Republic of the Philippines Pangasinan State University Asingan Campus
Mga Kasanayan sa Akademikong Pagsulat
Ipinasa nina: Ray Mart O. Dres Joseph Jilson Solis Jeremy Somera Jomari Cuario Noli Caballero Jhared San Agustin Erickson Guieb Christopher Escala
Ipinasa kay: Prof. Adoracion Gante
Bachelor of Industrial Technology II Automotive Technology
PANIMULA Ang epektibong pagpapahayag sa sariling pananaw, opinyon at ideya tungkol sa isang paksa sa pasulat na anyo gamit ang ating sariling wika ay isang kasanayan na dapat malinang sa bawat isa. Ang kasanayang ito ang huhubog ng tiwala sa sarili at kakayahan sa pakikipagtalastasan na lubhang napakahalaga sa pag-unlad ng bawat kabataan . Ang pagsulat ay pagsasalin sa papel o sa anumang kasangkapang maaaring magamit na mapagsasalinan ng mga nabuong salita, simbolo at ilustrasyon ng isang tao o mga tao sa layuning maipahayag ang nasa kanyang kaisipan (Sauco, et al., 1998). Ginagamit ng tao ang pagsulat bilang daan sa pagpapahayag ng saloobin sa maayos at masining na paraan. Isang paraan ng pagpapahayag ng mag saloobin, damdamin at kaalaman ang pagsulat katulad ng pagsasalita. Sa apat na makrong kasanayang pangwika (pakikinig, pagsasalita, pagbasa at pagsulat), ang pagsulat ang sinasabing pinakamahirap matutuhan. Di tulad ng pagsasalita, hindi mga tunog kundi may mga titik ang simbolong ginagamit ng manunulat upang makapagpahayag. Bumubuo siya ng makahulugang salita mula sa mga titik, at ng mga pangungusap at kabuuang diskors mula sa mga salita. Ang pagsulat ay ekspresyon ng pagpapagalaw ng isipan at emosyon ng tao. Ang mga bagay na hindi kayang sabihing pasalita ay ginagawa sa paraang pasulat. Maaaring sumulat ng pansarili o personal; kasabay nang pagunlad ng sariling ideya tungkol sa sarili at karanasan. Ang ganitong uri ng pagsulat ay makatutulong sa pagpapabuti ng kasanayang ito sapagkat ang paksang isinusulat ay pinakamalapit sa interes mo. Isang kasanayan na dapat malinang sa bawat mag-aaral ang epektibong paggpapahayag ng kanyang sariling opinion, saloobin, at ideya batay sa isang umiiral na paksa sa anyong pasulat gamit ang sariling wika. Kapag taglay ang kasanayang ito ay nahuhubog sa isang kabataan ang tiwala sa sarili sa pakikipagtalastasan. Subalit ito ay hindi nalilinang dahil sa
hamon sa bawat guro at mag-aaral sa pagsulat. Parehong nakararanas, ang guro at mag-aaral, ng suliranin kung paano ba sisimulan ang pagsusulat. Ang akademikong sulatin ay isang masinop at sistematikong sulatin ukol sa isang karanasang panlipunan na maari pang maging batayan ng marami pang pag aaral na magagamit sa pagtaguyod ng lipunan. Ang karaniwang estrutura ng isang akademikong sulatin ay may simula na naglalaman ng introduksyon, gitna na naglalaman ng paliwanag at wakas na naglalaman
ng
resolusyon,
konklusyon
atrekomendasyon.
Sa panahon natin ngayon nalilimutan na natin kung papaano nga ba ang wastong pagsulat ng akademikong sulatin kung kaya't nahihirapan tayo sa pagsulat ng mga ito. Mahalagang matutunan ang kahalagahan, kalikasan at katangian ng akademikong sulatin upang magkaroon ng sapat na kaalaman kung papaano nga ba ang wastong pagsulat ng mga ito. Kung ikaw ang manunulat maihahayag mo nang maayos ang nais mong iparating sa mga babasa nito.
