KAPITULO I: SI ZAI Walanghiya! Alas-singko y media na pala! Inis na inis siyang bumangon matapos silipin ang kanyang alarm clock (na sira pala simula kahapon). Kasalanan kasi ng kanyang bangungot (o panaginip?)! Kung bakit kailangan pa niyang managinip ng kakaiba o masama o ewan ba niya para ma-late siya sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang halos walong taong pamamalagi niya sa pinapasukan niyang eskwelahan! Grabe... Nagmadali siyang naligo. Halos hindi na siya nagsabon ng maigi sanhi ng pagmamadali. Ni hindi rin nagbanlaw ng husto! Sa totoo lang, sa isip niya, hindi pa niya naranasang magmadali sa lahat ng oras. Maging sa pagligo, pagpasa ng requirements, sa mga lakad ng pamilya o ng barkada, sa mga rehersals ng banda o ng cheering squad, sa pagpasa ng mga articles sa kanilang school organ, sa pagtulog at paggising, sa pagkain... ang lahat ay lagi naman niyang pinaghahadaan at inilalagay sa tamang oras. Oo, disiplinado siya pagdating sa oras at sa mga deadlines... Pero ngayon... “Sabi na, sabi na!!!!”, halos magwala na siya sa sobrang pagmamadali, “Kundi lang ako nanaginip, hindi sana mangayayari sa ‘kin ‘to! First time in my entire eight school years, aaaaccckkk!!! Bakit ang tanga-tanga ko’t di ko pa pinaayos kay Tatay? BAKIT??? Agh! Ayoko pa naman ng nale-late! Hindi pa ako nale-late sa buong talambuhay ko!!!” Nakabihis na siya. Nakapagsuklay. Nakapagsapatos. Sa sobrang pagmamadali nga, ayos! Gusot ang kawawang dalagita, mula ulo hanggang paa. At dinig na dinig ang boses niya hanggang sa sala. “Hon”, si Mr. Rodolfo Almacen, or Tito Dolfie (iba na naman ang iniisap n’yo!), “Boses ni Zai ‘yon, ah!” “Ngayon ko lang narinig ang boses niya ngayong umaga”, sabi naman ng kanyang inang si Mrs. Adela Almacen, o Tita Addie sa mga nakakakilala. “Ano’ng oras pa lang, ah! Mga mag-aalas-singko pa lang!” “May importanteng lakad siguro, kaya nagmamadali.” Alas-singko??? Dahil sa rindi ng boses ni Zai, tila may nahulog mula sa kanyang higaan!
“YAAAHHH!!!” Nagkatinginan ang mag-asawa sa kanilang bagong narinig. “I think”, anang ama, “Hindi maganda ang magiging umaga nila...” Nang may lumapit na gegewang-gewang, batang lalaki, may katangkaran pero medyo nakakatawa ang itsura. Sa mukha niya ngayong umaga, tila alam na natin kung sino ang nahulog sa kanyang kama. “Ingay ni Ate!”, reklamo niya, “Nahulog tuloy ako! Aray... sumakit tuloy ang likuran ko!” “Mabuti na rin at nagising ka”, tila ipinagtatanggol pa ng ina ang inirereklamong ate, “Buti’t maaga ka na rin ngayon. Di tulad noon na kailangan ka pang kalabitin ng mga sampung beses bago ka magising! Kaya minsan nale-late na rin ang mga kapatid mo pagpasok!” “Pero ang ganda-ganda po ng panaginip ko! Mahahalikan ko na nga po si Soledad kung hindi lang umistorbo si Ate! Waah!!!”, nagkunwari pang kawawa! “Ganda-ganda ng panaginip... HOO! Ang sabihin mo, tinatamad ka lang magising kaya kung anu-ano na lang alibi na lang ang sinasabi mo! Kung hindi naman, tinatamad kang pumasok!” “Hindi naman po, ah...” “Ba’t di ka gumaya sa Ate Zai mo? Matalino na, talented pa, lagi pang pinapahalagahan ang oras! Kaya ng sumisigaw iyon sa sobrang pagmamadali! Iyon ang talagang nagpapahalaga ng oras niya!” “Aba! Di po ako tulad niya na kailangan pang sumigaw pag nagmamadali! Ayokong mambulabog ng tao ng ganito kaaga!” “Kaya nga! Iyon ang ibig kong sabihin! Ay... Siya, siya”, at inihagis ang isang puting tuwalya sa kanya, “Maligo ka na’t baka ma-late ka na naman! Papagising na rin ang iba pang mga kapatid mo, kaya bilisan mo na’t magbre-breakfast pa, ok?” “Haay...” Kasabay na nga noon ay nagsigising na rin ang tatlo pa sa mga kapatid ni Zai: dalawang babae at isa pang lalaki na siyang pinakabunso nila. Nagising hindi dahil kailangan talaga nilang gumising ng maaga o dahil nakasanayan na nga nila, kundi dahil sa ‘maagang pambubulabog’ ng mga ate’t kuya nila, na maging ang kanilang nanay ay nakisali na rin sa concert nila. Habang tawa nang tawa naman ang asawa.
