Maging Tunay na Marunong Ang pagiging marunong at pagkakaroon ng maraming alam, tungkol sa mga katotohanan ng buhay, ay hindi mapatutunayan sa pamamagitan ng pagiging pormal at laging seryoso. Ang taong laging solemne at nag-aanyong kagalang-galang ay walang dudang nagkukunwari at natatakot na matuklasan ng iba ang kanyang katotohanan. Ang temperamente ng tao ay hindi bumabago sa kanyang karunungan. Ang pagiging malambing, mahigpit, pino, prangka, mabait at iba pang tulad nito ay walang diretsahang kinalaman dito. Ang mga katangiang ito ay maaaring likas na sa isang tao, anuman ang kalagayan ng kanyang intelekto. Ganun pa man, hindi isinasaisantabi ang katotohanan na naaapektuhan ng pagtingin sa sarili ang ugali ng isang tao. Maaaring maging mayabang ang tao dahil sa pag-aakala niyang marami siyang alam, kahit na sa simula ay simple lang siya dahil sa pagkaunawang siya ay mangmang. Ito ay hindi epekto ng pagdami ng nalalalaman, kundi bunga ng maling pagtingin sa sarili. Sa gayun, ang taong yumayabang habang dumarami ang kaalaman ay masasabing “nagiging tanga habang nag-aaral”. Ang ganitong mga tao ay mapaghanap ng respeto sa iba, kahit na hindi nila ito pinaghirapan. Hindi nila kayang tumanggap ng kapintasan o sumakay man sa mga biro. Madalang silang ngumiti o tumawa, maliban sa harap ng mga itinuturing nilang kapantay nila; at kung gawin man nila ito sa harapan ng ibang tao, ito ay may kasamang pagmamalaki. Pinasisinungalingan nila ang sinasabi ng iba para palabasing sila ay mas marunong. Ang tunay na karunungan at ang katotohanan ay laging magkasama. Walang sinumang mapagkunwari ang maaaring maging marunong, at walang sinumang marunong ang maaaring magkunwari. Sapagkat sino ba ang binibigyan kundi ang nagsasabing siya’y wala; at sino ang inaalisan kundi ang nagsasabing siya ay sagana! Mahirap para sa tao na kumbinsihin ang kanyang sarili tungkol sa kanyang kamangmangan, pero ang pagmamahal ng Diyos ay tulad ng sa isang ama. Kung gusto ko, o kailangan kong matutong lumangoy pero natatakot akong sumubok, hihintayin na lang ba ng aking ama na mawala ang aking takot, kahit na abutin na ito ng aking pagtanda? Alam ng Diyos ang kapasidad ng tao, at itinutulak niya ito ayon sa kanyang kakayanan. Kung itulak ka ng iyong ama sa tubig, at panoorin ka habang hirap na hirap ka sa pakikipagbuno para sa iyong buhay, magagalit ka ba sa kanya? Maaari! Maaaring magtampo ka o magalit, pero kung pagkatapos ng paulit-ulit niyang paggawa nito sa iyo ay natuto kang lumangoy, at maging isa sa mga pinakamagaling na manlalangoy, hindi mo ba siya pasasalamatan? Ganyan din ang Diyos kapag gusto Niya tayong bigyan ng karunungan. Itutulak Niya tayo sa mga sitwasyon kung saan makikilala natin ang ating kawalang kakayahan. Sa mga panahong iyon, makikita natin ang ating sarili na parang isang batang nalulunod, na pilit humahabol sa hangin sa ibabaw ng tubig, at naghahanap ng tulong. Kapag halos mapuputol na ang ating hininga, dun pa lang natin matatanggap kung gaano tayo kahina at walang kaya. Sa pagkakataong iyon, wala tayong ibang pagpipilian kundi aminin ang ating kawalan at tawagin ang Diyos para tayo ay tulungan. Mas marami ang luhang ibubuhos ng taong mas namulat sa kanyang ginawang pagmamalaki noong una; pero ang dami ng luhang ito ang nagpapatunay na dininig ng Diyos ang kanyang pagtawag, at siya ay nilapitan. Ang pakikipagkasundo sa Diyos sa ganitong pagkakataon ay kalugod-lugod sa Kanya at nagiging kapaki-pakinabang kung
ang tao ay mananatiling tapat, sa kabila ng mga kahinaan. Dito itinuturo ng Diyos ang tungkol sa karunungan, pero simula pa lang ito ng pag-aaral. Maraming tubig pa ang malulunok natin, at marami pang hangin ang hindi natin mahihinga, bago natin marating ang katapusan ng pagsasanay. Nakakatakot ang Diyos. Hindi Niya hahayaang humarap sa Kanya ang sinumang hindi dalisay. Ang haba ng panahon ng paglilinis ay depende sa haba ng panahon ng pagdudumi. Ang pagdudumi ay hindi lang ang aktibong paggawa ng masama, kundi ang hindi pagkilala sa katotohanan. Ang hirap ng pagdalisay ay nakadepende sa tindi ng kapit ng dumi. Ngayon na ang panahon ng paglilinis, dahil ang pakikipagbuno sa Diyos ay tulad ng pagsikad sa tulis. Bakit mo pa dudumihan ng husto ang sarili bago ka maligo? Maglulublob ka ba sa dumi ng baboy para lang masabing hindi nasayang ang iyong paglilinis? Hihintayin mo pa bang maging sakit ang amoy sa iyong katawan bago mo ito agapan? Ang paglilinis ay daraanan bago marating ang karunungan, at sa pamamagitan lang ng karunungan mauunawaan ang katotohanan. Matakot ka sa anumang uri ng pagkukunwari dahil ito ang dudungis sa iyo. Naranasan mo bang magkaroon ng malaking sugat noong bata ka pa? Kapag linalanggas ang sugat, at hindi makayanan ng bata ang sakit, labis ang kanyang pag-iyak na halos hinahabol na ang kaniyang hininga. Kung ang sugat mo ay lumala at mangailangan ng matagalang paglilinis, at sa sobrang hirap at sakit ay hindi mo na mahabol ang iyong hininga…? Ang katarungan ng Diyos ay mapagpagaling na pagdalisay…ngunit maaari ding makamatay. Kilalanin mo ang iyong Diyos at ang iyong sarili. Hindi ka marunong kaya huwag mong ipilit na alam mo na ang kailangan mong malaman. Mag-aral ka sa Diyos, at maging handa sa pagkilala sa iyong kamangmangan. Walang taong marunong sa harap ng Diyos, pero itataas ka Niya pag kinilala mo ang iyong kalagayan. Mag-ingat ka sa mga pagkakatiwalaan mo: ang karunungan ay wala sa mga taong nag-aanyong marunong, kundi sa mga taong may takot sa Panginoon.