Kaninong Batas? Ginagawa natin ang lahat ng maisipan nating makakapagbigay ng lugod sa ating isip, katawan at kaluluwa. May mga taong mahilig magbasa ng mga libro at mga artikulo na makapagdadagdag ng kanilang kaalaman. Ang iba naman ay tumutuklas ng mga bagong kaalaman, tulad ng mga arkeologo. Ang mga gawaing ito ay bumubusog sa pangangailangan ng isip, at nagdadala sa sangkatauhan sa mas maunlad na sibilisasyon. Ang mga ito ay kapakipakinabang. Mayroong mga mahilig sa “adventure” tulad ng pagakyat sa mga bundok at pagtigil sa mga lugar na hindi kadalasang pinupuntahan ng mga pangkaraniwang tao. Ang mga gawaing ito ay nagbibigay kapahingahan sa isip at katawan. May mga taong gumugugol ng mahabang oras para danasin ang presensya at gawain ng Diyos sa kanilang buhay, maging sa pamamagitan man ng pagdarasal, pakikihalubilo sa mga kapatid sa pananampalataya, o madalas na pagbabasa ng Bibliya o ng mga espiritwal na kasulatan. Binubusog nito ang kaluluwa, at binibigyang kapahingahan ang isip, at sa ibang pagkakataon, kasama ang katawan. May mga gawain na sadyang kapaki-pakinabang sa kanilang sariling kakanyahan; ang iba naman ay walang masyadong pakinabang pero hindi naman masama. Pero may mga gawain o akto na sadyang masama sa kanilang sarili. Sinasabi ng marami na alam ng tao ang mabuti at masama sa mga ginagawa niya, dahil mayroon siyang sariling isip. Oo, alam natin na masamang pumatay, masamang magnakaw, masamang makiapid, masamang tumestigo sa hindi totoo. Ang unang tanong: kung alam “nating” masama ang mga gawaing ito, nangangahulugan bang alam din ito ng lahat ng tao dahil lang sa katotohanang may sarili silang isip? Marami na akong nakasalamuhang iba’t-ibang uri ng tao, at hindi ako magdadalawang-isip na sabihing napakaraming tao ang hindi kumbinsido sa sinasabi nating “masama”. Totoong may sarili silang isip, at doon sa isip na yun nakatira ang prinsipyong nagsasabi na hindi masama ang mga bagay na pinaniniwalaan natin bilang masama. Pangalawang tanong: talaga bang kumbinsido tayong masama ang mga bagay na ito? Masama ba talagang pumatay? O dahil ayaw lang nating gawin ito sa atin, at dahil rin wala pa tayong dahilan para gawin yun sa iba? Talaga bang naniniwala tayong masamang magnakaw? O dahil ayaw lang natin na nakawan tayo, at dahil rin mayroon pa tayong nakakain? Masama ba talagang makiapid? O hindi pa lang natin kayang sumalungat sa pamantayang moral ng ginagalawan nating lipunan? Pero kung papayagan ng kultura natin ang pre-marital sex, hindi ba natin ito gagawin? Kung hindi na masama sa paningin ng mga nakapaligid sa atin ang abortion, hindi ba natin gagawin yun kung hinihingi ng pagkakataon? Kung walang parusa sa pangri-rape, talaga kayang hindi natin maiisip gawin yun? Kung bigyan ng karapatan ng batas na patayin ng isang tao ang sinumang umargabyado sa kanya, hindi kaya natin ito sasamantalahin? Madali tayong sumagot ng ayon sa pamantayan ng kultura natin dahil iyon na ang nakasanayan natin, at wala tayong lakas ng loob para sumalungat, pero kung susuriing mabuti, at kung ilalagay natin ang ating sarili sa iba’t-ibang sitwasyon, makikita natin na hindi talaga tayo kumbinsido sa ipinagtatanggol nating mga paniniwala. Mas madalas, nagpapaka-hipokrito tayo dahil sa takot sa sasabihin ng ibang tao. Sa ibang pagkakataon naman ay nagkukunwari tayong matapang na handang sumalungat sa