“At ano’ng nakakatawa?”, medyo naasar si Misis. “Ay, wala, wala...”, ngitngit pa rin si Mister. Mga ilang minuto pa’y nagsibihis na rin ang lahat. Ang lahat ay nakaharap na sa mesa para kumain. Nagdasal muna sila tulad ng isang tipikal na pamilyang Pilipino bago nila galawin ang nakahandang sinangag na may itlog at luncheon meat, crab omelet, cheesedog, tinapay, kape para sa matatanda at gatas para sa mga bata. “Nakakahiya...”, nakayukong kumakain si Zai habang inilalahad ang kanyang matinding kahihiyan kuno, “Akala ko talaga, 5:30 na, pero magpa-5:30 pa lang! Haay...” “Sobrang excited para sa test?”, tanong ng ama. “Not exactly...” “May problema ka ba, iha?” tanong naman ng ina. Hindi sumagot. Tahimik lang na ningunguya ang kanyang cheesedog habang iniisip pa rin ang kanyang panaginip. Naguguluhan pa rin sa kanyang napanaginipan. Pero... “Hindi... panaginip lang ‘yon! Ano ka ba, Zai? Panaginip lang ‘yon! Inaalala mo pa rin ba ‘yon? Panaginip lang ‘yon! Panaginip lang!” Paulit-ulit niya iyong sinasabi sa kanyang isipan. Subalit halata pa rin ang kanyang pagkabalisa sa kanyang panaginip na talagang imposible nga iyong mangyari. Imposible talaga. Kaya di na mapigilan pang sumabat ang nakababata niyang kapatid na lalaki na puno ang bibig ng cheesedog. Normal lang iyon sa mga pangalawa, lalo na kung lalaki, ang makialam sa usapan ng kanyang ate o kuya sa kanyang mga magulang. “Kasi po”, simula ni Binoe, “Iniisip pa rin niya yung pakikipag-break niya kay Kuya Jin!” Sa sinabi niyang iyon... PAK!!! Napukpok ang kanyang likuran ng nangangalaiting kamay ng kanyang ate! Muntikan na tuloy siyang mabulunan. “Buti nga sa ‘yo!”, asar ni Zai, “Sabat ka kasi ng sabat!” Ubo siya nang ubo, “Tatay, o!”
