng boses ang ibig niyang sabihin, nagbago na naman ang paligid ng dalagita. Mas dumilim. Mas naging nakakatakot. “Eto na naman po tayo... nahihilo na ako sa sobrang teleportation! Biyaheng impyerno na ‘to, eh!” Ngunit bago siya makapagreklamo ng tuluyan... “Master Kalutrah, matagumpay po nating tinawid ang Banal na Tulay. Naririto na po tayo sa atmospera ng Mundo ng mga Tao!” Ano daw??? Nakarinig uli siya ng mga bagong boses. Mas pangit at mas nakakatakot kesa kanina. At sino’ng piniritong ipis naman itong si ‘Master Kalutrah’?

Malulutong na tawa ang isinagot ng tumugong mas masahol pa sa kumain ng sanglibong piniritong ipis. “Ah... Ang Mundo ng mga Tao... Sa wakas! Mahahanap na natin ang kuneho!” KUNEHO??? What the heck... “Kuneho po?”, sumabat ang boses-Chiquito, “Manghuhuli po tayo ng kuneho? Aanhin po natin ang...” “Hungkag na lumot!!!” Ngee... “Ang ibig ko’ng sabihin, ang hinahanap nating Moon Child!” Moon Child? “Ah... ang Moon Child...”, sumakay naman ngayon ang isang boses-bangkay, “Matapos ang labing-apat na taon ay makikita na natin siya, mapapasaatin na rin ang inaasam-asam na bagong kalawakan!” “Subalit papaano naman natin matutunton nang maigi ang ating hinahanap kung hindi naman nating alam kung ano na ang itsura niya ngayon?”, sabat ng isa pang boses-ipis, “Ni ang kanyang kasarian ay hindi natin alam! Walang nakakaalam sa tunay niyang anyo ngayon, maging ang ating panginoon, ang Evil Messiah, ay hindi niya alam!” Evil Messiah? Hindi na makasakay pa ang kawawang dalagita sa mga pinagsasabi ng ‘konseho’. Sino ba itong Evil Messiah na ito’t nanginginig pa sila kung banggitin ang kanyang pangalan? Ganoon nga ba siya kalakas at kinatatakutan siya ng kanilang kulto? “Ang masama pa po nito, maaaring nakarating na sa Lunar Sorceress ang mga nangyayari kaya naghahanda na rin siya ngayon ng...” “Ang Lunar Sorceresss... hah, hindi iyan maaari!”, ngarag ng kanilang pinuno, “Nakalimutan kong buhay pa pala siya... Pero napakatagal nang panahon mula nang makilala siya sa lakas ng kanyang puting salamangka! Siguradong sa mga panahon ngayo’y napakatanda na niya...” “Subalit Master... Hindi pa rin po tayo nakasisiguro diyan...” “At ano’ng gusto mo’ng palabasin?”

“Ang ating kinatatakutan ay malapit na rin pong dumating... pagkat nakatakda na rin ang pagdating ng magiging tagapag-may-ari ng Lunar Pin na kanyang nilikha para sana sa kanyang anak!” “Imposible! Nasa atin ang kanyang anak mga labing-apat na taon na ring bihag ng ating kampo! At paano siya nakasisigurong ‘buhay’ pa si Andrei, aber? Kahit kailan ay hindi na sila magkikita pang muli! Isa pa, hindi na nararapat si Andrei para sa Lunar Pin! Sino pa ba ang puwedeng humawak noon? Wala! Puwera na lang kung meron pang nabubuhay na singlakas ng kanyang nilikha para makatagal sa kapangyarihan noon.” “Puwera na nga po... kung talagang meron...” “KINOKONTRA MO BA AKO, HA???” “P-patawad... Patawad po...!” “Pero sa bagay... paano nga kung ganoon... Ah! Hindi! Hindi iyan mangyayari!” “Kung sakali nga pong mayroon pang posibleng magiging tagahawak ng Pin... Siya ay magkakaroon ng misyong hanapin ang Walong Mahihiwagang Kadete ng Mundo ng mga Tao, isang bagay na talagang kailangan nating pagtuunan ng pansin...” “Hindi iyon mangyayari, sinasabi ko sa inyo... Tanging si Andrei lang ang may kakayahang gamitin ang Pin, wala nang iba. Subalit nasaan siya ngayon? Siya’y nasa ating hinpilan, nakapiit sa Piitan ng Kamatayan na pinagawa sa iyo ng Evil Messiah... Ni hindi na niya magawang makalabas sa piitang iyon dahil naubusan na siya ng kapangyarihan, kaya hindi rin nila magagawang tawagin ang mga kaluluwa ng mga Kadete... Sila’y mga alamat na lamang! At isa na lang ding alamat ang Lunar Sorceress! Bukod pa roon, ang dating Hari ng Lunaverse ay nasa ilalim din ng sumpa ng ating panginoon, na maging isang batongbuhay! Kaya kahit ano pang hinala ang iniisip ninyo... Ang Dark Federation pa rin ang maghahari sa kalawakan!” “Kung ganoon... wala nga po tayong dapat ipangamba!” “Ang problema na lang natin ay kung saan sa Mundo ng mga Tao itinago ni Amos ang sanggol na maghahatid dapat sa atin sa tagumpay... Hah! Tutal nama’y magagawa naman ng ating panginoong pakantahin siya o tuluyang malalagay sa alanganin ang kalawakan!” “Sigurado na po ang ating tagumpay!” “At magsisimula na iyon mismo... ngayon! Sa Mundo ng mga Tao! Kaya simulan na ang paghahanap para sa Evil Messiah!” “PARA SA EVIL MESSIAH!” Nakaririndi! Nakabibinging sigaw ng ‘tagumpay’!