pinaniniwalaan ng iba, pero ang totoo ay umaayon naman talaga tayo sa mga sinasabi nila. Pag may natutunan tayong mga bagong bagay na umaayon sa mga ideya natin, yun ang pinanghahawakan natin, at binabale-wala ang mga pagpapatunay ng kamalian ng natutunan natin. May mga nagsasabing open-minded sila kaya hindi sila naiiskandalo sa mga social issue tulad ng homosexuality, bisexuality, same-sex marriage, divorce; pero ang totoo, mapapatunayang guilty sila (sa sarili nilang bibig) sa mga ginagawa nila kapag kinondina nila ang isa sa mga gawaing ito at iba pang tulad nito, kaya sinasabi na lang nila na bukas ang kanilang isip. Hindi nauunawaan ng sinuman sa kanila na ang pag-ayon sa isang paniniwala, lalo na kung ito ay nagbibigay ng panlabas na kaluguran lamang, nang walang kritikal na pagsusuri ay tanda ng pagiging sarado ng isip o “one-sided”. Pinaniniwalaan lang nila at ipinagtatanggol ang sa tingin nila ay may pakinabang, at ang mga pagsalungat sa mga ito ay itinuturing nilang masama, sa halip na bilang pagtatama o pagtatanggol sa kanila. Ang pinakamahalagang tanong: kaninong batas ba ang dapat nating sundin para mapabuti tayo. Sasabihin ng mga banal, ng mga relihiyoso, at maging ng mga hipokritong moralista at pangkaraniwang tao na Batas ng Diyos ang dapat sundin. Sasabihin naman ng Estado at ng mga legalistiko na ang Batas ng Bansa ang dapat sundin. May mga magsasabi ng “depende”, dahil may sarili naman tayong isip para malaman kung ano ang makakabuti at makakasama sa atin. At maraming mapagkunwari ang magsasabing dapat sundin ang Batas ng Diyos at ang Batas ng Bansa, pero hindi naman talaga ganun ang ginagawa nila. Bakit pa natin kailangang magpaka-hipokrito!? Kung sa tingin mo ay ang Batas ng Diyos ang dapat mong sundin, mabuti! Gawin mo ang ipinagagawa ng Diyos nang walang kataksilan o pagdadalawang-puso. Kung sa tingin mo ay ang Batas ng Bansa ang dapat mong sundin, mabuti! Gawin mo ang ipinagagawa ng Estado, at supilin ang sarili ayon sa limitasyong ibinibigay ng Batas. Kung sa tingin mo ay hindi dapat sundin ang lahat ng nasa Batas ng Diyos at lahat ng nasa Batas ng Bansa, kundi ang mga umaayon lang sa pamantayan mo, mabuti (pero hindi para sa’yo)! Gawin mo ang anumang magbibigay-lugod sa’yo, pero wala kang karapatan na sabihing masama ang ginagawa ng iba, lalo na kung ito ay ginawa nila sa’yo, dahil ang pamantayan nila ay katulad din ng sa iyo. Kung patayin ka man nila, masama lang iyon sa paningin mo, pero hindi sa kanila dahil hindi naman sa kanila yun ginawa, kundi sila ang gumawa sa iyo. Kapag ginawa mo sa iba ang sa tingin nila ay masama, pero makakapagpasaya sa iyo, wala kang dahilan para isiping masama ang ginawa nila sa’yo kung magbibigay naman iyon ng kasiyahan sa kanila. Para sa mga taong walang pamantayan kundi ang kanilang sarili, ang lahat ng nasa ayos ay kumplikado at masyadong madetalye; pero sa paningin ng mga marunong na hindi nagmamarunong tulad nila, ang mga nabanggit na uri ng tao ang dahilan ng lahat ng kumplikasyon sa pag-iral ng mga bagay. Madaling unaawain ang mga bagay na orihinal tulad ng tunay na sensya; ang maling modernismo ang nagpapahirap sa buhay ng lahat.
Ang orihinal na batas ang nagpapasya kung ano ang mabuti, at ito ang dapat sundin ng mga gustong mapabuti. *Orihinal na Batas: ang basehan ng lahat ng mabubuting batas. Ito ang kalikasan, at tunay na layunin, ng bawat bagay.