“Zenaida! Robin! Ano ba ‘yan?”, suway ng nanay, samantalang natatawa na ang tatlo pang kapatid sa kanilang pinaggagagawa, “Nasa harapan kayo ng pagkain! Mahiya naman kayo sa tatay n’yo! Huwag kayong mag-aaway habang nasa mesa kayo!” Tumahimik sa wakas ang dalawa. “Sorry po...”, koro nila. Pero talagang hindi mapigilan ang kulitan ng dalawa. Namelat si Binoe. Gumanti naman si Zai. Nagbanta pa nga itong sasaktan pag hindi pa tumigil. Sinuway ulit sila ni Nanay. Ngisi pa rin ng ngisi ang ama. “Teka, teka...”, inawat ang tatlo, “Matanong ko nga kayo. Kayo ba’y pinag-iigihan n’yong mabuti ang pag-aaral n’yo?” “Opo...” “Ewan ko lang dito...”, at tumitig ng masama si Zai kay Binoe. “Aba’y hindi ako tulad mo!”, tanggol naman ni Binoe, “Nagkakasyota agad, iiwan pagkatapos! Ngaay...” “Eh sino naman si Soledad sa buhay mo, aber???” “Uy, crush ko lang ‘yon, noh!” “Hoo! Wag ka nang magmalinis!” “Hah! I’m cleaner than you think!” “Cleaner, cleaner...” “PSSST!!!” Muling nanaig ang katahimikan sa mesa nang hinupa ito ng sitsit ni Tita Addie. Nanahimik na ulit ang dalawang tumuloy sa pagkain. “Nakakamuro na kayong dalawa! Robin, mahiya ka naman sa Ate Zai mo! Nakatatanda siya sa ‘yo kaya konting respeto naman! At ikaw naman Zenaida, huwag mo namn patulan ang kapatid mo! Ikaw ang matanda, ikaw na ang magpasensya!” “Sorry po ulit...” koro ng dalawa. Hagikhik naman ang tatlo pang mga batang tuloy sa pagnguya ng cheesedog. Pinuna din ito ng ina. “ Shaneen! Marilen! Joemart! Nasa harapan tayo ng mesa! May tinuro ba akong tumawa habang kumakain?” Tumahimik na rin ang tatlo.
At ang ama ngayon ang ngingisi-ngisi. Sinuway din ni misis (lahat na lang pinupuna palagi! Ano ba ‘yan!)! “ Hoy, Rodolfo! Tahimik na nga ang mga bata, eh! Ikaw pala itong bad influence! Kaya tumatandang paurong ang mga bata, eh, dahil ikaw din mismo, hindi mo kayang ayusin ang sarili mo! Pero talagang hindi na mapigilan ang asawang tumawa. “Eh papaano...”, tawa ulit, “Saway ka ng saway, hindi mo napapansing wala nang laman ang plato mo! Kinakain na pala ng anak mo!”, tawa pa. At hindi na nga maiwasan, tumawa na rin ang limang bata. Doon na nga napansin ni Tita Addie na kanina na pala nilalamon ng bunso nilang si Jo ang kanyang pagkain! “Nanay naman kasi!”, sabat ni Binoe, “Ayan tuloy, ninanakawan na pala kayo ni Jo!” “Aba’t...” ayun tuloy... He-he, hindi na tuloy malaman ng ina kung maiinis ba siya sa nangyayari o matatawa, dahil kanina pa nga siya dada nang dada, masusulutan pa siya ng sariling anak! Haay... iba talaga kung pinakekealaman mo ang buhay ng ibang tao. Di mo napapansing nabibiktima ka na rin ng pagkakataon. Ang reaksyon ni Nanay? “Ah-ah-ah-ah-ah-ah-ah!!!!” Ahay, sumabay na rin sa tawa ang buong pamilya! Kay saya ng almusal nila noong mga oras na iyon! Iyan ang pamilya Almacen. Tipikal kung maituturing ang kanilang pamilya, pero kinikilala sa eskwelahang pinapasukan ng mga bata. School librarian si Tito Dolfie. Sekretarya naman to the director si Tita Addie. Parehong may magandang suwendo kaya wala pang problemang pinansyal ang pamilya. At ang mga anak? Si Joemart (Jo) ang bunso, matakaw sa kahit anong pagkain. Makulit at sobra kung magtanong, pero normal lang iyon sa mga limang-taong-gulang na bata dahil sa ganoong edad ay nagagawa na nilang magtanong tungkol sa kung anu-ano kaya may natututunang bago. Hulaan n’yo kung ano ang regalo sa kanya ng kanyang Uncle Di (sa side ng tatay nila): isang pambatang laptop galing pang Japan! Aba’t suwerte naman n’ya! Pinakamatalino naman si Marilen (Leng). Sabi pa nga ng tatay niya, “Nagmana talaga siya sa Tia Marie (†) niya!”