Hiya: Bisyo o Birtud Ang salitang maaaring simple lamang na unawain, ngunit kung susuriin ng mabuti , ang konsepto ng hiya ay maaaring maging komplikadong intindihin. Ang hiya ay salitang may kaugnayan sa ating kilos at damdamin. Bilang may kaugnayan sa kilos at damdamin, nagagamit natin ito ng may patutunguhan. Ngunit ang patutunguhan ng ating hiya ay base sa kung anong magpapaligaya sa atin. Ang hiya nga ba ay bisyo o birtud? “Tanda ng masamang gawain ang kalabisan at pagkukulang, habang tanda ng kabutihan ang gitna.” Base sa Aristotelyanismo, may dalawang bisyo, ang kalabisan at kakulangan. Ibig sabihin, ang labis at kulang na kilos o damdamin natin ay nagdudulot ng masama. Kung kaya’t, ang hiya bilang labis ay maaaring tumutukoy sa napahiya o nangangatong sa takot na tao, na kung saan lumabis ito mula sa hinihingi ng damdamin at kilos. Ang hiya bilang kulang naman, ay maaaring tumukoy sa taong nagkukulang sa hiya o walang-wala nito. Bakit nga ba tayo lumalabis at kumukulang sa kilos at damdamin natin? Ito ay dahil hindi natin minsan nalalaman kung paano nga ba kumilos ng katamtaman lamang. Totoong sa lahat ng bagay na ginagawa natin ay may kinahahantungan o ninanais na kahantungan. At minsan ay nahihirapan tayong tukuyin kung ano nga ba ang ninanais natin sa buhay kaugnay sa ating kilos at damdamin. Ayon kay Aristoteles, kaligayahan ang talagang nais ng isang tao. Ngunit, tayong mga tao bilang magkakaiba sa karakter, ay maaaring magkakaiba rin sa mga bagay na nagpapaligaya sa atin, dahil ang kaligayan natin ay base sa ating kanya kanyang dahilan, at ang dahilan na ito ay basehan ng mabuti at masama. Ngunit ang kaligayahan natin ay natatagpuan lamang sa pagsasagawa ng maayos na buhay. Paano o saan nga ba natin matatagpuan ang kaligayahan na nais patunguhan ng kilos at damdamin ng ating hiya? Ayon sa Aristoteliyanismo, mahahanap natin ang tunay na kaligayahan sa pamamagitan paghahagilap sa gitnang sukat ng ating kilos o damdamin. Itong gitnang sukat na ito ay binibigyang -kahulugan ng makatwirang pamantayan na ginagamit ng taong may karunungang praktikal. Ibig sabihin ay makakamit natin ang kaligayahan sa pagtukoy at pagsasagawa ng birtud sa gitna ng dalawang bisyong labis at kulang. Kung kaya’t ang hiya base sa Aristoteliyanismo ay birtud, at ang birtud na ito ay ang pagpapakumbaba. Ang pagiging mapagkumbaba ay nakakamit sa pamamagitan ng pagkilos ng katamtaman lamang. Kasalungat ito sa dalawang bisyong pumapagitan sa pagpapakumbaba na “napahiya o nangangatong sa takot na tao” at “taong nagkukulang sa hiya o walang-wala nito”. Ngunit hindi sapat na mayroon tayong karunungang intelektwal sa pagtukoy ng mabuting Gawain sa partikyular na sitwasyon, kailangang mayroon din tayong karunungang praktikal, upang malaman kung paano ito isagawa. Maraming paraan ang masasama, ngunit iisa lamang sa mabuti na naisasakatuparan sa pamamagitan ng katamtamang kilos at damdamin, na tumutungo sa tunay na kaligayahan. Kung kaya’t ang hiya ay birtud.