Marapat lamang na pag aralan at magkaroon ng sapat na kaalaman kung papaano ang pagsulat nito. Papaano na lamang kung hindi tayo maalam sa pagsulat ng akademikong sulatin? Maaaring hindi natin maihahayag ng wasto ang ating sarili sa paraan ng pagsulat at maaari din na hindi ito madaling mauunawaan. Kung kaya't dapat nating aralin ito.
MGA KASANAYAN SA AKADEMIKONG PAGSULAT Ang pagsulat ay pagsasalin sa papel ng anumang kasangkapang maaaring magamit na mapagsasalinan ng mga nabuong salita, simbolo at ilustrasyon ng isang tao. (Bernales, et al., 2001) Ito ay kapwa pisikal at mental na aktiviti o gawain na ginagawa para sa iba’t ibang layunin. (Bernales, et al., 2002) Ayon kina Xing at Jin (1989), ang pagsulat ay isang komprehensibong kakayahang naglalaman ng wastong gamit, talasalitaan, pagbubuo ng kaisipan, retorika at iba pang elemento. Ayon naman kay Keller (1985), ang pagsulat ay isang biyaya, isang pangangailangan at isang kaligayahan ng nagsasagawa nito. Samakatuwid, ang pagsulat ang bunga ng gawaing pisikal at mental na kakayahan ng tao na nasasangkapan ng pagsasama-sama ng mga salita, simbolismo, at imahe sa isipan na bunga ng karanasan ng isang indibidwal at kanyang kaalaman. Ang kahandaan at motibasyon sa mga kakayahang pangkasanayn sa pagsulat ay magbibigay ng matibay na pondasyon sa pagsulat ng mga mag-aaral. Kung ang isang tao ay walang komprehensibong kasanayan at kaalaman sa pagsulat ay nagiging balakid upang makabuo ng makabuluhang at epektibong sulatin. Magkakaroon lamang ng katuparan ang hinahangad na kasanayan sa pagsusulat ay sa kahandaan at wastong paggabay ng guro upang ang ito ay maging mabisa, magaan at may kahusayan ng mga mag-aaral. Ayon kay Donald Murray, ang pagsulat ay isang eksplorasyon-pagtuklas sa kahulugan, pagtuklas sa porma- at ang manunulat ay nagtatrabaho nang pabalik-balik nagtutuon sa isa sa mga batayang kasanayan sa bawat panahon nang kanyang matuklasan kung ano ang kanyang isusulat at kung paano niya iyon maipapahayag nang episyente. Ayon pa kay Murray, ang
pagsulat at isang prosesong rekarsib o paulit-ulit. “Writing is rewriting”. Matapos diumanong magsulat, magsisimula na namang panibago ang bagong pagsulat. Ang akademikong pagsulat o sulatin ay isang intelektwal na pagsusulat. Ito ay madalas na ginagamit sa pakikipagkomunikasyon na ang tawag ay liham, pananaliksik at iba pa. ito ay isang makabuluhang pagsasalaysay na sumasalamin sa kultura, karanasan, reaksiyon at opinion base sa manunulat. Ito din ay ginagamit upang magbatid ng mga impormasyon at saloobin sa kanyang ginagawang sulatin. Layunin ng akademikong pagsulat ang magbigay ng makabuluhang impormasyon sa halip na manlibang lamang. Nangangailangan ng mas mahigpit na tuntunin sa pagbuo ng sulatin sa akademikong pagsulat dahil ito ay komplikado at seryoso katulad ng pagsulat ng pananaliksik, kailangan nito ng basehan at kailangan ding tama ang impormasyong inilalagay sa sulatin. Nakadepende sa kritikal na pagbabasa ng isang indibidwal sa pagbuo ng akademikong sulatin. Layunin din ng akademikong pagsulat na mailahad ng maayos ang isang ideya at ang tema upang malinis itong mababatid ng makakakita o mambabasa. Isang kompleks na kasanayan ang pagsulat ayon kay Badayos (2001) sapagkat kailangan ng isang manunulat ng sapat na kaalaman sa mga salik na mahalaga sa pagbuo ng sulatin gaya ng sumusunod: 1. Tapik/Paksa- ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman o impormasyon na maaaring mula sa sangguniang aklat, dyurnal, at iba pang mapagkukuhanan ng impormasyong nakalap buhat sa mga pagmamasid at personal na mga karanasan. 2. Layunin- ang malinaw na dahilan ng manunulat kung bakit siya nagsusulat. Nagkakaroon ng malaking epekto ito sa paraan ng pagsulat kaya nakabatay nang malaki sa layunin ang kaibahan sa porma o anyo ng isang sulatin.