. Paano, sa edad na 8 anyos, ang dami na niyang academic awards! First in excellence nga siya noong nakaraang taon! Ang sikreto: Laging nagdadala ng mabibigat na libro. Schedule man o hindi, maraming dalang libro iyan. Kaya noong birthday niya’y niregaluhan siya ng Uncle Di ng isang set ng Encyclopedia Britannica Recent Edition na galing pa sa States! Ito namang si Shaneen (Nisha) ang masasabing pinakamaganda sa kanila. Minana ang katangusan ng ilong ng ina at ang mapupungay na mata ng ama. Tipong artistahin
kung baga. At talagang bagay nga sa kanya ang kanyang mukha dahil mahilig itong mangolekta ng mga aksesorya. Peke man o totoo (na bihira lang mangyari ang makakuha siya ng totoong bracelet), mapa-hikaw man o bracelet o anklet o kwintas. Kaya noong 11th birthday nga niya, regalo sa kanya ni Uncle Di niya’y isang music box mula pa sa Scotland! Si Robin (Binoe) ang nakatatandang lalaki at pangalawa sa magkakapatid (naku, kung ano na naman ‘yang iniisip n’yo!). Isang tipikal na maingay, mapapel, makulit, malikot at baliw na 12-anyos na bata. Subalit sa edad niyang iyon ay 5-footer na siya. Tipikal na rin sa kanya ang maging kakontra ng kapatid na babae. Pero talagang mangingibabaw sa kanya ang pagiging isang baliw sa dahilang baliw na baliw siya sa kaklase niya’t teen idol na si Soledad. Hilig niyang mag-basketball, mag-gitara at magpatawa, kaya ang pasalubong sa kanya ni Uncle Di ay isang genuine na Mikasa® Basketball na nakuha raw niya sa kagaganap pa lang na NBA Quarterfinals sa Seattle! At ang huli’y ang panganay na si Zai, o Zenaida kung gusto n’yong pormal. Medyo naipakilala na siya ng konti sa simula, pero ito pa ang dagdag. Isa-siyang allaroung na dalagita: honor student, vocalista pa ng Hot Tabasco (pangalan ng banda nila sa kanilang subdivision), cheerleader, section writer ng Blue Ribbon (school organ ng kanilang paaralan), vice-president pa ng kanilang klase! Aba’t kung ako ‘yan di ko yan kayang pagsabayin noh! Isa nga siyang mapagpahalaga sa oras at panahon, kaya lagi siyang on-time sa lahat. Oo, mabait at mapagpasensya din siyang ate. Kung minsa’y mahilig itong magkuwento ng mga kababalaghan at kung anu-ano pa lalo na kina Jo. Nakabihis na sila. Nakapag-almusal na rin. Nakapag-toothbrush na. Kaya handa na ang lahat na umalis. Sandamukal na bilin ang ipinukol ni Tita Addie sa kanilang houseboy pero nakakagulat na nakakabisado niya iyon. Samantalang nasa kulay-maroon nang ownertype jeep naghihintay ang asawa at mga anak. Si Tito Dolfie ang nagda-drive. Ang mga anak ang nasa likuran dahil nakareserba ang unahang upuan sa asawa. Si Jo, kandong ni Leng na nasa pagitan nina Nisha at Binoe dahil mahina ito sa mga lakarin hanggang ngayon at suka pa nang suka. Gustung-gusto naman ni Binoe sa may bintana. Gayundin si Zai. Kaya sila ang nasa magkabilang dulo ng upuan. Limang taon nang nasa kanila ang jeep na regalo ni Uncle Di sa tatay nila noong Father’s Day of 1994 kaya mahalaga sa kanya iyon. Subalit habang nagbibilin ang kanilang ina sa houseboy, tila may tumalo na sa boses niya nang nakarinig na naman si Zai ng sigawan sa kabilang bahay... Ang usual na niyang naririnig tuwing umaga. “YAYA!!! Ang sapatos ko!!!!?” “Ano ka ba? Ang aga-aga, sumisigaw ka na agad!”
