Limit As Yon Ng Kalayaan

  • November 2019
  • PDF

This document was uploaded by user and they confirmed that they have the permission to share it. If you are author or own the copyright of this book, please report to us by using this DMCA report form. Report DMCA


Overview

Download & View Limit As Yon Ng Kalayaan as PDF for free.

More details

  • Words: 1,455
  • Pages: 4
Limitasyon ng Kalayaan Paano matatawag na kalayaan ang ibinigay sa tao kung ito ay may limitasyon? Malaya bang maituturing ang una nating mga magulang gayong hindi nila pwedeng kainin ang bunga ng punong nasa gitna ng Halamanan? Bago ang tungkol sa limitasyon, naitanong na ba natin sa ating sarili kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng kalayaan? Ang tao ay matatawag na malaya kung nagagawa niyang mag-isip, magsalita o kumilos nang hindi naiimpluwensyahan ng anumang pwersa mula sa loob (e.g. damdamin, kayabangan, paghahanap ng kalayawan, takot) o sa labas ng kaniyang sarili (pamimilit, udyok ng ibang tao), maliban sa buong katapatan niyang pinaniniwalaan bilang tama at mabuti. Malungkot man isipin, pero lahat ng tao ay nakatali sa iba’t-ibang uri ng kamalian ng pananaw at pagpapasya; sa madaling salita, lahat ay nasa kolonya ng kahinaang pantao. Ganun pa man, maituturing pa ring malaya ang mga taong buong puso at katapatang naghanap sa katotohanan, at nagsabuhay nito nang ito ay matagpuan. Sa bahaging ito ay may magtatanong: ano ba ang katotohanan at paano ito masusumpungan? Hanggang ngayon ay hindi pa nagkakaisa ang lahat ng tao tungkol sa iisang katotohanan. Oo, iisa lang ang katotohanan—kung paanong isa lang ang tamang sagot sa 1+1—at lahat ng hindi umaayon dito ay kasinugalingan. Pero sa usapin ng pagiging malaya, hinihingi ng lohika at katwiran na maging ang mga taong hindi nakatuklas ng katotohanan, sa kabuuan nito, ngunit nakarating sa ilang bahagi nito dahil sa sinceridad at katapatan sa sarili ay maituring ding malaya sa ibang antas nito. Kung si Jesus, isang taong tanyag sa loob at labas ng mundo ng Kristiyanismo, ang tatanungin kung ano ang katotohanan, hindi Niya rin ito sasagutin sa paraang maiintindihan ng nagtatanong dahil hindi ito isang kaalamang tribyal na maaaring pag-aralan sa eskwelahan o kaya ay pagkwentuhan. Ang katotohanan ay bahagi ng buhay ng mga taong lumalakad dito, at bagamat alam nila kung ano ito, hindi rin nila ito kayang sabihin sa pamamagitan ng salita. Hindi mo kailanman mailalarawan sa salita o sa guhit man ang eksaktong katangian ng isang rosas, ngunit kung kilala mo ang bulaklak na ito, magagawa mong ipakita ito sa iba upang maranasan din nila ang kagandahan nito. Ganito rin ang katotohanan; mararanasan mo ito pero hindi mo maituturo sa iba na parang isang leksyon sa paaralan. Sa istriktong pananalita, ang nag-iisang katotohanang ito lamang ang makapagpapalaya sa tao. Sa mas mababang