Doon nainis ang nakikitsismis na dalagita. Isa palang pagpaplanong paghahasik ng lagim ang kanyang narinig! Inisip niyang kailangan niyang gumawa ng paraan. Doon na rin niya inisip... Siguro’y kaya siya nakakakita ng ganitong mga eksena upang paghandain siya sa maaaring magyari. Inisip niya... kung ang sinasabing Lunar Sorceress ay napakatanda na para lumaban... at ang sinasabing Andrei na anak ng Lunar Sorceress ay bihag ngayon ng mga terrorista, at ang sinasabing Hari ng Lunaverse ay nasa ilalim ng sumpa... Aba’y talagang wala na ngang pag-asa! Subalit sino naman ang magiging bagong tagapag-ingat daw ng tinatawag na Lunar Pin at ano ba ‘yon? Isang anting-anting? Hindi kaya... siya ang sinasabi ng mga taong iyon... na magiging bagong tagapag-ingat... at siyang magliligtas sa mundo...? Kaya naman pala! Kaya inisip niya: Kailangan niyang kumilos! Gumawa ng paraan! Pero paano? Ngayong siya’y nasa isang di-kilalang lugar? Sa lugar na unti-unting dumidilim ngunit unti-unti ding umiingay? At ngayong may papalapit na isang imahe ng isang nakakatakot na nilalang na may nakakatakot na kamay na tila kamay ng isang diyablo? ...PAPALAPIT NA NAKAKATAKOT NA NILALANG????? Hindi siya makakilos! Gayong gusto niyang umiwas! Subalit bakit ganoon, kahit daliri niya’y hindi niya maigalaw? Di kaya’t ginamitan siya ng pampamanhid ng mahiwagang tinig para hindi siya makakilos? Aba’t ano na naman ang gusto niyang palabasin? Patayin siya??? Di kaya’t ang mahiwagang boses na iyon... ay anino mismo ng papalapit na diyablo??? Gusto na niyang umiyak sa takot. Subalit walang luhang lumabas sa kanyang kayumangging mga mata. Wala na namang boses na lumabas sa kanya! Di rin niya maipikit ang kanyang mga mata! Bakit? Bakit? BAKIT??? Nang maramdaman niyang may humawak sa kanyang mga kamay... At hinila siya palayo sa lugar! At ang kamay na humawak sa kanya... Wow... ang lambot! Makinis! Lalo siyang naguluhan sa nangyari. Sino ang humihila sa kanya kung ganoon? Pagtingin sa harapan, tumambad sa kanya ang isa na namang imahe... isang anino... anino ng isang tumatakbong nakakapa...