“Yung sapatos ko?” “Ba’t sa yaya mo pinapahanap? Ba’t di ka maghanap?” “Di po ba siya po ang naglinis ng kuwarto ko kahapon?” “Hindi siya! Si Elen ang naglinis!” “Mommy naman! Di ba sinabi ko nang si Yaya lang ang puwedeng maglinis sa kuwarto ko? Ba’t ibang katulong ang pinapasok n’yo?” “Aba’y malay ko ba? At isa pa, hindi sa lahat ng oras ang yaya mo ang naglilinis ng kuwarto mo! Aba, Darwin, you have just turned fourteen yesterday! Hindi ka na bata para magpalinis pa sa yaya mo! Puwede mo naman gawin ‘yon mag-isa!” “Wala po kaya ako dito kahapon...” “Dahil nasa arcade ka na naman at inuubos lang ang allowance sa mga walang kuwentang laro! Ikaw talagang bata ka... tumatanda ka nga, tumatandang paurong naman!” “Ma naman! Could we just stop it? Nagsisimula na naman kayo, eh!” “Ano’ng ako na naman ang nagsisimula? Baka ikaw mismo! Ke aga-aga, bunganga mo na ang sumalubong sa mga kapitbahay natin! Nakakahiya naman sa kabilang bahay!” “Kayo, Ma, hindi rin ba kayo nahihiya’t sumisigaw na rin kayo?” “Aba’t...” “Aling Elen! Ang sapatos ko???” “Wag mo’ng sigawan ang mga katulong natin nang ganyan! Ano ka ba?” “Aling Elen! Ang sapatos ko???” “Po, ser?” “Saan mo nilagay ang sapatos ko?” “Malapit po sa may drawer...” “Eh ba’t wala doon?” “Sigurado po ako, ser, doon ko po nilagay!”
“Ba’t di mo gamitin ang mata mo’t wag mong isabay sa bibig mo para madali mo’ng makita, hm?” “Whatever...” “Ano’ng whatever? Hoy, Darwin, hindi ganyan ang pagpapalaki ko sa inyo ng ate mo!” “Puwes ano naman kaya ang dahilan para lumaki akong ganito?” “Ano ka ba...? Nagsisimula ka na naman?” “Kayo na ngayon ang nagsisimula! Hindi na ako!” “Darwin!” “Heh! Nandito lang pala! Ano ba kasi ang ginagawa ng mga basahan dito? Aling Elen, next time ni lapis sa kuwarto ko huwag n’yo na pong papakealaman! Si Yaya lang ang may karapatan sa kuwarto ko!” Sabi na... Ganoon na lang ang pagbuntonghininga ni Zai sa unang sigawang narinig niya ngayong umaga. Akala niya’y siya lang ang sumisigaw ngayon subalit palagay niya, wala na talagang papantay sa tunay na pampagising sa umagang talo pa ang manok ni San Pedro... Ang sigawan nilang mag-ina... Nagsimula lang naman iyon nang namatayan sila ng isang kamag-anak... isang napakalapit sa kanilang puso... maging sa puso ng kanilang kapitbahay... sa puso din niya... “Iyan na naman...”, sabat ng tatay ni Zai, “Hindi na talaga iyan magbabago... nagbago ngang tuluyan ang pamilya nila mula nang mamatay si Dame... Kawawa naman...” “Mas lalong kawawa”, singit ng asawa, “Yung bunso ni Jane... nagrebelde ng husto... Ang nakapagtataka nito, Darling, ay kung bakit ang bigat na ng loob ni Jane sa bunso niya, kahit maliit pa...” Ano daw? Tama... yung kapitbahay nina Zai... hindi naman daw sila ganoon dati. Masaya ang pamilya nila. Palaging may dalang videocam ang ama para kunan silang mag-iina. Sa tuwing namamasyal sila, oo. Subalit iba na nga talaga ngayon. Ganyan talaga pag
