TRAIN Law: Epektibo ba?
Noong ika-19 ng Disyembre, 2017, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN Law) at tuluyang ipinatupad ang unang bahagi nito noong Enero 1 ng kasalukuyang taon. At simula noong ito ay napagbisa, naging usap-usapan ito marahil malaki ang epekto nito sa buhay ng mga mamamayang Pilipino. Ito ang naging batayan ng lahat sa pang-araw-arawꟷ sa kung magkano ang sweldong maiuuwi para sa pamilya at sa gaano kataas ang presyo ng mga bilihin. Isa lang ang tiyak, pasakit lamang ang dulot ng TRAIN Law sa sambayanan. Ayon sa gobyerno, and pangunahing layunin ng TRAIN Law ay gawing komprehensibo, pantay at mas epektibo ang sistema ng pagbubuwis sa bansa. Ngunit, ang tanging magandang epekto nito ay ang pagtatanggal ng Personal Income Tax (PIT) sa kita ng mga manggagawang sumusuweldo ng P250,000 at pababa kada taon. Totoong nagkaroon ng kalayaan ang mga manggagawa nabanggit sa paggagasta ng kabuoan ng kanilang suweldo, ngunit, lubhang mas marami naman ang mga naging negatibong epekto; lalo na’t hindi naman nararamdaman ng lahat ang benepisyong hatid nito. Una, hindi naman lahat ng Pilipino ay nagtatrabaho sa pormal na sector; sa opisina, sangay ng gobyerno, institusyon, at iba pa. Kaya’t hindi naman nararamdaman ng lahat ang pagtatanggal sa PIT. Sa katunayan, lubhang mas marami pa ang mga manggagawang Pilipino na nasa ilalim ng impormal na sector, katulad na lamang ng mga magsasaka, mangingisda at iba pa, kaysa sa mga nasa pormal na sektor. Sa kasalukuyan, humigit-kumulang 15 milyong Pilipino ang walang regular na sahod (impormal) at 7 milyong Pilipino lamang ang mayroon (pomal). Ito ay nangangahulugang 15 milyon ang hindi nakararamdam ng mabuting epekto ng TRAIN Law dahil sa simula pa lamang, wala namang buwis na nakakaltas sa kanilang suweldo. Ito ay nauugnay sa ikalawang puntoꟷ bagama’t hindi lahat ay nakikinabang sa sistemang ito, lahat naman ay damay sa negatibong dulot nito. Sa kasamaang palad, kabilang ang lahat sa nagtitiis sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Bumawi ang gobyerno sa pamamagitan ng pagpapatong ng karagdagang buwis sa mga produktong mayroon o gawa sa asin, asukal, coal, at langis. Apat na produkto lamang ang nabanggit ngunit ito ay ang mga pundayon ng halos lahat ng mga bilihin. Naging ugat din ito ng sanga-sangang problema tulad na lamang ng pagtaas ng presyo ng iba pang gastusin kagaya ng pamasahe. Sa panghuli, naapektuhan naman ang mga maliliit na negosyo. Kung noon, maliit lamang ang kinikita nila, ngayon ay mas pinaliit pa. Tulad na lamang ng sa sari-sari store; dahil sa pagtaas ng presyo ng mga produktong mayroong asukal, tumaas ang presyo ng mga inumin tulad ng softdrinks. Kaya naman, mas pinipili na lamang ng mga mamimili ang hindi bumili. Nawawalan ng mga taga-tangkilik ang mga maliliit na negosyong ito na siyang dahilan ng pagkalugi nila. Dahilan nito, nawawalan ng pagkakakitaan ang ilan sa mga mamamayang Pilipino. Tunay na pasakit lamang ang dulot ng TRAIN Law sa sambayanan. Sana’y bago ipatupad ang sistemang ito, inisip muna ang mga maaaring mangyari lalo na sa mga mamamayang nasa laylayan. Sana’y ipinataw na lamang ang buwis sa mga malalaking kumpanya at hindi sa mga bilihin. Dahil sa ngayon, patuloy lamang na nababaon sa hirap ang maraming pamilyang Pilipino.