Saint Pedro Poveda College Grade School Department HEKASI 5 Handout bilang 11
Ang Pagiging Martir nina GOMBURZA Maraming Pilipino ang nakapag-aral ng pagpapari, nagkaroon noon ng dalawang klase ng pari sa PIlipinas. May mga tinatawag na paring regular at paring sekular. Mga paring sekular ang tawag sa mga Pilipinong pari na hindi kasali sa mga grupo katulad ng Dominicano, Agustino, Heswita at iba pang orden. Paring regular naman ang tawag sa mga paring Espanyol na kasama sa mga pangkat na nabanggit. Napansin ng mga paring sekular ang hindi pantay na pagtrato sa kanila. Inalis ang mga paring sekular sa kanilang tungkulin sa simbahan at mga paring Espanyol ang ipinalit sa kanila. Dito nagsimula ang Kilusang Sekularisasyon. Gusto ng kilusan na ibalik sa mga paring sekular ang tungkulin sa simbahan. Gusto din nilang maging pantay-pantay ang karapatan ng mga paring sekular at paring regular. Kasama sa mga namuno ng Kilusang Sekularisasyon sina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos at Padre Jacinto Zamora. Nagalit sa tatlong pari ang mga Espanyol. Napagbintangan ang tatlong pari na sila ay nagsimula ng isang pag-aalsa sa Cavite. Dahil dito, hinatulan sila ng kamatayan sa pamamagitan ng garote. Nagkaroon ng hindi patas na paglilitis upang tuluyang mabitay ang GOMBURZA. Noong Pebrero 17, 1872 ay binitay ang tatalong pari sa Bagumbayan. Ito ay nagpaalala sa galit ng mga Pilipino sa mga Espanyol. Naramdaman ng mga Pilipino na kailangan nilang ipaglaban ang kanilang bayan mula sa pang-aabuso at kasamaan ng mga Espanyol.
Padre Mariano Gomez
Padre Jose Burgos
Padre Jacinto Zamora
Mga Sanggunian: Lakbay ng Lahing Pilipino 5 Lahi 5 Dakilang Lahi 5 Pilipinas 5