3. Interaksyon at Isang Kamalayan ng Awdyens- dapat mabatid ng isang manunulat kung sino ang babasa ng kanyang isinulat. Dito nagaganap ang iteraksyon sa pagitan ng manunulat at mambabasa. Sa ganitong aspeto, nararapat na linangi ng manunulat ang kanyang interpersonal na kasanayan. Ang kahalagahan ng kabatiran kung sino ang susulatan, ang lawak ng kaalaman at pagkaunawa niya sa paksa, ang ibig nitong malaman, maging ang uri ng wikang gin agamit nito at antas ng kanyang pinag-aralan. 4. Wika- ang wika ang instrumentong ginagamit ng tao sa pagpapahayag, pasalita o pasulat, ng kanyang saloobin at isipan. Ang katatasan ng manunulat sa wika at lawak ng kanyang talasalitaan ay malaking pangangailangan. Ang kaangkupan ng istilo ng wika ay dapat mabatid na gagamitin sa lahat ng pagkakataon. 5. Kombensyon- ang pagsasaalang-alang ng manunulat sa mga kombesnyon sa pagsulat na tinatalima ng nakararami. Halimbawa, may sariling istilo at porma ng wika sa pagsulat ng isang anunsyo sa pagsulat ng isang memorandum gayundin ang pagsulat ng maikling kuwento na kaiba sa pagbabalita. 6. Mga kasanayan sa pag-iisip- dapat taglay ng isang manunulat ang iba’t ibang kasanayan sa pag-iisip; kasanayan sa pagtatangi ng mga bagay at pangyayari upang madesisyunan kung alin ang mahalaga o hindi; kaalaman sa lohika upang mapakita ang kabisaan ng kanyang makapangatwiran; kasanayan sa kawili-wiling paglalahad upang ipamalas ang kanyang mayamang imahinasyon at pagiging malikhain; kakayahan sa pagbibigay ng sariling pagpapasya. Ito ang nagpapatibay pagiging kompleks ng pagsulat sa proseso ng pag-iisip. 7. Kasanayan sa Pagbubuo- ang makabuo ng isang maayos, buo, at malinaw na talataan ay isang tungkulin ng manunulat. Nararapat na malinaw at lohikal ang pagkakaugnay
at/o pagkakasunod-sunod ng mga ideya na sumusuporta sa iba pang impormasyon sa talataan gamit ang mga angkop na mga pang-ugnay. 8. May sariling Sistema ng Pagpapahalaga- kailangang bigyang pagpapahalaga sa pagsulat ang pinanaligan ng manunulat. Nararapat na handa niyang panindigan niya ang mga ito. Binibigyang-pansin niya sa pagsulat ang mga sumusunod: ano ang mahalaga sa paksa ano ang maganda o mahusay na pagsulat ano ang angkop na paraan ng pakikipagtalastasan sa isang taong may edad kaysa sumusulat. sino ang awdyens o pinaglalaanan ng sulatin. 