pamantayan, sapat na ang mahigpit na pagsunod sa mga itinakdang matuwid na batas ng gobyerno, at ang pag-ayon sa dikta ng konsensya para matawag ang isang tao bilang malaya. Ngunit hindi dapat ipagwalang-bahala na ang tinutukoy ay ang konsensyang hinubog sa disiplina, kalinisan at pagpipigil sa sarili. Hanggang saan ang limitasyon ng kalayaan? Para sa mga taong naghahanap ng katotohanan, ang limitasyon ng sariling kalayaan ay ang konsiderasyon sa karapatan ng kapwa, at ang kabutihan ng lahat. Alam nilang hindi sila dapat pumatay dahil, tulad nila, ang lahat ng tao ay may karapatang mabuhay; alam nilang hindi sila dapat magsinungaling dahil karapatan ng kapwa nila na malaman ang katotohanan; alam nilang hindi sila dapat magnakaw, dahil karapatan ng bawat indibidwal na mag-angkin ng anumang pinagtrabahuhan niya, o kaya’y minana sa likas na karapatan; alam nilang hindi sila dapat magsamantala dahil may karapatan ang lahat na mamuhay ng malaya mula sa takot at anumang uri ng pamimilit. Sa kabilang banda, higit dito ang kalagayan ng mga taong nakatagpo na ng katotohanan (dito, ang salitang “nakatagpo ng katotohanan” ay nangangahulugang namumuhay ng matuwid ayon sa katotohanan). Hindi sila ang nagtatakda ng limitasyon sa sariling kalayaan; kilala nila ang likas na limitasyon ng kalayaan, at bahagi na ito ng kanilang sarili. Para sa kanila, ang limitasyon ng kalayaan ay ang pagmamahal sa kapwa, at sa Diyos na nagbigay ng dignidad sa lahat ng bagay, lalo na sa tao. Anumang paglabag sa karapatan ng iba ay kasuklam-suklam sa kanilang paningin; at hindi ito bunga ng pagiging moralista, “pariseo” o “eskriba”, kundi bunga ng tunay na pag-ibig—pag-ibig na hindi ipinilit, kundi pag-ibig na naranasan at ibinabahagi sa iba. Para sa mga taong ito, ang sa paningin natin ay limitasyon ng kanilang kalayaan ay nakikita nila bilang rurok nito. Kung mauunawaan natin ang tunay nilang nararanasan, masasabi nating sila ang mga taong walang limitasyon; at tayo, sa kabilang banda, ang mga alipin. Ang pagiging malaya at pagiging masaya ay bokasyon ng bawat tao. Ang namatay na nakatali sa kalungkutan ay hindi nakaranas maging tunay na tao sa buong buhay niya, dahil minsan mong matagpuan ang tunay na kahulugan ng pagiging tao,

hindi mo na ito hihiwalayan, at ito ang magdadala sa’yo ng kasiyahan hanggang sa kamatayan. Paano ang mga bilanggo? Paano ang mga alipin ng ibang tao? Mamamatay na lang ba silang bilanggo at alipin hanggang kamatayan? Para sa mga hindi naniniwala sa hustisya, ang sagot ay “Oo”. Pero naniniwala ako sa hustisya, kaya kabaligtaran ang sagot ko. Kung sinabi ko nung una na bokasyon ng lahat ng tao ang pagiging malaya at masaya, tama bang sabihin ko ngayon na ang mga alipin at bilanggo ay mananatili sa kanilang kalagayan habang buhay? Natural, hindi! Ang gustong lumaya ay makalalaya, at ang gustong magapos ay magagapos. Para sa iba, ang ganitong kaisipan ay mahirap unaawain, pero para sa mga taong naghahanap ng tunay na kalayaan, ng tunay na kaligayahan, at ng mapagpalayang katotohanan, ito ay bahagi na ng pang-araw-araw na buhay. Ang mga “tunay” na bagay ay laging nagsisimula sa loob, tulad ng kagandahan, kabutihan, kapayapaan at maging kalayaan. Bakit “tunay”? May mga bagay ba na hindi tunay? Dahil ang mga bagay na panlabas, sa pinakamabuti, ay ekstensyon lamang (o anino) ng mga bagay na panloob; sa pinakamasama ay mga ilusyon lamang. Ang isang magandang babae na may busilak na kalooban ay tulad ng madingas na ilawan na nagkakalat ng liwanag at kasiyahan sa mga nakapaligid sa kanya, samantalang ang isang babae na maganda lamang ang itsura pero masama ang ugali ay tulad ng palara na may magandang liwanag sa malayo; pag nilapitan na ay malalaman mong hindi sa kanya ang liwanag na ipinagmamalaki kundi hiram lamang sa iba—wala siyang tunay na kagandahan. Ang kabutihang panlabas tulad ng sa mga hipokrito ay ilusyon lamang dahil walang itong tunay na halaga. At yayamang ilusyon lang ang kanilang ibinibigay, ilusyon lang din ang tatanggapin nilang mga papuri, dahil ang mga taong nagsisigaw ng kanilang pangalan ay mga bulag. Anong silbi ng iyong pagpapakitang-tao kung ang nakukumbinsi mo lang ay mga bulag din tulad mo? Kayo-kayo ay naglolokohan! Ang pagiging mabuti, matulungin at magalang ay dapat na nagmumula sa pagkakilala sa sarili at sa dignidad ng ibang tao. Ang tunay na konsiderasyon, sa kabilang banda, ay nagmumula sa dikta ng