nawawalan ng isang mahal sa buhay, lalung-lalo na kung hindi ito matanggap ng pamilya. Ganoon marahil ang sitwasyon nila ngayon... ...Na limang taon nang ganoon... Awa tuloy ang nanaig sa kanyang puso. Wala siyang magawa para damayan ang kanyang kababata. Pero ganyan talaga ang buhay. May mga tao pa ring nabubuhay sa nakaraan kaya hindi na magawang magpatuloy pa sa kanilang normal na pamumuhay. Ang resulta, may mga ayaw nang makipag-usap sa kahit sino. Nagagalit sa mundo... ...O kaya’y tinatapos ang sariling buhay para matapos na ang kanyang pagdurusa... Subalit iba ang kanyang kababata. May mga rason kung bakit naroroon pa siya’t buhay. Wala na. Hindi na niya talaga kilala ang taong iyon. Wala na noon ang kanyang ngiti’t pagiging malikot at masayain. Ninakaw na ni Kamatayan. At ang nakikita niya ngayong lumalabas sa kabilang bahay ay hindi ang kanyang kababata. Hindi ang kanyang kaibigan. ...Kundi isang estrangherong laging may mabagsik na mukha. Tumitig ito sa kanya. Na waring galit maging sa kanyang kapitbahay. Ito ang kanyang ikinabigla ang konti. Ang taong iyon... na maitim ang buhok... Mamula-mula ang mga mata... may maliit na ilong... at may maamong mukha ng isang kuneho... na itinatago lang ng kanyang kasungitan dahil sa insidente ngayong umaga. Teka... ba’t di niya suot ang... “Sige, alis na tayo!”, anunsyo ni Tatay. Sabay pihit sa susi ng makina, naglabas na ito ng ingay mula sa tambutso nito. Medyo nanginig na ang kabuuan ng jeep, tanda na sila’y aandar na. Pero biglang... “Tay!”, biglang sigaw niya. Sa gulat, nabigla tuloy ang ama sa paghinto ng sasakyan. Ipit ang mga nasa loob! “Rodolfo naman!”, naasar ang asawa, “Dahan-dahan!” “Ano ba ‘yan!”, medyo naasar na rin, “Wag mo’ng sabihing me nakalimutan ka! Aba’t bilisan mo’t trapik ngayon! Ba’t ngayon ka lang nagsabi...?” “He-he...”, namula tuloy si Zai sa kanyang ginawa, “Sorry po...”
“Yan kasi!”, sumabay muli ang mapapel na si Binoe, “Kanina pa nagde-day dream kaya yan!” Humahangos na pumasok si Zai sa kanilang bahay at umakyat nang dali-dali tungo sa kanyang kuwarto. Tila mayroong hinahanap. ID? Pero nasa bag na niya iyon. Libro? Pero nakaayos na iyon. Bolpen? Pero lagi naman niya iyon bitbit. Kodigo? Imposible na iyon! Hindi siya yung tipong tumataas pala ang grades dahil sa daya! Ano ba talaga iyon? “Ah, ayos na!” Ah, isang keychain lang pala. Kala ko kung ano na. Isang gintong hugis buwang keychain na may perlas pang nakadikit sa gitna nito... ...Hugis-buwan??? Kuminang ito nang tinamaan ng sikat ng haring araw. Kumikislap ang perlas. Isa lang ang ibig sabihin niyan. Totoo ang keychain. Purong ginto ang pagkakayari. Mga 14karat gold na rin iyon. At ang perlas ay totoo din dahil kanyang nadama ang konting gaspang sa pisngi nito. At saan niya iyan nakuha? Mali ang hula ninyo dahil hindi iyan mula sa kanyang panaginip. Galing iyan kay Uncle Di na regalo sa kanya noong birthday niya three months ago. Tinanong pa niya kung saan niya ito nakuha. Pero ang sabi lang nito’y nakita niya sa isang kilalang jewelry shop sa Shangri-La kung saan sabi naman ng clerk doon ay nakuha daw iyon ng kanilang manager sa isang driver ng cargo truck na nakapulot daw sa may highway padaan na sa may Ayala. Binigyan daw ito ng malaking halaga kapalit ng keychain dahil nga totoong-totoo itong ginto’t perlas. Iyon na. At doon na naman niya naalala ang kanyang panaginip... Ang mahiwagang boses... ang digmaan... ang mag-asawa... ang pinatay na babae... ang sanggol... ang mga masasamang espiritu... ang mysterious guy... ang kuwintas... “Panaginip lang iyon!”, bulong niya sa sarili, “Ano ka ba, Zai? Panaginip lang iyon! Kahit kailan hindi yon magkakatotoo puwera lang kung gagawing pelikula ni Steven Spieldberg! Basta hindi iyon mangyayari! Hindi naman ‘yon totoo! Pero bakit... bakit...” “Ate?” EEEK!