9. Mekaniks (pagsusulat, pagbaybay, pagbabantas, kombensyon sa pagsulat)- ang maayos na pagkakasulat ng sulatin ay kailangang isaaalang-alang at isaisip ng manunulat. Ito ay kawastuhan ng paggamit ng salitang gagamitin, pagbabaybay, pagbabantas, ang anyo ng teksto na gagamitin sa pagsulat. 10. Ang Proseso ng Pagsulat- ang proseso sa pagsulat ay kailanagn masunod ng manunulat: pagpili ng paksa; paglilikom ng mga ideya; paggawa ng draf o burador; pagrerebisa, pag-eedit, ibayong pagtingin at pagpapakinis sa buong manuskrito at paglalathala. Ang pagsulat ayon kay Tumangan at iba pa (2001) ay isang paraan ng pagpapahayag ng pag iisip, kaalaman at damdamin ng tao sa pamamagitan ng mga sagisag ng mga tunog ng salita. Ito rin ay tumutukoy sa kakayahan ng tao sa paraang palimbag upang maipahayag ang kanyang iniisip at nadarama. Ang pagsulat ay hindi lamang isang simpleng paraan ng
pagsasalin ng wika sa pasulat na simbolo ito ay isang proseso ng pag-iisip. Ito ay nangangailangan ng intelektwal na pagsisikap na dapat na mapanatili sa isang takdang panahon. Sapagkat ang kabisaan sa wika ay hindi sapat upang mapadali ang pagsulat bagkus dapat ang pangkognitibong kasanayan. Hedge (2002) Sa artikulo ni Keh (1990) ipinahayag niya na ang proseso ng dulog sa pagsulat ay nangangailangan ng mga maraming mga hakbang mula sa paglikha ng ideya, pagsulat, pagrerebisa at pagkuha ng feedback sa mga bumasa ng iyong sinulat at pagsulat muli. Lumikha siya ang isang hakbang sa pagsulat na hangi sa ganitong pananaw. Nababalangkas ang disenyong ito ng ganito. 1. Panimulang Pagsulat (Prewriting) Ang unang yugto na kung saan ang paplano ang magaaral ng kanyang isusulat bago sulatin ang burador. Dumaraan ito sa proseso ng: a. Pagpili ng paksa- ang pagpili ng paksa ay nakatuon sa interes at lawak ng kaalaman ng mag-aaral. Itatala ang mga paksa at mula rito ay pipili ng paksang susulatin. b. Pagpili ng anyo ng komposisyon- nakapokus sa kung anong uri ng sulatin ang gagawin kung ito ay sanaysay, anekdota, talambuhay, o maikling kuwento. Ito ang nagbibigay gabay sa pagsulat ng mag-aaral. c. Limitahan ang paksa- ang pagpili ng isang aspekto o bahagi ng isang paksang nais sulatin. d. Pangangalap ng mga impormasyon- ang pagsulat ng mga kaalamang alam na ang unang gagawin na susundan ng pangangalap ng karagdagang impormasyon sa mga sangguniang aklat, pahayagan, magasin, at iba pang mapagkukuhanan ng impormasyon. Gayundin ang panayam sa isang eksperto sa paksang sinasaliksik ay mainam na mapagkukunan ng impormasyon. Lahat ng mga nakalap na impormasyon ay kailangang itala.
