GEHENNA Sa dinami-rami ng mga bungong nag-uumpugan Ay may nakalatay na marka ng ahas sa kaniyang noo Hiniwa niya ito ng espada At itinapon ang balat sa ilog… Pinagpiyestahan ito ng mga patay Sabay-sabay silang nag-rigor mortiz Sumayaw sa tugtog ng “Macarena” At kumanta ng “Hawak Kamay” Nagyosi sila at saka tumungga Ng markang demonyo at pulang kabayo Sabay lamon sa “cholesterol” ng baboy At pinapak ang mga utak ng mga buto Niyanig ng mga ungol ng kasiyahan ang palasyo Sapagkat nanalaytay ang libido sa kanilang mga dugo Mabilis ang takbo hanggang sa sumabog At ipinanganak na “caesarian” ang kasalanan Wala na silang magawang masaya pa Kaya naisipan nilang lumabas at pumunta ng mall Nakita nila ang mga bolo ng KKK at inagaw ito Sakto namang tumugtog ang “Macarena” sa N93 ni Inday At sumayaw ang mga nag-uumpugang bungo Nagdarasal sa pagdanak ng dugo Chop-chop ladies, stauros crucifixion, genocide, World War XXXIV At walang katapusang artwork ng dugo sa high-way Hanggang sa… Tumahimik ang lahat at napatigil, May batang anghel na pumasok sa eksena Anim na puting pakpak ang bumuhat sa kaniya paitaas At sa malakas at nakabibinging tinig, Ay sinabi niya: “SERVATIS A PERICULUM, SERVATIS A MALEFICUM…” Sabay-sabay na nagsiluhuran ang mga bungo, At kanilang ibinulong: “ILIGTAS MO NAWA KAMI SA KAPAHAMAKAN, ILIGTAS MO NAWA KAMI SA KASAMAAN…” At biglang nagsara ang palabas sa publiko!