Sa gulat, napatilapon ang keychain na kanyang hawak. Pero buti’t sinalo niya kahit nataranta. Doon siya medyo nainis nang makita niya nang ang tumawag lang pala sa kanya... “Ay, Nisha...”, bugtonghininga niya, “Puwede ba next time kumatok ka muna bago ka pumasok...” “Ate”, sabi niya, “Wala rin kung kakatok ako, magugulat ka rin. Nga pala, ikaw na lang ang hinihintay! Ano ba kasi ‘yang nakalimutan mo?” “Ha? Ako?... Ay, wala, wala! Tsaka wala ‘to! May kinuha lang ako...” “Ano nga?” “Wala! Keychain ko lang!” “Ngi... keychain lang pala! Yung bang keychain na bigay ni Uncle sa ‘yo?” “Oo... Yun na nga...”, sabay labas na sila’t ini-lock ang pinto ng kuwarto. “Ano ba ‘yan! Iwan mo na lang kaya? Baka nakawin pa ‘yan, eh! Sayang lang!” “Ayoko nga!” “At bakit naman?” “Heh, wala ka na doon!” “Heh... daya!” Sabay baba ng dalawa ay agad na rin silang nakasakay sa jeep. “Tagal n’yo, ah!”, ani Tito Dolfie, “Ano ba’ng kinuha mo doon?” “Yung keychain ko lang po...” kanyang sagot. “Asus! Eh aanhin mo naman ang keychain sa test n’yo? Baka manakaw lang ‘yan!” “Anting-anting?”, tanong ni Leng. “Hmmm...” at ang sagot ni Zai, “Ganoon na nga.” “Asos!”, boses ni Binoe, “Aba, Ate, naniniwala ka na ngayon sa nga antinganting! Gagana kaya ‘yan?”
“Eh kaya nga po binigyan kasi nag-aaral po akong mabuti! Di tulad mo kaya minamalas!” “Aba, ginagawa ko rin naman ‘yan noh!” “Teka nga Robin”, sumabat na sa usapang pambata ang kanilang ina, “Nag-aaral ka nga bang talaga?” “Teka po, tinanong na rin po ‘yan ni Tatay sa akin, ah!” “Puwes ako na po ang nagtatanong.” “Aba siyempre! Mabuting-mabuti” Subalit may inabot si Jo sa nanay galing sa kanyang bag. Isang papel. Higit pa, isang TEST PAPER! Nagtaka ang lahat. Agad din itong kinuha sa pag-aakalang test paper iyon ni Jo kaya normal lang na ipapakita ito sa magulang. Subalit ang nakalagay palang pangalan doon ay Robin Almacen. At ang masama... “Eh ano ito, aber???” Inay... five over twenty. English pa. “S-saan... SAAN N’YO ‘YAN NAKUHA???”, tila ang kanyang pagwawala ay parang nawalan na siya ng dangal. “Kay Jo”, diretso nito. Tawa nang tawa ang kanyang mga kapatid, lalo na si Zai na tila naka-jackpot sa lotto kung tumawa. “Kita mo na, ‘Nay?”, tawa pa, “Yan ang tinatawag kong malas!” Tawa sila lalo. At si Jo. Pero para sa isang tulad ni Binoe na bagsak sa isang simple ngunit major subject, malaking kawalan na rin iyon sa kanyang ‘pagkalalaki’ na pagtawanan siya ng mga babae. Doon siya nagalit kay Jo na siya raw nagsimula ng tawanan sa loob ng jeep. “Pumasok ka sa kuwarto ko nang walang paalam, noh???”, ngawa niya. Hindi na makapagsalita pa sa takot. “Robin, wag mong takutin ang bata!”, suway ni Tita Addie. “Buti nga ‘t nagsumbong! Kung di ko naman malalaman agad... Ay, ewan ko nga ba sa ‘yo, bata ka!” “Hindi...”, tila sinukluban siya ng langit at lupa, “Sira na nga ako sa pamilyang ito...”