konsensya. Maliban sa dalawang ito, ang lahat ay ilusyon lamang na dulot ng kayabangan, takot at ng iba pang mga dahilan. Malibang nagmula sa loob ang kapayapaang nararanasan ng tao, ito ay mananatili ring ilusyon. Ang tunay na kapayapaan ay nag-uumpisa sa serenidad o katahimikan ng isip at hindi sa kawalan ng mga krimen o mga gyera. Alin ang posible, ang magkaroon ka ng kapayapaan sa gitna ng mga kaguluhan o gumawa ka ng gulo kung mayroon ka nang kapayapaan? Marami na ang nagpatunay na nakaranas ng kapayapaan sa kabila ng mga digmaan, sa kabila ng mga pag-uusig, at maging sa harap ng kamatayan. Sa kabilang banda, walang kasong napatunayan na ang isang taong may tunay na kapayapaan sa sarili ay bigla na lamang nanggulo, pumatay o gumawa ng anumang masama laban sa kanyang kapwa. Ito ay sa kadahilanang ang tunay na kapayapaan ay hindi naaapektuhan ng mga panlabas na pangyayari, sa halip, ang kapayapaang nagmumula sa loob ang kusang nagdadala ng kapayapaan sa mga nakapaligid sa kanya. Ang mga ito ay tatlo lamang halimbawa ng mga bagay na nagpapatunay na ang tunay na mabubuting bagay, kasama na ang kalayaan, ay nagmumula sa loob at hindi naaapektuhan ng mga bagay sa labas. Dahil dito, makikita na natin ang sagot sa salungatan ng mga katotohanang “ang pagiging malaya ay bokasyon ng lahat ng tao” at ang posibilidad na ang isang alipin ay mananatiling tagapaglingkod ng kanyang panginoon (amo) habang siya ay nabubuhay. Paano? Dahil sa maikling pagsusuring ito, lumalabas na ang alipin—sa likas na estado—ay maaari pa rin maging malaya sa pamamagitan ng kanyang isip at puso, dahil ang tunay na kalayaan ay nasa loob, at hindi kailanman maaagaw ng kanyang panlabas na kalagayan. Ang konklusyon, dalawang uri lang ng tao ang maaring maging malaya: ang naghahanap ng katotohanan, at ang nakatagpo na nito. Ang limitasyon? Para sa mga naghahanap ng katotohanan, ang limitasyon ay ang konsiderasyon sa karapatan ng ibang tao; para sa mga nakatagpo na ng katotohanan, walang limitasyon ang kalayaan dahil ang pag-ibig sa kapwa ay hindi nila itinuturing na limitasyon kundi rurok ng kanilang pagiging malaya.

Related Documents

Limit As Yon Ng Kalayaan
November 2019 10
Yon As
June 2020 6
Adapt As Yon Ve Evrim
November 2019 50
Limit
November 2019 24
Limit
December 2019 26