e. Ayusin ang mga ideya- basahin at unawaing mabuti ang mga impormasyong nakalap at naitala. Dito makikita ang mga mahahalagang impormasyong magagamit at mga detalyeng walang kaugnayan sa paksa na dapat alisin. Ang pagsasaayos ng mga impormasyon ay papasok sa tuntunin ng pagbuo ng balangkas. f. Pagsulat ng burador (Writing)- ang unang pagsulat ang bigyang pansin. Hayaan lamang daloy ng ideya sa pagsusulat batay sa iyong balangkas. Ang mga maling baybay at bantas ay hayaan lamang sapagkat maari naman itong itama matapos basahin ang iyong unang burador. 2. Pagsulat na muli (Post writing) a. Rebisyon- ang pagwawasto ng komposisyon upang suriin ang diwa, ideya at salitang ginamit. Maaring itanong ang mga sumusunod: May pagkakaugnay ba ang mga ideya? Nakakapukaw ba ito ng interes? Angkop ba ang mga salita? Sa iyong burador markahan ang mga nais na palitan.Isulat ang mga salitang nais mong ipalit at isama. b. Proofreading- ang huling bahagi ng pagrerebisa upang iwasto ang mga bantas, balarila, at pagsulat ng malaking titik. c. Pagsulat muli- ito ang huling pagsulat upang ilagay ang lahat ng pagtatama sa paraang malinis at nababasa nang mabuti. Binigyang pansin ni Keh (1990) ang ganitong dulog ay positibo sa pagpapahusay ng nilalaman, organisasyon at wika. Karagdagan, ang dulog na ito ay nagdulot ng positibong pananaw mula sa mainipin at bigong pananaw sa pagsulat.
KONGKLUSYON Ang pagsulat ay isa sa pinakamahirap sa apat na makrong pangkasanayan kung kaya nangangailangan ito ng malawak at malalim na pag-iisip upang maging mabisa ang isang sulatin sa pagbibigay impormasyon at ideya. Nakahanay rito ang akademikong pagsulat na isa pinakamataas na uri ng pagsulat sapagkat dito nakapaloob ang iba’t ibang uri ng sulatin na naglalahad ng mga importanteng argumento tulad ng Abstrak, Sintesis, Bionote, Memorandum, Agenda, Panukalang Proyekto, Talumpati, Katitikan ng Pulong, Posisyong Papel, Replektibong Sanaysay, Pictorial Essay at Lakbay Sanysay. Sa pamamagitan ng mga kasanayan sa akademikong pagsulat na nailahad ay nalilinang nito ang mga sumusunod: a. Ang kakayahan sa mapanuring pagbasa at pagsulat tulad ng paggawa ng buod pagtatala, pagbabalangkas ng mga ideya at pag-oorganisa ng mga impormasyon sa isang mapanghikayat na sulatin, b. Ang hikayat ng pagtuklas ng kaalamang intelektwal, bagay na lubhang mahalagang bahagi ng pagkatuto, c. Ang pagpapahalaga sa paggalang sa katotohanan at ang paggalang sa likha at akda ng ibubunga ng kanilang pag-aaral at akademikong pagsisikap at d. Makilala ang mundo ng aklatan bilang balon ng impormasyon at datos at ang mundo bilang pangkahalatan bilang batis ng iba’t ibang kaalamang kailangang salain at suriin para sa akademikong pagsulat. Hindi lamang ang mga mag-aaral, guro, at ang mga nakapagtapos ang maaaring matuto ng akademikong pagsusulat kundi kahit sino, kahit hindi Pilipino ay maaaring matuto ng akademikong pagsulat. Dahil lahat tayo ay aplikado na matuto at kahit sino ay may kakayahang matuto. Ito ay mahalagang pag-aralan dahil makakatulong ito sa pagpapalawak ng kaalaman at paghasa ng kaisipan.
TALASANGGUNIAN Badayos, Paquito B. (2006). Worktext sa Komposisyn: Paglikha at Pagsulat III Quezon City: Vibal Publishing House.
Badayos, Paquito B. (2001). Retorika: Susi sa Masining na Pagpapahayag. Makati City. Grandwater Publications.
Lozano, Jennette J. (2002). Mga Gawain sa Paglinang ng Kasanayan sa Pagsulat para sa mga Mag-aaral sa Ikatlong Taon sa Mataas na Paaralan. Special Project.Philippine Normal University.
Tumangan, Alcomtizer. (1997). Sining ng Pakikipagtalastasan. Makati: Gradweyter Publishing.
www. yahoo.com.
www.google/seacrh.com.