...Nakakapa? Sa wakas, nagawa na rin niyang igalaw ang kanyang paa para makasunod at bibig para makapagtanong: “Sandali...”, panimula niya, “Sino ka?” Hindi sumagot? Inakala tuloy ng dalagita, suplado ang isang iyon. Tuloy pa rin ang takbuhan. Pagtalikod niya’y ngahay! Ang daming sumabay! Maraming sumusunod sa kanila! Totoo nga! Hinahabol sila dahil sa kanilang pangingialam! Dahil hindi niya sinasadyang pakinggan ang kanilang mga plano! Doon na lang ba matatapos ang kanyang buhay na hindi man lang siya nakaabot ng kolehiyo? “Huwag kang lilingon! Mapapahamak ka!” Whoe! Sa wakas, nakapagsalita ang pipi! Pero laking gulat na lang niya... Ang boses na iyon... Tila sa kanyang ekspresyon ng mukha’y tila kilala niya ang boses ng nagbabala. Boses ng isang lalaki. Batang lalaki. Boses na matagal na matagal na niyang kilala. Pagkahinto sa isang eskinita... medyo napagod sila sa katatakbo. Tinignan niya ang kanyang ‘tagapagligtas’: Mataas ito sa kanya ng kaunti. At ang nakapagtataka talaga: Bakit di maani-aninag ang kanyang buong mukha’t katawan? Isa lamang anino, kung baga? Ano na naman ito, ha??? Subalit ang tanging nakita niya sa kanya ay... ...Luha? Lalo siyang nagtaka. “Umiiyak ka ba?”, tanong niya. Hindi ito sumagot sa una. Puros hikbi ang isinukli. Nagtanong uli, “Hoy, ok ka lang ba? Ba’t ka umiiyak?” “...Tulungan mo ako...”, sagot. Ha?

“...Tulungan mo ako...” “Teka, taka... Paano naman kita tutulungan?” Pero iyon at iyon pa rin ang sinasabi. Doon na siya nakulitan. “Eh, paano nga kita tutulungan kung iyan at iyan pa rin ang sinasabi mo?” Ganoon pa rin. Hay... talagang makulit! Pero doon na humarap ang silhouette. Sa kanyang pagharap, isang makislap na bagay ang tumambad sa dalagita bukod sa kanyang mga luha... At doon lalong nanlaki ang kanyang mga mata! Meron suot na kuwintas ang isang di-kilalang anino. Isang bagay na napakapamilyar na sa kanya, kaya ganoon na lang ang kanyang pagkabigla kung bakit suot niya ang bagay na iyon... ...Isang kuwintas na hugis buwan... Pero bago man lang siya makapagtanong tungkol doon (tanong niya dapat sana at kung bakit may suot siyang ganoong kuwintas kasi parang nakita na niya iyon kung saan) ay bigla siyang nasilaw sa tumambad na liwanag na ginawa ng kuwintas mismo! Isang liwanag na pagkahawi’y wala na ang anino ng mahiwagang tao, at sa halip isang kumikinang na palasyo ang bumungad sa kanya. Isang napakalaking palasyo! Kakaiba ang itsura kumpara sa mga palasyong nakikita niya sa encyclopedia! Higit pa ang laki nito sa isang pangkaraniwang palasyong tinatayo noon ng mga hari noong Panahong Midyibal! Sa silaw ng liwanag at kaluwalhatian ng kanyang nasaksihan... Bigla muling dumilim. Dilat ang kanyang mga mata. Pakiramdam niya’y nakahiga pa rin siya. Nakahiga? Bumangon siya nang dahan-dahan. Tinignan ang paligid. Doon na nagtaka. Sa liwanag ng bilog na buwang pumasok sa silid, kitang-kita niya ang isang desk kung saan naroroon ang kanyang mga kuwaderno at iba pang gamit. Sa kaliwa naman ay ang kanyang personal computer na nakabalot ng telang kulay salmon. Sa likuran ay ang kanyang kuleksyon ng mga stuff toys na natatanggap niya mula sa kanyang mga magulang at kaibigan. Sa bandang gilid naman nakasabit ang kanyang mga pompoms at tuwalya at gamit niyang pantalon. Sa ibaba’y ang kanyang

tsinelas. Tinignan ang sarili. Suot pa rin ang kanyang padyama subalit ang salamin at nasa desk niya, nakahiga siya sa sarili niyang kama. At pakiramdam niya’y masakit ang kanyang ulo... Doon siya namutla. Kung ganoon pala... kanina pa pala siya nakahiga! Doon niya naalalang natulog siya ng maaga para sa periodical test nila mamaya (dahil 12:30 na po ng madaling araw, panibagong araw na iyon). Napatitig siya sa buwan. Kung ganoon pala... ang paglitaw niyang bigla sa kalawakan, ang pakikipag-usap niya sa mahiwagang tinig, ang mga nakakalungkot na eksena, ang kanyang mga narinig mula sa mga terorista, ang nakita niyang misteryosong may suot na kuwintas at ang napakagandang palasyo... ang lahat ng iyon ay... PANAGINIP LANG PALA???? Sabi na nga ba...

Related Documents

Secret
June 2020 22
Secret
June 2020 18
Secret
November 2019 40
Secret
November 2019 44
Secret
June 2020 23
Secret
October 2019 29