“Kung hindi ka naman saksakan ng tamad, eh...”, nakisali na ang ama, “Tama nga lang ‘yan sa yo kasi hindi mo pinag-iigihang mabuti! Parusa lang ‘yan sa mga tamad na tulad mo! Yan tuloy! Sino ngayon ang kailangang sigawan?” Nanahimik tuloy ang kaninang mabokang bata. “Oo nga pala, Zenaida”, sabi ng ina, “Si Jin? Wag mong sabihing wala na nga kayo!” Nagulat ang dalagita sa ipinukol na tanong ng ina. Doon na rin siya nanahimik. Ngunit nalaman din niya ang sagot kundi na naman sa pakekealam ni Binoe, “Noong last week pa po!” Pero batok din ang abot mula kay Tatay. Aray... “Hindi nga...”, tuloy ng ina. Hindi na muling sumabat pa si Zai. Tumanaw na lang ito sa bintana, waring ayaw na niya iyon pag-usapan pa. Makakasira lang daw iyon sa kanyang knsentrasyon sa pagaaral. Dahil doon, hindi na muling nagtanong ang ina at baka lalo lang ito makakasama sa kanya. Subalit hindi niya maiwasang alalahanin niya ang nakaraan... Nang mga oras na iyon masayang-masaya siya dahil mataas ang nakuha niya sa quiz nila sa Math. Pupuntahan niya sana si Jin noong mga oras na iyon. Subalit... Ano itong nadatnan niya??? Ang boyfriend niyang halos isang taon niyang nakasama... tila wala nang isang taon pa dahil nakita itong nakahalik sa isang babae... At ang masama, sarili pa niyang bestfriend ang kumirendeng sa kanya! Ang bestfriend niyang si Karen na halos pitong taon niyang matalik na kaibigan ang siyang sumira mismo sa relasyon nila ni Jin! Maging sa samahan nilang dalawa! Talagang hindi maiwasan ang alembong ni Karen. Ang babaeng may sampung lalaki kada taon sa kanilang paaralan. Na sa kabila noon ay nanatili pa rin siyang bestfriend niya. Subalit ibang usapan na ito. Ibang usapan na pag si Jin na ang nasa eksena... Kasama si Karen.
At iyon... ang ikinasama niya talaga ng loob! Kaya walang kiyemeng sinampal niya ang ex niya sa harap ng maraming tao! Iyon din ang dahilan kung bakit sa kauna-unahang pagkakataon ay naipasok siya sa principal’s office dahil sa pakikipagsampalan at pakikipagsabunutan niya sa kanyang... ex-bestfriend. Doon natapos ang lahat sa kanila... Nang dahil doon... pati kaibigan ay nawalan siya dahil sa kataksilan... Doon lang sumakit nang konti ang kanyang ulo. Para mawala’y hinilot niya ito nang konti’t ipinangako sa sariling hindi na niya iyon iisipin pa kahit kailan. Tapos na iyon, kung baga. Hindi na rin niya iisipin ang tungkol sa kanyang panaginip... kahit kailan! Ang exam... Tama! Iyon na lang dapat ang kanyang iisipin at hindi ang mga walang kuwentang bagay. Sa pag-andar ng gulong at pagbukas ng gate ng garahe ng kanilang houseboy ay tuluyan nang umandar ang jeep palayo sa bahay, patungo sa kanilang eskwelahan. Tila pinapaliit na ng kanilang dinayang paningin ang kanilang bahay habang papalapit na sila sa pinaka-gate ng Rochester Homes, palabas upang makahabol ang mga bata sa First Quarterly Examinations ng Regina Caeli Academy.